Chereads / Whirlwind Marriage (Tagalog) / Chapter 105 - Nakalipat Na Ako Dito, May Magagawa Ka Pa Ba?

Chapter 105 - Nakalipat Na Ako Dito, May Magagawa Ka Pa Ba?

Ngumiti ito sa kanya habang naglalakad palapit sa kinaroroonan niya.

"Miss Lin," kapag mas lalo itong ngumingiti ay mas lalo lang nasusuka si Lin Che.

Hindi niya talaga maintindihan ang ugali ng Mo Huiling na ito minsan.

"Miss Mo, nandito ka ba para hanapin si Gu Jingze? Pumasok ka."

Ngumiti si Mo Huiling sa kanya. "Hindi. Nakabili ako ng bahay malapit lang dito at kalilipat ko lang ngayon. Kaya gusto ko lang sanang mag-hi sa mga kapitbahay ko."

Napatigil si Lin Che.

Bumili ito ng bahay doon?

Ibig sabihin ay mas madalas na niya itong makikita simula ngayon?

Nadismaya si Lin Che. Parang gusto niyang sabihin dito na para itong isang anino na laging nakasunod sa kanila.

Itinuro ni Mo Huiling ang isang bahay mula sa di-kalayuan at sinabi, "Iyan ang bago kong bahay. Pwede kang pumunta't bumisita doon kapag may free time ka."

Sinundan ni Lin Che ng tingin ang direksiyon na iyon; sakto lang ang laki ng villa na iyon pero mas malaki pa rin ang mansiyon ni Gu Jingze.

Kung sabagay, naiiba naman kasi talaga ang bahay ni Gu Jingze. Sobrang laki at lawak nito dahilan para magmukhang maliit ang mga kabahayan na nasa malapit.

Malakking bahay sana ang gustong bilhin ni Mo Huiling pero nagmamadali na kasi siyang makalipat at sa lahat ng kanyang mapapagpilian ay ito ang pinakamalapit sa bahay ni Gu Jingze.

Halos sakop na ang buong lugar na iyon ng bahay ni Gu Jingze. Mula pa sa French ang architect na kanyang kinuha para magdisenyo. Napakaganda ng bahay na iyon, napaka-komportable, napakalaki, at elegante. Para itong isang palasyo, pero hindi rin biro ang halaga ng perang ginastos niya para mapatayo ito.

At aminado si Mo Huiling na hindi niya kayang makabili ng ganoon kalaking bahay, kaya okay na sa kanya ang ganitong villa na nakuha niya.

Nagmamalaki ang boses ni Mo Huiling, "Nakakapanghinayang nga kasi wala ng ibang mas malaki pa doon. Hindi na kasi makapaghintay si Jingze na makalipat ako malapit sa kanya, kaya sa ngayon ay magtitiis nalang muna ako sa isang maliit na villa. Nasa 4 million lang naman ang ibinayad ko doon pero okay na din naman iyon para sa amin ni Gu Jingze. Kung sabagay, mas masarap pa nga siguro sa pakiramdam kung mas maliit ang nakuha ko, hindi ba? Pakiramdam ko kasi ay nakakaasiwa sa magkasintahan kapag palaging may dumadaang mga katulong; kaya hindi ako madalas magpunta dito. Alam mo naman na siguro iyan, di ba, Lin Che? Tiyak na hindi masaya ang pagsasama ninyo dito dahil maraming katulong ang kasama ninyo."

Hindi naman pinansin ni Lin Che ang pagmamalaking iyon ni Mo Huiling. Ngumiti lang siya dito bago sumagot, "Okay lang naman sa'kin. Hindi naman istorbo sa amin ang mga katullong dito kagaya ng iniisip mo. Alam na nila ang dapat nilang gawin kaya hindi na sila kailangan pang pagsabihan para lang hindi kami maistorbo. Lumalabas lang sila kapag may kailangan silang gawin dito sa bahay."

