Chereads / Hecate Series: Oculus / Chapter 2 - Kabanata 1

Chapter 2 - Kabanata 1

|Emyskia

Our screams and the clanking noise created by our swords filled the practice room. Wala pang tatlumpung minuto ang nakalipas matapos magsimula ang duelo ngunit tumatagaktak na ang pawis ng kapareha ko at makikita mo sa mga mata nito ang inis at kagustuhang gamitin ang kan'yang kapangyarihan. Malamang sa isip nito ay pinalilipad na ako nito sa ere gamit ang hangin na gawa niya ngunit hindi niya maaaring gawin 'yon sa akin ngayon. He's at my territory and he must abide according to my rules.

"Give up." Sabi ko nang direktang nakatingin kay Haime na ngayo'y nakaluhod na sa harap ko at humahangos. Itinungkod ko ang sarili ko sa espada animo'y nababagot na sa nangyayari.

"Emyskia! 'Wag mong ginagawang tungkod ang espada at mahirap ayusin 'yan!" rinig kong saway ni Pael, ang nag-eensayo sa amin, ngunit isinawalang-bahala ko lamang ito.

Narinig ko ang pilit na tawa ni Haime habang pilit niyang itinayo ang sarili niya para harapin muli ako kaya inayos ko ang aking tindig at nginisihan siya pabalik.

"'Wag mo akong idinadaan sa ingles mo, Emy. Hindi ako ang tipo na magpapatalo lamang sa isang baldado."

Unti-unting pinawi ng mga salitang binitawan niya ang kahit anong senyales ng pagkatuwa sa mukha ko at pinalitan agad ng pagkainis.

Iniangat ko ang aking espada at inambaan siya ng sunod-sunod na atake na agad naman niyang iniilagan ngunit hindi pa rin niya natakasan ang talim ng aking espada at bilis ng aking galaw. Naririnig ko ang mga daing niya sa tuwing natatamaan siya at naririnig ko na rin ang sigaw ni Pael sa labas, ngunit tuloy-tuloy lang ang pag-atake ko kay Haime. Ang ayoko sa lahat ay ang tawagin akong baldado na para bang inihahambing nito ang pagkatao ko bilang mahina. I am not an attribute-wielder but that doesn't define my strength and I will surely prove this guy that he must not mess with me.

"Tarantado! Papatayin mo ba ako?!" Angil niya sa gitna ng pag-atake ko.

"Tumahimik ka. Hindi magagamit ang bibig sa gitna ng digmaan."

Akma niya sana akong aatakehin gamit ang ability niya ngunit agad ko itong inilagan at dumiretso sa likod niya. Sinipa ko ang likod niya na siyang ikinabagsak niya sa sahig, agad ko itong inapakan at idiniin pa lalo sa sahig.

"Ang pandadaya ay isang patunay na isa kang duwag." Ipinatong ko ang punto ng espada sa kamay niya at unti-unti itong idinidiin. Narinig ko ang daing niya maging ang pagmumura sa sakit ngunit hindi koi to pinansin at ipinagpatuloy ang ginagawa ko.

"Emyskia! Itigil mo 'yan at panalo ka na!" Sigaw muli ni Pael ngunit ngumisi lang ako bago muling inangat ang espada para itutok sa batok ni Haime na agad na sinundan ng sunod-sunod na saway at pagtanggi ni Pael. Akma ko na sana itong ibabaon sa batok ng siraulong 'to ngunit biglang tumilapon ang espada ko.

"Ano b—"

"Emyskia! Ano'ng ginagawa mo?!" Tumindig ang bawat buhok sa katawan ko nang dumagundong ang boses na 'yon sa buong silid. Dahan-dahan kong inalis ang pagkakatapak kay Haime na ngayo'y mukhang hinimatay nang dahil sa takot. Duwag, puro hangin ang alam.

Napapikit ako at bumuntong-hininga bago tuluyang hinarap ang aking minamahal na bisita.

"Pappous! Nakakatuwa naman at nakauwi na kayo!" Pambobola ko habang naglalakad papalapit sa kan'ya.

