"Ate, saan ka nagtungo? Bigla na lamang kita hindi nakita. Tila kanina pa naghahanap sa iyo si Ginoong Severino. Kanina pa po siya palinga-linga sa paligid," bungad sa akin ni Delilah pagpasok ko ng kusina mula sa likuran ng mansion. Siya'y nakasuot ngayon ng kulay dilaw na baro't saya na kumupas na rin ang kulay at naghihimulmol na dahil sa kalumaan ngunit ang kanyang buhok ay maayos na nakapusod gamit ang may bulaklak na disenyo.
"Ako ay may inasikaso lamang saglit," tugon ko at ngumiti nang kaunti. "Kumusta na ang pagbabantay mo kay Binibining Juliana? Bakit mo siya iniwan?" Hinawakan ko siya sa balikat at inakay nang dahan-dahan patungong salas kung saan hanggang ngayon nagtipon-tipon ang mga panauhin at ang iba nama'y nandito sa kusina.
"Nagpaalam po ako sa kanya sandali upang ikaw ay aking hanapin. Nawala ka na lamang bigla na parang bula, Ate."
"Ikaw lamang siguro ang nakapansin sa aking sandaling pagkawala." Ako'y tumawa nang mahina matapos kong sambitin iyon. Mahigpit na ipinagbabawal ni Ginang Josefa na huwag iwan ang aming mga trabaho sa kalagitnaan ng pagdiriwang.
"Sadyang matigas talaga ang iyong ulo, Ate Emilia." Tumawa siya ng mahina kasabay ng marahang pag-iling.
"Binibini? Nasaan ang palikuran?" Biglang tanong ng isang ginoo na huminto sa aming harapan.
"Samahan ko na po kayo, Ginoo, upang hindi po kayo maligaw," magalang na sagot ko na ikinamula ng kanyang pisngi. Napakunot naman ang aking noo sa kanyang naging reaksyon? May mali ba sa aking tinuran?
"H-Hindi na. Nakakahiya naman kung ako ay iyo pang sasamahan. Ituro mo na lamang sa akin kung saan." Isang nakakahiyang ngiti ang kanyang iginawad sa akin kasabay ng paghimas sa kanyang batok.
"Lumiko po kayo sa gawing kanan pagpunta niyo po sa kusina. Sa pangalawang silid na matatagpuan sa gitna, iyon po ang palikuran."
"Salamat," tugon niya saka umalis.
"Ang gwapo niya, Ate," lintanya naman ng aking kapatid habang sinusundan ng tingin ang ginoo.
Nakasuot ito ng kulay asul na barong tagalog na nagpapakita ng kanyang kakisigan. Maputi at maamo ang mukha. Napansin ko kanina ang kanyang maliit na nunal sa kanang pisngi at tila palangiti.
"Kay bata-bata mo pa lamang, Delilah, wala na akong narinig sa iyong bibig kundi kagwapuhan. Labing-dalawang taon ka pa lamang kaya magtigil ka." Kinurot ko sa siya tagiliran kaya't siya'y napadaing nang may kalakasan.
"Totoo naman po ang aking sinambit, Ate ngunit mas gwapo pa rin si Ginoong Severino" sabay tawa niya na tila kinikilig pa.
"Puntahan mo na si Binibining Juliana. Magtrabaho na tayo." Tinulak ko siya ng mahina papalayo bago pa siya magbanggit ng kung ano-ano. Ako nama'y lumilinga sa paligid upang hanapin ang aking binabantayan.
Namataan ko siyang masayang nakikipag-kwentuhan sa buong pamilya ng kanyang nobya. Panaka-naka rin siyang tumititig sa mukha ng dalaga nang may matamis na ngiti sa labi at naniningkit na mga mata.
Napagpasyahan ko na lamang na manatili rito sa gilid ng malaking aparador upang matanaw ko sila mula rito sa malayo. Sakto lamang ito upang hindi rin niya ako makita at ni Doña Lucia. Hindi rin ako makakaistorbo sa kanilang masayang kwentuhan.
Habang masayang nagkukwentuhan ang mga panauhin at umiindak sa mabilis na ritmo ng kanta kabilang sa pagtatanghal ng isang grupo, bigla itong napalitan ng kundiman kaya't nagsialisan ang ibang mga panauhin sa gitna at nagpaiwan naman ang mga magnobyo't magnobya upang sumayaw.
Sa kabilang dako, aking nakita kung paano ilahad ni Ginoong Severino ang kanyang palad sa harap ni Binibining Floriana upang aluking sumayaw nang hindi nawawaglit ang kanyang matamis na ngiti. Nakangiti ring itinanggap ng dalaga ang alok nito at dahan-dahan silang naglakad papunta sa gitna.
Binigyang-daan ng mga panauhing sumasayaw ang dalawang panganay na anak ng dalawang kilalang pamilya rito sa bayan. Kitang-kita ko kung paano sila mabigla nang maglapat ang palad nila. Ang iba ay ngumingiti at kinikilig sa kanilang nasasaksihan. Ang iba nama'y tahimik na nagmamasid habang ang iba ay mahinang nag-uusap tungkol sa kanilang dalawa.
