Chapter 2: Paglipas ng mga Araw
SUMIKAT na naman si Richard sa lugar nila dahil sa nangyari. Trending chismis topic ng mga chismosa't chismoso. Baka nga may mag-tweet pa sa twitter at baka ihashtag pa siya. Dasal na nga lang niya na sana ay walang kumuha ng video. Baka kasi makita siya sa Tv Patrol, sa Mga Kwento ni Marc Logan. Habang pabalik nga sila ni Ruby sa bahay, ang daming mga natatawa sa ginawa niyang pagsalo sa suntok ni Aling Susan. Hiyang-hiya na tuloy siya.
"Ipaghanda mo na ako ng paliguan at pati 'yong panty ko. Kung ano man iyon." Pagkarating pa lang ay inutusan na agad ni Ruby ang binata. Ni pasalamat ay wala man lang itong sinabi.
"Opo!" naaasar namang sagot ni Richard. Gusto na nga niyang batukan ang dalaga, kaso hindi naman p'wede. Babae pa rin daw kasi ito at lalaki naman siya. Wala na lang siyang nagawa kundi ang ihanda ang panligo ng dalaga.
"Pagkatapos kong maligo, dapat ay handa na rin ang pagkain d'yan sa hapag!" utos pa ng dalaga. Dahan-dahan na rin niyang inalis ang kanyang damit nang makapasok sa loob ng munting CR. Handa na rin kasi ang tubig at pinagbantaan niya si Richard na pupugutan ng ulo kapag sinilipan siya.
"Hindi ako manyakis!" sabi na lang ni Richard. Iniabot na rin niya ang sabon at shampoo. Sinabi rin niya na bilisan ang pagligo dahil maliligo rin daw siya. Iniabot na rin niya ang tuwalya at ang damit na susuotin ng dalaga habang nakapikit.
"Pwehhh! Alipin! Bakit ang sama ng lasa ng bagay na ito?!" Nabigla si Richard dahil doon. Hindi nga niya maiwasang mapatawa dahil kinagat ni Ruby ang sabon na ibinigay niya. Napalunok din siya ng laway dahil aksidente niyang nakita ang hubad na katawan ng dalaga. Pasalamat na lang siya dahil hindi siya nito pinansin. Agad nga rin niyang ipinikit ang mga mata niya para hindi magalit ang dalaga.
Namula bigla si Ruby nang mapansin ang itsura niya. Bahagya siyang napatili at agad kinuha ang hinubad niyang damit at itinakip sa sarili.
"A-alipin! A-anong bagay ito?" Medyo nailang ang dalaga nang mga oras na iyon. Inimulat na rin ni Richard ang mata niya at napakamot na lang sa ulo.
"Eh, hindi naman kasi kinakain 'yan. Tawag d'yan, sabon." Napahawak pa ang binata sa noo.
"S-sabon? Eh, ano ba'ng gamit nito? Pati ang bagay na ito?" Kinuha rin ni Ruby ang shampoo. Napailing na lang tuloy ang binata.
"Sabon, 'pag naligo ka... hindi, 'pag binasa mo ng tubig ang katawan mo ay basain mo ito. Tapos, ipahid mo sa katawan mo. Mabango 'yan. At 'yang isa... Shampoo, inilalagay sa buhok. Pagkatapos ay magbanlaw ka.. Kuha mo ba?" paliwanag ni Richard sa dalaga. Sana nga lang ay naintindihan siya nito.
"Mabango nga ito..." bulong naman ni Ruby. Inamoy-amoy pa nga nito ang sabon. Pasimple tuloy natawa ang binata. Daig pa raw yata niya ang nag-aalaga ng baliw na babae dahil dito. Napaisip na rin siya kung ano ang ipapakain niya sa dalaga.
Habang naliligo si Ruby ay naisipan na niyang bumili ng apat na pirasong monay at dalawang cereal drink sa tindahan sa tapat nila. Tinatamad kasi siyang magluto. Mamaya na rin lang daw niya iisipin ang kakainin nila para sa tanghalian at hapunan.
"A-ANG lamig ng tubig. Magyeyelo na ako nito..." Bumungad kay Richard si Ruby na kakatapos lang maligo. Napatingin din agad sa kanya ito.
