Chereads / Crumpled Paper / Chapter 24 - Libro (3.5)

Chapter 24 - Libro (3.5)

"Bakit dalawa lang ang kinuha mong libro?" nagtatakang napalingon ako kay Fausty nang magtanong siya.

Napasinghap ako nang makitang mag-aanim na libro na ang kaniyang bitbit.

"Ito lang ang kaya kong tapusin sa loob ng limang oras eh, bakit sandamakmak na ang kinuha mo?" nilagay ko na sa mesa ang mga napili kong libro matapos akong pumirma sa log book.

"Kulang pa nga siguro 'to, kahit hindi mo naman matatapos ngayong araw ay pwede mo pa rin silang basahin kinabukasan" napatango ako sa kaniya.

"Tungkol saan ba iyang mga librong napili mo?" napangiti siya sa akin matapos ay nilapag ang mga libro sa kaharap kong mesa.

"Hindi ko alam kung tungkol saan, basta mga kwento lahat 'to" tiningnan ko ng maigi ang nasa labas pa nitong library.

Bakit hindi pa rin siya pinapapasok ni Mama Mona dito?

Awang-awa na ako kay Akari ngayon, kitang-kita ko talaga mula rito ang namumutla at namamawis niyang mukha.

Pinagsawalang bahala ko nalang ito at tinutok nalang ang atensiyon sa dalawang librong aking pag-aaralan ngayon.

Sulat ng Kaluluwa ni Kristian Kabuay (Christian Cabuay)

Baybayin L'Alphabet Syllabique des Tagals ni Jean-Paul G. Potet

Hindi ko alam kung bakit ito ang napili ko sa kayraming librong nakatambak dito pero parang maganda kasi kapag natuto kang magsulat at magbasa nito.

Una kong binuklat ang libro ni Potet at sinimulang aralin ang bawat titik ng baybayin.

Madali lang naman pala itong matutunan sabi sa libro, pero hindi ko alam kung madali ko rin ba itong mapag-aaralan.

"Gusto niyo rin po bang matuto niyan Sir? Naku, halika Sir at ako na ang magtuturo sa iyo. Alam niyo po bang dalawang oras lang ang aking ginugol at naintindihan ko na iyan? Ako nga po pala si Amary, nice to meet you po. Balita ko ay ikaw raw iyong anak ni Engr. Lust? Hindi po naman talaga mapagkakaila dahil sa inyong kagwapuhan ano?" napasinghap ako nang biglaang may sumulpot na babae sa aking tabi, mayroon siyang dala-dalang mga pagkain na ngayon ay nakalapag na sa lamesa.

Nakita ko ang bahagyang paglingon sa gawi namin sina Floro at Kokoa na ngayon ay napapailing habang mayroon na ring mga pagkain sa harap.

Hindi ako umimik dahil pilit ko pang inoobserbahan ang gagawin ng serbidorang ito, kasalukuyan nang nasa kaniya ang hawak-hawak kong pluma at kuwaderno kanina.

Sa aking sariling pananaw ay mas bata pa itong babaeng serbidora sa akin.

Pinagmasdan ko ng maigi ang kaniyang kabuuan, mayroon siyang malaking mata na nababagay sa kaniyang mukha.

Para siyang magsasampung- taong gulang palang dahil sa kaniyang maliit na mukha.

Mahahaba rin ang kaniyang pilikmata at may kataasan din ang kaniyang ilong.

Bigla akong napalunok nang makitang nakatingin na rin pala siya sa akin.

Hindi ko alam kung bakit daglian akong nakaramdam ng kaba nung biglaan siyang napalapit dito sa aking gawi.

"Sir paumanhin lamang po pero huwag po sana kayong magalit kung bakit nasa tabi niyo na ako ngayon, gusto ko lang sana kayong turuan sa pag-aaral nitong baybayin. Alam niyo naman Sir, mas madali niyo pong matutunan ang isang bagay kung mayroon kang kasama hindi ba? Kung ayaw niyo pong magpaturo ay okay lang naman po sa akin iyon. Desisyon niyo po iyan kung kakailanganin niyo ako sa gagawin niyong pag-aaral" kusa akong napangiti at umiling sa kaniyang hinihinging suhestiyon.

Akma ko na sanang babawiin ang aking pluma at kuwaderno nang bahagya niya itong mas ipalayo pa sa akin.

"H-huwag na, baka ay nakakaabala lamang ako sa iyong trabaho" malakas siyang napahalakhak at mahinang pinalo ang aking braso.

"Sa totoo nga po Sir ay dito lang rin kami sa loob ng library kapag hindi pa kayo tapos sa pag-aaral. Sabi kasi ni Ate Eebonee na babantayan daw namin kayo rito kasi baka ay mayroon kayong kakailanganin o nagugutom na kayo" nahihiyang tumango nalang ako sa kaniya.

Naghahanap ako ng mga salitang aking sasabihin sa kaniya, para kasing nanuyo na ang aking kalamnan sa dami ng kaniyang pinagsasatsat, tila ako pa ang napagod sa tulis ng kaniyang bunganga.

"Kung pwede nga lang ay ibabalik nalang itong dalawang librong inyong kinuha, kabisado ko na po lahat ng nilalaman niyan eh. Pero okay na po kung hindi niyo ibabalik, baka ay mayroon pa kayong gustong matutunan maliban sa pagbabasa at pagsusulat ng baybayin" hindi ako umimik dahil mariin ko pa ring pinakatitigan ang kaniyang mukha.

Ang ingay naman siguro ng babaeng ito para tumagal dito sa library, umaalingawngaw nga ang kaniyang boses.

Laking pasasalamat ko na nga lang at wala rito sa loob si Mama Mona, nakita ko ring nag babasa na ngayon si Akari sa kaniyang mesa.

"Kumain nalang po muna kayo ng meryenda ninyo, baka ay nagugutom na kayo eh. Kung gusto niyo rin pong magkape ay sabihin niyo lang sa'kin dahil ipagtitimpla ko kayo" wala akong naitugon sa kaniya.

"Hoy, Amary mahiya ka naman! Nakakaistorbo ka lang kay Sir eh" pakinig kong bulong sa kaniya ng kapwa serbidora sa tabi.

Nahihiyang napangiti siya sa akin nang tingnan ko siya.

Nakita ko ang bahagyang pagsimangot nitong serbidorang may maliit na mukha. "Tuturuan ko lang naman si Sir, nakita ko kasing nag-aaral siya ng baybayin. Baka kasi ay gusto niyang ako ang magtuturo sa kaniya"

"Mahiya ka nga Amary, parang naiingayan na sa siya sa iyo eh" napatikhim ako nang marinig ito at nagngingiting tiningnan ko sila.

"Hayaan mo na lamang siyang turuan ako, batid ko kasing interesado rin siya sa baybayin at nais niya rin akong turuan. Hindi rin naman siya nakakaistorbo" nakita ko ang matamis na pagngiti ng babaeng may maliit na mukha matapos ko itong sabihin.

Tuluyan na ring umalis sa kaniyang tabi ang serbidorang sumusumbat sa kaniya na mayroon pang nakasimangot na ekspresyon ang mukha.

"Sir, sabihan niyo lang po ako kapag dadating na si Mama Mona ha? Papaalisin na naman kasi ako ng matanda kapag nakita niya akong nag-iingay sa loob ng kaniyang library" tanging tango lamang ang aking nagawa dahil hindi pa rin nawawala ang aking tingin sa kaniyang mukha.