Dumako naman ang aking mata sa kanila mismong dalawa, tahimik na nakatitig sa isa't isa habang dahan-dahang gumagalaw ang katawan kasabay sa malumanay na kanta. Batid kong bawal na makipagtitigan ang babae sa lalaki at bawal din na maglapat ang katawan hangga't hindi naikakasal ngunit kung sadyang puso na mismo ang nagdidikta at nagsasalita, hindi na ito maiiwasan pa. Tulad na lamang kung paano kahigpit na magkahawak ang kamay nilang dalawa habang ang isang kamay ni Ginoong Severino Severino ay nasa baywang ng binibini.
Gumuhit ang isang maliit na ngiti sa aking labi nang mapagtanto ko kung gaano sila kabagay para sa isa't isa. Lahat ay pumapabor sa dalawang mag-irog dahil parehong galing sa kilala at mayamang pamilya. Kung ang dalawang pamilyang ito ay magiging isa, mas magiging malakas ang kanilang kapangyarihan.
"Dito ka pala naninilbihan?"
Bigla na lamang akong napalingon sa aking kanan nang makita kong nasa aking tabi si Doña Lucia.
Siya ay tumigin sa akin mula ulo hanggang paa at tinaasan ako ng kilay. Maging ang ibang mga panauhin na malapit sa aming gawi ay piniling lumayo at ang iba'y tahimik na nagmamasid. "Bakit ngayon lamang kita napansin? Matagal ka na ba rito? Ang lakas ng iyong loob na magpakita sa harap ng maraming tao ng ganyan ang iyong ayos? Mukha kang basahan dahil madumi kang tingnan."
Saglit ko siyang tiningnan saka ako napayuko. Inaamin kong ako ay nagtataka sa kanyang ikinikilos. Bakit ang init ng kanyang dugo sa akin? Wala naman akong ginagawang masama sa kanya. Ayaw ko rin namang magsalita dahil baka sana pa papunta ang usapan at magkagulo pa.
Hinawakan niya ang aking baba at iniharap sa kanya nang pwersahan. Ang mga matang aking nasaksihan noong umaga na ako'y kanyang saktan, iyan din ngayon ang aking nakikita ngayon. Nanlilisik ang kanyang mga mata na tila ba marami akong nagawang kasalanan. "Bakit hindi ka sumasagot? Bastos kang bata ka! Dapat sa iyo ay inaalis sa trabaho!" Mahina ngunit may diin ang kanyang pagsasalita. Nakatalikod siya mula sa maraming tao kaya't hindi nakikita ang kanyang ipinaggagagawa sa akin. Maliban na lamang sa mga taong naririto malapit sa aming pwesto na ngayo'y nasasaksihan ang buong pangyayari.
"H-Hindi ko po alam ang iyong sinasabi, Doña Lucia," magalang na sagot ko. Sinubukan kong hindi tumaas ang aking tinig dahil magmumukhang binabastos ko siya.
"Ang pangit ng iyong mukha. Ang pangit ng iyong buong pagkatao. Sumasakit ang mga mata ko sa iyo." Diniin niya ang pagkakahawak sa aking baba kaya't ako ay napapikit. Mayamaya lang ay pinakawalan na niya ako at tumingin sa aking suot na saya. "Ikaw ay kaawa-awa. Maliit ba ang iyong kinikita rito kaya't wala hindi ka makabili ng bagong kasuotan?" Sumulyap siya sa akin sandali at walang pasabing pinunit niya ang aking naghihimulmol na saya. "Ayan mas bagay sa iyo. Mukhang basura."
Ang mga taong nakakakita sa amin ngayon ay napasinghap at lumayo. Pumikit muna ako bago ko tingnan ang aking saya. Mabuti na lamang sa gawing itaas lamang ito napunit at hindi nadamay ang gawing ibaba. "Hindi ko po batid kung anong nagawa ko sa iyo upang kamuhian mo ako ng ganito, Doña Lucia." Inangat ko ang aking ulo at diretsong tumingin sa kanyang mga matang nag-aalab. "Ayos lamang po na ako ay iyong tratuhin ng parang basahan o basura. Hindi naman po iyon nakakababa sa aking pagkatao. Kung hindi po ninyo mamasamain, ako po ay aalis na."
Akmang tatalikod na sana ako nang hawakan niya ako sa aking kanang pulsuhan. Saktong siya ay napalingon sa kabilang direksyon kaya't ako ay napatingin na rin. Papalapit sa amin ngayon si Don Faustino na seryoso ang mukha at nakakatakot ang tindig habang palapit nang palapit sa amin.
"Doña Lucia, ano ang iyong ginagawa kay Emilia?" Mababakas ang takot sa kanyang tinig na siyang nagpatindig sa aking mga balahibo. Saglit siyang sumulyap sa akin at bumalik din agad kay Doña Lucia.
Kung kanina ay nanlilisik ang mga mata ng doña, ngayon ay para siyang maamong tupa na tila biglang natakot sa kanyang amo. "Wala naman, Don Faustino." Naramdaman kong dahan-dahan niyang binitiwan ang aking kamay. "May itinanong lamang ako sa iyong kasambahay kung anong magandang iregalo sa aking asawa. Malapit na ang aming anibersayo hindi ba?" Tumawa siya nang mahina at mahinhin ngunit tila tawang nakakatakot sa aking pandinig. "Humihingi lamang ako ng ideya sa kanya. Pareho kaming babae kaya't batid kong nararamdaman at naiintindihan niya ako. Hindi ba, Emilia?" Nang magtama ang aming mga mata ay siyang pagtalim nito at bumalik sa pagkaamo nang humarap siyang muli sa gobernadorcillo. Ngayon ko lamang din napagtanto na siya ay marikit tulad ng kanyang anak ngunit mas nangingibabaw ang pagiging seryoso at masama.
