Naglakad na papasok sa loob ng bahay si Gu Jingze habang nagsasalita sa sarili, "Yu Minmin…"
Hindi niya namalayan na nakapasok na pala siya sa kwarto nila ni Lin Che. Samantala, todo iwas naman sa kanya si Lin Che at walang balak na tumingin sa kanyang mga mata.
Napatingin siya kay Lin Che at nagtanong, "Nang araw na iyon, bakit nga pala kayo nandoon ng iyong manager sa hotel na tinutuluyan din ng Presidente?"
Napaangat ng ulo si Lin Che at napatigil nang ilang sandali bago sumagot, "Ah, iyong araw na iyon. Nilibre kaming lahat non ni Gu Jingyu. Pumunta kami doon para ipagdiwang ang natapos naming filming. Isinama ko si Yu Minmin. Doon kami pinapunta ni Gu Jingyu dahil pag-aari daw iyon ng mga Gu. Sino ba namang makapagsasabi na nandoon din pala ang Presidente?"
Umupo si Gu Jingze habang nag-iisip nang malalim.
Parang natural lang naman ang lahat ng pangyayari. Tiyak na walang masamang motibo ang mga taong nagpunta doon. At, si Gu Jingyu pa man din lang ang dahilan kung bakit nagpunta doon si Yu Minmin.
Maliban pa rito, at dahil naimbestigahan na rin ang background ni Yu Minmin, sapat na iyong ebidensiya para masabi na wala namang problema. Tiyak na hindi iyon planado.
Pero wala nga ba talagang alam si Yu Minmin sa bagay na ito?
Nagtatakang nagtanong si Lin Che, "Bakit bigla mong naitanong?"
Ngumiti lang si Gu Jingze bago sumagot, "Wala 'to; matulog ka na."
"Okay."
Dahil ayaw nitong sabihin sa kanya, hindi na rin nagpumilit pa si Lin Che.
Kinabukasan…
Nasa kalagitnaan na ang kanyang teleserye. Habang tumatagal ay mas nagiging kawawa na ang karakter ni Lin Che sa palabas.
May iilang fans na rin ang bumibisita sa kanyang Weibo page para i-share ang kani-kanilang mga emosyon.
Ramdam ng lahat kung gaano kahirap ang pinagdadaanan ni Chen Yihan, ang pangalan ni Lin Che sa teleserye. Siya ang tipo ng tao na laging inuuna ang kapakanan ng ibang tao, madaling pakisamahan at hindi nandadamay ng ibang tao sa anumang problemang kinakaharap sa buhay. Ganoon pa man, siya pa rin ang palaging nasasaktan sa huli.
Pero dahil halos lahat na ng kamalasan sa buhay ay nangyayari sa karakter ni Lin Che, lalong bumaba ang atensiyon na natatanggap ng female lead.
May iilan na sinisiraan si Lin Che at pilit na dinudungisan ang pangalan ni Lin Che. Sabi pa ng mga ito na marahil ay si Lin Che na ang mananalo sa kompetisyon laban sa female lead at siyang mas makikinabang sa palabas na ito.
Mabuti na lamang at hindi na ito binigyang pansin pa ng kampo ni Mu Feiran. Mas pinili ng mga ito na hindi na magsalita pa sa isyu. Ngunit, karamihan pa rin sa mga fans ni Mu Feiran ay pilit na sinisiraan si Lin Che. Habang tinitingnan niya ang mga comments ng mga ito, hindi niya mapigilang makaramdam ng galit.
"Ito talaga ang hindi ko maintindihan. Hindi ko naman ito sinasadya ah. Sumusunod lang ako sa kung ano ang isinulat ng screenwriter. Sadyang nagkataon lang talaga na marami ang scenes ko nitong nakaraang mga episodes. Ganoon pa man, supporting role lang ang ginagampanan ko. Bakit kailangan pa nilang pumunta dito at pagsalitaan ako ng kung ano-ano?!" Pagrereklamo ni Lin Che kay Yu Minmin habang naglalakad sila papunta sa isang promotional activity.
