Malakas na ulan ang gumising sa mga batang paslit. Wala silang alam na may bagyo ngayong araw kaya bumangon si Neneng Sarah upang lagyan ng tali ang kanilang munting mansyon. Duda siya dahil anumang oras ay maaari ng sumuko ang marupok nitong poste dahil sa anay na naninirahan sa loob ng kahoy. Katulad kahapon, wala pa rin si Marco. Inaasahan nila na uuwi ito mamaya.
Nangangalit na ihip ng hangin ang nagpapasayaw sa mga naglalakihang puno sa likod ng terminal. Hindi alintana ng mga bata ang panganib na nag-aabang sa kanila kung sakaling mabuwal ang mga iyon.
Agad na dinampot ng mga bata ang takuring kasing tanda ni Maximo na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagka-kamalay. Nag-timpla ng itim na kape at sinimot ang ka-kaunting asukal sa inaamag na garapong plastik. Matapos timplahin sa isang malaking tasa ay pinagsaluhan ito ng mga magkakapatid, nasa labas kasi si Neneng Sarah. Naghahanap ng p'wedeng ipangtambak sa gilid ng bahay dahil pumapasok ang anggi.
Rumaragasa na ang tubig sa ilog na ilang metro lang ang layo sa kanilang tirahan. Kaya nag-aalala rin si Neneng Sarah kung sakaling umangat ang tubig sa ilog ay masisira ang kanilang tirahan.
Pumulot ng mga nabaling kahoy ang dalaga at tinalian iyon ng mga nagkalat na straw at inilagay sa paligid ng bahay para maging pundasyon.
"Ate Sarah! Pumapasok po iyong tubig!" sigaw ni Berna mula sa loob.
Dali-daling pinuntahan nito ang bata para pasukin at tignan kung saan banda ang butas.
Mahigpit at gigil na gigil na tinalian nito ang bawat kahoy na kanyang itinayo at nang matapos siya sa pag-aayos ng kanilang tirahan. Nag-anlaw ito at nagpalit ng tuyong damit.
Masayang naglalaro ang mga bata habang umiihip ang malakas na hangin at dumadagundong na kulog mula sa matatalim na kidlat. Nakaramdam na ng lamig ang mga bata kaya gamit ang nanlilimahid na kumot ay iyon na ang ginamit ng mga ito. Animo'y mga basang-sisiw dahil magkakadikit na nagkukubli para malabanan ang lamig na lumalamon sa kanilang katawan.
Nanumbalik naman na ang kulay ni Maximo. Naging normal na rin ang hinga nito kaya ang hinihintay na lamang nila ay magising ito para alamin kung ano ang nangyari sa kapatid nitong si Marco.
Naka-upo naman si Neneng Sarah malapit sa kinalalagyan ni Maximo. Hinawakan nito ang noo ng bata at napansin niyang nanginginig ito.
"Kuya Marco! Kuya Marco!" Paulit-ulit na sigaw nito.
Hindi mapakali si Neneng Sarah dahil hindi niya alam ang gagawin sa nagsusumigaw na bata. Hinawakan nito ang pisngi at puwersahang ginigising dahil sa pagkakaalam niya ay binabangungot ito.
"Maximo! Gumising ka!"
Biglang bumalikwas ang bata at hingal na hingal. Tumingin ito sa paligid para hanapin ang kanyang kapatid.
"N-nasaan si M-Marco?" Nanginginig na sabi nito.
Naiwang tulala naman ang mga bata dahil takot sila sa kanilang Kuya Maximo.
"Kahapon pa hindi umuuwi si Marco, umalis siya naghanap ng makakain pero hanggang ngayon wala pa rin." mahinang sabi ni Neneng Sarah.
Tatayo sana ang bata ngunit hindi nito magawa. Masakit ang hita nito dahil sariwa pa ang sugat. Nakatulala lamang si Maximo habang inaalala ang laman ng kanyang panaginip.
•••••
"Tumakbo kana Maximo, bilisan mo para hindi tayo maabutan ng mga pulis!" sigaw ni Marco.
"Iabot mo na sa akin ang mga alahas para maitakas ko."
Kumaripas ng takbo si Maximo papunta sa kinaroroonan ni Boy Alahas para agad na maibenta ang hawak nilang alahas.
Malakas ang buhos ng ulan at isang pulis ang bumaril kay Marco. Sunod-sunod iyon at bumagsak sa basang kalsada ang bata. Tumingin si Maximo sa kanyang kapatid na nakataas ang kamay na sumesenyas ng tulong.
Nilapitan ito ng pulis at pinaputukan muli. Humalo ang dugo at pinong utak nito sa tubig ulan.
•••••
"Si Marco, napanaginipan ko." Humahaguhol na wika ni Maximo.
Niyakap ito ni Neneng Sarah para pakalmahin.
Hindi aakalaing ang batang paslit na saksakan ng tapang na ngayon ay parang sanggol na humihingi ng aruga ng isang ina.
"Marco, Nasaan ka."
Matapos kumalma ay inabutan ito ni Neneng Sarah ng kape para mahimas-masan. Kahapon pa kasi ito walang kain. Hindi manlang naramdaman ng bata ang init ng kape, basta-basta na lamang niya iyong hinigop na parang ordinaryong tubig lang.
"Mga tarantado talaga 'yang mga pulis na iyan, sila ang gumawa sa akin nito. Lalo na iyong si SPO1 Mansalta, alam kong nasa kanya ang mga alahas na nakuha namin kahapon dahil higit pa sa buwaya ang ugali ng pulis na iyon." nangangalit na sabi ni Maximo.
