Liar
"Daphnie! Kain na!" sigaw ni Wendy mula sa labas ng aking kwarto. Kakatapos ko lang maligo at naka bathrobe pa ako, mamaya na ako magbibihis pagtapos kumain.
Paglabas ko ay nadatnan ko siyang naglalagay ng plato. Sinangag, tapa at itlog ang agahan namin, nakakatakam tignan. Umupo na ako para makapagsandok, nakakagutom tignan ang mga luto ng bestfriend ko!
"Daphnie, baka di ako makauwi mamaya. Magstay ako sa kaklase ko, may tatapusin lang kami." tumango naman ako sa kanya habang patuloy sa pag nguya.
Nakatira kami ni Wendy sa isang magarbo at malaking condo, sobrang laki nito para sa aming dalawa. Magdadalawang taon na kaming nakatira dito. Sabay kasi kaming lumuwas ng Manila four years ago.
Masasabi ko talagang matagumpay na kaming dalawa ni Wendy. Hindi lang basta sa pera, pero naiahon na namin ang pamumuhay ng aming pamilya sa Han Ezequiel. I've been living my life as a CEO while Wendy is living her dream as a doctor, she's also currently taking up her doctorate degree. Ako ang saksi sa lahat ng paghihirap ni Wendy lalo na nung nagsisimula palang siya kaya ako din ang pinaka-proud sa kung san na ang narating niya ngayon. Minsan nga ay naaawa na ako kay Wendy, nag-aaral siya kapag umaga at nagtatrabaho sa gabi. Kaya kahit nasa iisang bubong lang kami ay bihira lang din kami magkita. Ang makakain kami ng sabay tulad ngayon ay masaya na kaming dalawa.
"Daphnie, ayain mo si Mari. Labas tayo sa Friday." biglang sabi ni Wendy kaya parang kumislap ang mga mata ko sa sinabi niya. Pag sinabi niya yan ay ibig sabihin libre siya ng buong araw at wala kaming ibang gagawin kundi ang magliwaliw. Ilang buwan narin ang nakalipas nung sinabi niya yan.
"Pero...ayaw mo bang ipahinga na lang ang araw na iyon?" pag-aalala ko. Oo, gusto kong makasama si Wendy pero masyado ng bugbog ang katawan at utak niya kaya kung may libre man siyang oras ay gusto kong gamitin niya iyon para makapagpahinga.
"Alam niyo namang kayo ang pahinga ko." di ko maiwasang mangiti sa sinabi ni Wendy.
"Okay! Sasabihan ko si Mari mamaya!"
"Grabe! Sobrang namiss ko kayo!" sigaw ni Mari dahil sobrang lakas ng music dito sa bar. Eto lang ang bukod tanging bar na pinupuntahan ko. Di ko rin alam pero feeling ko safe pag dito. Hindi kasi ito yung basta basta na bar na kahit sino ang nakakapasok.
Friday na ngayon at tulad nga ng napag-usapan ay nagkita kita na muli kaming tatlo. Nagday-off ako ngayon sa trabaho dahil gusto kong sulitin ang araw na to. Once in a blue moon lang ako magskip ng trabaho, kaya pag nagday-off ako ng dahil sa isang tao ay paniguradong sobrang importante noon sa akin.
Kaninang tanghali ay nagkitakita kami sa mall para kumain at nagshopping naman buong hapon. Ng magsawa kami ay dun na namin maisipan na magbar.
I'm just here, sitting at our table, while watching how my two bestfriends go wild in the dancefloor. I don't drink hard alcoholic drinks dahil alam ko mismo sa sarili ko na di ko kakayaning ihandle ang kaluluwa ko kung sakaling ipilit ko. Kaya nagsettle ako sa light drinks dahil tuwing nagbabar ay ako rin ang nagbabantay sa dalawa kong kaibigan.
Gusto kong lubusin nila ang saya nila ng walang pag-aalinlangan. Nandito naman ako para magbantay at magalaga. Lalo na itong si Mari, jusko po! Kapag nalalasing ay tingin niya sa lahat ng lalaki ay si Tristan, kung ano ano tuloy ang ginagawa niya. Nung minsan ay nanghatak siya at akmang hahalikan buti na lang at napigilan ko. Minsan pa ay nagaya siyang lumabas at iuwi na daw siya. Hindi ko alam ang gagawin ko sa babaeng yan! Kaya tuwing pagtapos magbar ay tinatawagan ko si Tristan para siya na ang magalaga jan sa fiancee niya.
Oo, fiancee niya. Engaged na sila last year pero sa susunod na buwan pa ang kasal. Natutuwa ako para sa kanilang dalawa dahil di mo aakalaing magtatagal ang dalawang iyon pero di ko maiwasang mainggit na sana ay ako rin. Ayaw nga ni Tristan na magkaroon ng bridal shower kaya di rin pumayag si Mari sa bachelor party kaya ang nangyari ay magpaparty na lang lahat ng magkakaibigan. Di ko sure pero sa next next week na ata yun.
