Chereads / Ang Kabiyak ni Hudas / Chapter 46 - Ang Pagbabalik sa Kabilang Mundo

Chapter 46 - Ang Pagbabalik sa Kabilang Mundo

Ako'y pumasok sa loob ng bahay, wala akong makita na panauhin. Madilim ang bahay kaya hindi ko makita ang nasa gilid nito. Ako'y tumalikod na upang lumabas sa bahay ngunit laking gulat ko sa aking nakita mula sa loob. Nakita ko si Asher na nakaupo sa isang upuan, siya ay nakayuko. Unti-unti niyang inangat ang kanyang noo hanggang ang aming mga mata ay nagtama sa isa't-isa.

"Kamusta?"Tanong niya. Ako ay napahinga naman ng malalim at sinubukan ngumiti habang sinasagot ang kanyang katanungan.

"Mabuti naman, ikaw?"Tanong ko sa kanya. Kami ay nagkatitigan lamang kagaya ng dati habang hinihintay ang isa sa amin na umunang magsalita. Ako'y lumapit sa kanya at hinawakan ang gilid ng kanyang mukha.

"Patawad."Sabi niya sa akin, bakas sa mukha niya ang lungkot na nararamdaman niya sa kanyang kalooban ngayon. Ako'y mas lumapit pa sa kanya at yinakap siya.

"Nandito na ako."Sagot ko sa kanya at tinignan ko siya muli. Ako'y nagbilin ng halik sa kanyang noo at agad na umalis sa kanyang pagkahawak.

"Ligtas ang buhay ni Yurika. Kasama niya na sina Binibining Helen kaya huwag kang mag-alala."Saad niya at hinawakan ang aking kamay. Ako'y tumango sa kanyang sinabi at ngumiti. Kami ay lumabas na sa bahay at agad na pumunta sa loob ng karwahe. Hawak-hawak pa rin ni Asher ang aking kamay, hindi niya ito binibitawan.

"Malapit na ang kabilugan ng buwan."Pagpapaalala ni Asher sa akin.

"Alam ko."Ani ko sa kanya. Siya'y tumayo at lumakad patungo sa pinto, huminto siya sa kanyang paglalakad at inilahad ang kanyang kanang kamay.

"Handa ka na ba?"Tanong niya sa akin. Ako ay tumungo naman sa kanya at tumingin sa kanyang kamay. Hindi ako nagdalawang-isip at agad na hinawakan ito. Muli, nakaramdam ako ng init mula sa aking katawan na tila bang ako ay ligtas habang kapiling siya.

Naging tahimik ang buong biyahe namin, kami ay nakaparada sa kagubatan patungo sa lagusan ng kabilang mundo. Nang kami ay nakarating sa aming destinasyon, kami ay lumabas na sa karwahe habang inaalalayan ako ni Asher sa paglalakad.

"Ako ay hahanap ng paraan sa kondisyon mo."Saad ni Asher. Ako'y tumingin sa kanya at tumawa ng mahina.

"Huwag kang mag-alala, hindi pa ako mamamatay. May nalalabing araw pa ako."Ani ko sa kanya habang ngumingiti. Nawala naman ang bakas ng kasiyahan sa kanyang mukha dahilan ako ay tumingin sa kanya na puno ng pagtataka.

"Huwag mo ngang sisihin ang sarili mo."Ani ko sa kanya habang ngumiti. "Ginusto ko to, ginusto natin ito."

"Patawad ngunit hindi ko talaga mapakalma ang aking sarili. Ako'y kabadong-kabado sa iyong niraranas ngayon."Saad niya. Halata ngang kabadong-kabado siya dahil nanginginig ang kanyang mga kamay sa kanyang pagkahawak ng aking kamay.

"Asher."Tawag ko sa kanya. Siya'y tumingin naman kaagad sa akin. Ako'y huminga ng malalim at ngumiti sa kanya. Inayos ko muna ang buhok niya at agad na nagnakaw ng halik mula sa kanyang labi.

"Magiging mabuti ang kalagayan ko."Ani ko sa kanya at hinawakan ang gilid ng kanyang mukha.

"Kasama na kita sa aking tabi, kaya walang mangyayari na masama sa akin."Saad ko sa kanya, agad naman niya akong yinakap.

"Dito ka lang sa aking tabi."Ani niya habang hinihigpitan ang pagkayakap niya mula sa akin.

