Chereads / Hecate Series: Oculus / Chapter 1 - Prologo

Hecate Series: Oculus

fxlogia
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 16.2k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Prologo

Ang Simula

Apoy, nakakapaso sa sobrang init at nakabubulag sa liwanag, 'yan ang namutawi sa aming tirahan. Nanatili akong nakatulala sa kabila ng takot na dumadaloy sa aking mga ugat at sa mga luhang pumapatak mula sa aking mga mata. Masaya kaming kumakain kani-kanina lang, si Inang, si Tatang at ang nakatatanda kong kapatid nang biglang sumiklab ang apoy na bumalot sa aming tahanan kasabay ng pagpasok ng mga taong nakamaskara habang naglalaro ang maliliit na apoy sa kanilang mga kamay. Hindi ko masundan ang kaganapan dahil napakabilis ng pangyayari, ang alam ko lang ay kasabay ng pagkalat ng apoy ay ang pagkabuo ng takot at galit sa puso't isipan ko.

"Nasaan ang Oculus?" maawtoridad na sabi ng isang lalaki nang hilain si tatang sa kuwelyo. Itinapat nito ang apoy mula sa kan'yang kamay sa harap ni tatang animo'y nagbabanta.

"Wala akong alam sa sinasabi mo, walang kinalaman ang pamilya ko!"

Bagama't may takip ang mukha, ang nakakakilabot na ngisi na isinalamin ng mga mata ng may hawak kay tatang ay namutawi pa rin. Humalakhak ito bago matalim na tumitig sa walang kalaban-laban na lalaki sa harap niya at idinikdik ang kan'yang apoy sa mukha mismo nito na siyang naging dahilan ng malakas na sigaw ni tatang na dumagundong sa bawat kanto ng silid.

"Lucian!" Agad na sigaw at sugod ni inang kay tatang para saluhan ito. Wala akong magawa ngunit ang manood at ngumawa sa kinatatayuan ko. Nasa aking tabi si Achlys, ang nakatatanda kong kapatid, na pilit tinatakpan ang mga mata't mga tenga ko na akala mo'y may nagagawa ito. Ramdam ko ang panginginig at panlalamig ng mga kamay ni Achlys na pilit na itinatago ng blangko niyang mukha. Nang maintindihan ko ang pangyayari ay agad akong sumugod sa lalaki at kinagat ang braso nito. Narinig ko ang malakas na pagdaing nito sa sakit bago ako nito sapilitang buhatin gamit ang isang kamay sa pamamagitan lamang ng aking damit.

"Tarantado kang bata ka ah!" Galit na sigaw nito. Narinig ko ang pagsusumamo nina Inang na h'wag akong idamay ngunit ako ang kusang lumusong sa naglalagablab na apoy.

"Bitiwan mo ako!" Ibinaba ako nito at 'saka malakas na sinampal. Tumilapon ako sa tabi at huli na nang mapansin ko ang apoy na kumalat sa damit ko mula sa likod. Agad akong dinalo ni Achlys at hinila palayo sa parteng 'yon. Gamit ang kan'yang attribute ay agad niyang binig'yang lunas ang naapektuhang parte ng aking katawan. Patuloy lamang akong umiyak at nagdadaing sa sakit. Hindi pa man ako natatapos gamutin ni Achlys ay hinila ito agad ng isang kasamahan no'ng lalaki at inilayo sa akin.

"'Wag niyong idadamay ang mga anak ko! Wala silang kinalaman ditto!" Si Inang.

"Ang atraso ay dumadaloy sa dugo. Huling palugit, nasaan ang Oculus?!"

"Hindi ko alam at kahit alam ko ay hindi ko sasabihin sa inyo." Nakangising sambit ni Tatang na animo'y nanghahamon pa. Agad itong tumayo kasama si Inang at nagsimulang sumugod sa mga estrangherong nagsimula ng gulo sa tahanan. Bagama't ilang beses ko nang nakitang gamitin nina Inang ang kanilang attribute ay hindi ko pa rin maiwasang mamangha sa kabila ng kaganapan. Nagsimulang sumalakay si Inang, lumipad ang mga yelong nagmistulang mga pana sa direksyon ng mga estranghero na agad namang inilagan ng mga ito, agad na sumunod si Tatang na nagpalipad ng malalaking bato patungo rin sa direksyon ng mga estranghero. Umatake ang magkabilang panig at hindi ko na namasdan ang kanilang galaw sa bilis nito. Si Achlys ay pilit na kumakalas sa hawak ng isang lalaki at ako naman ay nakahilata lamang, hindi alam ang gagawin. Mas uminit ang paligid at mas namutawi ang takot na aking nararamdaman lalo na nang tamaan sina Tatang sa pag-atake ng mga estranghero. Kitang-kita ko ang sakit sa mga mata ni tatang at ang pagod na nararamdaman nito.