"A-alipin! Sa susunod, nais kong maging maligamgam ang tubig na ipanliligo ko!" Gusto pa nga sanang patulan ni Richard ang sinabi ng dalaga pero pinigilan na lang niya ang kanyang sarili.
"Nasaan na ang pagkain?" tanong ni Ruby habang nagsusuklay ng buhok.
"'Eto na lang muna ang ating agahan. Wala nang oras para magluto." Inilapag ng binata ang binili niya sa mesa.
"Ah... Ganito pala ang tinapay dito? At itong isa ay?" inosenteng tanong ni Ruby nang lagyan ni Richard ng mainit na tubig ang tasa nitong may lamang cereal powder.
"Cereal Drink. Mamaya na tayo mag-kanin." sabi ng binata at napatango naman ang dalaga. Inamoy-amoy pa nito ito habang kinakain ang isang tinapay.
"May pupuntahan nga pala ako kaya maiiwan ka rito sa bahay! Ayos lang ba?"
"Dapat ay isama mo ako kung saan ka man tutungo," sabi ni Ruby.
"Dito ka na lang. Mabaho sa pupuntahan ko," seryosong sinabi ng binata pero tinaasan lang siya ng kilay ng dalaga.
"Alipin ka lang kaya wala kang magagawa kundi sumunod. Sasama ako, sa ayaw mo man o hindi!" mariing sabi ni Ruby at pagkatapos noon ay agad siyang humigop ng cereal drink.
Napailing naman si Richard. Alam niyang hindi tatagal ang dalaga sa pupuntahan niya. Lalo na't alam niyang maarte ito.
Nang matapos maligo si Richard ay nag-toothbrush na rin siya ng ngipin. Nagulat na nga lang siya nang biglang nasa likuran na niya si Ruby.
"Ano ang ginagawa mo?" takang-taka tanong ng dalaga.
"Nag-to-toothbrush!" sagot ng binata at mabilis niyang tinapos ang kanyang ginagawa.
"Alipin! Dapat ay pagamitin mo rin ako n'yan! Mukhang masarap na kainin din iyan!" Napabuga tuloy ng tubig ang binata sa sinabing iyon ni Ruby. Napapatawa siya na hindi. Mukhang malaki na ang sira sa ulo nito, ito na lang ang naisip niya.
"Hindi ito kinakain. Naglilinis ako ng ngipin ko at para rin bumango ang hininga ko. Gets mo?" natatawang sabi ni Richard.
"Hmmm... Ganun ba! Akin na 'yan. Magto... totbras din ako," sabi ng dalaga at agad nitong kinuha ang toothbrush ng binata. Hindi man lang ito nadiri sa toothbrush na galing sa bibig ng iba. Nilagyan na rin ito ni Richard ng toothpaste at napatawa na lang sa ginawa ng dalaga.
"Ang lamig ng bibig ko. Ito ang gusto ko!" sabi ni Ruby at inamoy-amoy pa niya ang bibig niya.
Pagkatapos ng mukhang katawa-tawang ginawang iyon ni Ruby, pinagsuot naman ni Richard ito ng jacket. Tinarayan pa nga siya ng dalaga. Sinuotan din niya ito ng sumbrero at hindi akalain ng binata na magagandahan siya sa ayos ng dalaga.
"Cute ka pala... Masungit lang..." bulong ni Richard.
"Ano ang iyong sinabi, alipin?" biglang tanong naman ni Ruby kaya medyo nataranta ang binata.
"W-wala! Umalis na tayo..." sabi na lang ni Richard.
SIKAT na sikat talaga silang dalawa sa lugar nila matapos ang insedente kanina sa igiban. Napapailing na nga lang si Richard. Naramdaman pa nga niya na parang sumakit ang mukha niya bigla. Kahit gustuhin ng binatang umuwi ay wala siyang magawa. Kailangan niyang kumayod, para may kainin siya, at kasama pa ang dalagang may kaartehan sa katawan.
"Nandito na tayo..." sabi ni Richard. "Kita mo 'yang bundok ng basura? Maghahanap ako ng mga pwedeng ibenta galing diyan."
Ipinaliwanag nga ng binata ang gagawin niya kaso, sinigawan lang siya ng dalaga.
