"Sana ay maayos at malinaw ang mga paliwanag ko sa bawat polisiya ng paaralang ito; umaasa rin akong naiintindihan mo ang kahalagahan ng pagsunod sa mga ito hindi lang dahil sa mga parusa, kundi dahil sa layunin ng bawat isa sa mga ito, para sa ikabubuti ng paaralan, at ikabubuti niyo." Mahabang paliwanag ni Matteo na kalihim umano ng konseho. Tumango ako bilang sagot at tsaka ibinalin ang atensyon sa isang babaeng kanina pa nakatingin sa amin.
"Sino naman 'yon?" Direkta kong tanong at tsaka itinuro ang babae. Sinundan niya ng tingin ang aking hintuturo at tsaka nanlalaki ang mga matang yumuko at bumati sa babae.
"Miss!" Malakas niyang sabi bago tinapik ang braso kong nakaturo pa sa babae at sapilitan akong pinayuko.
"'Wag mo akong basta-bastang hinahawakan!" May diin kong bulong.
Nang marinig naming ang tunog ng takong niya habang naglalakad palapit sa amin ay inayos na namin ang aming tayo habang ang tingin ko'y nakapirmi pa rin sa kan'ya.
"Ikaw marahil ang baguhan. Ako nga pala si Katerina Lykaios, ang Assistant Headmaster ng paaralang 'to. Ikinagagalak kong napili mo ang paaralang 'to, sana ay hindi ka magsisisi." Nakangiti niyang sambit.
Ngumiti ako pabalik at tinanggap ang kamay niya bago nagsalita, "Wala iyon. Maganda ang reputasyon ng paaralang 'to kaya hindi na dapat kayo magugulat. Hindi naman malaking bagay ang pagpasok ko rito."
"Malaki ang utang na loob ng Hecate sa lolo mo kaya natutuwa kaming ipinagkatiwala ka niya sa amin." Aniya.
"I shall excuse myself," bumaling siya kay Matteo at tsaka tinapik ang braso nito, "Pagbutihan mo pa. Sige, ituloy niyo na ang inyong pag-aangkop."
Nagsimula na siyang maglakad palayo sa amin—sinundan ko ang likod nito hanggang sa tuluyan na siyang mawala sa paningin ko. Narinig kong malalim na bumuntong-hininga ang katabi ko kaya binig'yan ko siya ng nagtatakang tingin.
"Napakabait ni Ms. Lykaios ngunit napakalaki ng kan'yang pamantayan sa mga bagay. Madali siyang lapitan kapag may problema o isyu ka sa paaralang 'to, handa siya laging makinig ngunit mahirap naman siyang mapahanga." Madamdamin niyang paliwanag na ikinatango ko na lamang habang nakatingin pa rin sa dinaanan ng babae.
"Halina't ililibot na kita sa mga silid ng mga kapisanan, doon ko na rin ipaliliwanag ang kanilang layunin. Nasisiguro kong naroon din ang mga Pangulo ng bawat isa kaya mas madali mong maiintindihan kung para saan at ano ang kanilang mga aktibidad at pokus."
Hindi pa rin nawawaglit sa isip ko ang babae kanina. Pamilyar ang kan'yang boses at postura ngunit hindi ko maalala kung saan ko siya nakita. Ipinagpalagay ko na lamang na baka bumisita siya sa mansyon no'ng bata ako dahil nabanggit niya rin si Pappous.
Tulad ng sinabi ni Matteo ay nilibot naming ang mga kapisanan. Tinalakay nila ang espesyalidad ng kan'ya-kan'yang samahan: may isang para sa musika, ang isa'y para sa literatura, mayroon ding para sa pagsasayaw, sining, at iba pa. Karamihan ay may ginawa pang mga gimik upang anyayahan akong sumali sa kanilang grupo. Sa ngayon ay hindi ko pa magawang makapagdesisyon kung alin ang aking pipiliing salihan.
"Kailangan ba talagang sumali sa isa?"
"Pasensya na pero, kasama kasi 'yan sa kurikulum." Kumakamot sa ulong sagot ni Matteo.
Mukhang wala talagang takas.
"Pero h'wag kang mag-alala, hanggang sa susunod na linggo pa ang pagpaparehistro kaya marami ka pang oras para makapag-isip." Dagdag niya pa bago nagsimulang maglakad.
Marami ngang oras ngunit marami rin naman akong kailangang isipin at asikasuhin.
Habang naglalakad ay palingon-lingon lamang ako sa bawat madadaanan namin. Tahimik na naman ngayon, dahil siguro may klase rin sa mga oras na 'to at ang area na 'to ay para lamang sa mga kapisanan. Hiniwalay ang mga silid-aralan sa iba pang silid na walang kinalaman sa akademiko para na rin siguro makaiwas sa kahit anong uri ng abala.