"Oh talaga? Hindi ko alam iyan. Kapag magkasama kami dito ni Jingze, hindi niya talaga pinapalabas ang mga katulong dahil ayaw niyang maistorbo ang anumang ginagawa namin."

"Iyon nga lang, nakakalungkot kasi kahit na dalawa lang kayo dito ay hindi ka pa rin niya kayang mahawakan. Naiintindihan ko naman na kapag ikaw ang kasama niya, lalo lang lumalala ang sakit niya," sagot ni Lin Che.

"Ano…" Nakaramdam si Mo Huiling ng sakit sa sinabi niya kaya sumama ang tingin nito sa kanya. "Wala ni isa man sa ating dalawa ang kaya niyang hawakan. Ano ba'ng ipinagmamalaki mo?"

Wala pa ring ideya si Mo Huiling kung ano ang estado ng pagsasama nila ni Gu Jingze. Hindi rin nito alam na kahit nahahawakan ni Gu Jingze si Lin Che, hindi umaatake ang sakit nito.

Hindi na nakipagtalo pa si Lin Che at naghanda ng pumasok sa loob ng mansiyon. "Kung ganoon, ikinagagalak ko ang maging kapitbahay ka at sana'y maging masaya ka sa bago mong bahay."

Suminghal lang si Mo Huiling at sinundan ng tingin si Lin Che na tuluyan ng pumasok sa loob.

Binati siya ng security guard at pagkatapos ay isinara na ang gate. Dismayado ang tinging pinagmasdan ni Mo Huiling ang mataas na gate.

Siya dapat ang reyna ng mansiyon na iyon.

Hmph, hahayaan na lang muna kitang tumira diyan pansamantala, Lin Che. Hindi magtatagal ay ako mismo ang magpapalayas sa'yo sa bahay na iyan!

Nang makapasok na sa kwarto si Lin Che, pabagsak siyang umupo sa kama. Habang iniisip niya na nasa malapit lang si Mo Huiling ay hindi niya maiwasang hindi mairita.

Tinawag niya ang isang katulong at nagpakuha ng kanyang damit dahil wala siyang mood na kumilos sa loob ng bahay. Pagkatapos ay naghanda siya para pumunta sa kompanya, at balak niyang magmaneho mismo ng kanyang bagong sasakyan.

Umaasa siya na maibsan man lang ang kanyang pagkainis sa pamamagitan ng pagda-drive.

Medyo matagal na rin mula nang makuha niya ang kanyang driver's license pagkatapos niyang kumuha ng driving lessons. Pero ni minsan ay hindi niya pa naranasan na magdrive nang siya lang.

Nakita siya ng katulong na papunta sa sasakyan at maingat na nagsalita mula sa likuran niya. "Madam, bakit po hindi ka tumawag ng driver?"

Sumagot si Lin Che, "Bumili ako ng sasakyan para may magamit ako kung kailan ko gusto. Para ano pa't may sarili akong kotse kung palagi lang akong tatawag ng driver ko. Okay lang ako. Hindi magtatagal ay mas gagaling na ako sa pagmamaneho. Sige, aalis na ako."

Ang kotse ay ginawa para gamitin. Hindi pwedeng lagi nalang iyong nakatago sa mansiyon.

Samantala…

Sa labas ng gate ay hinihintay pa rin ni Mo Huiling si Gu Jingze na umuwi.

Pero nakita niya si Lin Che na nakasakay sa kotse at nagmamaneho palabas ng mansiyon.

Napakagara ng kotse. Sigurado siya na pambabae ang kotseng iyon.

Pero, noon pa man ay pinaimbestigahan na niya ang bawat detalye ng buhay ni Lin Che. Mahirap lang ang babaeng iyon, walang pera, anak sa labas, at mababa lang ang katayuan nito sa mismong bahay.

Paanong makakabili ng ganito kagarang sasakyan ang pulubing katulad ni Lin Che?

Marahil ay pinilit nito si Gu Jingze na bumili ng sasakyan para sa kanya.