Nakatingin lang si Yu MInmin sa mga papeles na hawak. Dahil mas matagal na ito sa industriya, mas mahinahon lang siya pagdating sa mga ganitong isyu. Siyempre pa, hindi naman siya ang sinisiraan at minumura ng mga fans, at mas lalong hindi siya katulad ni Lin Che na madaling mainis.
"Sa loob ng isang production team, hindi talaga maiiwasan na may isa o iilang tao na ayaw kang makita na nakakatanggap ng magandang reviews mula sa mga manonood kaya talagang gagawa sila ng paraan para lang sirain ka. Ganoon pa man, mahirap matukoy kung sino-sino ang mga ito. Ang lahat ay kakompetensiya mo sa industriyang ito kaya maaaring kahit sino sa mga kasamahan mo. Walang silbi kung iimbestigahan mo pa ang tungkol sa bagay na ito."
Tiningnan ni Yu Minmin si Lin Che, "Anyway, tandaan mo ito. Kapag maging sikat ka na, iyan ang pinakamalakas mong pampabagsak sa mga kalaban mo."
Tumango si Lin Che. "Nauunawaan ko, Miss Yu."
Hindi nagtagal at nakarating na sila sa venue.
Isang talk show ang kanilang pinuntahan. Lubos na pinaghandaan ng mga staff ang event na ito dahil darating din ngayon si Mu Feiran. Umaasa ang mga ito na magiging laman ng mga balita sina Mu Feiran at Gu Jingyu kaya sinadya ng mga ito na sa huling bahagi na ng show palabasin si Lin Che para hindi ito makaagaw ng screentime sa female lead.
Pinagmasdan ni Lin Che sina Mu Feiran at Gu Jingyu na magkatabing nakaupo. Napaka-professional ng mga ito sa trabaho. Talagang ginampanan ng mga ito ang kani-kanilang parte bilang magka-loveteam.
Pinatunayan rin ni Mu Feiran ang pagiging beteranong artista. Napaka-relax nitong tingnan sa stage at maayos na sumabay sa takbo ng programa.
Nang mga sandalling iyon ay lumapit sa kanya si Lin Li mula sa likuran. Tumingin ito sa harapan ng stage, nangungutya ang ngiti, at nagsalita, "Bakit parang naririnig ko na ang pagkatalo mo?"
Napaikot naman ng mga mata si Lin Che sabay nilingon ito, "Ano na naman ba iyang pinagsasabi mo?"
Kunwari ay inosenteng tumingin din si Lin Li sa kanya, "Bakit? Hindi ba't totoo naman? Narinig ko na sinadya mo lang talagang gumawa ng issue kay Gu JIngyu dahil gusto mong sumikat. Dahil sa ginawa mo ay halos talunin mo na si Mu Feiran kaya nagalit tuloy siya sa'yo. Lin Che, gusto ko lang malaman mo na wag ka naman masiyadong maging atat na sumikat at sa mabilisang benefits. Kung titingnan mo ang lahat ng mga artista na matagal na sa industriyang ito, sino-sino ba sa kanila ang walang backer? At sino-sino ba sa kanila ang hindi gumagamit ng mga tricks kumpara sa mga ginagawa mo? Pero, nagpupumilit ka pa rin na lamangan ang bida at angkinin ang isang supporting role. Hindi ba pwedeng gampanan mo nalang kung ano ang karakter mo?"
Inirapan lang siya ni Lin Che. Tiningnan niya ito at ngumiti nang mapakla. "Alam na alam mo talaga ang tungkol sa bagay na iyan."
Suminghal naman si Lin Li. "Hindi mo ba napansin? Kahit si Mu Feiran ay hindi pumayag na gumawa ka na naman ng eksena ngayon kasama ni Gu Jingyu. Sinadya niya talagang paghiwalayin kayong dalawa sa show na ito."
Tiningnan niya lang ito nang masama. Noon din ay nakita niya si Mu Feiran na pababa na sa stage.
Nagmamadali namang lumapit dito si Lin Li para salubungin.
"Sis Feiran, napakaganda naman ng interview mo ngayon. Alam mo paulit-ulit talaga akong sinasabihan ng aming kompanya na matuto raw ako mismo sa iyo. Sabi pa nga nila sa akin na napakahusay mo at napakagaling mo pang sumagot sa mga tanong ng kahit sinong reporters."