"Ngunit ang isinabi sa akin ay sinasaktan mo raw siya?" takang tanong ni Don Faustino at dumako ang tingin sa akin. "May katotohanan ba ang kanyang tinuran, Emilia?"
Nais ko sanang sabihin na pawang kasinungalingan lamang ang lahat ngunit masisira ang selebrasyon dahil sa akin. "Totoo po iyon, Don Faustino."
"Bueno, Doña Lucia, kung maaari lamang ay lubayan mo ngayon ang dalagang iyan."
Ngumiti si Doña Lucia. "Wala naman akong ginagawang hindi kanais-nais, Faustino. Hindi mo ba ako pinagkakatiwalaan?" Kahit na siya'y nakangiti, nababakas ko ang diin sa bawat salitang kanyang sinasambit.
Inilibot ko ang aking mga mata. Kung kanina ay kaunti lamang ang nakakakita, ngayon ay dumami na. Maging ang ibang mga nagsasayawan kanina at masayang nagkukwentuhan ay napatingin na rin sa aming gawi.
Nakita ko rin na papalapit sa amin ngayon si Doña Criselda na may pagtataka sa kanyang mukha. "May problema bang nagaganap, Mahal?"
Tumabi siya sa asawa at palipat-lipat ang tingin sa aming tatlo. "May problema ba, Lucia?"
Nagbago ang timpla ng mukha ni Doña Lucia nang marinig niya ang maybahay ng lalaking kausap niya. Bumalik sa pagiging masungit ang mukha nito ngunit nakangiti rin siya nang kaunti. "Wala naman, Criselda. Feliz cumpleaños a ti (Happy birthday to you.)" Pagkatapos niyang sabihin iyon ay tumingin siya sa akin. Mariin niya akong sinandal sa aparador na nasa aking tabi nang siya'y paalis na kaya nahulog ang mga babasahin at antikong disenyo na nakahanay rito.
"P-Paumanhin po. Hindi ko po sinasadya." Ako ay yumuko at sinimulang pulutin ang mga malalaking bubog. Napapikit na lamang ako sa inis. Bakit ba ganito ang asal ni Doña Lucia? Hindi ko batid kung nasaksihan ba ng ibang mga tao ang pagbangga na ginawa niya sa akin.
"Emilia, huwag mo nang pulutin iyan. Walisin mo na lamang baka ikaw ay masugat---"
"Aaaa," daing ko. Nasugatan na ako dahil sa aking mga naiisip. Lumapit sa akin si Doña Criselda at hinawakan ang aking kamay.
"Kasasabi ko lamang sa iyo na huwag mo nang pulutin iyan. Marahil ay hindi mo ako narinig." Kita ko sa kanyang mga mata ang pag-aalala kaya't napangiti na lamang ako.
"Patawad po kung nasira ko ang inyong magarbong kaarawan." Hindi naman talaga dahil sa akin ngunit sasaluhin ko na lamang.
"Sa susunod mag-iingat ka, Emilia, upang hindi ka makasira ng kagamitan," rinig kong wika ni Doña Lucia. Akala ko ay lumisan na siya. "Anong tinitingin-tingin niyo riyan? Ituloy ang kasiyahan!"
"Emilia, Ina, anong nangyari?" tanong ni Ginoong Severino pagkalapit niya sa amin. Bakas sa kanyang mukha ang magkahalong pagtataka at pag-aalala sa nangyari.
Akmang ibubuka na sana ng kanyang ina ang kanyang bibig nang magsalita ako upang pigilan siya. "Patawad po sa aking kapangahasan na pigilan kayo, Doña Criselda." Lumingon ako kay Ginoong Severino na papalit-palit ang tingin at napansin kong nasa tabi na niya si Binibining Floriana nang nakatayo. "Wala lamang po ito, Ginoong Severino. Kung mamarapatin po sana ninyo ay pupunta muna ako sa aking silid upang gamutin ang aking sugat." Dahan-dahan akong tumayo kaya't tumayo na rin silang dalawa. Ibinaba ko ang aking ulo upang magbigay-galang. "Maiwan ko po muna kayong lahat." Lilisan na sana ako nang maramdaman ko ang kamay ni Ginoong Severino sa aking kaliwang pulsuhan.
"Sandali lamang, Emilia. Gamutin na kita. Hindi pa magaling ang iyong mga galos at pasa hindi ba?" wika niya na ikinagulat ng nakararami kabilang na ang kanyang pamilya at ang pamilya ng kanyang nobya.
Hindi rin nakaligtas sa aking paningin ang nakakunot na noo ni Binibining Floriana na tahimik lamang nagmamasid sa amin.
"Galos at pasa? Iyon bang aking nakita noong nakaraan, Emilia?" kunot-noong tanong ni Doña Criselda sabay lumingon sa kanyang anak. "Batid mo ang tungkol dito?"
Ayaw ko na nasa akin ang atensyon ng lahat. Lahat ng mga mata ay nasa akin, ang iba'y matalim ang tingin, nakakunot ang noo at may pagtataka. Hamak na isang kasambahay lamang ako ngunit ako ang pinag-uusapan nila. "Maayos na po ang aking pakiramdam at kalagayan. Hindi niyo na po kailangan mag-alala. Ituloy niyo na lamang po ang inyong kasiyahan." Ngumiti ako bago ako lumisan.