Nabalik lang ako sa ulirat ng may narinig na akong nagsisigawan.
"Shit." yun na lang talaga ang masasabi ko. Tumakbo na ako kung saan nagkukumpulan ang mga tao.
"Eh etong babaeng to eh! Nilalandi yung boyfriend ko!" sigaw ng babae na hawak yung braso nung lalaki, yung boyfriend niya siguro.
"Kasalanan ba naming malandi din iyang boyfriend mo?!" hamon naman ni Wendy. Masasapo ko na lang talaga ang noo ko sa dalawang ito. Saglit lang akong hindi nakatingin ay ganto na ang nadatnan ko.
"Anong boyfriend mo?! Eh fiancee ko yan!" sigaw naman ni Mari. Sa tingin ko ay alam ko na ang nangyari. Malamang ay tingin nanaman ni Mari dun sa lalaki ay si Tristan kaya nilapitan niya, eto naman si Wendy ay halatang wala na sa katinuan.
"Anong sabi mo?! Naghahanap ka talaga ng gulo eh, noh?!" akmang sasabunutan na nung babae si Mari pero bago niya pa magawa iyon ay humarang na ako sa gitna. Nanlaki pa ang mata niya ng makita ako.
"Da-Daphnie?!" di ko siya kilala pero mukhang kilala niya ako. Sabi ko nga sa inyo ay sikat ang business ko kaya kahit saan ay makikita ang mukha ko. Maganda daw ako at mukhang modelo kaya ako mismo ang madalas nilang ginagamit sa mga billboard at kung ano pang advertisements. Marami na rin akong appearance sa kung ano anong media maski sa telebisyon.
"I'm sorry, my friends are really drunk. They didn't mean any harm. Ganyan talaga ang epekto ng alak sa kanila." gulat pa rin ang mukha niya pero parang may ekspresyon siyang hindi masyado kumbinsido.
"Wag ka magalala. Wala silang relasyon ng boyfriend mo. Kahit tanungin mo pa siya mismo bukas ay di niya kilala yan o baka di niya pa matandaan na nangyari to. Ako na mismo ang magsosorry para sa kanila." dagdag ko pa.
"Sa susunod kung di nila kaya ang alak ay wag na silang uminom. Kung di ikaw ang magsabi ay baka sinaktan ko na yang dalawa." nagthank you naman ako sa kanya bago siya umalis. Mukhang mabait naman iyon, natrigger lang talaga dito sa dalawa kong kaibigan.
Inalalayan ko na sila palabas at iniupo sa bench na nandoon. Wala na talaga sila sa huwisyo dahil maski habang naglalakad kami ay nakapikit at pagewang gewang.
Kinuha ko na ang phone ko at dinial ang number ni Tristan.
"Hello?" rinig kong boses ng sa kabilang linya. Hindi ko masyadong malinawan ang boses dahil medyo rinig parin dito sa labas ang ingay mula sa loob ng bar. Di ko sigurado kung si Tristan ba iyon pero since number niya naman ang dinial ko ay hinayaan ko na.
"Tristan, pasundo naman si Mari dito. Alam mo na kung nasaan kami, hihintayin na lang kita. By-" ibababa ko na sana ng magsalita pa siya na ipinagtaka ko dahil madalas naman kapag tumatawag ako ay alam niya na agad ang ibig sabihin.
"Where are you?"
"Huh?" medyo nawawalan pa ako ng signal dito. Mas malakas pa ang signal sa loob, ano ba yan! Di ko na maintindihin yung iba pa niyang sinabi kaya para madali ay sinabi ko na lang yung pangalang nung bar at ibinaba na yung tawag.
Halos thirty minutes na ang nakalipas ay di ko pa natatanaw ang sasakyan ni Tristan. Ano bang ginagawa nun, madalas naman ay fifteen minutes lang nandito na yun dahil di naman to malayo sa tinutuluyan nila lalo na't maluwang ang kalsada ng gantoong oras.
Tinignan ko ang dalawa kong kaibigan na ang sarap ng tulog sa bench habang nakanganga at nakasandal sa isa't isa. Hindi ko pinapalagpas ang mga gantong opportunity kaya pincturan ko sila ng maraming beses, nahinto lang yun ng may tumapat na liwanag sa amin mula sa kotse. Siguro ay si Tristan na iyon. Hinto iyon sakto sa harap namin kaya sigurado akong si Tristan yun pero di ko masyado mamataan ang plate number dahil sumasalubong ang liwanag sa mata ko.
"Ba't ang tagal mo Tristan?! Kanina pa ko naghihintay di-" di ko na natuloy pa ang sasabihin ko ng makita ko na ang lumabas mula sa kotse.
Bakit siya? Anong ginagawa niya dito? Bakit ngayon pa? Para saan pa? Sa lahat ng nangyari noong walong taon na ang nakalipas, di ko alam kung may dahilan pa ba para magkita kami. Hinihiling ko ay sana wala na.