"Lapastangan ka! At sa palagay mo ba ay sasamahan kita riyan? Isa akong prinsesa kaya hindi ako makapapayag na marumihan ako. Hmm..." mataray nitong wika. Alam na rin naman ni Richard na mangyayari ito, kaya pinayuhan niya ang dalaga na magpaiwan sa baba. Pinagtarayan naman siya nito.
"Ang kapal ng mukha mo. Gagawin ko ang gusto ko at huwag mo akong pangaralan!" mataray nitong tugon. Napailing na lang si Richard. Ang iniisip lang naman niya ay ang kapakanan nito pero, kapag laging ganito... baka wala na siyang magawa.
"O sige. Bahala ka," sabi ng binata at sinimulan na niyang mangalkal. Sinulyapan pa niya ang dalaga pero hindi siya nito pinansin.
"Babae pa rin sya, sabi ni tatay... Dapat daw mahalin, igalang at respetuhin sila. Ewan ko nga lang sa babaeng ito..." nasabi na lang ng binata sa sarili.
Ilang oras ding nangalkal ng basura si Richard. Palagi nga niyang tinitingnan si Ruby sa p'westong pinag-iwanan niya, kaso natakasan pa rin siya nito. Dahilan ito para magmadali na siya. Agad niyang ibinenta ang mga nakalkal niya at kumita siya ng 300 pesos. Pakiramdam tuloy niya ay s'werte siya pero may kailangan pa siyang hanapin, isang takas sa mental na dalaga.
Pinagtanong-tanong niya si Ruby kaso hindi niya ito nahanap. Naisipan tuloy niyang umuwi at baka nandoon ang dalaga. Doon nga'y naabutan niyang bukas ang bahay niya. Nabunutan tuloy ng tinik sa dibdib ang binata. Alam na agad niya na nasa loob ang dalaga.
"Ruby? Ruby?" tawag kaagad ng binata pagpasok ng bahay.
"Wala kang galang! Ano'ng karapatan mo para tawagin ako sa pangalan ko?" Nangiti sa hindi inaasahang pagkakataon nang marinig ng binata ang boses na iyon.
"Kanina ka pa ba dito?" tanong ni Richard.
"Oo! Nainip ako dahil ang baho sa lugar na iyon. Wala akong malanghap na sariwang hangin." sagot ng dalaga.
"Nga pala! Inuutusan kitang ayusin mo ang napakapangit mong tirahan. Ang prinsesang gaya ko ay dapat hindi pinapatira sa ganitong bahay. Isa pa, dapat ay palaging may prutas ang mesa," seryosong sinabi ng dalaga. Nagbingi-bingihan na lang si Richard at agad na nagpalit para bumili ng kanilang panghalian. Hindi nga niya sana isasama si Ruby, kaso, nagpumilit ito. Wala na tuloy siyang nagawa. Isa ring dahilan kung bakit ayaw niyang isama palabas ito ay dahil wala itong suot na bra. Bumabakat kasi ang utong nito sa suot na damit. Pinagsusuot nga ng binata ito ng isa pang damit kaso, ayaw naman ng dalaga. Sa Florania kasi, may sadyang makapal na tela ang pumapatong sa dibdib ng mga babae sa anumang damit na suotin nila, kaya walang kasuotang bra sa lugar nila.
Bumili ng kanin at lutong ulam sila sa turo-turo. Paulit-ulit pa ngang sinabi ni Ruby na bumili sila ng prutas. Napailing na nga lang si Richard sa mga nangyari sa pagbili nila...
"Ano ang gusto mong ulam?" tanong ni Richard.
"Gusto ko lahat ng iyan," sagot naman ni Ruby at napabuntong-hininga na lang ang binata. Isang ulam din lang ang binili niya kaya nagalit ang dalaga.
"Ano ka ba alipin! 'Di ba, sabi ko lahat! Wala ka bang pandinig? Ha!" Narinig ng mga tao ang lahat ng iyon kaya hiyang-hiya na umalis silang dalawa sa kabila ng pagmamaktol ng dalaga.
Dumaan din sila sa tindahan ng prutas. Naawa rin naman ang binata, mukha kasing gustong-gusto nito ng prutas dahil kanina pa siya nitong kinukulit.
