Chereads / Hecate Series: Oculus / Chapter 3 - Kabanata 2

Chapter 3 - Kabanata 2

Halos mauntog na ako sa harapang upuan ng sasakyan nang biglang pumreno ang nagmamaneho dahil sa malakas kong tili.

"Ano ho ang nangyari, Lady Emyskia?"

"Nakikita mo ba 'to?!" Natataranta kong tanong sa kan'ya ngunit tinitigan niya lamang ako nang may pagtataka. Umismid lamang ako at sinenyasan siyang magmaneho na lang ulit bago ko kinuha ang aking telepono at tinawagan si Pappous.

Lintek naman.

"Ano 'yon, iha?" Magiliw niyang sabi sa kabilang linya.

"Gamóto! Ano 'to?!"

"Ang alin?" Inosente niyang tanong na siyang ikinainit ng ulo ko.

"Itong—"

"Mas mainam nang gan'yan, maaari bang hinaan mo ang boses mo?"

"Paano?"

"Lady Emyskia, nandito na ho tayo."sabat ng nagmamaneho.

Sumilip agad ako sa bintana at agad na namangha sa tanawin. Isa dapat itong paaralan, tama? Bakit mukhang pugad ito ng mga maharlika sa laki at magagarbong disenyo kahit nasa labas pa lamang? Bagama't mukha itong makalumang kastilyo ay nakamamangha pa rin ang hitsura nito. Ang kulay abo nitong dingding na mas pinagarbo ng mga nakapalibot na mga gintong hugis baging. Nakakalula ang taas nito, sa paligid ay maraming puno ngunit malawak pa rin. Mayroong maliit na fountain sa gitna ng school grounds ngunit sa kabila ng kagandahan ng paaralan ay sumasabog sa hangin ang bigat na hatid nito, dahil na rin siguro sa katotohanang hindi ito paaralan ng mga maharlika kundi ng mga mandirigma. Walang wala ang anyo nito sa layunin nila.

"Punye—"

"Mukhang kailangan mo nang pumasok. Ipaliliwanag ko na lamang sa susunod."

"Pap—" Bago pa ako makaangal ay ibinaba niya na agad ang tawag. Lintek talaga, oo.

Lumabas na ako ng sasakyan at muling sinuyod ng tingin ang buong paaralan at saka napailing. Simula't sapul ay wari ko nang hindi ko ito magugustuhan.

"Dadalhin ko na ho ba ang inyong kagamitan?" Narinig kong sabi ng kasama ko sa likod.

"Hindi na, ako na ang magdadala."

"Ngunit h—"

Hinarap ko siya at tiningnan nang masama bago nagsalita, "Isa 'yong utos. Sigurado kang gusto mong suwayin?"

Yumuko lamang ito at 'saka nagpaalam. Kinuha ko na ang mga gamit ko at nagsimulang maglakad papasok habang hawak ang mapa ng paaralan. Bago tuluyang makapasok ay may makipot na daanan pa na unti-unting lumalawak habang dire-diretso akong naglalakad papasok. Kung ano ang nakita ko sa labas ay gano'n din sa pasilyong 'to, ang mga ilaw ay nagbubukas sa tuwing madadaanan ko katulad na lang ng pagyuko ng aming mga tauhan sa tuwing kami ay dadaan. Sa dulo ng pasilyo ay may nakatayong babae na mukhang kaedad ko lamang, may malaki at matamis na ngiti na nakapaskil sa kan'yang mukha. Huminto ako sa kan'yang harapan at malamig siyang tinitigan ngunit sinuklian niya lamang ako ng mas malaki't mas matamis na ngiti.

"Kumusta, ako nga pala si Diana, ang Mayor ng katas-taasang konseho ng mga mag-aaral ng Hecate." Inilahad niya ang kan'yang kamay, umaasang tatanggapin koi yon ngunit tiningnan ko lamang siya bago nagsalita.

"Mayor? Konseho?" Pigil-tawa kong sambit. Anong kalokohan 'to?

Kaswal niyang ibinaba ang kan'yang kamay at tsaka muling ngumiti sa akin. Napakamasiyahin naman ng taong 'to, hindi ba niya nararamdamang gusto ko siyang umalis sa harap ko't hindi ako interesado sa pagkakakilanlan niya.