Napasinghap ako at bahagyang napaatras nang biglang tumilapon ang isang babae sa harap ko mula sa isang silid. Tumayo ito at sumugod muli sa loob, ang kan'yang uniporme ay gusot-gusot na. Wala pang isang minuto ay tumilapon muli ito palabas.
Ito marahil ang abalang iniiwasan nila.
Mas lalo akong nagulat nang iniluwa ng pintuan ng silid—kung saan nanggaling ang babae—ang lalaking nag-ala-Sleeping Beauty kahapon. Tiningnan niya ang babae, animo'y nababagot sa eksena, bago lumuhod sa harap nito—ang kaliwang paa ay nakaluhod habang nakaangat naman ang kanan niyang paa na pinatungan niya ng kan'yang siko, at 'saka ngumisi.
"Sinabi ko nang h'wag mo akong inaabala." Tumayo ito at nagsimulang maglakad sa salungat na direksyon mula sa amin ngunit bigla na naman itong sinugod ng babae.
Tumalon ito sa likod ng lalaki at 'saka ito sinabutan. Nakita ko ang tubig na nabuo sa kamay ng babae at 'saka ito pinakawalan sa ulo ng lalaki.
"Baba!—lintek na!" Bulyaw nito bago umikot at tsaka pwersang itinapon ng babae.
"Inang 'yan." Napalingon ako kay Matteo nang bigla itong magsalita, halos makalimutan ko nang nandiyan pa pala siya. Masama itong nakatingin sa dalawang nagtatalo pa rin at nang tuluyan nang napuno ay nilapitan niya ang mga ito at tsaka hinampas ng nakarolyong papel na ikinatigil ng dalawa.
Napaupo ang babae at nag-iinarteng nakahawak sa kan'yang ulo habang sa tingin ko nama'y hindi masyadong nSumunod kayo sa akin sa opisina, paniguradong iinit na naman ang ulo ni Diana sa inyo.agustuhan ng lalaki 'yon.
"Sumunod kayo sa akin sa opisina, paniguradong iinit na naman ang ulo ni Diana sa inyo."
Naglalakad na pabalik sa pwesto ko si Matteo at ang hindi niya alam ay may leon na handa na siyang lapain anumang oras.
"Ilag!" Sigaw ko agad nang nagsimula nang umamba ang lalaki na agad namang ginawa ni Matteo kasabay ng pagpakawala ng lalaki ng isang bola ng apoy. Mabilis akong tumakbo sa direksyon nila at sinuntok ang lalaki. Tumilapon ito at nang bumagsak ay nakahawak na ito sa kan'yang panga at nanlalaki ang mga matang tumitig sa akin, na sinuklian ko ng panlilisik.
"Siraulo ka ba? Gan'yan ka ba kaliit kaya pati babae pinapatulan mo?" Nginisihan niya lamang ang sinabi ko bago tumayo.
Nagsimula siyang naglakad papunta sa akin habang pinapagpagan niya ang sarili niya nang hindi inaalis ang paningin sa akin. Nang tuluyan itong makalapit sa akin ay bahagya pa itong yumuko at diretsong tumingin sa mga mata ko. Ang itim nitong mga mata ay nanghihigop, napakalalim at mahirap basahin. Magulo na ang kulay abo nitong buhok, pumutok din ang ibabang labi at halos punit na rin ang damit ngunit hindi maalis ang ngisi sa kan'yang labi.
"Kung hindi nga naman ang babaeng pirata." Makahulugang sabi nito bago inihawi ang buhok kong natatakpan ang kanan kong mata. Dinaklot ko ang pulsuhan nito at tsaka mahigpit itong hinawakan.
"Don't.touch.me." Seryoso kong banta at tsaka inikot ang braso niya papunta sa likod niya. Narinig ko ang mahinang pagdaing niya kaya pinakawalan ko na rin naman siya pagkatapos ng ilang segundo at naglakad na papunta kay Matteo.
Napatigil ako nang makita ko ang dalawa—si Matteo at ang babae kanina, na nagugulat na nakatingin sa akin at nakanganga. Agad namang nakabawi si Matteo at seryosong tumingin sa amin.
"Lahat, sa opisina." Maawtoridad niyang sabi at tsaka tumalikod at nagsimulang maglakad. Magkakaroon ba ako agad ng record kahit hindi pa talaga ako pumapasok?
Nanguna na akong maglakad at naramdaman ko naman ang pagsunod ng dalawa sa likod ko. Naririnig ko pang nagbabangayan ang dalawa kaya nilingon ko ang mga ito. Napatigil sa pagsasalita ang babae at ilang sandali akong tinitigan bago patakbong lumapit sa akin at tsaka ipinulupot ang mga kamay sa kaliwang braso ko na agad ikinakunot ng noo ko. May sira ba 'to?
