Chereads / Hecate Series: Oculus / Chapter 5 - Kabanata 4

Chapter 5 - Kabanata 4

Ilang araw na ang lumipas matapos ang insidente sa silid-aklatan, may klase na rin ako bukas. Nang buksan ko ang aklat na tungkol sa isang kahariang nagngangalang Eleutheria ay bumungad sa akin ang isang mapa ngunit naantala ako nang may marinig akong mga yapak kaya itinago ko agad ang aklat at 'saka ito dinala pabalik sa silid ko. Hindi ko naman masasabing ninakaw ko 'yon, sa tingin ko ay hiram namang matatawag 'yon dahil ibabalik ko naman kapag tapos ko nang basahin at, wala rin namang nagbabantay. Sinubukan kong basahin 'yon sa mga natitirang araw bago magsimula ang klase ko ngunit marami rin akong inasikaso at nagsimulang dumiretso at tumambay sina Diana at Amaryllis dito tuwing hapon pagkatapos ng klase nila at sa tuwing aalis sila ay nakakatulog agad ako. Hindi ko inasahang kikibuin pa ako ni Amaryllis pagkatapos ng nalaman niya at sa totoo nga ay kung gumalaw siya sa harap ko ay parang walang nangyari at matagal na kaming magkaibigan, at panay dikit na naman siya sa akin. Tinuruan na rin nila ako sa ibang asignatura para naman hindi raw ako mahuli sa mga pinag-aralan nila pagpasok ko.

Papunta ako ngayon kay Diana para kunin ang uniporme at tsapa ko. Mula nang dumating ako rito ay wala na akong ibang ginawa kundi ang maglakad. Hindi rin ako masyadong makalabas, buti na lang kahit papaano ay nagagawan ko 'to ng paraan. Kanina ay nakatanggap ako ng liham mula kay Pappous na puno lang ng mga sermon dahil sa nalaman niya tungkol sa insidente no'ng isang araw. Sa halip na ako ang pag-ingatin ay ako pa ang sinabihang h'wag magsisimula ng gulo. Sinabi niya rin sa liham na h'wag na akong magpapadala ng sagot dahil hindi na rin naman siya makakasulat ulit dahil marami pa siyang gagawin ngunit nagpadala pa rin ako ng maikling mensahe para sa kan'ya.

Napadungaw ako sa bintana kung saan kitang-kita ang hardin ng paaralan dahil sa ingay na naririnig ko. Hindi na ako nagulat nang makita ko ang malaking bilang ng mga mag-aaral na nag-eensayo rito. Lahat ay seryoso sa kanilang ginagawa. Naghalo-halo ang apoy, hangin, tubig, yelo, liwanag, dilim, at iba pa sa baba, biglang sumama ang pakiramdam ko sa aking nakikita kaya iniiwas ko na lamang ang tingin ko at nagsimula na ulit maglakad. Nakakailang hakbang pa lamang ako nang may marinig akong nabasag sa likod ko. Bumungad sa akin ang isang pamilyar na lalaki ngunit hindi ko matandaan kung saan at kailan ko ito nakita. Hindi ko na lang ito pinansin kaya nagsimula na akong maglakad.

"Em-em." Narinig kong sabi ng lalaki sa likod ko sabay hila sa pulso ko. Dahil sa pagkairita ay hinila ko ang braso nito, ipinatong sa balikat ko, at tsaka ko ito ihinagis paharap at tsaka itinuloy ang paglalakad. Kanina pa ako naaantala at gusto ko nang bumalik sa silid ko.

...at anong tinawag niya sa akin? Em-em?!

Napakabantot na nga ng pangalan ko, mas pinabantot pa ng kumag na 'yon.

"Hoy." Lumundag ito sa harap ko nang may ngiti at bahid ng sakit sa kan'yang mukha. Ang kanang kamay nito ay nakahawak sa likod niya at ang kaliwang braso ay nakaalalay sa kan'yang balikat.

Tinaasan ko ito ng kilay, "Hindi kita kilala at ayokong magsayang ng laway. Tabi."

Tinabig ko siya ngunit hindi ito nagpatinag at tumawa pa nga.

"Magpapakilala ako ulit, ako si Levior. Nagkita na tayo no'ng isang araw sa hardin. Magbabahagi ako ng laway sa 'yo kung masyadong kulang ang iyo sa puntong ayaw mo itong sayangin." Tawa niyang muli.