"Hindi lingid sa aking kaalaman na ngayon ka lamang tumungtong isa isang paaralan, Emy, kaya ipaliliwanag ko sa 'yo. Sumunod ka na lamang sa akin at ililibot kita sa paaralan." Tumalikod siya sa akin at binuksan ang pinto bago nagsimulang maglakad. Kunot-noo akong sumunod sa kan'ya.

"Bakit mo naman gagawin 'yon?" Mahina kong tugon na sinundan ng kan'yang tipid na tawa.

"Trabaho ko 'yon bilang Mayor. Ako ang kinatawan ng buong mag-aaral at ng konseho na mismo. Trabaho ko rin ang kaayusan sa paaralan, maging ang mga aktibidad at kaganapang pampaaralan. May kakayahan akong mangasiwa at magpatupad ng mga polisiya at mga plano, sa alokasyon ng badyet, at ang kilalanin ang mga isyu hinggil sa mga mag-aaral dito. Marami pa ngunit 'yan naman talaga ang pinakatrabaho ko."

"Para saan pa ang administrasyon ng paaralan kung gano'n?" Sarkastiko kong sabi.

Lahat ng sinabi niya ay walang saysay, hindi ko maintindihan kung para saan pa ang konseho na 'yan kung mayroon namang mga nagpapatakbo ng paaralan.

"Sa kanila ang pinal na desisyon sa bawat plano ng konseho. Mahabang proseso ang lahat. May kan'ya kan'ya ring responsibilidad ang bawat miyembro ng konseho ngunit hindi ko na iisa-isahin dahil may pag-aangkop naman para sa 'yo. Sa madaling salita, kami ang boses ng mga mag-aaral."

Tumahimik na lamang ako dahil kahit ano ang sabihin niya'y walang pumapasok sa isipan ko. Masyadong naagaw ng kabuuhan ng silid ang aking atensyon. Ito ata ang pangunahing bulwagan ng paaralan, masyadong malawak at tahimik. Sa mga dingding ay may mga gawang kuwadro na imahe ng mga hindi pamilyar na tao. Ang sahig ay mukhang gawa sa slate, ang aranya na nagbibigay-liwanag sa buong silid ay napakalaki't nakakasilaw.

"Napakatahimik." Wala sa sariling sabi ko.

"May klase kasi sa oras na 'to."

Tumango na lamang ako kahit alam kong hindi niya naman makikita. Pinakinggan ko na lang rin ang mga sinasabi niya ukol sa kasaysayan ng paaralan kahit nakakaantok. Inilibot niya ako sa kabila ng lawak ng school, at hindi ko alam na mapapagod ako nang dahil sa paglalakad samantalang siya ay napakaaliwalas pa ng hitsura't nakangiti pa nga. Ilang beses niya na ba 'tong ginawa?

"Ito ang silid-aklatan, narinig ko sa headmaster na mahilig ka raw magbasa at magsulat kaya nakasisiguro akong magugustuhan mo ang silid-aklatan ditto dahil sa lawak ng klase ng aklat dito. Ano ba ang madalas mong basahin?"

Nabuhayan ako bigla nang makita ang napakaraming aklat sa silid na 'yon. Mayroon pang ikalawang palapag na puro aklat din, sa sobrang dami ay nakakalula na naman ngunit hindi ko maiwasang mamangha.

"Mahilig ako sa kahit ano."

"Nagbabasa ka rin ng romansa?" Halata sa tinig niya ang panunukso ngunit sinamaan ko lamang ito ng tingin na ikinatawa niya.

"Maliban diyan."

Nagsimula akong maglakad at sinuyod ang matatayog din na estante ng mga libro, nagugustuhan ko ang amoy ng mga ito't kinakalma ang aking sistema.

"Makakahiram ka ng aklat kapag nakuha mo na ang tsapa mo kung saan nakalagay ang 'yong pangalan at, isang patunay na nag-aaral ka rito." Tumango na lamang ako.

"Halina't dadaan tayo sa mga silid-aralan."

Nagsimula na ulit siyang maglakad at napaismid na lamang ako. Walang preno, pugo naman.

"Ano? Pagod ka na? Ang hina mo naman pala." Ngisi niya na nagpakunot ng noo ko. Tiningnan ko siya nang masama at inayos ang tindig tsaka nangunang maglakad na agad niya namang sinabayan.

"H'wag kang maingay ah, hindi pa tapos ang klase nila e."

"Bakit ka nandito kung may klase pala?" Sarkastiko kong sambit.

"Utos at responsibilidad ang ginagawa ko kaya walang problema pero salamat sa pag-aalala."