Ngumiti nang bahagya si Mu Feiran. "Sa totoo lang, hindi naman ako ganiyan. Sobra ka naman kung makapuri."
Napangiti naman si Lin LI dahil kinakausap siya ni Mu Feiran. Pasimpleng nilingon niya si Lin Che para ipakita ito dito bago humakbang pa nang kaunti palapit kay Mu Feiran.
Ayaw ng pansinin pa ni Lin Che si Lin Li kaya tumingin lang siya dito at hindi na nagsalita pa.
Pagkatapos ay napansin naman siya ni Mu Feiran. Ngumiti ito sa kanya at lumapit. "Lin Che, hindi kita nakita kanina ah."
Mabilis na ngumiti si Lin Che. "Talaga? Nakaupo lang ako dito simula kanina."
Humakbang palapit si Mu Feiran at mahinahong nagsalita sa kanya, "Napakahusay ng iyong pag-arte sa teleseryeng ito. Sa tingin ko ay nababagay kang gumanap sa mga ganitong uri ng roles."
"Maraming salamat sa iyong papuri, Miss Feiran."
"Oo naman. Napaka-natural lang ng iyong performance."
"Kung patuloy lang akong pupurihin ni Miss Feiran ay tiyak na lalong mamumula itong mukha ko ngayon."
Napansin din naman kaagad ng mga reporters ang dalawa na masayang nagkukwentuhan kaya mabilis na kinunan sila ng mga larawan mula sa di-kalayuan.
Nagsalitang muli si Mu Feiran, "Iilan pa lamang ang pinuri ni Gu Jingyu. Kanina lang ay panay ang papuri niya tungkol sa iyo. Tsk, tsk. Lin Che, tiyak na binabantayan kang maigi ni Gu Jingyu."
"Siya… ang pangit kaya ng taste nun. Baka kailangan ko ng ayusin ang sarili ko?"
Napatawa naman nang malakas si Mu Feiran.
Mula sa likuran ay nakamasid lang si Lin Li at galit na galit.
Iniwan lang siya nang ganoon ni Mu Feiran. Pero, kusa pa itong lumapit kay Lin Che at masaya pang nakipagkwentuhan dito.
At siyempre, kinabukasan ay nagsilabasan kaagad ang mga balita tungkol dito. Nakasaad sa mga iyon kung gaano kasayang nakikipagkwentuhan si Mu Feiran kay Lin Che, at pinabulaanan ang mga usap-usapan na may sigalot sa pagitan nilang dalawa.
Personal ding umamin si Mu Feiran sa harap ng publiko na nararamdaman niya kung gaano ka-tunay itong si Lin Che at napaka-simpleminded na artista.
At makikita rin sa mga headline photo na magkatabi silang dalawa ni Mu Feiran. Sa likod ay napakaliit lamang ng larawan ni Lin Li at nagsilbi lang ito bilang isang photobomber.
Nang makita iyon ni Lin Li ay napuno ng galit ang kanyang puso na halos itapon na niya sa sahig ang hawak na computer.
"Wala bang utak ang mga reporters na ito?!"
Sa kabilang bahagi naman, nakatingin si Yu Minmin sa balita at sinabi kay Lin Che na nasa loob ng kotse, "Marahil kaya ka sinusuportahan ni Mu Feiran ay dahil na rin kay Gu Jingyu."
Lin Che: "Pero bakit kailangan niya pa akong suportahan?"
"Una sa lahat, tiyak na hindi naman siya galit sa'yo. Dahil kung galit siya sa'yo, edi sana ay nanatili na lang siya sa kanyang comfort zone at hinayaan ang mga tao na mag-isip ng kung ano-ano. Hindi na niya kailangang magsayang ng lakas. Sabihin nalang natin na gusto ka din niya kaya willing siya na suportahan ka. Pangalawa, siya ang tipo ng artista na hindi mahilig sa gulo. At isa pa, matalinong babae si Mu feiran. Hindi siya papayag na gamitin ang pangalan niya nang kahit sino. Sa kasong ito, halata naman na may taong gusto siyang gamitin para lang sirain ka kaya malamang, hindi niya papayagan iyon."
Tumango lang si Lin Che bilang pagsang-ayon.