Sinuklay ko ang aking buhok palikod habang nililibot ang paningin bago ko siya nginisihan at binigyan ng aperkat. Pagkatapos no'n ay mas binilisan ko na ang lakad ko.

"Good luck bukas. Sabay tayo kumain sa tanghali!" Pahabol nito at hindi na sinundan pa.

Wala pa man ay sumasakit na ang ulo ko para sa mga mangyayari bukas. Umaasa pa rin akong makukumbinsi ko si Pappous na ilabas ako rito, ang kailangan ko ay sapat na dahilan at 'yon ang dapat kong hanapin. Sa tingin ko'y mataas ang posibilidad na may itinatagong baho ang paaralang 'to at kung kakailanganin ay huhukayin ko ang bawat dumi sa bawat kanto rito.

"Emy!" Salubong sa akin ni Diana pagkabukas na pagkabukas ko ng opisina nila. Tumayo ito agad at lumapit sa akin.

"Halina, sukatin mo ang uniporme mo." Hinila niya ako papasok sa isang banyo at tsaka nasasabik na ibinigay sa akin ang isang supot. Nginitian ako nito bago lumabas at isinara ang pinto.

Nakatitig lang ako sa pintuan—pilit na inaanalisa kung ano ang nangyari. Hindi ko alam kung gaano pa ako katagal na mananatiling nasa gano'ng sitwasyon kung hindi pa ako kinatok ni Diana.

Bumuntong-hininga ako bago ko sinimulang magbihis. Hindi naman masyadong hapit ang damit ngunit hindi pa rin nito naitago ang hubog ng katawan ko. Ang palda naman ay hindi aabot ng tuhod. Hindi ko maisip kung paano sila nakakagalaw nang maayos sa ganitong uniporme.

Nang makalabas ako ay agad na nagliwanag ang mukha ni Diana nang makita ako. Umikot ito sa akin habang inaanalisa ang itsura ko at tsaka ako hinarap nang naka-thumbs up. Tiningnan ko ito animo'y nawiwirduhan ngunit tumawa lamang ito bago inabot ang isang maliit na supot sa akin. Nang buksan ko ito ay bumungad sa akin ang tsapa kung saan nakalagay ang pangalan ko at ang nagmimistulang simbolo ng paaralan.

"Karamihan ay nakaukit pa ang kanilang mga attribute sa gilid ngunit sa 'yong sitwasyon, uh..."

"Alam ko. Hindi mo na kailangang ipaliwanag." Itinabi ko na ang tsapa at bumalik sa banyo para magpalit ulit.

Matapos no'n ay inanyayahan ako ni Diana na maupo para ipaliwanag ulit ang mga kailangan kong malaman bago ako pumasok.

"Ito ay mula sa paaralan." Iniabot niya sa akin ang isang teleponong may kakaibang disenyo.

"Akala ko ba'y bawal ang telepono rito?"

"Bawal ang teleponong mula sa labas. Hindi ka maaaring makipag-usap sa mga taong nasa labas ng paaralan hanggang nandito ka gamit ang iyong pribadong telepono, pinapayagan naman namin ang telegrama ngunit kapag teknolohiya ang 'yong gamit upang makipagkomunika sa labas ay mas delikado. Isa pa, ang teleponong 'yan ay para sa mga taong narito lamang sa paaralan. Mayroong mga programang gawa mismo ng magagaling na agsikapin ng ating paaralan, mga aplikasyon na naaayon sa ating layunin."

Natawa ako sa sinabi niya. "Nagbibiro ka ba? Magbibigay kayo ng telepono, at ang maaari ko lamang makontak ay ang mga tao rito? Para saan pa 'to?"

Natatanga ako lalo sa paaralang 'to at sa tingin ko'y hindi pa rito magtatapos ang mga kalokohang 'to. Hindi na siguro ako masasanay.

"Mas maiintindihan mo lamang ang mga bagay sa susunod ng mga araw. May dahilan ang bawat espasyo sa paaralang 'to, Emy." Matamis niyang ngiti na sinuklian ko ng isang irap.

Biglang pumasok sa isip ko ang tungkol sa Eleutheria. May alam kaya ito tungkol do'n?