"You wish. Sa ating dalawa, dapat sarili mo ang sinasaway mo sa ingay."

"Ito ang silid para sa mga duelo." Pambabalewala niya sa sinabi ko at itinuro ang isang malaking pintuan.

"Hindi muna tayo papasok sa mga silid dahil katulad ng sabi ko ay may klase. Makakapasok ka naman sa susunod na linggo."

Hindi na ako sumagot. Nagpatuloy kami sa paglalakad habang ipinapaliwanag niya kung ano at para saan ang mga silid na madadaanan namin. Karamihan ay talagang nakapinid, walang bintana at kung mayroon man ay may makakapal na kurtinang nakatakip, ang iba naman ay may parihabang salamin—na ang paliwanag ni Dani ay pang-akademikong mga silid—na nagbigay ng pagkakataong makita ko ang hitsura sa loob bagama't nakasara din ang mga pinto. Hindi lamang raw lahat tungkol sa kakayahang pisikal ang ineensayo nila dahil mas higit na kailangan ang malusog na utak. Itinuro niya rin sa akin ang silid naming dalawa, oo, nabanggit niya ring magkaklase kami kaya h'wag daw akong mag-alala dahil siya ang bahala sa akin.

Habang naglalakad ay napatigil ako sa harap ng parihabang salamin ng isang silid habang naririnig ko pa rin ang walang katapusang pagsasalita ni Dina, mukhang hindi pa ramdam na hindi na ako nakasunod. Nakakunot ang noo kong tiningnan ng matalim ang isang lalaking mahimbing ang pagkakatulog sa kan'yang mesa.

"Emy?" Nilingon ko si Dina na ngayo'y naglalakad na ulit palapit sa akin.

"Ano ang ginagawa mo riyan?" Nagtataka niyang tanong at tsaka ko isinenyas ang lalaki na agad naman niyang nilingon. Agad na nagsalubong ang mga kilay niya at kinatok ang salamin na ikinagulat ng buong klase maging ang guro ngunit hindi ito pinansin ng kasama ko't patuloy na kumatok. Unti-unting nagmulat ang mga mata ng lalaki na agad dumapo ang paningin sa akin at nagsimulang suriin ang pagkatao ko. Pupungas-pungas itong bumangon at tiningnan ang kasama ko, ang hindi niya alam ay may bola na ng tubig na lumilipad papunta sa direksyon niya na, sa nakamamanghan paraan, ay agad niyang inilagan.

"Mavros! Natutulog ka na naman sa klase ko!" Rinig kong bulyaw ng guro niya ngunit hindi ito pinansin ng lalaki at sa halip ay muli itong tumingin sa akin. Ang mga mag-aaral sa loob ay bumalik na sa kani-kanilang ginagawa ngunit ngayon ay napapansin ko ang tension mula nang dumating si Dani.

"Pumunta ka sa opisina mamaya, Helios!" Bulyaw rin dito ni Dani ngunit sa pangalawang pagkakataon ay hindi rin ito pinansin ng lalaki at nanatili lamang ang tingin nito sa akin kaya pinagkunutan ko siya ng noo.

Ano ang problema ng pugong 'to?

"Sino ka?"

"Ang sumira ng tulog mo." Sabi ko na lamang bago muling binaling sa kasama ko ang tingin, "Tara na Dina."

"Sino tinatawag mong Dina? Diana ako, DAYANA."

Dismayado niyang sabi sa akin ngunit umirap lamang ako at nagsimulang maglakad.

"Hoy teka!—Ikaw! Siguraduhin mong pupunta ka sa opisina mamaya—Emy!" Narinig ko ang pagtakbo niya palapit sa akin ngunit nagpatuloy lamang ako sa paglalakad hanggang sa maabutan niya ako.

"Saan na tayo?" Naiinip kong tanong.

"Sa hardin, ang panghuli ay sa mga silid na tinutuluyan ng mga mag-aaral, siyempre, sa silid mo na rin. Hiwalay ang para sa kalalakihan at kababaihan kaya wala kang dapat na ikabahala. Mabuti at pumayag kang iutos na lang ang pagdadala ng gamit mo dahil napakarami ng ating dinaanan."