"Bakit sino ba ang kasama mo kahapon? Bakit ikaw lang hinabol ng pulis na iyon?" tanong ni Neneng Sarah.
"Ano pa nga ba, ako lang naman ang mahuhuthutan no'n ng pera dahil alam ng hinayupak na pulis na iyon na nakakakuha ako lagi ng swerte." pagmamalaking sabi nito.
Mahirap ang pinagdaanan ni Maximo habang pabalik sa kanilang munting tirahan. Walang kahit sinong tao ang tumulong sa kanya.
•••••
Ika-ikang naglalakad si Maximo pabalik sa mga kapatid. Lumuluha at hinihiling na sana makasalubong ang kapatid. Nanghihina na ang tuhod at kahit anong gawin niyang laban ay nararamdaman niyang anumang oras ay babagsak na ang kanyang manipis na katawan. Nakita niya si Boy Jackpot na may bitbit na palara at lighter pero hindi siya nito pinansin. Si Boy Jackpot ang kasamahan niya sa pagnanakaw sa isang Jewelry shop. Galit ito sa kanya dahil sa ginawa niyang pagpapabaya sa mga nakulimbat na alahas pero laking pasasalamat na lamang ni Maximo dahil hindi siya binugbog nito. Nagpatuloy sa paglalakad si Maximo at hinawakan ang kanyang hita na hindi na niya maramdaman. Isang sit-sit sa 'di kalayuan ang kanyang narinig kaya lumingon siya at natanaw niya si Boy Jackpot na may dalang malapad na kahoy na ginagamit ng mga kapatiran para mapasali sa isang organisasyon ang kanilang bagong bataan.
Hinawakan nito ang ulo ng paslit at malakas na pinalo ito sa pwet. Hindi ito tinigilan hanggang sa muling dumugo ang sugat ni Maximo.
"Tama na! Ayoko na, hindi ko naman ginusto ang nangyari, patawarin mo na ako!" sigaw nito.
Pero wala itong naririnig. Ibinaba nito ang paghampas. Sa bandang hita naman ang kinalantari nito malapit pa mismo sa sugat ng bata. Naging dahilan iyon para mag-kulay ube ang kayumangging bata ni Maximo. Bago siya tigilan ni Boy Jackpot ang sikmura naman niya ang sinundot gamit ang kahoy na may bahid ng kanyang dugo.
Panandalian itong tumigil at may kinuha sa bulsa. Isang sigarilyo na halos mabali na dahil sa pagka-ka-ipit. Sinindihan ito at hinithit. Pinagmamasdan niya ang gumagapang na bata at hiwi-hawi ang kamay ni Maximo gamit ang kanang paa.
"Gag* ka kasi nag-pahuli ka, ang ayos ng usapan natin pero sinira mo." natatawang wika nito.
Nang makaabot sa kalahati ang sigarilyong nagbabaga ay dinampot nito ang ulo ni Maximo at idiniin sa leeg ang nagbabagang sigarilyo.
"Siguro naman magtatanda kana, kasi kung hindi pa baka hindi kana masilayan sa susunod na araw."
Ngumisi ang matabang si Boy Jackpot at iniwan ang batang naka-handusay at tinitignan-tignan naman siya nito habang palayo. Napaluha na lamang si Maximo at pinilit na iginagalaw ang kanyang mga binti na halos mag-kulay ube na.
Sa tulong ng mga pader na nadadaanan niya, naging gabay niya iyon para makauwi sa kanilang bahay bago ito mawalan ng malay.
•••••
Namuo ang luha si Neneg Sarah dahil sa isinalaysay na kwento ni Maximo. Hindi niya lubos akalain na ganito ang sinapit ng kawawang paslit. Kaya pala marami itong sugat at pasa na natamo.
Masyadong marahas ang maynila para sa kanila pero wala siyang magagawa kundi kaharapin ang hamon sa araw-araw na kanilang pamumuhay.
Si Maximo ay nakatulala at iniisip ang kanyang nawawalang kapatid. Wala siyang ideya kung ano na ang nangyari kay Marco. Patay na ba o naligaw. Inaalala niya ang panahon na magkasama sila at nagtutulungan para kumita ng pera.
Napahawak na lamang siya sa kanyang balikat dahil iyon na pala ang huling araw na inakbayan siya ng kanyang kasangga.
Hindi na alam ni Maximo kung paano niya bubuhayin ang kanyang mga kapatid na kasalukuyang nakatingin sa kanya at naghihintay ng makakain. Hindi niya rin makalimutan ang sinabi ni Pitoy noon.
"Malapit na dumilim wala pa rin kaming makain, paano na lang si bunso?"
Malalim na hinga at malakas na buga na lamang ang nagawa ni Maximo para pigilan ang kanyang namumugtong na mga mata.
"Bahala na ang diyos sa atin, alam kong hindi niya tayo pababayaan kahit na anong mangyari." tanging nasambit na lamang ni Maximo.
Lumapit ang kapatid nitong si Pitoy sa kanya at niyakap ang natitirang Kuya. Sumunod naman si Berna at naiwan namang natutulog ang bunsong si Lauro.
"Basta nandito pa ako, hindi ko kayo pababayaan. Kapag gumaling ako hahanap ako agad ng pagkukunan ng pera para sa pagkain natin, pasensya na mga kapatid ko. Alam kong mahirap ang buhay natin pero sana 'wag natin kalilimutan na kahit ganito tayo ay mahal naman natin ang isa't-isa. Wala na si Marco sa tabi natin kaya ako na ang panibago niyong Tatay-Kuya."