"Ngunit, Emilia!" rinig kong sigaw ni Ginoong Severino subalit ako'y hindi lumingon.
Hindi ko na rin narinig pa ang kanilang mga sinambit. Nakita ko na lamang ang aking sarili na humahangos pagkarating ko sa silid at agad iyon isinara. Ako ay yumuko, sumandal sa likod ng pinto at dahan-dahang napaupo sa malamig na kahoy habang ang aking kanang kamay ay nasa aking dibdib.
Nakita ko na lamang na may basa sa papag na nasa aking harapan. Sunod-sunod itong nagsituluan hangga't tuluyan nang lumabo ang aking mga mata.
Napahigpit ang aking pagkakahawak sa aking dibdib. Kasabay ng aking paghikbi ang siyang paninikip ng aking puso. HIndi ko mawari kung bakit ako umiiyak. Sana'y naman ako tratuhin na tila basahan ng mga taong nasa aking paligid dahil na rin sa nangyari noon ngunit bakit masakit? Ano ang dahilan ng aking pagluha?
"Ate Emilia? Ako po ito si Delilah. Maaari mo bang buksan ang pinto? ako ay nag-aalala na sa iyo." Sunod-sunod ang pagkatok niya ng pinto ngunit nanatili lamang ako sa aking pwesto.
Ako ay pumikit at hinayaang lumandas muli ang aking mga luha. Pumasok sa aking isipan ang imahe ni Ginoong Severino at Binibining Floriana kaya't aking ipinilig ang aking ulo. Bakit sila ang ang aking naisip? Kung ano-ano na lamang ang pumapasok sa aking isipan. Nais ko na ring magpahinga.
"Ate Emi---"
"Ayos lamang ako, Delilah. Bumalik ka na roon. Gagamutin ko lamang ang aking sugat." Pinunasan ko ang aking pisngi at agad na tumayo.
"Ganoon po ba? Lumabas ka agad, Ate Emilia."
Hindi na ako kumibo pa. Batid na naman niya ang aking sagot. Hindi ko na narinig pa ang kanyang tinig kaya't ako ay huminga nang malalim at pinagmasdan ang aking sugat. Kinuha ko ang natitirang dahon ng bayabas na aking kinuha noong nakaraang mga araw at nilinisan na ito. Pagkatapos, tiningnan ko ang aking mga kasuotan kung mayroon pa ba akong maisusuot na maayos na baro't saya ngunit hindi pa pala ako nakakapaglaba ng aking damit. Itong suot ko na lamang ang natitirang malinis kaya't wala akong magagawa pa. Kinuha ko ang kagamitan sa aking pagbuburda at sinimulan na itong tahiin.
****
"Salamat sa pagdalo! Nawa'y naging masaya kayo."
"Maraming salamat. Sa susunod na taon muli."
"Muchas gracias amigos. Llegar de nuevo. Cuídate. (Thank you so much, friends. Come again. Take care.)"
Mula rito sa salas kung saan kami nagliligpit at naglilinis, rinig ko ang pagpapasalamat at pamamaalam ng mga panauhin sa pamilya y Fontelo na nasa bungad lamang ng pintuan, nakangiti at nakikipagkamay sa kanyang mga malalapit na kaibigan.
"Habang tumatagal ay mas lalong lumilitaw ang kagandahan ni Binibining Floriana, ano?" rinig kong wika ni Merlita habang maingat na inihahanay ang mga upuan.
"Oo nga, e. Nasaksihan niyo ba ang pagsayaw nilang dalawa ni Ginoong Severino kanina? Hindi maikukubli ang koneksyon ng dalawa. Sila ay tunay na malapit at bagay sa bawat isa," pasang-ayon naman ni Corazon.
Palihim lamang akong nakikinig sa usapan ng aking mga kasamahan patungkol sa nangyari kaninang pagdiriwang. Halos lahat sila ay tuwang-tuwa at kinikilig sa tagpo kanina lamang.
"Kahit naman na ako ay may pagtingin kay Ginoong Severino, hindi ko maitatanggi na bagay talaga silang dalawa ng binibini," tugon ni Magdalena. "Nakita niyo ba ang mga itsura ng kanilang mga magulang nang sila ay sumayaw? Sila ay tuwang-tuwa at nag-uusap, hindi ko nga lang narinig ang kanilang pinag-usapan. Hay. Ako'y nanghihinayang." Rinig na rinig ang malalim niyang buntong-hininga na tila ba may iniisip.
"Saan ka nanghihinayang? Sa nararamdaman mo para kay Ginoong Severino?"
"Hindi. Nanghihinayang lamang ako dahil hindi ko narinig ang pinag-usapan nila."
"Ikaw ay may sira na sa utak, Magdalena."
Akala ko pa naman kung saan siya nanghihinayang. Mahilig talaga siyang makinig ng usapan ng ibang tao. Natawa na lamang siya at nagpatuloy na sila sa pag-uusap.
Lahat ng mga panauhin ay nagpaalam na maliban na lamang sa pamilya De Montregorio. Sila ay kasalukuyang nasa hapag-kainan, masayang nagkukuwentuhan at malakas na nagtatawanan.
Nagtungo ako sa kusina upang mag-init ng tubig pangligo ni Ginoong Severino ngayong gabi. Nakatitig lamang ako sa apoy na sumasakop sa maliliit na kahoy habang may maliit na gasera na nakasabit malapit sa aking kinatatayuan at ako'y nagtungo sa kanyang silid upang ihanda lahat ng kanyang susuotin.