Nang makarating kami sa hardin ay agad na sumakit ang mga mata ko sa tanawin. Napakalawak din ngunit halos mapuno na ito ng bulaklak na kailanman ay hindi ko nagustuhang titigan. Sa kabila no'n, mukhang kaya ko namang tiisin ang mga bulaklak dahil napakapayapa ng lugar na 'to at magandang magbasa rito. May nakapalibot na harang sa buong hardin dahil kapag nagpatuloy ka sa paglalakad ay mukhang gubat na ang lugar na pumukaw sa aking interes.

"Dito madalas nagsasanay ang lahat sa tuwing may mga pagsusulit at takda ngunit kapag normal na araw ay wala naman masyadong tumatambay rito. Kapag bakante ang oras nila ay dumidiretso sila sa himnasyo o sa field upang maglaro ng paborito nilang sports, o 'di naman kaya ay sa kani-kanilang kapisanan o samahan na mayroong parehong interes nila. Ipaliliwanag sa 'yo bukas ang adbokasiya at espesyalidad ng bawat kapisanan at malaya kang makakapili ng gusto mong salihan." Mahabang paliwanag niya.

"Eh ano 'yon?" Turo ko sa gubat na ikinatigil niya agad.

"Isipin mo na lamang na wala 'yan diyan." Ngumiti siya sa akin na parang nagsasabing hindi ko dapat malaman dahil hindi niya rin alam kaya hindi na ako muling nagtanong. Habang naglilibot kami sa hardin ay nakarinig kami ng sigaw mula sa...taas?

"Yuko!" Nilingon ko ang pinanggalingan ng boses at agad na sinalo ang bato na lumipad papunta sa direksyon ko. Agad na sumama ang tingin ko rito at ibinato pabalik sa kan'ya ang kan'yang itinapon. Umilag siya kaagad at nanlalaki ang mga matang nilingon ang batong bumaon sa isang parte ng puno kung saan siya nakapwesto bago namamanghang tumigin sa akin.

"Masamang magtapon ng basura kung saan saan." Ani ko.

"Bakit napakaraming pasaway ngayong araw?" Bulong ni Diana sa kan'yang sarili.

"Hoy, baba!" Saway niya sa lalaki na agad namang sumunod at lumapit sa akin. Napaatras agad ako nang lumapit siya sa akin nang tuluyan at hindi pa nakuntento dahil inilapit niya ang kan'yang mukha sa akin.

"Paano mo nagawa 'yon?" Namamangha niyang tanong. Mahina kong itinulak ang mukha niya palayo sa akin.

"Ang baho ng 'yong hininga." Seryoso kong sabi kahit hindi totoo ngunit hindi man lang ito naapektuhan at inamoy pa ang sariling hininga bago tumawa.

"Pasensya na, kagigising ko lang at huli na ako sa klase kaya dumiretso ako rito para mag-ehersisyo." Nangingiti niyang paliwanag bago siya binatukan ni Diana.

"Isa ka pa! Paano kung tinamaan 'yong tao?!" Kaonti na lamang ay uusok na ang ilong ni Diana sa galit, hindi ko alam kung matatawa o maaawa ako sa katotohanang bagama't marami ang kan'yang kakayahan sa paaralang 'to ay may kapalit namang sakit sa ulo, napakalala pa.

"Hindi naman siya tinamaan! Nakamamangha, napakalakas ng pagpapakawala ko ng bato ngunit nagawa niyang saluhin, ang galing 'di ba?!" Parang bata niyang pagpapaliwanag bago muling lumingon sa akin.

"Ano ang pangalan mo? Ako nga pala si Levior!" Sabay lahad ng kan'yang kamay. Iniisip niya ba talagang tatanggapin ko 'yon pagkatapos niya itong hingahan? Hell no!

"Sepilyo." Makahulugan kong sabi ngunit tumawa lamang siya.

"Napakaastig siguro ng attribute mo. Maaari ko bang malaman?"

Napatigil ako sa tanong niya. Ito na nga ba ang sinasabi ko.

"Kristofer Levior! Bumalik ka na sa silid at mag-ayos, may klase ka pa! Pumasok ka pa rin at mamayang hapon ay pumunta ka rin sa opisina ko, mga siraulo!" Sabat ni Diana bago pa ako makasagot at tsaka tinulak-tulak ang lalaki na nagpupumiglas pa at kumakamot sa ulo ngunit siya na rin ang bumigay. Nagpaalam na ito sa akin at matapos ang ilang segundo nang malampasan ako nito ay tsaka ako nagsalita.

"Baldado ako."