"Ikaw man ang pinakamalakas sa distrito sa loob ng isang dekada, Lucian, ngunit tumatanda ka rin. Kung hindi ka bumuo ng sarili mong pamilya ay baka malakas ka pa rin ngayon ngunit hinigop na ng dalawa mong anak ang lakas mo, ang masaklap pa ay hindi nabiyayaan ang bunso mong lalaki ng kapangyarihan. Sa huli ay kahinaan pa rin ang kinahantungan mo." Mahabang salaysay nito sabay sulyap sa akin na siyang ikinainis ko.

"Hindi totoo 'yan! Ang sabi nila ay huli lamang na mamumulaklak ang aking kakayahan ngunit hindi ako baldado!" Agad naman itong tumawa sa sinabi ko bago ito naglakad palapit sa akin.

"'Wag kang lalapit kay Perses!" Pagbabanta ni Tatang ngunit nagbingi-bingihan lamang ito at lumuhod pa sa harap ko na may ngising namutawi muli sa kan'yang mga mata. Tiningnan ako nito nang matalim bago muling nagsalita.

"Sa mundo natin, may dalawang uri ng tao lamang: ang may kapangyarihan at baldado. Isa kang tanga kung paniniwalaan mo ang bagay na 'yan dahil ni isang beses ay hindi nangyari 'yan sa buong kasaysayan. Ikaw ay anim na taong gulang na, at ang kakayahan ay lumalabas bago ang ikaapat na kaarawan na ang ibig sabihin ay, baldado ka at habang buhay ka nang baldado!" Natahimik ako sa sinabi nito. Muli itong humalakhak bago tumayong muli at lumapit kina tatang. Nang tingnan ko sina tatang upang masigurong hindi totoo ang sinabi ng lalaki ngunit iniiwas lamang ng mga ito ang kanilang paningin, gano'n din ang naging reaksyon ni Achlys nang ibaling ko rito ag paningin.

Baldado ako at nagsinungaling sila sa akin.

"Kung wala rin naman akong mapapala sa inyo ay mas mabuti pang magpaalam na lamang tayo sa isa't isa."

Sa isang iglap ay tumagos sa katawan ni tatang at inang ang mga apoy na nakahugis na punyal. Namutawi ang gulat sa mukha ko at ng aking kapatid. Ilang minuto pa ang lumipas bago tuluyang pumasok sa aking isipan ang nangyari.

Si inang at tatang. Wala na sila.

"Inang! Tatang!" Kumawala agad si Achlys mula sa nakahawak sa kan'ya at sinaluhan ang aming mga magulang at tinitigan ko lamang sila. Ang mga luha ko ay nagsimulang kumarera sa aking mga pisngi at tila ako nabingi sa aking nakita. Susugurin pa sana nila ang kapatid ko ngunit biglang tumunog ang telepono ng kanilang pinuno.

"Kailangan na nating umalis. May paparating." Sinulyapan niya kaming muli at 'saka nagpasiklab pa lalo ng apoy na pumalibot sa amin bago sila umalis.

Mas lalong kumalat ang apoy, hindi ko magawang tumabi kina tatang dahil sa hapdi ng likod ko dahil sa nangyari kanina at dahil na rin sa apoy na nasa pagitan namin. Pilit kong tinatawag sina inang kahit alam kong hindi nila ako masasagot at ang tinig ni Achlys ang natitirang pag-asa ko na makaliligtas pa kami.

"Perses!"

"Achlys, pakiusap. 'Wag mo akong iiwan." Humahagulgol kong sambit.

"Makakaligtas tayo." Nakita ko siyang pilit na humahanap ng daanan papunta sa akin sa gitna ng apoy na pumapagitna sa amin. Nagsimula akong gumapang upang mas makalapit pa ngunit ang usok ay siya ring nakapagpapahina sa akin. Patuloy kong isinasambit ang pangalan ni Achlys ngunit agad na gumuho ang mundo ko nang makita kong bumagsak ang kahoy mula sa aming bubong kay Achlys kasabay ng impit niyang sigaw at hindi ko na siya muling narinig.

Achlys.

"Achlys!" Paulit-ulit kong sigaw hanggang sa manghina ako. Umaasa akong may darating upang iligtas kami sa impyernong nararanasan ko ngayon ngunit wala at kasabay ng pagbalot ng apoy sa tahanan namin ay tuluyan na ring binalot ng kadiliman ang aking paningin.