"Itong ubas... Isang pinya at mga dalandan. 'Yan ang gusto ko!" Ang mga mahal na prutas pa ang itinuro ni Ruby. Pero isang piling na saging at isang kilong sinturis ang binili ni Richard. Iyon lang kasi ang kaya mg pera niya. Iyon din ang naging dahilan para mas lalong magalit ang dalaga.
"W-wala kang k'wenta! Kung ano ang nais ko, hindi mo kinukuha. Hampas-lupa! Prinsesa ako at alipin ka lang. Dapat sinusunod mo ang gusto ko!" Pinagsabihan pa nito sa harap ng maraming tao si Richard. Dahil doon kaya hindi na nakapagtimpi pa ang binata.
"Gano'n ba? Kung gano'n maghanap ka ng bahay na matutuluyan mo... Kung may masamang mangyari sa 'yo, wala na akong pakialam... Diyan ka na! B'wiset!" Nasigawan na rin ng binata si Ruby sa huli niyang mga sinabi. Natigilan naman ang dalaga. Napayuko at napahikbi.
"Ano? Iiyak ka? Mag-iinarte ka?" dagdag pa ni Richard. Pinagtitinginan na sila ng marami.
"S-sa kaharian, kahin minsan ay hindi ko pa naranasan ang pagsalitaan ng ganyan. Ang sigawan. Kahit si amang hari, hindi 'yan ginawa..." Bigla na lang tumulo ang luha ni Ruby. Umiiyak ito sa harapan ng binata.
"W-wala kang karapatan upang ako'y sabihan ng gan'yan! H-hindi kita kailangan! Aalis na talaga ako..." malungkot na sabi pa ng dalaga. Tinalikuran din niya si Richard at dahan-dahang naglakad palayo.
Nang mga sandaling iyon naman, napailing na lang si Richard. Pakiramdam niya kasi, siya ang masama. Napaiyak niya ang dalaga kaya agad niya itong sinundan. Hinawakan niya kaagad ang braso ng dalaga.
"Sorry na... Gusto ko lang namang maintindihan mo ang sitwasyon ko. Mahirap lang ako... Wala akong pera para mabili lahat ng gusto mo..." mahinang sinabi ng binata.
WALANG imikan silang umuwi. Sumama pa rin si Ruby kay Richard sa kabila ng mga nangyari.
"Kain ka na... pasensya na sa kanina..." sabi ng binata matapos lagyan ng kanin at ulam ang plato ni Ruby. Agad namang sumubo ng kanin at ulam ang dalaga. Sunod-sunod at unti-unting nawala ang lungkot nito.
"Ano ang tawag sa ulam na ito?" pataray na tanong ni Ruby.
"Adobong baboy po, mahal na prinsesa..." sagot ng binata. Pagkatapos noon, ay sunod-sunod na ang mga itinanong ng dalaga. Naging maayos na rin silang dalawa matapos ang hindi pagpapansinan kanina.
"Wala kasing pagkaing tulad nito sa Florania..." dagdag pa ng dalaga. Sa isip-isip nga ni Richard ay sana ay palagi itong ganito. Naisipan na rin tuloy ng binatang tanungin si Ruby tungkol sa sarili nito. Kaso nang magk'wento na ito ay hindi niya alam kung paniniwalaan niya ito.
"Prinsesa ako ng Florania. Sa pagkakaalala ko'y ito siguro'y parte ng mahika ng diwata dahil sa hindi ko pagtulong sa kanya..." sabi ni Ruby.
"E-eh, paano ka makakabalik sa kaharian ninyo?" napapailing na lang na tanong ni Richard. Sa pagkakaalam niya kasi, sa fairy tales lang siya nakakarinig ng ganitong k'wento.
"Hindi ko alam... Wala akong magagawa kundi pagtiyagaan ang pangit mong bahay... Nais kitang tanungin, handa ka bang pagsilbihan ako kapag hindi na ako nakabalik sa Florania?" Natahimik na lang ang binata sa narinig niya. Gusto niyang barahin ang dalaga. Bakit nga ba niya pagsisilbihan ang babaeng hindi niya kaano-ano? Hindi niya ito girlfriend at lalong hindi niya ito asawa.
