Pinindot ni Gu Jingze ang bell sa isang gilid at pinagsabihan si Lin Che, "Kung may iba ka pang kailangan, wag kang umalis dito. Pindutin mo lang 'to at dadating na ang katulong."
Ito ang unang beses na pinaliwanag ang ganitong bagay sa kanya. Sa loob ng ilang araw, hindi niya talaga alam na may ganyan palang mga bagay.
Namamangha naman niyang tiningnan ang bell sa itaas ng kama. "Ang sarap talagang maging mayaman. Kahit humiga ka lang maghapon sa kama, hinding-hindi ka mamamatay sa gutom."
"Mayaman ka na rin ngayon."
"Hindi, ah." Pagtanggi ni Lin Che.
"May asawa kang napakayaman, so, natural, mayaman ka na rin."
Nang marinig ito ni Lin Che, para siyang nakiliti. Pero, kaagad niya namang naisip na sa loob lamang ito ng ilang taon. Nag-isip muna siya sandali bago nagsalita, "Kalimutan mo na 'yan. Pag talagang nasanay ako dito, mahihirapan na akong mabuhay sa hirap pagkatapos nating magdivorce."
"Sobra ka talagang mag-isip!"
"Siyempre naman."
Nag-isip muna si Gu Jingze bago tumingin sa kanya. "Huwag kang mag-alala. Bibigyan kita ng malaking halaga kahit pa magdivorce tayo. Hindi ko hahayaan na maghirap ka pa ulit."
Hindi mapigilan ni Lin Che ang ngumiti. "Tingnan nalang natin kung ano talaga ang mangyayari."
Sa hindi malamang dahilan, parang nainis si Gu Jingze sa sinabi niyang iyon.
Hindi nagtagal, dumating na ang katulong.
Inutusan ito ni Gu Jingze na kumuha ng ointment. Kaagad naman itong bumalik dala ang ointment.
Habang patuloy pa ring iniisip ni Lin Che kung gaano kasarap ang buhay ng isang mayaman, hindi niya napansin na nakalapit na pala si Gu Jingze at hinila ang kanyang binti gamit ang isa nitong kamay.
Agad naman siyang nagpumiglas. "Hindi na kailangan. Kaya ko na 'to."
"Wag kang gumalaw." Inis na sabi ni Gu Jingze. "Dahil nahulog ka na, wag ka ng gumalaw pa."
Tumigil na nga si Lin Che. Tiningnan niya ito habang seryosong naglalagay ng ointment at hinahawakan ang kanyang paa. Bahagyang nakatagilid ang ulo nito. Hindi niya mapigilang makaramdam ng kasiyahan sa kanyang puso.
Mas gumagwapo talaga ang isang lalaki kapag seryoso.
Napakaganda nitong pagmasdan kahit pa medyo nakayuko ito.
"Kaya ko na ngang gawin 'to."
"Hindi ka rin sanay na may nag-aalaga sa'yo?" Itinaas nito ang ulo.
"Oo. Nasanay akong ako lang ang nag-aalaga sa sarili ko." Sagot ni Lin Che.
Tiningnan siya nang masama ni Gu Jingze. "Asawa mo ako. Malinaw na nakasaad sa ating kasunduan na bukod sa hindi natin pwedeng pakialaman ang kanya-kanya nating love life, kailangan pa rin nating mamuhay na katulad ng tunay na mag-asawa sa anumang aspeto."
Ngumiti si Lin Che habang nakatingin dito. Naisip niya na wala naman talagang masama sa pagpapakasal niya dito. Kahit may nagmamay-ari na ng puso nito, masaya at komportable pa rin naman ang pagsasama nila.
Maingat na kinuskos ni Gu Jingze ang ointment sa binti ni Lin Che. Bagama't matangkad ito, hindi naman ito mabigat. Nang binubuhat niya ito kanina, napakagaan lang nito at halos walang timbang. Nang tingnan niya naman ang maninipis nitong binti, mas lalo lang siyang naging kumbinsido na napakapayat nga talaga nito.
Napaka-cute tingnan ng maliit nitong paa, at ang bawat daliri dito ay napakabilog at malaman.
Habang kinukuskos niya ang mga ito, parang kinukuskos din ang kanyang dibdib na halos maging manhid na ito.
Nang mapansin ni Lin Che na bumagal ang paggalaw nito, yumuko siya at tiningnan ito. "Anong nangyari? May problema ba?"
Napatingin naman si Gu Jingze sa kanya. "Ha...wala. Tapos na ako."
Tumayo na ito at lumabas na dala ang first-aid box.
Yumuko naman si Lin Che para tingnan ang kanyang sugat. Napakaingat talaga nitong magtrabaho. Kahit ang ointment ay maayos nitong ipinahid. Lalo lang siyang namangha nang pagmasdan niya pa ito.
Mabuti na lang at maliit lang ang pasa na kanyang nakuha. Kinabukasan, balik na naman siya sa pagiging malikot at magaslaw.
