Chereads / Kaliwa, Kanan / Chapter 8 - Kabanata 6

Chapter 8 - Kabanata 6

"Kuyaaaaaaaaaa!" sigaw ng dalawang bata ng pumasok sina Marco at Neneng Sarah. Hindi maipaliwanag na saya ang naramdaman sa loob ng munting tirahan. Tumayo rin si Maximo para yakapin ang kapatid na ilang araw niyang hindi nakita. Nagsama-sama ang emosyon na kanilang nararamdaman.

"Ang tagal mong nawala 'tol, akala ko wala na akong makakaaway dito sa loob." nakangiting sabi ni Maximo habang may tumutulong luha sa kanyang mga mata.

"Na-miss kita 'tol, nag-alala talaga ako sa 'yo akala ko hindi ka na magigising." Tugon ni Marco habang hinahagod ang likod ng kanyang kasangga.

Nakatingin lamang si Neneng Sarah at maluha-luhang pinagmamasdan ang dalawang bata na parang matatanda na kung mag-usap.

Kumuha ng pinggan si Neneng Sarah para pagsaluhan ang pagkain na binili nila ni Marco kanina. Ninamnam nila ang dalawang balot ng

Munggo at tatlong balot ng kanin. Tinimplahan din nito si Lauro ng gatas dahil simula kanina pang umaga hindi nakakainom ang munting bata.

Walang nakakaalam maliban kay Marco kung ano ang ginawa ni Neneng Sarah para makalaya ito. Pinalabas na lamang nila na pinatawad sila ng pulis.

"Anong pakiramdam ng nasa loob ng selda?" tanong ni Maximo.

Napatigil sa pagsubo si Marco at bahagyang ngumiti.

"Bakit gusto mo maranasan?" sabi nito bago itinuloy ang pagsubo.

"Tinatanong ko lang baka masarap buhay, baka sakaling maranasan ko rin." natatawang tugon nito.

Nagkatinginan si Marco at Neneng Sarah. Kung alam lamang ni Maximo ang pinagdaanan ni Marco at ng dalagita, baka umatras ito.

"'Wag mo ng pangarapin kasi mas masarap pa mabuhay na ganito, mas mahirap ang buhay doon. Lahat may limitasyon, hindi ka makakagalaw sa kahit anong gusto mo." paliwanag ni Marco.

Nagkibit-balikat na lamang si Maximo at itinuloy ang paglamon.

Napansin ni Marco ang paso sa leeg ng kapatid pero hindi niya iyon pinansin. Isinantabi na lamang muna niya ang kanyang tanong dahil hindi ito ang magandang pagkakataon para buksan ang panibagong usapin sa mga hindi magandang karanasan. Ito ang unang beses na nahuli ang isa sa binansagang Duo ng Maynila. Kahit anong ilap ng isang kawatan, mahuhuli pa rin kapag na corner ng kapulisan.

Matapos kumain. Si Berna ang itinalagang maghuhugas ng pinggan. Uminom naman ng gamot si Maximo na kanina pa hindi nawawala ang ngiti sa mga labi. Ilang araw din itong hindi ngumingiti dahil lubos nitong dinamdam ang pagkawala ng kanyang kapatid.

Tinatahi naman ni Marco ang damit niyang napunit dahil sa puwersang ginawa ng mga pulis sa kanya. Hindi kasi siya makabili ng bagong damit dahil walang pera. Alas-tres na ng hapon, malapit na lumubog ang araw. Kailangan na nilang magbanat ng buto para may makain ngayong hapunan, wala na silang choice na ibang ilalaban kundi si Marco. Hindi pa kasi kayang kumilos ni Maximo kaya sa ngayon ito muna ang tatayong lider.

Naligo at nagbihis ng panibagong damit ang batang paslit bago nagpaalam na lumabas ng kanilang tirahan.