"Ako nga pala si Amaryllis! Napakaastig ng ginawa mo sa ulupong na 'yon kanina." Tuwang tuwa niyang sabi. Pinanliitan ko siya ng mata at marahang kinalas ang pagkakapulupot niya sa akin.
"Ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang basta-basta na lang akong hinahawakan."
Mas binilisan ko ang aking paglalakad. Nilingon ko ang lalaki kanina nang maramdaman ko ang titig nito. Nang magtama ang paningin namin ay ngumisi ito agad na siyang ikinairap ko naman bago ko ibinalik ang tingin sa daan. Hindi katiwa-tiwala ang lalaking 'to, may kung ano sa presensya niya na hindi ko magustuhan.
"Ano ang pangalan mo?" Nagugulat kong binalingan ang babae kanina na nakapulupot na naman sa braso ko. Hindi ko alam kung guni-guni ko lang ba o talagang kumikinang ang mga mata niya ngayon?
"Gusto mo bang mamatay? Lumayo ka sa akin!" Inis kong angil habang pilit na nilalayo sa akin ang babae na sa tuwing mailalayo ko naman ay agad ring bumabalik.
"Babae 'yan. Hindi ka naman gano'n kaliit 'di ba?" Nilingon ko si Sleeping Beauty na ginaya pa ang tono ko kanina at ngayo'y sumasabay na sa bilis ng lakad ko. Sinamaan ko ito ng tingin at 'saka umamba ng sipa ngunit hindi ako makagalaw nang maayos dahil sa babae. Bumuntong-hininga ako, pilit na kinakalma ang sarili habang hinihimas ang singsing na binigay ni Pappous gamit ang aking hinlalaki.
Tahimik kaming naglakad—maliban kay Amaryllis na panay ang dada, papunta sa opisina umano ng konseho. Sa bawat yapak ng mga paa ko ay nababawasan ang pasensya ko. Wala na akong maintindihan sa sinasabi ng babaeng 'to, para akong nakikinig sa asong walang planong tumigil sa katatahol at ayoko sa aso. Sinadya kong bilisan ang lakad ko para mapilitan siyang kumalas ngunit hindi man lang ito bumitaw kahit halos madapa na siya, at ang nakakainis pa ay ni hindi man lang siya natigil sa pagsasalita.
"Saan ka huling nag-aral? Bakit ka lumipat dito?" Ani Amaryllis.
"Bahay. Wala lang."
"Eh? Talaga? Astig! Tapos ang bilis mo gumalaw. Bakit ka pumasok sa Hecate kung gano'n?"
"Hindi ko ginusto."
"Bakit?" Tiningan ko ito at nakuha niya namang ayokong pag-usapan ang bagay na 'yon. Mahina itong umubo, bago muling nagsalita, "Ano na lang ang 'yong pangalan?" Tumigil ako sa paglalakad na siyang ikinatigil din ng dalawa.
"Emyskia. Isa akong baldado, mula sa ikalawang distrito, labing-pitong gulang. Ayos na?" Naramdaman ko ang bahagyang pagkalas ng pagkakapulupot niya sa akin. Mahina akong napatawa.
Dapat pala'y kanina ko pa sinabi.
"Baldado ka?" Hindi na ako sumagot pa at nagsimula nang maglakad ulit hanggang sa makarating kami sa sinasabi nilang opisina.
"N-nandito na t-tayo." Nauutal na sabi ni Matteo. Napansin ko rin ang pag-iwas niya na ilapat ang tingin sa akin. Nasisiguro kong narinig niya ang usapan.
Nang wala pang gumagalaw ay ako na ang nangunang pumasok sa silid. Nakita ko si Diana na abala sa mga papel na nakatambak sa lamesang kakasya ang tatlumpung katao dahil sa haba. Nakatayo ito sa isang malaking alpombra. Sa kanlurang bahagi naman ay may malaking entablado. Opisina ba 'to o teatro?
"Oh, nandito na pala kayo Emyskia at...Helios? Amaryllis?" Napasapo ito sa noo ilang segundo matapos makita ang dalawa. Tumayo ito at nakapamewang na hinarap ang dalawa.
"Ano naman ang ginawa niyo?"
"Sinaktan ako ng ulupong na 'yan." Madramang pagsusumbong ni Amaryllis na ikinailing naman no'ng Helios. Tiningnan ito ni Diana, umaasang magpapaliwanag, ngunit hindi ito nagsalita.
"Napa'no naman 'yang mukha mo?" Segunda niya. Naiinip kong itinaas ang kamay ko, ipinahihiwatig na ako ang may gawa na ikinailing niya rin.