Magtatanong na sana ako ngunit may mga mag-aaral na nagsimulang pumasok sa silid. Maiingay at magulo ito nang pumasok. Lumapit sila kay Diana at sinimulang kulitin ito, kitang-kita ko ang pagkapikon sa mukha ni Diana ngunit hindi niya maawat ang mga ito. Tiningnan ko sila isa-isa—inaaral ang itsura, ugali, at pagkatao nila. I wonder what each of them hides.

Walang paa-paalam akong lumabas ng silid nang mapansin kong magiging abala si Diana. Nakapanghihinayang lang na hindi ko natanong ang tungkol do'n. Naalala ko bigla ang nakasulat sa libro, Kaharian ng Eleutheria...kaharian? Kung hindi ko nakita ang isang pirasong papel na 'yon kung saan nakasulat ang Eleutheria ay iisipin kong kwentong pambata lamang 'yon o isang alamat. Ang ikinatataka ko ay kung bakit mayroon ang Hecate ng isang librong tungkol sa lugar na wala naman sa buong lupaing kinatatayuan nito. Sa pagkakaalam ko ay ipinagbabawal ang mga aklat mula sa ibang lugar nang hindi dumadaan sa proseso ngunit walang selyo ang aklat kaya ang tanong, sino ang nagdala nito rito?

Malamang kung sino man 'yon ay, pagala-gala lamang ito sa paaralan.

Nagsimulang umingay sa paligid at natanaw ko ang mga mag-aaral na nagmamadaling tumatakbo sa direksyong papunta sa hardin. Ano'ng meron?

Pinakinggan ko ang usapan ng mga napapadaan sa akin at niyanig ng mga narinig ko ang aking isipan.

"Ano ang ginagawa ni Erebus dito?!"

"H'wag mong sabihing may target siya rito? Walang kriminal dito kaya bakit siya nandito?"

E...re...bus? Pugongina?!

Dahil sa pagkalito ay nagsimula na rin akong tumakbo papunta sa hardin. Nang tuluyan akong makababa ay nakita ko ang isang pigura sa gitna ng hardin na ngayo'y pinalilibutan na ng mga mag-aaral.

"Si Erebus 'yan? Bakit nakaputi, nagpalit siya ng outfit?" Tumatawa pang bulungan ng mga babae sa gilid ko.

"I don't think that's Erebus." Biglang sulpot ng isang pamilyar na tinig sa gilid ko at nang tingalain ko ito ay mukha ni Helios ang aking nakita.

Nilingon ito agad ng mga babae nang kumikislap ang mga mata samantalang agad ko namang ibinalik sa harap ang aking paningin, "H-Helios?" Kinikilig nitong sambit bago nagpatuloy, "Paano mo nasabing hindi si Erebus 'yan?"

"Sa tingin ko lang naman. Unang-una nang maaaring basehan ay ang suot nito ngayon. Kung makikita lamang natin ang kanan niyang mata ay malalaman natin kung siya nga ba talaga si Erebus ngunit kataka-takang may takip ito ngayon, bakit naman gagawin ni Erebus 'yon?" Mahaba niyang paliwanag, ang postura ay akala mo isang henyong nag-iisip.

"Isa pa, Erebus is not wreckless. Why would he attack our school? That's an impostor, I wonder why that person's risking his life pretending to be Erebus though." Dagdag niya pa bago tumawa sa paraang kapag narinig mo ay aakalain mong lalaking-lalaki talaga. Hindi ako nakarinig ng sagot sa dalawa kaya sinulyapan ko ito upang makita lamang ang nakamaang nilang bunganga, napairap ako sa hangin.

Nagsimulang gumalaw ang misteryosong bisita ng Hecate, may hawak itong espada at ipinaikot-ikot niya ito sa hangin bago pumostura, nag-aaya ng maliit na laban na agad namang kinagat ng iba. Biglang lumitaw sa gitna si Diana at pinatigil ang mga mag-aaral na susugod na sana, ngunit kasabay ng paghinto ng mga ito ay ang pag-atake naman ng misteryosong bisita. Mukhang gulo talaga ang ipinunta nito rito. Gumawa agad si Diana ng barrier para sa kanilang dalawa. Don't tell me she's planning to face that jerk alone?!

Sinugod ng bisita si Diana na agad naman niyang inilagan. May pumalibot na kulay-lilang usok sa mga kamay ni Diana at halos isang minuto pa ang lumipas bago ko mapagtanto kung ano 'yon. Poison? 'Yon ang attribute niya?