"Totoo ba iyan, Cloreta? Hindi ka nagbibiro?"
"Sinong nagsabi niyan?"
"Oo nga. Totoo nga ang aking ibinalita. Hindi ako nagsisinungaling."
"Kailan daw iyon magaganap?"
"Emilia, nabalitaan mo na ba?" bungad na tanong sa akin ni Merlita nang ako'y dumating sa kusina. Sila ay nagtipon-tipon doon at tila may malalim na pinag-uusapan.
Kumunot lamang ang aking noo at tahimik na naghihintay sa kanilang ibabalita. Marahil ay nakuha nila ang aking ipinapahiwatig kung kaya't muli na siyang nagsalita.
"Ito kaseng si Cloreta
ay inutusan ng mayordoma na magdala ng maiinom doon. At narinig niya na balak daw ng dalawang pamilya na ikasal si Ginoong Severino at Binibining Floriana!" Nanlalaki pa ang kanyang mga mata at napataas pa nang kaunti ang kanyang tinig.
"Hinaan mo ang iyong tinig, Merlita. Tayo ay mabibisto nito, e," wika naman ni Magdalena.
"Paumanhin, ako ay nadala lamang sa aking emosyon. Bakit kaya nila nais na ipakasal ang dalawa?"
Bakit tila sila ay naaapektuhan? Wala namang bago roon kung ang dalawang anak ng kilalang pamilya ay ipakasal sa isa't isa.
"Wala ka man lang bang sasabihin, Emilia? Hindi ka nagulat?" nagtatakang tanong ni Merlita na tila hindi makapaniwala sa reaksyon na kanyang nakita mula sa akin.
"Hindi na iyon kagulat-gulat. Magulat na lamang kayo kung hindi matuloy ang kasal," walang buhay kong tugon saka ako umalis para tulungan ang aking kapatid sa paghahanda ng pangligo ni Binibining Juliana.
Napahawak ako sa aking dibdib. Bakit kumikirot ito? May iniinda ba na naman akong sakit? Marahil ay kailangan ko ng magpunta sa bahay-pagamutan ngunit ako'y nanghihinayang sa perang aking ipapangbayad. Pambili ko iyon sa regalo sa nalalapit na kaarawan ni Delilah.
---------------------Mayo 2, 1895-------------------
"Ginoo?" Kumatok akong muli sa silid ni Ginoong Severino upang ibigay ang liham na ipinadala kaninang umaga lamang ng isang mensahero. "Ginoo, may ginagawa po ba kayo? Paumanhin po kung ako'y nakakaabala sa inyo ngunit nais ko lamang na ibigay ang sulat na aking natanggap kanina." Kumatok pa akong muli ng tatlong beses ngunit walang sumasagot.
Itinago ko na lamang sa bulsa ng aking saya ang liham at ako'y lumisan. Ayos lamang sana kung hindi nakasara ang kanyang silid. Saan ba siya nagtungo? Bakit niya isinara ang pinto? Kaninang alas-singko nang siya'y magising ay naririto pa siya at may pinagkakaabalahan.
Napatingin ako sa isang malaking orasan na naririto sa salas - alas-sais pa lamang ng umaga. Nalingat lamang ako ng isang oras ay nawala na siya. Ako ang mananagot kung malalaman nila na nawawala si Ginoong Severino. Saan ko ba siya dapat hanapin? Dapat ko bang sabihin ito mayordoma o ilihim na lamang muna at hanapin siya?
Napakamot na lamang ako sa aking buhok at huminga nang malalim para makapag-isip nang mabuti kung saan ko siya unang hahanapin.
Tahimik akong naglakad at naghanap sa bawat silid at sulok ng mansion subalit hindi ko siya nakita. Hindi rin naman ako maaaring magtanong sa kanila dahil malalaman nila. Lumabas ako ng mansion at nagtungo ng hardin. Nakita ko roon si Gascar na kinakausap si Magdalena kahit ang dalaga ay walang interes sa kanya. Akmang aalis na sana ako nang bigla siyang sumigaw.
"Emilia!" Nakangiti siya at kumakaway pa. Hindi niya siguro batid na nawawala si Ginoong Severino subalit paano kung alam niya ang kinaroroonan nito? Hindi imposible iyon lalo na't sila ay malapit na malapit sa isa't isa. "Anong maipaglilingkod ko sa iyo, Emilia? Ikaw ba ay may sadya?" Lumingon siya saglit sa kanyang kanann nang makitang papalis na si Magdalena. "Hindi pa ako tapos magkuwento sa iyo, Magdalena, umaalis ka na agad. Bueno, sa susunod muli. Ingat ka, binibini!"
"Heh!"
Natawa na lamang siya sa inasal ng dalaga at muling tumingin sa akin. "Ano ang iyong sadya? Bakit ka naparito sa hardin?"
"Nakita mo ba si Ginoong Severino?" Ako'y napapikit sandali nang tumama sa aking mata ang sikat ng araw upang damhin ito.
"Bakit? Hindi mo alam kung nasaan siya?" Halata sa kanyang tinig ang pagkabigla kaya't ako ay napamulat ng mata.
"Magtatanong ba ako sa iyo kung batid ko?" Napaikot ko na lamang ang aking mga mata sa kanyang tinuran. Ano bang klaseng tanong iyan, Gascar?