"Tinatakot ko lamang siya, Pappous. Pinainit niya ulo ko eh."

"Sa tingin ko'y mas kailangan mong pagtuunan nang pansin ang pasensya mo, Emyskia."

"Hindi naman siya mapapatay ng pasensya ko."

"Muntik na, kanina. Hindi ba ang sabi ko ay 'wag ka masyadong agresibo? Hindi lang ikaw ang maaapektuhan kapag hindi ka nag-ingat."

"Nandiyan naman si Pael para burahin ang kahit anong trace ng pagkatao ko, nandiyan din si Dali para gamutin ang mga sugat niya."

"Ang sinasabi ko lang ay mag-iingat ka. Maaaring mabura ang alaala pero hindi ang katotohanan, tandaan mo 'yan." Napasimangot ako sa sinabi niya nang tumalikod siya at nagsimulang maglakad, walang maisagot dahil tama siya. Hindi ko magawang palagan si Pappous dahil ito lamang ang tumagal sa katigasan ng ulo ko sa kabila ng maikli kong pasensya. Ito lamang ang may kakayahang intindihin ang mga rason ko nang hindi ako kinukunsinti, siya na lamang ang mayro'n ako.

"Ayusin mo ang sarili mo at sumunod ka sa akin." Napatigil ako sa diin ng tono niya. Mukhang hindi ko magugustuhan ang balita.

Lumabas na ako ng silid at nagsimulang maglakad papunta sa kwarto ko nang hindi pa rin maalis ang bumabagabag na pakiramdam sa akin na dulot ng tono ni Pappous. Unti-unti ko na ring nararamdaman ang pagod mula sa duelo kanina. Malamang ay hindi na nila pababalikin ang tukmol na 'yon sa susunod na training. Hindi bale, ayoko rin namang magkaroon ng kapareha na mas mahina pa sa pinakamahina. Paniguradong bukas o sa makalawa ay mayroon nang nabiling bagong kapareha sina Pael. Nakakatawang handa silang ipain ang kanilang sarili sa isang taong hindi nila kilala para lamang sa pera. Bata pa lamang ako ay ganito na ang sistema. Magsasanay ako kasama ang isang taong hindi ko naman kilala at dahil hindi normal sa isang batang kaedad ko noon ang maging maalam sa pakikipaglaban ay karaniwang higit na mas matanda sa akin ang nakukuha at kung mayro'n mang kaedad ko, panigurado'y nasa ilalim ito ng pangangalaga ng nakatatanda rin kaya mababa ang posibilidad na makuha ito.

Agad akong dumiretso sa banyo upang maligo. Hinayaan ko ang sarili kong namnamin ang lamig ng tubig sa bath tub, walang pake kung gaano katagal pa akong manatili ro'n. May parte sa akin na mas gugustuhin na lamang manatili rito kaysa pakinggan ang kung ano man ang sasabihin ni Pappous. Hindi maganda ang kutob ko, mula pa lamang sa biglaang pag-uwi niya kahit na noong nakaraang linggo pa lamang siya umalis hanggang sa mga sinabi niya kanina'y kahina-hinala na. Naninikip ang dibdib ko sa kaba. Hindi ko alam kung saan galing ang malakas at mabilis na pagtibok ng puso ko na tila lalabas na ito mula sa aking dibdib kapag nagpatuloy pa.

"Lady Emyskia? Naghihintay na po ang lolo niyo. Nakahanda na rin po ang inyong kasuotan."

"Limang minuto—and please refrain from calling me that stupid honorific to address me! It's honestly annoying!" Angil ko.

"A-ano po? Pasensya na po Lady Emyskia ngunit hindi maaari ang inyong nais. Hinihintay kayo ng lolo niyo sa baba." Ilang segundo lamang ay narinig ko na ang papalayong mga yapak ng tagapagsilbi. Huminga muna ako nang malalim bago napagdesisyunang umahon na at magbihis. Nang tinahak ko ang daan papunta sa silid ni Pappous ay hindi ko maiwasang mapailing at mairita sa nakahilerang mga tauhan sa magkabilang gilid ko na yumuyuko sa t'wing malalampasan ko sila. Ganito na ang sistema buong buhay ko ngunit hindi ko pa rin magawang makasanayan ang ganitong pagtrato.