"Kayong dalawa," turo niya kina Helios, "Umupo kayo ro'n sa dulo. At ikaw Emyskia, paalala muna ang ibibigay ko sa 'yo dahil kakapasok mo lang. H'wag ka na ulit papasok pa sa kahit anong gulo."
"Nasaan na ang magsusukat?" Pag-iiba ko ng usapan na ikinabuntong-hininga niya naman ngayon.
"Sumunod ka sa akin."
Ako lang ba o talagang sunud-sunuran ako ngayong araw?
Bagama't labag sa loob ko ang mga nangyayari ay sumunod na lang ako, mabuti na lamang ay nasa kabilang silid lang kami nakadestina dahil gustong-gusto ko nang umupo.
Nang makapasok kami ay bumungad sa akin ang isang maliit na silid na punong-puno ng tela. May matandang babae na nakaupo sa harap ng isang makinang pantahi. Wala pa mang sinasabi si Diana ay lumapit na ito sa akin at 'saka ako pinaikot, doon ko naisip na ito na ata ang pinakamaliit na silid sa buong paaralan at hindi rin naman siya sobrang liit.
Pagkatapos kong umikot ay tumalikod na sa akin ang babae na ikinataka ko.
"Hindi niya na kailangan ng metro-de-sinta, magaling siya sa mga sukat." Paliwanag ni Diana nang mapansin ang pagtataka ko.
Lumabas na kami ng silid, inaya pa ako ni Diana sa opisina nila ngunit tumanggi ako. Pinili ko na lang na pumunta sa silid-aklatan at naghanap ng aklat na mababasa. Hindi pa tapos ang araw ngunit pakiramdam ko ay isang linggo na ang lumipas sa sobrang dami ng nangyari. Napakaraming wirdo rito, hindi ako makapaniwalang ito ang nangunguna sa mga paaralang mayro'n ang buong lupain. Maliban sa pampisikal na kaanyuan nito ay wala na akong iba pang makita na maganda tungkol dito. Sana ay hinayaan muna ako ni Pappous na makapili ng paaralan at baka sakaling magustuhan ko pa ang pumasok ngunit, hindi ko naisip 'yon nang mag-usap kami tungkol dito.
Sa tuwing maiisip ko na ilang taon pa ako rito ay nagsasawa na ako agad. Hindi ito ang lugar para sa akin, pakiramdam ko ay dudumugin agad ako ng mga panghuhusgaunang linggo ko pa lamang. Hindi man halata ngunit hindi talaga nawaglit sa isip ko ang awa sa mata ng babae kanina nang sabihin kong baldado ako. Mas gugustuhin ko pang magalit, masuklam, o mandiri ang mga tao sa akin dahil kaya ko silang labanan kapag sinimulan nila ako ngunit pagdating sa awa, hindi ko alam kung paano ko lalabanan 'yon. Ayokong isipin nilang nakakaawa ang sitwasyong mayroon ako, na kapag baldado ka ay kawawa ka dahil mahina ka. Hindi ako mahina.
Sa tuwing tinitingala ko ang mga tala sa gabi ay mas lumalakas ang loob ko kahit hindi ako attribute-wielder. Nakatatak na sa isip ko ang imahe ng kalangitang puno ng mga bituin tuwing gabi, ito ang nagsasabi sa akin na ano man ang sukat ng buwan ay hindi nangangahulugang ito na ang pinakamakapangyarihan sa gabing madilim. Sa isang buwan at milyon-milyong mga tala, may isang bagay na ako lang ang makakagawa kaya hindi nila ako dapat na minamaliit. Baldado lang ako.
Habang sinusuyod ko ang matatayog na estante ng mga libro ay naagaw ng isang papel na nakakalat sa sahig ang atensyon ko. Pinulot ko ito at binasa ang nakasulat dito.
"Eleutheria."
Sa kuryosidad ay naglibot ako para maghanap ng aklat na maaaring magsabi kung ano 'yon. Sinubukan kong buklatin ang bawat librong pumupukaw a interes ko at baka sakaling nandoon ngunit lumipas ang isa't kalahating oras ay wala akong nakalap na ni isang impormasyon. Nasa ikalawang palapag na ako at pagod na pagod na ako sa kakaakyat-baba sa mga hagdan na nakatayo sa bawat estante. Dahil sa pagod ay napasandal ako sa estante bago napaupo kasabay ng pagbagsak ng isang aklat mula sa taas. Ang pamagat nito ay nakasulat sa hindi pamilyar na simbolo ngunit sa baba nito ay may nakasulat sa paraang alam ko, sa tingin ko ay ito ang ibig sabihin ng mga simbolo kapag isinalin. Pinagpagan ko ang libro dahil sa makapal na alikabok na nakabalot ditto at doon ko lamang nabasa ang pamagat.
Ang Kaharian ng Eleutheria.