Hindi nagtagal ay nagsimula na ang kanilang taping. Nang araw na iyon, maaga pang pumunta si Lin Che sa kanilang filming site.
Nakasuot na siya ng costume nang dumating ang ibang casts isa-isa.
Huli namang dumating si Gu Jingyu. Pagpasok palang nito ay kaagad itong sinundan ng napakaingay na mga tao sa kanyang likuran.
Sa gilid ay hindi napigilan ng isang assistant na ma-love struck dito. "Ang gwapo talaga ni Gu Jingyu sa personal kaysa sa screen."
"Oo. Mas maliit ang kanyang mukha sa personal at mas kaakit-akit ang kanyang mga mata."
Iniangat naman ni Lin Che ang kanyang ulo at naisip na napakagwapo nga nito. Ang ganda talaga ng genes ng mga Gu.
Maya-maya pa ay si Lin Che na ang susunod na pupunta sa harap para mag-ensayo ng kanyang script. Nagmamadali niyang inangat ang suot na costume at tumakbo papunta doon. Hindi madaling maglakad kapag nakasuot ng costume--lalo pa at napakasinop ng pagkakagawa nito kaya medyo mabigat itong dalhin sa katawan.
Habang nahihirapang maglakad papunta sa unahan, hindi niya namalayan na may naapakan pala siya.
"Aiya... Tinapakan mo ang costume ng aming Feiran." Noon lamang napansin ni Lin Che nang may tumawag sa kanya. Paglingon niya ay nakita niya si Mu Feiran na inaayos ang damit nito. Ngumiti naman ito kay Lin Che. "It's alright."
Humingi naman siya ng paumanhin dito. "Sorry. Sorry talaga, Ms. Feiran."
Tumingin lang ito sa kanya. "Ikaw ang baguhan na gaganap bilang Chen Yihan?"
Mabilis naman siyang sumagot, "Opo, Ms. Feiran."
Mabait naman si Mu Feiran. Tinapik nito ang balikat ni Lin Che. "Hindi ka naman masama. Gusto kita. Galingan mo ha."
Masayang-masaya naman si Lin Che sa papuring iyon. "Maraming salamat, Ms. Feiran."
Hindi nagtagal ay umalis na rin si Mu Feiran kasama ang kanyang assistant at staff.
Sa likod ni Lin Che ay medyo nangamba naman ang mga taong nakatingin sa kanya. "Bakit ba hindi ka nag-iingat? Mabuti na lang at mabait si Mu Feiran."
Maganda din naman ang impresyon niya kay Mu Feiran. Tumango siya bago sumagot. "Oo nga. Mabait talaga siya."
"Hindi ako nagtataka kung bakit sikat siya. Sa industriyang ito, hindi ka lang dapat maganda. Dapat marunong ka ding makisama."
Mabilis namang natapos ni Lin Che ang kanyang eksena. Dahil nagsisimula pa lang silang mag-taping, kaunti lang ang mga cuts ni Lin Che. Nang matapos na siya ay nakakita siya ng silyang mauupuan at nagpahinga.
Baguhan lang siyang artista kaya hindi siya katulad ng ibang artista na may mga assistant at manager na mag-aasikaso sa kanya. Isa pa, mas komportable siya kapag mag-isa lang siyang nakaupo. Seryoso siyang nakaupo doon habang binabasa ang kanyang script at iniisip ang susunod na eksena.
Katatapos lang din ng eksena ni Gu Jingyu kaya't nang lumingon ito ay nakita si Lin Che na mag-isang nakaupo sa gilid. Sa isip niya ay napakaganda nitong titigan habang seryosong nagbabasa ng script. Pinigilan niya ang kanyang mga assistant at sinabi, "Hindi ako pupunta sa resting room. May bakanteng space pa ba dyan? Pakidala ng aking upuan doon at doon ako uupo."
Napatigil naman ang assistant bago nag-aalangang sumagot kay Gu Jingyu. "Jingyu, resting area 'yan ng maliit na mga artista."
"Maliit na artista lang din ako. Sundin mo nalang ang gusto ko at 'wag ka ng magsalita pa ng kung ano-ano." Sabi naman ni Gu Jingyu habang naglalakad na palapit doon.
"Hi, Lin Che?" Tinawag niya ito.
Inangat naman ni Lin Che ang ulo. Nang makita niya na si Gu Jingyu ang tumawag sa kanya, kaagad siyang tumayo. "Senior Jingyu..."
"Hey, wag kang umalis. D'yan ka lang. Umupo ka na. May eksena tayong dalawa mamaya, diba. Pumunta ako dito para magrehearse ng ilang lines kasama ka."
"Oh, okay, Senior Jingyu. Pero, may scenes ba tayo mamaya?" Sa pagkakaalam niya kasi, bukas pa ang kanilang scene.
Ngumiti naman si Gu Jingyu at tumango. "Mm, wala naman akong ibang gagawin ngayon kaya magfi-film tayo ng isa pang scene."
Hindi naman siya nagduda dito. Tiningnan niya si Jingyu at kinuha ang kanyang script.