"Spill." Bungad ko agad pagkapasok ko pa lang sa silid. Hinila ko ang isang upuan at ipinasandal ito sa lamesa niya tsaka ako umupo paharap dito. Ipinatong ko ang baba ko sa sandalan ng upuan at malamig na tumitig kay Pappous na ngayo'y kalmadong nakasandal sa kan'yang swivel chair habang tinititigan ang kan'yang pluma.

"We're going to Hecate." Bahagya akong natigilan sa sinabi niya. Bumawi ako agad sa pamamagitan ng isang ngiti. I definitely don't like where this is going.

"Bibisita lang naman pala sa paaralang 'yon, masyado kayong tensyonado." Pagbabakasakali ko na 'yon nga ang ibig niyang sabihin. Kumuha ako ng mansanas sa bandehang nakapatong sa kan'yang lamesa at agad na kumagat dito.

"Oy, ang tamis nito ah, pakisulat nga kung saan ito binili at ako mismo ang pupunta kapag naisipan kong kumain ng mansanas." Sabi ko sa tagapagsilbi na agad namang sumagot sa pamamagitan ng pagtango.

"Papasok ka sa Hecate. Mag-aaral ka ro'n simula sa susunod na linggo." Napatigil ako sa pagnguya at nanlalaki ang mga matang tumingin kay Pappous.

"Nagbibiro ka lamang 'di ba?" Nagpakawala ako ng isang pilit at tipid na tawa, umaasang biro nga ang mga kalokohang inilabas ng bibig niya ngunit nabigo ako nang seryoso niya akong tinitigan.

Tumayo ako at malakas na hinampas ang lamesa, na mukhang inasahan niya na dahil hindi man lamang ito nasidlak sa ginawa ko.

"Ano ba ang pinagsasasabi niyo?! Pinag-usapan na natin 'to noon, Pappous! Ayokong mag-aral! Ayos na ako rito!"

"Gustuhin mo man o hindi ay papasok ka. Para rin 'to sa ikabubuti mo, isa pa, may mga kailangan akong asikasuhin, hindi kita mababantayan."

"Nandito sina Pael! Isa pa, kaya ko na ang sarili ko!"

"May kailangan ding gawin si Pael. Kailangan mong makihalubilo sa mga kaedad mo, sa mga katulad mo." Katulad ko?

"Kahit kailan, hindi kami magkakatulad ng mga may kakayahang gumamit ng 'mahika'." Mapait kong sabi.

"Emyskia, magtiwala ka sa akin." Pagsusumamo niya ngunit nag-iwas lamang ako ng tingin.

"Alam kong mahirap pa rin sa 'yo ang makihalubilo at magtiwala sa ibang tao, alam ko ring hindi madaling humiwalay muna sa lugar na 'to ngunit hindi maaaring dito ka na lang habang-buhay."

"Lumalabas naman ako 'di ba?" Makahulugan kong sambit ngunit tiningnan lamang ako ni Pappous nang masama.

"Hindi sa gano'ng paraan." Inirapan ko siya at sa loob loob ko'y puno pa rin ng pagtatanggi.

"Pakiusap, 'wag na ninyong ipilit, I'll never be an attribute-wielder. There was no progress, right? Sa ating dalawa ay kayo dapat ang mas nakakaalam na imposible ang gusto niyong mangyari." Tumalikod ako sa kan'ya at akma na sanang lalabas ng silid nang muli siyang magsalita.

"Matagal ko nang sinukuan ang pantasyang 'yan, Emyskia. Ang nais ko lamang ay lumaki ka sa normal na paraan."