Umusok ang puso ni Mo Huiling. Kung makaasta ang Lin Cheng iyon! Kung makakilos sa harap ni Gu Jingze ay para itong isang inosente pero ang totoo ay manggagamit pala! Sa wakas ay ipinakita na nito ang totoong ugali!

Pero, ang pinakaiinisan niya ay kung bakit binilhan pa talaga ito ng kotse ni Gu Jingze!

Nagmamadali siyang naglakad papunta kay Lin Che. Galit na sumigaw, "Lin Che, diyan ka lang!"

Medyo nangangapa pa sa pagda-drive si Lin Che. Mabuti na lang at pangmayaman ang lugar na iyon kaya bihira lang ang mga tao na dumadaan. Gusto niya sanang sa kalsadang iyon na muna mag-ensayo pero bigla naman niyang nakita si Mo Huiling na malalaki ang hakbang na palapit sa kanya.

"Ah! Umalis ka diyan, Mo Huiling! Tumabi ka diyan!" Bilang isang baguhang driver, kinabahan agad siya nang may makita siyang tao, lalo pa at halos patakbo itong lumalapit sa kanya.

Dire-diretsong naglalakad si Mo Huiling at para bang balak nitong magpasagasa sa kanya. Wala ng panahon si Lin Che para umiwas pa kaya hindi sinasadyang nabangga niya ito.

Natumba naman agad si Mo Huiling. Malakas ang tibok ng puso ni Lin Che nang tumayo si Mo Huiling at galit na sumigaw sa kanya, "Lin Che, ano ba… Balak mo ba akong patayin? Lumabas ka diyan at magtutuos tayo! Huwag na huwag mong subukang tumakbo! Hinding-hindi kita palalampasin ngayon!"

Nakatayo ito kaagad. Ibig sabihin, hindi niya ito nabangga.

Inirapan lang ni Lin Che ang galit na babae. "Kung makatakbo ka kanina para bang wala kang pakialam sa buhay mo, tapos ngayon maninisi ka ng ibang tao? Hmph, mabuti nga't hindi ka namatay. Hindi ako nakikipagbiruan sa'yo!"

Kailangan niya pang pumunta sa kompanya. Hindi siya katulad ni Mo Huiling na walang magawa sa buhay.

Pagkatapos ay sumakay na ulit si Lin Che sa kotse at nagmaneho na paalis.

Walang magawa si Mo Huiling kundi ang magsisigaw na lang. "Lin Che, bumalik ka dito! Ikaw… Maghintay ka lang! Mananagot ka kay Gu Jingze!"

Pabagsak na umupo sa kalsada si Mo Huiling at tinawagan si Gu Jingze.

"Jingze, nabangga ako ng sasakyan. Please, pumunta ka kaagad dito."

"Ano? Nasaan ka? Saan ka nabangga?"

"Sa… Nasa labas ako ng bahay mo."

"Ano?"

Nagulat si Gu Jingze. Alam niyang mabagal lang ang pagpapatakbo ng mga kotse sa lugar na iyon dahil maraming mga warning signs doon. Sumusunod sa speed limit ang mga tao sa lugar na iyon. Kaya nagtataka siya kung paanong naaksidente ito?

Hindi nagtagal ay dumating kaagad si Gu Jingze sa lugar at nakita niya si Mo Huiling na nakaupo sa kalsada.

Agad niyang inutusan ang kanyang mga tao na tulungan itong tumayo. Nabangga ang hita nito kaya umaray ito sa sakit, "Jingze, tulungan mo ako. Tingnan mo ang ginawa ni Lin Che sa akin. Gusto niya akong patayin. Binangga niya ako gamit ang kanyang kotse."

Itinaas nito ang suot na palda at lumantad sa kanyang mga mata ang gasgas na natamo sa bandang tuhod.

Nagtataka ang tono na nagtanong si Gu Jingze, "Umalis si Lin Che nang nakakotse?"

Pambihira talaga'ng babae na iyon… hindi pa nito nararanasang magdrive nang mag-isa. Bakit bigla nalang itong umalis nang siya lang?