Ala-sais na ng nakauwi si Marco kasama si Neneng Sarah. Binuksan ni Marco ang munting pintuan nila na gawa sa pinagtagpi-tagping tarpaulin ng mga kandidato at inaanay na fly-wood. Abala ang mga bata sa paglalaro sa loob ng kanilang munting tahanan at bigla iyong tumahimik ng makita nila kung sino ang kasama ng kanilang Kuya Marco.
"Ate Neneng Sarah! Anong ginagawa mo rito?" tanong ni Pitoy. Nanatiling tahimik naman si Maximo at nakatingin lang sa kanilang dalawa.
"Dito na titira si Ate Sarah niyo." Mahinahon nitong tugon.
Nagsalubong ang mga kilay ni Maximo dahil sa biglaang wika nito.
"Sigurado kaba diyan? Wala na nga tayong makain nagdagdag kapa." tugon ni Maximo.
Isang matalim na tingin ang pumukol sa kanya mula kay Marco. Masyado ng bastos ang kanyang kapatid dahil pati ang mas matanda ay sinasagot na nito.
"Wala kang karapatan na pagsalitaan ako ng ganyan Maximo! Ako ang mas matanda sa atin kaya ako ang masusunod!" Pasigaw na sabi nito.
Napa-atras si Neneng Sarah dahil sa tumataas na tensyon mula sa dalawang magkasangga.
Hindi mapigilan ni Marco ang kanyang galit dahil sa inaasal ng kapatid. Masyado ng sumosobra ang ganito nitong ugali.
"Sige Marco salamat nalang, aalis nalang ako." mahinang sabi ni Neneng Sarah.
Hinawakan ni Marco ang braso nito at tumingin na ang ibig sabihin ay 'wag itong umalis. Napahinto naman niya ito at ngumiti si Marco. Alam kasi niyang wala namang ibang tutuluyan ito lalo na't malapit na lamunin ng kadiliman ang buong kalangitan. Nagkalat ang mga masasamang loob sa lansangan na baka maging sanhi pa ng kamatayan niya.
Si Neneng Sarah ay labing walong taong gulang, kung tutuusin nasa tamang edad na pero walang alam dahil hindi nakapag tapos tanging pagiging bayaring babae lang ang alam niyang trabaho at iyon lang ang bumubuhay sa kanya. Laking pasasalamat na lamang niya dahil hindi siya dinadapuan ng sakit na dulot ng pagkikipag-talik sa iba't ibang lalaki.
Hindi rin nagtagal ay pumayag din si Maximo sa ibig ipaintindi ni Marco sa kanya. Wala rin naman siyang magagawa kasi kahit papaano ay may natitira pa rin namang awa sa puso nito.
Hindi naman naging mahirap ang naging lagay nila kasama si Neneng Sarah dahil nagiging katuwang nila ito sa pag-aalaga sa kanilang bunsong kapatid. Nasa kanilang bahay lang si Neneng Sarah. Iyon ang nag-aasikaso sa mga naiiwan nilang kapatid habang ang dalawa naman ay naghahanap ng makakain.
•••••
Sumapit ang tanghali. Si Marco at Neneng Sarah ang naging bantay sa tatlo nilang kapatid dahil umalis si Maximo, sumama ito sa ibang tirador dahil may malaking raket na naghihintay sa kanila. Hindi na sumama si Marco dahil isa lamang ang pinahintulutan sa kanilang dalawa na sumama at nag-presinta naman si Maximo na siya na lamang ang sasama kaya hindi na siya umangal pa.
"Nasaan ba ang mga kamag-anak mo?" Biglang sambit nito kay Neneng Sarah habang bitbit nito si Lauro. Ang bunso nilang kapatid.
"Wala na rin, nasa probinsya sila lahat, hindi ko alam kung saang probinsiya pero wala na akong balak na puntahan pa sila. Matagal na panahon na rin ang lumipas kaya nasanay na ako na mag-isa." tugon nito.
"Pero hindi kana nag-iisa ngayon kasi kasama mo na kami. Kami na ang bago mong pamilya kaya simula ngayon 'wag mo na iisipin na mag-isa ka lang na lumalaban."
Napangiti si Neneng Sarah sa tinuran ng tatlong taon na mas bata sa kanya. Kahit kasi na gano'n ang edad ni Marco ang isip nito ay malawak at bukas sa mga nangyayari sa paligid.
"Salamat Marco."
Iyon lamang ang nasabi ni Neneng Sarah kay Marco at nag ngitian ang dalawa at nakipag laro sa mga kapatid nito upang patayin ang mga natitirang oras.
•••••
"Maximo! Tara na dito! Bilisan mo!" sigaw ng kasamahan nito sa raket.
Matulin na tumakbo si Maximo para saluhin ang mga hawak nitong alahas na nakalagay sa ipinulupot na damit. Isang malakas na putok ng baril ang narinig nila na nagmumula sa mga pulis. Pero hindi sila natinag. Kumaripas ng takbo ang mga batang pusakal. Kanya-kanyang suot sa mga makikitid na eskinita para matakasan ang mga awtoridad.
Patuloy lang sa pagtakbo ni Maximo. Biglang bumuhos ang malakas na ulan na naging sanhi para hindi nito makita ang dadaanan pero para sa batang paslit ay isa iyong magandang pagkakataon para makatakas. Halos hindi na nito maramdaman ang sariling mga paa dahil sa pamamanhid.
"Kamalasan naman! Bakit ako lang ang hinahabol nila!" tanging nasambit na lamang nito.