"Sungit mo naman. Haha."
"Sagutin mo na lamang ang aking tanong."
"Hindi ko alam, e."
Napakurap ako ng tatlong beses sa aking narinig. Inaksaya niya lamang ang aking oras hindi pala niya alam. Walang pasabi akong tumalikod sa kanya at nagsimulang maglakad papalayo. Umiinit ang ulo ko sa lalaking ito. Akala ko matutulungan niya ako.
"Ngunit maaari kitang tulungang hanapin siya," dagdag niya na aking ikinahinto at muling humarap sa kanya. "Maaari nating gamitin si Simon ngunit kailangan muna nating dumaan sa mansion ng De Montregorio upang ibigay ang isa pang baro't saya na regalo ni Don Faustino para kay Binibining Floriana."
"Sige." Mas mainam na kung ako ay may kasama upang mas mapabilis ang paghahanap. Nasa loob ng bulsa ang aking kamay at mahigpit na hinawakan ang liham.
Pagkarating namin sa tapat ng mansion ng pamilya De Montregorio, nakita ko ang isang babae na sa tansya ko ay kasing-edad lamang ni Binibining Lydia - si Binibining Luciana. Siya ay nakikipag-usap sa isang lalaki na nakayuko ngayon at tila humihingi ng pasensya base sa senyas ng kanyang kamay na magkadikit at nakatapat sa dibdib.
"Ano na naman kayang kasalanan ni Crisanto?" rinig kong bulong ni Gascar habang titig na titig sa dalawa. "Magandang umaga po, Binibining Lydia, nariyan po ba si Binibining Floriana? Iaabot ko lamang po ang ipinagbibigay ni Don Faustino."
"Hindi ko alam. Ipasok mo na lamang iyan dito," wika niya nang hindi lumilingon sa amin. Magkadikit ang kanyang mga braso sa dibdib at sinigawan ang nagngangalang Crisanto. "Kunin mo iyon!"
Agad namang tumalima ang lalaki at dali-daling pumunta sa aming gawi at kinuha ang malaking kahon na yari sa banig. "Maraming salamat, Gascar."
"Ano na naman ang iyong kasalanan, Crisanto? Ika'y pinapagalitan na naman ni Binibining Luciana." Bakas sa tinig niya ang pag-aalala at umiiling pa.
Umiling rin siya nang natatawa. "Sa totoo lamang wala naman akong sala ngunit mainit lamang ang kanyang ulo marahil ay dala ng kanyang buwanang-dalaw kaya't ako ang pinagbubuntungan."
Natawa naman si Gascar. "Kaya pala. O siya, aalis na kami at kami ay may gagawin pa. Magpakabait ka riyan, alam mo naman na iyan ay katulad ni Binibining Lydia. Suyuin mo na lamang tiyak akong lalambot din ang kanyang puso sa iyo."
Sumilay ang malapad na ngiti ni Crisanto sa tinuran ng lalaking ito. "Ipapahamak mo pa ako. Wala ka talaga. Ingat ka, Emilia."
Sandali akong napatitig sa kanya. Kilala niya ako?
"Nakalimutan mo na naman ba ang aking magandang ngalan, Emilia? Lagi mo na lamang iyon nakakalimutan. Dahil ba minsan lamang tayo magkita kaya't nakakalimutan mo ako?" May bahid na lungkot ang kanyang tinig at ang kanyang mukha ay tila nagtatampo.
"Crisanto, ano pang ginagawa mo riyan?! Bumalik ka na rito!" Halos dumagundong sa buong labas ng mansion ang malakas na sigaw ni Binibining Luciana.
Nanlaki naman ang mga mata ni Crisanto at agad na nagpaalam sa amin na ikinatawa ni Gascar. Bakit siya natatawa kung wala namang nakakatawa?
"Hali na, Emilia. Atin nang simulan ang paghahanap kay Ginoong Severino." Nauna siyang maglakad at sumakay sa kalesa at ako'y sumunod din. "Saglit lamang, anong tinuran ni Binibining Luciana kanina? Hindi niya batid kung nasaan ang kanyang kapatid? Hmm..." Siya'y napahawak sa kanyang baba at hinimas-himas ito. "Posible kayang magkasama ngayon ang dalawa?"
Bigla kong naramdaman ang kaba sa aking dibdib nang marinig ang kanyang huling sinambit. "Posible kaya?"
"Kuro-kuro ko lamang iyon, Emilia." Narinig niya pala ang aking bulong. "Saan tayo unang maghahanap?"
Napakibit-balikat na lamang ako habang nakatingin sa daan. Hindi ko siya sinagot. Hindi ko alam kung saan kami maghahanap. Malaki ang bayan ng Las Fuentas, ayos lamang sana kung mayroon siyang inihabilin sa akin o sa ibang tao ngunit wala.
Buhay na buhay ang paligid. Maraming mga tao ang nasa labas na may kanya-kanyang ginagawa. May mga iba ring kababaihan at kalalakihan na galing sa may-kayang pamilya na ngayo'y palakad-lakad upang mainitan habang nakasunod sa kanila ang kanilang tagapag-alaga.
"Tiyak akong kagagalitan ka ng mayordoma," saad niya.