"Nandito lang ako hanggang sa hangganan."Saad ko sa kanya.

Nang makarating na kami sa lagusan ay hinawakan ko ang kamay ni Asher. Siya'y nagtaka kung bakit ko ito hinawakan. Ako'y huminga ng malalim at hinigpitan ang pagkahawak ko sa kanyang kamay.

"Mahal kita, Asher."Saad ko sa kanya habang tumutulo na ang aking luha.

"Mahal rin kita, Heleana."Saad niya at hinalikan ang aking noo.

Kami ay tumungo na sa loob ng lagusan at agad na lumabas nito. Maraming guwardiya ang nag-aabang sa aming pagbalik sa labas. Agad naman kaming inihatid sa palasyo. Ito'y nag-iba sa aking paningin, ito'y naging makulay hindi tulad ng dati. Nang huminto na ang karwahe ay binuksan ni Asher ang pinto at umunang lumabas sa karwahe. Inilahad niya ang kanyang kamay sa akin habang ako'y sumunod ng pagbaba.

"Maligayang pagbabalik, aking mahal." Pagbati niya sa akin. Ako naman ay ngumiti sa kanyang pagbati at nakaramdam ng kilig.

Nang kami ay pumasok na sa loob ay agad akong inihatid sa aking silid. Ito'y mas malaki pa sa aking silid kesa nung dati. Tila ito ay isang buong bahay na. Nakita kong pumasok si Asher sa silid.

"Maganda ba?"Tanong niya sa akin.

"Sobrang ganda."Ani ko sa kanya sabay ngiti.

"Ang laki naman ng silid. Parang kalahati na ito ng palasyo."Biro ko sa kanya. Siya'y tumawa sa aking palabirong pananalita.

"Silid nga pala ito ni Inay."Saad niya. Ako naman ay tumingin sa kanya.

"Gusto mo bang makilala ang aking Ina?"Tanong niya sa akin dahilan ako'y tumango kaagad sa kanyang katanungan.

"Nang ako'y isinilang sa mundong ito ay hindi ko na siya nakita dahil siya'y nawalan ng buhay habang ako ay kanyang isinisilang. Ang sabi ni Heros ay palagi niya raw akong kinakantahan ng kanyang paboritong uyayi."Pagkukuwento niya habang tumutungo sa bintana. Ako naman ay nakaupo sa upuan habang nakikinig sa kanyang kuwento tungkol sa kanyang Ina.

"Hindi ako ang nauna."Ani niya habang tumalikod at tumungo sa akin. Siya'y nasa harapan ko na habang tinatanaw namin ang isa't-isa sa katahimikan.

"May naunang isinilang na babae ang aking ina dahilan nang umiba ang nakasulat sa bato."Ani niya dahilan ako'y nagtaka.

"Anong ibig mong sabihin?"Tanong ko sa kanya.

"Nabuhay ang babae, ang aking kapatid."Ani niya dahilan ako'y nagtaka. Siya'y tumalikod mula sa akin.

"Hindi rin kami magkadugo ni Heros, siya ay nakita lamang ng aking ina sa daan at inampon bilang isang tunay na anak."Kuwento niya, ako'y tumayo at tumungo sa kanya. Hinawakan ko ang kanyang kamay at tumingin sa kanya.

"Si Yurika, siya ang babae."Ani niya dahilan ako'y kinabahan. Nakaramdam ako ng matinding sakit sa aking buong katawan dahilan ako ay nahulog. Nakita kong may lumalabas na tubig mula sa aking ibabang katawan. Ako'y hinawakan kaagad ni Asher at inilagay sa kama. May mga panauhin na pumasok sa silid at agad na sinindi ang mga kandila habang nakabukas ang mga bintana.

"Oras na." Ani ni Asher habang nakahawak ng mahigpit sa aking kamay. Siya'y tumungo malapit sa akin habang hinahaplos ang aking noo.

"Huwag kang mag-alala, nandito lang ako. Gagawa ako ng paraan para iligtas ka."Saad niya sa akin.

Ako'y napahawak ng mahigpit ng maramdaman kong lalabas na ang sanggol na dinadala ko. Ako'y napasigaw ng malakas sa aking buong lakas. Ako ay tumanaw sa buwan habang sinasabay ang aking hiling sa hangin na sana ay lilipas ang mga sakit na aking nadarama.