Bibihira lamang ang nabibiyayaan ng gano'ng attribute, kaya siguro siya ang napiling Mayor ng konseho.

Nagpalitan ng mga atake ang dalawa, makikita sa mukha ni Diana ang hirap dahil kinokontrol niya ang barrier habang umaatake. Napansin ko rin ang kakaibang nangyayari sa espada ng bisita.

"Ano ang kailangan mo sa paaralan namin?!" Bulyaw ni Diana sa gitna ng mga atake ngunit hindi sumagot ang bisita.

Diana wielded her attribute again into a knife and tried to stab this to the visitor's body but it avoided each of her attacks. Pareho silang may maliliit na tama ngunit hindi nito naapektuhan ang bilis nila. Aligaga na ang mga mag-aaral sa lugar, bakas sa kanilang mukha ang kagustuhang tumulong ngunit nangingibabaw rin ang takot. Walang magawa ang lahat kundi ang manood. Limitado ang kanilang magagawa dahil na rin sa barrier. Wala kaming ibang maaasahan dahil ang mga guro ay mayroong pagpupulong kasama ang Punong Ministro at ang gabinete nito. Mayroong mga guwardiya at security personnel palibot sa paaralan ngunit hindi ko alam kung ano ang nangyari't nakapasok ang isang 'to.

Nabasag ang pag-iisip ko nang biglang mapasinghap ang lahat, doon ko lang nakita ang ngayo'y humahangos na't sugatan na si Diana. Nawala na ang barrier at ang espada ng kalaban ay nakatutok na sa leeg nito. Pilit na itinataas ni Diana ang kan'yang braso ngunit bakas sa mukha nito ang panghihina. Kahit wala na ang barrier ay walang ni-isa ang nagtangkang sumugod.

I gritted my teeth and balled my fist. Susugod na sana ako ngunit hinila ni Helios ang braso ko. Nilingon ko ito at sinamaan ng tingin, "Bitiw."

"Hindi mo ipapain ang sarili mo ro'n." Mariin nitong sabi at mas hinigpitan pa ang hawak sa braso kaya sinipa ko ang ibon nito. Nang kumalas siya ay tumakbo ako agad kay Diana. Itinuon ko ang lakas ko sa aking mga binti at tsaka tumalon at sinipa ang bisita sa mukha.

Tumilapon ang espada nito na agad kong pinulot bago ko binuhat si Diana at itinabi. Nakapikit na ito at humahangos pa rin.

"Hoy! Galaw!" Halos maputol na ang mga litid sa lalamunan ko nang sumigaw ako. Nagugulat akong tiningnan ng mga tao roon bago natatarantang nagsigalaw at nilapitan si Diana para gamutin ito. Hindi na ako nagsayang pa ng oras at nilapitan ko na ang bisitang katatayo lamang sa pagkakatumba dahil sa sipa ko kanina.

Matalim ako nitong tiningnan bago humugot ulit ng espada sa likod niya.

"Erebus wannabe." Bulong ko rito.

Patakbo itong sumugod sa akin. Ang parehong kamay na nakahawak sa handle ng espada ay nakaposisyon sa kanan niyang bewang, nag-iipon ng pwersa at nagtatangkang ibaon sa akin ang espada sa isang atake ngunit mali ang pagkalkula niya. Nang makalapit siya sa akin ay lumundag ako, binigatan ko ang aking sarili sa ere upang makababa agad at inapakan ko ang kan'yang espada. Mabilis itong gumalaw at binawi agad ang kan'yang espada sa pamamagitan ng paglundag at pag-ikot. Sinalubong ng espadang hawak ko ang espada niya nang dumiretso ito sa akin pagkaikot na pagkaikot niya. Ilang segundo rin kaming nagpalakasan bago ko pinaikot ang espada niya gamit ang espada ko. Nang mawala ang balanse ng pagkakahawak niya sa espada, tumagilid ako at itinutok ko sa kan'ya ang dulo ng espada. Agad naman itong napaaatras—paatras nang paatras na ikinatabi ng mga mag-aaral na nasa daan hanggang sa mapasandal siya sa isang puno na naroon. Inangat ko ang baba nito gamit ang espada ko, tsaka ko ito nginisihan.