Nanatili pa rin akong tahimik. Marahil ay hindi niya naisip na maaari akong mapagalitan sa kanyang ginawa. Ngunit paano kung siya'y nakabalik na sa mansion? Posible rin iyon. "Bumalik tayo sa mansion. Maaaring siya ay nakauwi na ngayon."
Pagkarating namin sa mansion, nasa salas lahat ng mga tao at tila may inaabangan at nagkakagulo. Naroroon din sina Don Faustino na seryosong nakatingin sa akin at Doña Criselda na nag-aalala.
"Emilia!"
Ako'y napahinto sa malakas na sigaw ni Binibining Lydia maging si Gascar din. Namumula siya sa galit, naglakad nang mabilis papunta sa aking kinaroroonan at bigla na lamang niyang inilapat ang kanyang palad sa aking kanang pisngi nang mabilis. Ang mga tao sa paligid ay napaawang mga labi.
"Lydia!" sigaw ni Doña Criselda at inilayo ang anak niya sa akin. "Hindi mo dapat siya piangbuhatan ng kamay." Tumingin siya sa akin at kita ko sa kanyang mga mata na siya'y humihingi ng kapatawaran sa ginawa ng kanyang anak.
"Ina, pabayaan niyo po ako. Bakit nawawala si Kuya Severino?! Nasaan siya?!"
Tila ako'y pinagbagsakan ng langit at lupa nang ito'y aking marinig. Batid na niyang nawawala na siya. Batid na ng lahat.
Isa na namang malakas na sampal sa kabila ang kanyang iginawad sa akin. "Ito ay iyong kapabayaan! Hinanap kita ngunit wala ka! Saan ka nagtungo? Ang lakas ng iyong loob na umalis ng mansion gayong may problema na rito?!" Hindi na ako magtataka kung bakit ganito ang kanyang asal. Kahit naman siya'y pinapagalitan ng kanyang nakakatandang kapatid, naroon pa rin ang pagiging malapit nila sa isa't isa.
"B-Binibining Lydia," pagtawag ni Gascar. Hindi lang naman siya ang nagulat sa kanyang ginawa. "Kasama po ako ni Emilia. Balak naming hanapin si Ginoong Severino ngunit kami ay dumaan lamang muna sa mansion ng pamilya De Montregorio upang ibigay ang isa pang regalo ng iyong ama kay Binibining Floriana."
Siya'y napatingin sa aking kasama nang nanlilisik ang mga mata. "Tumahimik ka! Hindi ikaw ang aking kinakausap!" Duro pa niya rito at muling tumingin sa akin. "Ikaw ay magpasalamat na hindi ka nila pinarusahan!"
"P-Patawad po." Napapikit na lamang akong muli nang sampalin na naman niya ako sa pangatlong pagkakataon.
"Ito ay kapabayaan mo! Hindi mo ginagawa nang maayos ang iyong trabaho!"
"Tama na iyan, Lydia." Nakakapanindig balahibo ang lalim ng tinig ni Don Faustino kaya't ako ay napamulat ng mata. "Narinig mo naman ang paliwanag ni Gascar." Sandali siyang tumingin sa akin Humarap siya kay Kapitan Iñigo na ngayo'y nasa amin nang harapan. "Utusan mo ang iyong mga tauhan na hanapin si Severino sa loob at labas ng hacienda."
"Masusunod po, Don Faustino." Agad itong umalis kasama ang kanyang iilang mga tauhan na naririto.
"Ate Lydia, tama na po iyan. Huwag mo nang saktan si Ate Emilia. Marahil ay nasa labas lamang si Kuya at nagpasyang mamasyal," rinig kong pagsusumamo ni Binibining Juliana kaya ako ay napamulat ng mata at lumingon sa kanyang gawi.
Ako'y ngumiti nang kaunti upang ipaabot sa kanya ang aking pasasalamat.
"Huwag kang makisali rito, Juliana. Nararapat lamang ito sa kanya! Hanapin mo ang aming kapatid ngayon din! Layas!" Ako ay kanyang itinulak nang malakas kaya't ako ay nasubsob sa sahig.
Agad naman akong nilapitan ni Gascar at inalalayang tumayo. "Tutulungan kita."
Tumingin ako sa kanya nang ilang segundo at tumango na lamang bilang tugon. Muli kong sinalubong ang nakamamatay na titig ni Binibining Lydia at nagpaalam nang umalis.
Tahimik lamang ako sa loob ng kalesa habang abala si Gascar na kausapin si Simon. Iniinda ko pa rin hanggang ngayon ang hapdi at kirot ng aking pisngi dulot ng masakit na sampal ng batang iyon.
"Saan natin hahanapin ang iyong amo, Simon? Bakit kase hindi lamang nagsabi? Batid naman niya siguro na magkakagulo ang lahat," rinig kong wika niya.
Hindi ko alam kung naisip ba niya iyon o sarili lamang niya ang kanyang inuuna. Dumaan kami sa isang mahabang ilog at tumingin-tingin ako sa paligid. Maraming puno rito ng mansanas kaya't may mga iilang tao ang nagpapahangin dito minsan.
"May tao sa dulo ng punong iyon, Emilia. Hali ka, ating pakitignan."
Lumingon ako sa kanyang itinuro at nakita ko ngang may nakahiga roon. Hindi ko alam ngunit nagsisimula na naman ang kaba sa aking dibdib. Hindi ako mapalagay. Nang kami ay tuluyan nang makalapit, naramdaman ko na lamang na may likidong kumawala sa aking mga mata. Sumisikip din ang aking dibdib at ako'y unti-unting napapailing.