Habang naglalakad si Maximo ay sinisipa-sipa nito ang batong maliliit na kayang nadadaanan. Nilibang muna ang sarili bago maghanap ng panibagong pagkakakitaan.

•••••

"Malinta! Malinta! Malinta Exit!" sigaw ng konduktor ng isang pribadong kompanya ng Bus. Naroon ang batang si Marco, nakaupo at naghihintay na may tumawag sa kanya para maging taga-buhat ng mga gamit ng mga pasahero.

"Boy! Pakibuhat nga ito, diyan lang sa may gilid." sabi ng babae sa kanya.

Inabutan si Marco ng limang piso. Pero masaya na si Marco doon dahil mas marangal ang trabaho na iyon. Ayaw na niya magnakaw, nawawala ang kanyang karapatan kapag nahuhuli siyang nagnanakaw.

Disente ang pormahan ngayon ng batang binansagan na Duo-Hablutero ng Maynila. Animo'y walang ginawang hindi maganda nitong mga nakaraang araw. Malayong-malayo ang galawan nito noon na parang kidlat sa bilis at may bitbit na alahas. Hawak-hawak ang stick ng barbeque na pinulot, ginamit niya iyon para isulat sa patuyong putik ang kanyang pangalan.

"Marco"

Pangalan na napakaganda pero kabaligtaran ng buhay na nararanasan niya. Pangalan na halatang pinag-isipan pero hindi pinanindigan. Naiisip na lamang niya, bakit kailangan nila magdusa sa kasalanan na ang mga magulang nila ang may gawa? Sila ang mas nahihirapan, isa lamang silang munting mga bata na uhaw na uhaw sa atensyon ng isang matinong magulang, pero ipinagkait ang pagkakataon na iyon dahil mas nagawa pa silang iwanan na dapat ay inaalagaan, pinag-aaral at pinapakain ng tama. Hindi iyon mawala sa isip ni Marco. Habang tumatanda kasi ito ay mas lalong nagiging bukas ang isipan sa kanyang buhay na kinagisnan. Gusto niyang ipamukha sa kanilang mga magulang ang hirap na nararanasan nila sa araw-araw. Gusto niyang sabihin ang katagang.

"Wala kayong kwentang magulang."

Pero hindi niya magawa. Hindi dahil wala ang dalawang taong iyon. Kundi hinahanap-hanap pa rin nito ang pagmamahal ng isang magulang.

Malambot ang puso ni Marco kumpara sa puso ni Maximo. Si Maximo ay mahilig magtanim ng galit sa mga taong hindi nakakagawa sa kanila ng hindi maganda. Iyon ang kabaligtaran ni Marco. Si Marco ay marunong umintindi at laging tinatamaan ng kanyang konsensya. Hindi niya kayang tiisin ang mga kapatid niyang nahihirapan kaya hindi nawawala ang pagkakataon na kailanganin niyang tibagin ang konsensyang bumabagabag sa kanyang murang isipan. Ngunit nagagawa na niyang sundin ang kanyang totoong nararamdaman, mas lalong nahihirapan ang kaniyang mga kapatid sa tuwing may nangyayaring hindi maganda sa kanilang dalawa ni Maximo.

Malakas na sigaw ang nagpatinag sa batang gumuguhit sa patuyong putikan. Sigaw iyon ng isang ginang na hinablutan ng bag. Hindi na nag-atubiling habulin ito ni Marco.

Kumaripas ng takbo ang batang paslit. Hinabol ang lalaking mas malaki ang katawan kesa sa kanya. Sigawan lamang ng mga tao ang maririnig.

"Magnanakaw! Magnanakaw! Magnanakaw!"

Habang tumatakbo ang batang si Marco ay kabisado na ang mga shortcut para mas madali niyang mahabol ang magnanakaw. Talamak ang nakawan. Hindi inaasahan ng lahat na ang magnanakaw ay hinahabol ng kapwa magnanakaw.