"I wonder who's behind this impostor's mask." Itinungkod ko ang kaliwang braso ko sa puno habang hawak pa rin ang espada't nakatutok pa sa bisita.

"Emyskia! Sa taas!" Narinig ko ang boses ni Helios bago pa man ako makapagsalita ulit. Tumingala naman ako at agad na umiwas nang bumagsak ang isang malaking sanga mula sa puno. Sinulyapan ko ang parte ng puno kung saan nakapwesto ang kamay niya kanina, at doon ko nakumpirmang may attribute ang taong 'to.

Sabi ko na nga ba.

Sumugod ulit ang bisita sa akin na agad ko naman ulit inilagan. Muli kaming nagpalitan ng atake, espada sa espada. Hindi niya na ulit ginamit ang attribute niya, tama ang hinala kong pinaninindigan talaga ng taong 'to ang pagiging Erebus.

Nang magtama ang espada nami'y muli kaming nagpalakasan, ang distansya ng aming mukha't katawan ay ilang pulgada lamang.

"Napapansin kong hindi mo ginagamit ang attribute mo." Biglang bulong nito. Biglang sumama ang mukha ko sa sinabi niya.

"Hindi ko alam na nakakapagsalita si Erebus," Pagdiin ko sa huling salita. "Should I feel honoured that I am the first person to hear your voice?" Sarkastiko kong dagdag ngunit tumawa lang ito nang mahina.

"Baldado ka ano? Kung ako sa 'yo ay susuko na lang ako bago pa mag-init ang ulo ko. Walang lugar ang mahihinang katulad mo sa oras ko." Dagdag pa nito.

Mas sumama ang tingin ko rito. Mahina? Hindi ba't siya itong naduduwag na ngayon?

"Paano ba 'yan, eh sa mas naunang uminit ang ulo ko?" Makahulugan kong sabi at tsaka inilipat ang buong puwersang inipon ko sa aking katawan papunta sa espada. Tumilapon ito agad at napahiga.

"Mga tulad mong mahina na nga ngunit nagmamataas pa ang pinakakinamumuhian ko." Sabi ko agad sa kan'ya nang makalapit ako. Taas-noo ko siyang tinitigan, ang tingin ko lamang ang bumaba.

Tinadyakan ko itong muli at akma na sanang ibabaon sa katawan niya ang espada ko ngunit naagaw ng singsing ko na biglang kuminang dahil sa sinag ng araw, ang aking paningin kaya pinigilan ko ang sarili ko at ibinaon na lamang ang espada sa lupa. Lumuhod ako sa gilid ng lalaking ngayo'y sugatan at humahangos na rin. Inalis ko ang eye patch nito sa kanang mata.

"Hindi si Erebus 'yan." Rinig kong bulungan sa paligid.

Akma ko na sanang ibababa ang tumatakip sa kalahating parte ng mukha nito ngunit nakita ko ang braso niyang gumagalaw at nang sulyapan ko ang kamay niya ay mayroong parang bola rito na may lumalabas na usok.

"Magsilayo kayo!" Sigaw ko bago tumakbo palayo. Itinapon nito pataas ang bola at agad na sumabog ang usok mula rito.

Halos wala na akong makita dahil sa kapal ng usok na pumapalibot sa buong hardin. Mahigit sampung minuto rin ang nagdaan bago tuluyang nawala ang usok at sa mga sandaling 'yon, wala akong nagawa kundi ang maging alerto kung sakaling umatake siya muli ngunit wala. Kasabay ng paglaho ng usok ay naglaho rin siya sa paligid. Bagama't naginhawaan ang lahat dahil walang malalang nangyari ay hindi pa rin maalis ang pangangamba sa mukha ng mga ito, lalo na't hindi nahuli ang umatake.

Nang kumalma ang lahat ay isa-isa itong tumingin sa akin. Sa isang iglap ay napunta sa akin ang atensyon ng lahat, marahil ay nagtataka sila kung sino ako at kung ano ang ginagawa ko rito. Natitiyak kong may ideya na ang mga ito na baldado ako dahil kita sa kanilang mga mukha ang gulat, pagtataka, pati na rin ang mapanghusgang mga tingin. Hindi ko na lang pinansin ang mga ito at nilapitan na lang si Diana na ngayo'y kasama na nina Helios at Amaryllis—na ngayo'y mukhang wala pa ring ideya kung ano ang magiging reaksyon nila sa nangyari—at normal na ang paghinga.