"Paano kung maulit ang nangyari sa akin noon nang sinubukan ko? Paano kung maubos ulit ang pasensya ko? Sino ang pipigil sa maaari kong gawin?" Humarap akong muli sa kan'ya at laking gulat ko na lamang nang makita ko ang ngiting nakapaskil sa mukha niya na parang nagsasabing walang problema.

"Alam kong ikaw mismo ang makakahanap ng dahilan para pigilan ang sarili mo. Kilala kita, Emyskia, at may tiwala ako sa 'yo." Binuksan niya ang drawer sa kan'yang lamesa at may kinuhang maliit na kahon dito bago siya tumayo at lumapit sa akin.

Nang tuluyan siyang makalapit sa akin ay binuksan niya ang kahon at iniluwa nito ang isang gintong singsing na may limang maliliit na diyamanteng nakalagay rito. Kinuha ko ito at mas tiningnan nang maigi, doon ko lamang napansin ang nakaukit na mga simbolo sa loob na bahagi nito. Magtatanong na sana ako ngunit naunahan ako ni Pappous na magsalita.

"Suotin mo lang 'yan lagi, isipin mong hangga't nasa daliri mo 'yan ay parang nando'n na rin ako para protektahan ka. Let that be your reminder to breathe." Tiningnan kong muli si Pappous at naroon pa rin sa mukha niya ang ngiting hindi ko na ata matatanggihan. Napabuntong-hininga ako bago ko nagawang ngumiti na rin at tsaka muling tinitigan ang singsing bago ito sinuot.

Pagkatapos ng mahabang pagtatalo naming ni Pappous ay pinag-usapan naming ang mga bilin niya at mga paalala. Sinabi niya rin sa akin na ipinaayos niya na ang mga gamit na dadalhin ko. Bukas ng hapon ay b-biyahe na ako papuntang Hecate na pinagtalunan namin ulit ni Pappous dahil ang sabi niya ay sa susunod na linggo pa ako magsisimula sa klase. Ipinaliwanag niya naman na marami pa akong kailangang gawin katulad na lang ng pag-aayos ng kwartong tutuluyan ko sa paaralang 'yon. May orientation din na magaganap kaya kailangan ko na raw umalis kaya ako rin naman ulit ang bumigay.

Kinabukasan ay nilibot ko ulit ang kwartong iiwan ko at doon napako ang tingin ko sa isang bagay na alam kong hindi ko p'wedeng iwan.

"Nakalimutan ka siguro nilang isabay." Hinablot ko ito nang may ngisi sa aking labi at tsaka bumaba. Naroon na naman ang mga tauhan at ang walang katapusan nilang pagyuko—itinatak ko na lamang sa aking isipan na sa wakas ay hindi ko na kailangang maranasan ito.

"Mag-iingat ka, wala ako ro'n. Lagi mong tatandaan ang mga habilin ko." Emosyonal na sabi ni Pappous.

"'Wag kang iiyak, ikaw ang may gusto nito. Isa pa, suot ko naman 'to kaya 'wag kang mag-alala." Angil ko sabay itinaas ang kaliwa kong kamay para ipakita ang singsing na ibinigay niya.

Unti-unti siyang lumapit sa akin habang inaanyayahan ako sa isang yakap.

"No hu—fine! Ngayon lang 'to." Angal ko pa sana ngunit huli na dahil mahigpit niya na akong niyakap. Nang kumawala ako ay mahina niya akong tinapik sa ulo at tsaka nagpaalam.

Bago ako tuluyang sumakay sa kotse ay muli kong sinulyapan sina Pappous, Pael, Dali, at ang iba pa naming kasamahan bago ko nilibot ang paningin sa kabuuhan ng bahay na ikinatawa ko dahil noon ko lamang ginawa 'yon.

Hindi ko alam kung ano ang sasalubong sa akin ngunit mas binabagabag ako sa maaaring maging kahinatnan ng pag-alis ko.

Mukhang matatagalan din bago ako makakabalik dito.

"Make sure when I come back, you're all standing with the house." Bulong ko sa sarili at tsaka ako tuluyang pumasok sa kotseng maghahatid sa akin sa isang lugar na walang kasiguraduhan.