Nagulat ako pero hindi ko iyon ipinahalata. Nasasaktan akong makita siya ngayon pero di ko ipinakita. Kinalma ko ang sarili ko at ipinilit na walang epekto ang presensya niya sa akin. Na parang wala lang ang lahat. Eto naman ang gusto niya noon diba? Ang ako mismo ang magalit at lumayo sa kanya. Edi ibibigay ko sa kanya.
"Asan si Tristan?" malamig kong tanong habang diretso siyang tinitignan sa mata at walang ipinapakita na kahit anong emosyon.
"He left his phone at my house. Kaya ako ang sumagot sa tawag mo."
"Okay. Pahatid na lang si Mari sa kanila." sabi ko at akmang aalalayan na patayo si Wendy.
"Where are you going? Ihahatid ko na kayo." sabi niya ng maisara na ang pinto ng sasakyan kung saan niya iniupo si Mari.
"No, thanks. Kaya ko na." pwede bang bawiin ang sinabi ko? Kasi kung pwede gagawin ko. Mas mabigat pa sa akin tong dala ko eh! Buti sana kung ganoon sa kanina na nakakapaglakad pa silaa eh kaso ngayon kinakaladkad ko na lang eh. Ni di ko nga alm kung may masasakyan pa!
"Go in. Mahirap na humanap ng masasakyan ng gantong oras." kinukuha niya na sa akin si Wendy kaya ibinigay ko na. Sorry Wendy, napalakas ata ang pagtulak ko sayo. Dire diretso akong pumunta sa passenger seat at hinintay lang na makaalis na kami.
Una naming hinatid si Mari dahil mas malapit ang tinitirhan nila ni Tristan. Nagaabang na si Tristan sa labas ng dumating kami, kinukuha na niya si Mari ng mamataan niya ako. Nagulat siya pero agad din iyon napalitan ng mapanlarong mata at ngisi sa kanyang labi. Kusang umikot ang mga mata ko ng makita ang ekspresyon niya.
"Thanks, Kaleb and Daphnie sa paghatid! Sorry sa abala!" sabi ni Tristan bago siya tuluyang pumasok at bago kami umalis.
Nanatili akong nakatingin sa bintana dahil sobrang awkward! Di ko inaasahan na ngayon at magiging ganto ang pagkikita namin.
"Saan ang daan?" oo nga pala at di niya alam kung san ako nakatira kaya sinabi ko na lang sa kanya ang pangalan ng building. Mabuti naman at alam niya, kung sa bagay ay kilala naman iyon. May gate pa ito bago makapasok na kailangan pang magpakita ng I.D. na ebidensya na doon ako nakatira. Ng makaabot kami doon ay ipinakita ko ang I.D. ko kaya nakapasok na din kami.
Tatawag na sana ko ng tutulong sa akin sa pagakyat kay Wendy pero siya na ang nagprisenta na magbubuhat. Di na ako nagsalita at hinayaan siya sa gusto niyang gawin. Ng makaakyat na kami at naidala na niya ang kaibigan ko sa kwarto ay lumabas na siya.
"Thanks." sabi ko bago isara ang pinto pero hinarang niya ang kamay niya doon dahilan kung bakit bumukas ulit ang pinto.
"Elliss..." bakit ba ang sakit pag siya mismo ang bumabanggit ng pangalan ko na iyan. Parang pinipiga ang puso ko, nagpipigil na humiling na sana ay bumalik kami sa dati kahit na alam kong hindi na pwede.
"Sorry."
"For what?" kalmado kong tanong na parang lahat ng ito ay wala lang para sa akin. Na parang wala lang siya para sa akin.
"For everything...that happened to us. I want to explain but I don't know how...or where to start."
"Nakaraan na iyon, Kaleb. If you're doing this para lang gumaan ang loob mo, then I forgive you. Just don't...go near me again." maski ang sarili ko ay di ko pa napapatawad, pano pa kaya siya? Pano pa kaya kami? Pero kung ang sabihin yun ay ang tanging paraan para lumayo na siya sa akin ay ipaparinig ko sa kanya.
Ayokong marinig ang mga explanation niya, ni hindi ko nga alam kung totoo ba yun. O kung marinig ko man, di ko alam kung maniniwala pa ba ako. Ang hirap ibalik muli ng tiwala na ibinigay mo ng buong buo sa taong mahalaga sayo, tapos sira na ng ibalik sayo. Kahit anong gawin o sabihin niya ngayon ay kasinungalingan para sa akin.
"I-I st-...I'll go." di ko alam kung ano ba ang dapat niyang sasabihin. Pero di ko rin alam ang mararamdaman ko nung sinabi niyang aalis siya.
Halata sa mga mata niya ang kalungkutan at pagsusumamo. Kitang kita ko iyon bago ko tuluyang isara ang pintuan. But what can I do? He's the one who made me think that he's nothing but a cheater and a liar.