Nagpasiya ang batang paslit na dumaan papunta sa Divisoria. Maganda kasing pagkakataon iyon para doon ito makipag-habulan dahil maraming barong-barong ang naroon at ipinagdarasal na huwag munang matapos ang galit na ulan.
Isang putok muli ng baril ang umalingaw-ngaw pero hindi ito nagpatinag. Hindi dapat magpa-petiks-petiks lang dahil kung mahuli siya ng mga pulis ay siguradong malamig na rehas ang nag-hahawakan ng batang paslit ngayong araw.
Nakaramdam na ng panghihina ng hita si Maximo. Kaya nagpasiya siyang maghanap ng malulusutan dahil maliit naman siya at agad na nagsuot sa ilalim ng lamesa ng mga nagbebenta sa Divisoria.
Patak ng ulan at nanginginig na katawan lang ni Maximo ang makikita sa ilalim ng katayong lamesa sa Divisoria. Naka-pabilog na parang sanggol. Hindi niya maiwasang mapa-iyak dahil sa takot na nararamdaman. Isa lang ang nasambit niya sa mga oras na iyon.
"Kuya Marco tulungan mo ako."
Ilang minuto rin ang nilagi ni Maximo sa ilalim ng lamesa bago tuluyang lumabas. Luminga-linga sa paligid at naglalakad na parang wala sa ulirat. Sa hindi inaasahang pagkakataon nabangga si Maximo at nalaglag ang hawak niyang T-shirt na naglalaman ng mga alahas. Pagtingin ito sa taong nabangga niya at ito ang pulis na nanghahabol sa kanya.
Hindi na niya pinulot ang mga alahas. Kumaripas na siya ng takbo pero bigla siyang timaan ng bala ng isang kuwarenta'y singko na baril.
Natumba si Maximo at hinawakan ang parteng tinamaan ng bala. Tumulo ang luha sa kanyang mga mata at nakita niyang papalapit sa kanya ang galit na galit na pulis.
Nilakasan niya ang kanyang loob at tumayo na parang walang nararamdaman na sakit. Tumakbo pero hindi na kasing tulin ng dati. Kung saan-saan na siya lumusot dahil sa mga oras na iyon ay kailangan mawala siya sa paningin ng galit na galit na pulis.
Umaagos ang masaganang dugo sa kanyang hita. Pinunit niya ang kanyang T-shirt at hinigpitan ang pagkakatali para bumagal ang pag-kawala ng dugo.
Wala ng ibang makakapitan si Maximo kundi ang diyos, alam niyang mali ang kanyang ginagawa pero kailangan niyang gawin iyon para sa mga kapatid.
•••••
Umuwing ika-ika at nanghihina ang katawan ni Maximo. Hindi na nagawa pa nitong kumatok at tumambad na lang sa harap ni Marco ang duguang kapatid. Magkahalong takot at kaba ang naramdaman niya dahil sa nangyari. Ayaw niyang mawala ang nag-iisa niyang kasangga.
Binuhat nito ang kapatid sa loob at kinapa ang pulso. Nakahinga siya ng maluwag ng maramdaman ang tibok ng puso nito. Pero laking pala-isipan sa kanya kung paano tatanggalin ang bala na nakabaon sa hita nito.
"Kuya! Anong gagawin natin baka mamatay si Kuya Maximo!" humahagulhol na sabi ni Pitoy.
Hindi naman umiimik ang babaeng kapatid niya. Umiiyak nalang ito. Pinagmasdan ni Marco ang mga nanlulumong kapatid. Kaya hindi na siya nagdalawang isip na gawin ang binabalak niya. Tumayo siya at kinuha ang kutsilyo na sa lagayan nila ng pinggan. Inutusan nito si Neneng Sarah na bumili ng gamot para sa sugat ni Maximo.
Dahan-dahang hiniwa ni Marco ang butas sa hita ni Maximo. Hindi iyon nararamdaman ni Maximo dahil kanina pa ito walang malay. Napuno ng dugo ang sahig at halos mamula na ang tubig sa palanggana na ginagamit niya. Minadali na ni Marco ang pag-opera sa sariling kapatid.
Nagtagumpay naman siya sa ginawa niyang pag-tanggal ng bala. Tinalian nito ang sugat ng kapatid at hinintay ang pagdating ni Neneng Sarah. Alam niyang hindi maganda ang ginawa niya pero iyon lamang ang paraan para hindi na lumala ang kalagayan ng kapatid.
Lumipas ang dalawampung-minuto. Dumating na si Neneng Sarah bitbit ang gamot at panglinis ng sugat.
Maingat na nilagyan nito ang sugat ng kapatid walang malay na kapatid habang may tumutulong luha sa kanyang namamagang mata. Kailangan mabuhay ang kanyang kasangga dahil wala na siyang makakasama sa paghahanap-buhay. Alam naman niyang minsan naiinis siya sa kapatid pero mahal na mahal niya ito at nirerespeto katulad ng pag-respeto niya sa kanyang sarili.
Matapos gamutin ang sugat ay hinintay na lamang nila itong magising.
Nagsaing naman na si Neneng Sarah para sa kanilang hapunan at kasunod niyon ay nagluluto ng ginisang sardinas na may talbos ng kamote.
Nakatingin lamang si Marco sa kanyang kapatid na kanina pa nakapikit. Humihinga ito pero hindi nila alam kung kailan gigising ang mahal niyang kapatid.
"Maximo, gumising kana ." Paulit-ulit na sambit ni Marco.
Nilapitan naman ito ni Neneng Sarah at hinagod ang likod nito para pakalamhin.
"Magiging okay din ang lahat Marco."