Parang may nagaganap na karera sa pagitan ng dalawang manlalaro. Patalasan ng isip kung saan sila maaaring lumusot. Parehas na mahusay pagdating sa taguan. Pero hindi nawawalan ng pag-asa si Marco.

Dalawang magkatapat na kanto ang madadaanan ni Marco, kailangan niyang mamili kung saan siya dadaan. Kaliwa ba o Kanan. Wala na kasi ang kanyang kasama para mas madali nilang ma-corner ang target.

Napailing nalang si Marco at dumaan sa kaliwa. Walang ano-ano ay biglang nasalubong niya ang lalaking may dalang bag at agad siyang humiga para mapatid ang lalaki. Tumalsik sa kalsada ang bag at namimilipit naman sa sakit ang dalawang batikan.

Hindi na nagsayang ng oras si Marco. Agad na kinuha niya ang bag at kumaripas ng takbo pabalik sa terminal para ibalik ang pera. Ngunit habang tumatakbo ay naalala niya ang mga kapatid na naghihintay sa kanya. Malapit na kasi maghapunan. Kailangan niya ng pera upang may ipang-bili.

Litong-lito si Marco dahil sa kung ano-anong pumapasok sa kanyang isip.

Pero nanaig pa rin ang kabutihan. Nagpasiya siyang ibalik ang bag ng ginang dahil ito na ang pangalawang pagkakataon na binigyan siya ng kalayaan para maging isang mabuting tao.

Mas lalo pang bumilis ang takbo ni Marco kahit na naka-yapak. Iba ang bilis na nararamdaman nila kapag walang sapin sa paa. Mas makapit.

Nakarating si Marco sa terminal at naabutan niya ang ginang na naka-upo sa isang bakal na upaan. Nakahawak sa sintido at halatang problemado. Dahan-dahang lumapit ang bata at kinalabit ito.

Tumingin ang ginang at nanlaki ang mga mata nito ng makita ang bag na hinablot sa kanya. Niyakap nito ang batang paslit at maluha-luhang hinahawi ang sariling buhok.

"Maraming salamat bata! Anong pangalan mo?" nakangiting tanong nito.

"Marco po." Maiksing tugon ng bata.

Nanginginig na binuksan ng ginang ang kaniyang bag at sinuri ang laman.

Walang nabawas sa pera at tanging. "Salamat o diyos ko." Na lamang ang kanyang nasambit.

"Mabuti at nakuha mo ang bag ko. Kailangan kasi ito ng anak ko na nasa hospital, maraming salamat sa iyo. Hulog ka ng langit. Teka? Saan ka nga pala nakatira?" saad ng ginang.

"Sa kabilang terminal ho, sa barong-barong. Anim po kaming nakatira doon at may tatlong bata na kasama ang isa po doon ay nag-gagatas pa." sagot ni Marco.

"Nasaan ang mga magulang mo?" muling tanong ng ginang.

"Wala na po ang mga magulang namin. Bata pa lamang ho kami iniwan na kami kaya kami ng kapatid kong isa ang magkatulong ko sa paghahanap buhay."

Naantig ang ginang sa kwento ni Marco.

"Napaka-swerte ng magulang niyo sa inyo!"

Napangiti ang bata sa tinuran ng ginang. Iyon ang pinaka-gusto niyang marinig na mula sa ibang tao.

Binuksan ng ginang ang pitaka nito at inabutan ang bata ng isang libong piso. Nanlaki ang mga mata ng paslit dahil ngayon lamang siya nakahawak ng gano'n kalaking pera. Abot tainga ang ngiti nito at nagtatalon sa tuwa.

Nagpasalamat ito sa ginang at nagmamadaling tumakbo papunta sa paborito nilang tindahan ng Letchong manok.

Walang kasing saya ang naramdaman ni Marco habang pauwi sa kanilang tirahan. Hindi mawala sa kanyang isip ang katagang binitawan ng matanda at napabulong nalang ito ng "Sana nga".