Pagkatapos kong sabihin 'yon ay naglakad na akong muli papasok ng paaralan, nang madaanan ko ang lalaki ay nakakapanibagong mas nangibabaw ang pagkamangha at gulat sa mukha niya ngunit hindi ko na ito masyadong inisip pa. Habang naglalakad na kami papunta sa dormitoryo ay wala nang nagsalita pa sa pagitan namin ni Diana. Hindi na rin siya masyadong nagpapaliwanag ng kung ano-ano at pakiramdam ko ay natatakot siya sa akin, hindi ko alam.

"Pasensya na sa kan'ya, madaldal talaga kasi ang isang 'yon." Pagbasag niya sa katahimikan.

Napabuntong-hininga lamang ako bago ako nagsalita, "Hindi niya naman alam, ngunit salamat sa ginawa mo at sa tingin ko'y alam mo na no'ng una pa ang tungkol sa kalagayan ko."

"Hindi mo kailangang magpasalamat, trabaho ko lamang 'yon. Alam ko ang tungkol do'n dahil sabi ko nga, ako ang Mayor kaya h'wag kang mag-alala, ako ang bahala sa 'yo rito."

"Salamat pero kaya ko na ang sarili ko. Mayroon namang mga katulad ko rito 'di ba?" Ngayon ay siya naman ang natigilan.

"Bakit?"

"Apat lamang kayo." Hindi na ako nagulat sa sinabi niya, kung tutuusin ay marami na ang bilang na 'yon dahil Hecate ang pinag-uusapan.

Nang makarating kami sa aking silid ay binig'yan niya ako ng susi at isang malaking sobre kung saan daw nakalagay ang aking talakdaan at iba pang impormasyon, pati na ang mga polisiya ng paaralan na kailangan kong aralin.

"Bukas ay dumiretso ka sa akin pagkatapos ng pag-aangkop, pasusukatan na kita para sa uniporme mo." Sabi niya pa bago tuluyang nagpaalam.

Pumasok na ako sa silid, malawak din ito. May dalawang kama ngunit ang sabi ni Diana ay mag-isa ako sa kwarto ngayon. Kulay puti ang pintura na may kaonting berde na katulad ng disenyo ng buong gusali sa labas. May counter din kung saan may de-kuryenteng kalan at mga kubyertos, kumpleto ngang talaga ang mga kagamitan. Mayroon na ring pridyeder na may katamtamang laki at puno rin ito, mukhang hindi naman sayang ang laki ng binabayad ng mga mag-aaral dito.

Kinuha ko na ang aking maleta at ipinatong sa kama para ayusin ang aking kagamitan. Inilabas ko ang mga damit ko't itinupi bago inilagay sa aparador, mayroon ding lalag'yan ng sapatos kaya inilagay ko ang mga sapatos ko roon. Ang iba kong dala ay itinago ko agad sa dapat nilang kalalag'yan at maingat ko namang itinago ang mga bagay na dapat itago.

Gabi na nang matapos akong mag-ayos sa silid, kumuha ako ng damit na pantulog at tsaka dumiretso sa banyo, at katulad na rin ng lagi kong sinasabi, malawak din ito. May banyera din at dutsa para panligo ngunit wala pang sabon at panggugo, marahil dahil sa katotohanang may iba't ibang uri ng balat ang mga tao rito, buti na lamang ay nagdala ako. Nagsimula na akong maligo, sinalubong ng mukha ko ang tubig na nagmumula sa dutsa, blangko ang isipan ko't natutuwa akong gano'n ang lagay ngayon. Nang matapos akong maligo ay umupo ako sa kama at akmang kukunin na ang aking telepono ngunit kinuha nga pala 'yon ni Diana dahil bawal daw magdala ng telepono rito kaya kumuha na lamang ako sa mga dala kong libro at nagbasa.

Wala pang isang araw mula nang dumating ako rito ngunit pagod na ako, ano pa kaya kapag nagsimula na ang klase ko? Paniguradong maraming tukmol dito at hindi lahat, katulad ni Diana at ng lalaki kanina sa hardin.

Ilang beses akong bumuntong-hininga habang nakatitig sa aklat na hawak ko bago ko ito binaba nang mapagtanto ko, na wala akong maiintindihan dito. Tumayo ako at dumiretso sa bintana para titigan ang langit, ngunit nadismaya ako nang makitang maulap at walang mga tala ngayon.

"Nakakabagot." Bulong ko sa sarili at napangiti agad nang may naisip.

Mukhang umaga na naman ako matutulog nito.