"A-ah... H-hind..." Hindi na nakatapos ng sasabihin si Richard nang biglang nagsalita si Ruby.
"Alam kong oo! Kung gano'n, papasalamatan pa rin kita..." Napangisi na lang ang binata. Pero wala na rin naman siyang magagawa, nandito na ito kaya sasaluhin na rin daw niya muna.
"Opo, mahal na prinsesa..." mahinang sabi na lang ni Richard. Sana nga lang ay maging maayos ang kahihinatnan nito, isip-isip pa niya.
LUMIPAS ang mga araw. Patuloy lang ang buhay para kay Richard at Ruby. Pinilit pakisamahan ng binata ang dalaga kahit minsan ay naiinis na siya rito. Pero sa paglipas pa ng mga araw ay mukhang nagiging maayos na rin ang ugali ng dalaga. Isang umaga nga ay bigla na lang nagulat si Richard nang may sabihin sa kanya ito bago siya umalis.
"Mag-ingat ka. Ako na ang bahala rito sa bahay at nais kong umuwi ka kaagad... para may kasama ako rito. Malinaw?" Hindi tuloy malaman ng binata kung matutuwa ba siya o hindi sa mga narinig niya. Kung dati, sinisigawan pa siya ng dalaga bago umalis. Nagbibilin na bumili ng kung ano-ano... pero nang oras na iyon ay parang nag-iba ang ihip ng hangin.
"Opo, mahal na prinsesa..." sabi na lang ng binata at nagulat pa siya nang mapansing bahagyang napangiti ang dalaga.
"Marunong ka palang ngumiti! Sana lagi kang gan'yan, lalo kang gumaganda!" nasabi pa niya. Bigla namang sumama ang itsura ng dalaga.
"At ano'ng karapatan mong utusan ako!? Umalis ka na, bago kita mapugutan ng ulo! Alipin!" Napatakbo na lang si Richard nang sigawan siya ng dalaga, at binawi na rin niya ang mga magandang inisip niya kanina rito.
KINAGABIHAN, bago sila matulog dalawa.
"Bukas, may pupuntahan tayo. Kaya gumising ka nang maaga," sabi ni Richard kay Ruby bago sila matulog.
"Baka nakakalimutan mo, ako palagi ang unang nagigising sa atin. Bakit hindi mo sabihin sa sarili mo iyan?" Pero tinarayan lang siya ng dalaga.
"Saan ba tayo, pupunta?" pahabol ng dalaga.
"Basta... Sige, matulog na tayo," wika naman ni Richard at umupo na siya sa tapat ng mesa para doon matulog.
"Alipin, ba't 'di mo na lang kaya ako tabihan?" Napalingon agad si Richard sa dalaga na nakahiga sa higaan nito.
"S-sigurado ka?" Na-excite bigla ang binata. Napalunok din siya ng laway, may pagkakataon kasing tabihan niya ang dalaga at baka may kung ano pa'ng mangyari.
"Ano ba itong naiisip ko, ang laswa. Biro lang, s'yempre..." isip-isip ng binata.
"Nagbibiro lamang ako! Hindi ko hahayaang dampian mo ang maganda kong kutis. At isa pa, puputulin ko lahat ng ulo na mayroon ka kapag may ginawa ka sa aking masama!" malakas na sabi ng dalaga at pagkatapos ay nagtalukbong na ito ng kumot.
"Lintek na babae ito..." bulong na lang ni Richard at agad na umub-ob sa mesa para matulog na. Hindi na niya pinatay ang ilaw. Ito kasi ang laging sabi ni Ruby. Ayos lang din naman ito para sa binata, jumper lang naman ang kuryente niya sa bahay. Libre, pero iligal.
"Agahan mo ang iyong paggising bukas. Mukhang maganda ang ating pupuntahan bukas..." Narinig pa ng binata mula sa dalaga. Hindi na lang siya sumagot at nagtulog-tulugan.
"Malinaw... Richard..." Pero nagulat na lang siya nang marinig niya na tinawag siya sa kanyang pangalan ng dalaga. Iyon ang unang beses na narinig niya iyon mula rito.
"Good night, Ruby..." mahinang sabi naman ni Richard at pagkatapos noon ay sabay nilang pinalipas ang gabi habang sila'y natutulog sa iisang bubong.