"Kumusta ang kalagayan mo?" Tanong ko rito. Hinawakan niya naman ang kamay ko bago ako nginitian.

"I'm okay, thank you Emy." Nanghihina niyang sabi.

Dinala namin sa klinika si Diana at doon pinagpahinga. Hindi pa rin nagsasalita ang dalawa, nakasalubong rin namin si Levior na agad akong pinaulanan ng tanong na hindi ko rin naman sinagot. Makikita rin ang sobrang pag-aalala sa mga mata nito nang tingnan niya si Diana. Nagpaalam ako sa kanila na lilibot ako sa paaralan upang tingnan kung ano ang nangyari sa mga guwardiya ngunit umangal sila agad.

"Magpahinga ka na lang muna Emy." Nag-aalalang sabi ni Amaryllis ngunit umiling ako at sinabing ayos lang naman ako. Nagpresinta pa siyang sasamahan nila ako ngunit tumanggi ako't sinabing bantayan na lang nila si Diana. Sa huli, si Helios ang sumama sa akin dahil ayaw magpatalo ng lalaking 'to.

Tahimik lang naming nilibot ang paaralan, walang nagsasalita sa pagitan namin. Nang mapadaan kami sa pangunahing bulwagan ay puno ito ng mga mag-aaral, agad na naagaw ng presensya namin ang kanilang atensyon. Huminga ako ng malalim, naiirita sa mga tingin nila, ngunit pinilit kong balewalain ang mga ito. Pagkatapos naming libutin ang paaralan ay isa lang ang nakalap naming impormasyon.

"Tulog ang mga guwardiya." Pagsasaboses ni Helios sa naiisip ko.

"Tingin ko'y hindi siya mag-isa nang pumunta siya rito." Dagdag ko pa.

Sandali muling nangibabaw ang katahimikan bago siya nagsalita ulit, "You were great out there. Magaling ka sa pisikal na laban. Saan ka natutong gumamit ng espada?"

"What do you expect? That's the only way I can defend myself, and how I learned how to handle a sword is none of your business."

"Napapaisip lang ako dahil kakaiba ang paraan at teknik mo sa paggamit ng espada. Ikatutuwa ko kung tuturuan mo ako." Seryoso niyang sabi ngunit napabuga lamang ako ng hangin bago siya hinarap.

"Wala akong makitang dahilan kung bakit ko gagawin 'yan." Tumawa siya sa sagot ko at hindi na nagsalita ulit.

Matapos ang ilang minuto ay dumating na ang mga guro at kinausap ang ilan sa mga mag-aaral, kaya bumalik na kami sa klinika at inabutan naming tulog si Diana. Napagdesisyunan naming sa silid ko muna si Diana ngayong gabi, hindi kasi p'wede kay Amaryllis dahil may kasama na siya sa kwarto niya, hindi rin p'wede sa mga lalaki. Aangal pa sana ako ngunit wala na kaming ibang pagpipilian. Inayos ko ang kabilang kama at doon na pinagpahinga si Diana.

Buong gabing nasa isip ko ang mga nangyari. Tiningnan ko ang espada ng lalaki na nakuha ko kanina sa hardin, na nakabaon pa rin sa lupa, nang bumalik ako matapos ihatid si Diana sa kwarto. Ano ang mayro'n at sinubukan nilang gamitin si Erebus sa pag-atake, at ano ang kailangan nila? Nakakapagtaka.

Sinulyapan ko si Diana na mahimbing nang natutulog. Sana lang ay h'wag niya masyadong isipin ang ginawa ko kanina. Hindi ko alam kung bakit kinailangan kong makialam. Natutuwa akong ligtas si Diana ngunit naiinis din ako sa sarili ko. I don't want to be attached with an attribute-wielder, nor have I got plans to befriend them. Pilit kong isinisiksik sa isipan ko na ginawa ko 'yon para sa pansariling motibo—na totoo naman, ngunit hindi ko maitangging malaking parte sa ginawa ko ay dahil hindi ko kayang pabayaan si Diana, lalo pa't sa buong linggo ng pananatili ko rito ay siya lamang ang taong hindi ako tiningnan sa paraang ayaw ko. She always looked at me as if nothing's actually wrong and she never hesitated to smile genuinely despite my rudeness.

I am so messed up.