Mahimbing na natutulog si Ginoong Severino habang nasa kanyang mga bisig ang ulo ni Binibining Floriana. Nakalatag ang manipis na tela na kanilang hinihigaan. Payapa silang natutulog na tila walang problema.
"G-Ginoo," pagtawag ni Gascar at lumapit pa nang kaunti. "G-Ginoong Severino."
"Hayaan mo na lamang sila, G-Gascar." Ako'y dahan-dahang yumuko upang punasan ang aking luha at napakapit nang mahigpit sa aking suot na kupas na saya. "Tayo na."
"Ngunit---"
"Tayo na."
Dahil sa kaingayan ni Simon nang paulit-ulit, siya ay nagising. "E-Emilia? Gascar?"
Lumingon sa kanya si Gascar nang nag-aalala. "Ginoong Severino, kanina ka pa namin hinahanap. Nagkakagulo na sa loob ng mansion dahil sa iyong pagkawala."
"H-Ha? Sandali, Floriana, gising."
"Hmmm."
"Gising at umaga na. Ihahatid na kita sa inyong mansion. Tiyak akong pagagalitan ka."
Naalala ko ang liham nga pala. Ako'y bumaba sa kalesa, sandaling tumingin sa babae na nasa kanyang bising at iniabot ang liham na aking natanggap kanina. "Dumating po iyan kanina. Liham po para sa iyo." Sinadya ko talagang hindi tumingin sa kanyang mga mata. Hindi ko alam ngunit kumikirot ang aking dibdib.
Binuksan niya ito at binasa. "Ha? Pupunta na rito sa susunod na linggo si Agapito?"
"Ang iyong kaibigan na kinukwento mo sa akin sa liham?" tanong ni Binibining Floriana na sandaling tumingin sa kanya at yumapos. Mas lalo niyang inilapit ang kanyang ulo sa dibdib nig kanyang nobyo at ngumiti sa akin nang magtama ang aming mga mata.
"Oo, sandali kailangan na nating bumangon. Ihahatid na kita sa inyo." Inalalayan niyang tumayo ang kanyang nobya. Akmang ako'y aalis na nang muli na naman siyang magsalita. "Anong nangyari sa iyong pisngi, Emilia? Bakit iyan namumula?"
"Sinampal po siya ni Binibining Lydia dahil sa labis na galit nang malaman niyang ikaw po ay nawawala," sagot ni Gascar kahit hindi naman siya ang tinatanong.
"Ano? Ngunit hindi tama iyon!" Halos umalingawngaw ang kanyang malakas na sigaw. Mabuti na lamang walang tao ang naririto ngayon dahil masyado pang maaga.
Hindi ko alam kung isasabay ba namin si Ginoong Severino sa pag-uwi o mauuna na lamang kami upang hindi namin sila maabala.
"Lydia, anong ginawa mo?" bulong niya. Bakas sa kanyang pagkakasambit ang diin at gigil. "Hali na. Umuwi na tayong lahat."
Sa kalesang dala ni Gascar, kaming dalawa ni Binibining Floriana ay magkatabi samantalang ang dalawang lalaki ay nasa harap. Hindi ko alam kung paano sila nagkasya roon gayong may kaliitan ang upuan.
"Ayos lamang ba ang iyong pakiramdam, Emilia? Masakit pa rin ba ang iyong pisngi?" tanong niya at lumingon sa akin.
"Maayos na po." Wala akong gana magsalita kung kaya't mahina lamang ang tinig na lumabas sa aking labi. Mabigat ang aking pakiramdam. Marahil ay dulot ito ng ginawa ni Binibining Lydia sa akin.
"Huwag kang mag-alala. Pagsasabihan ko ang aking kapatid na huwag na niya iyong ulitin muli. Kasalanan ko rin naman. Patawad, Emilia kung ikaw ay napahamak dahil sa akin." Guni-guni ko lamang ba ito o totoo itong aking nakikita na siya'y nag-aalala. Bakit naman siya magpapakita ng pag-aalala gayong katabi ko lamang ang kanyang nobya?
"Huwag kang mag-alala, Emilia, ipapaliwanag ko lahat kay Lydia ang buong pangyayari upang mawala na ang kanyang galit sa iyo," wika naman ng kanyang nobya at hinawakan pa ang aking kamay.
Ako'y bahagyang nabigla sa kanyang inasal. Bakas sa kanyang mukha at tinig ang sinseridad at kabaitan. Malayo sa ugali ng kanyang ina na si Doña Lucia.
"S-Salamat," tanging tugon ko na lamang.
"Dumiretso na lamang tayo sa inyong mansion, Mahal, upang maipaliwanag ko lahat. Ihatid mo na lamang ako matapos niyon," sambit niyang muli.
"Sige. Maraming salamat, Mahal." Isang matamis na ngiti ang kanyang iginawad sa kanyang nobya.
Tila nagulat si Gascar sa kanyang narinig dahil siya ay napatingin sa dalawa. Mukhang may nais siyang sabihin dahil kita ko ang pagdadalawang-isip sa kanyang mukha ngunit sa huli ay mas pinili na lamang niyang manahimik.
Mahal? Mahal pala ang kanilang tawagan. Sa huling pagkakataon ay muli kaming nagtagpo ang mga mata namin ni Ginoong Severino. "Patawad, Emilia. Babawi ako sa iyo muli."
----------
<3~