"Sir may naintindihan ka na ba sa mga tinuro ko?" halos malaglag ako sa aking inuupuan nang bigla niya akong tanungin.
Sa totoo lang ay hindi ako makapag-concentrate sa aking pag-aaralan sana, puro lang kasi ako titig sa kaniyang mukha.
Kusa siyang dadaldal, kusa ring tumatakbo ang aking mga titig sa kaniyang maliit na mukha.
Ewan ko ba kung ano ang pinoproblema ko sa kaniyang mukha at bakit ako laging tingin ng tingin sa kaniya.
"Sir?" napabalikwas ako ng upo nang bigla siyang pumalapit sa akin.
Hindi ako makatingin ng diretso sa kaniya kapag nakatingin din siya sa akin.
"Ah oo, may natutunan naman ako kahit kaunti" kaunti lang talaga.
Bakit ba biglang naging ganito ang aking mga kinikilos?
Para na akong tanga.
"Sige nga Sir, isulat mo nga rito ang natutunan mong mga titik sa baybayin" aniya pa na para bang isa siyang guro at ako naman ang kaniyang estudyante na magki-kinder palang.
Nilapag niya ng maayos ang kuwaderno sa aking harapan at binigay sa akin ang pluma.
Mahina akong napasinghap nang dagliang maglapat ang aming hintuturo, nanginginig ang mga kamay kong mahigpit na hinawakan ang pluma at nagsulat na sa kuwaderno.
Napahinga siya ng malalim matapos niyang makita ang naisulat ko.
"Iyan lang ba Sir? Naku, magtatatlong oras na akong nagdadaldal sa inyong tabi tapos ay iyan lang ang natutunan ninyo? Amazing!" gusto kong takpan ang kaniyang bibig nang malakas siyang napasigaw.
Pakinig ko ang malakas na pagbagsak ng librong hinahawakan ni Mama Mona.
"Amary!" natatarantang tumayo si Amary sa aking tabi matapos ay nakatungong dumiretso papalabas.
Bakit ba kasi ang lakas niyang magsalita?
Napabuga ako ng hangin matapos ay sinimsim ang kapeng tinimpla ni Amary para sa akin.
Napangiti ako sa hindi ko mawaring dahilan.
Baliw na ba ako kapag ganito?
"Pre, anong nangyari sa'yo?" biglang nawala ang aking ngiti nang tumabi sa akin si Kokoa habang mahinang humahagikgik na tumitingin sa akin.
"Anong anong nangyari sa'yo?" balik tanong ko sa kaniya.
Bigla niya akong inakbayan at agad ko naman itong hinawi.
"Bakit para kang ulol diyan?" iniwas ko ang tingin sa kaniya.
"Ano bang sinasabi mo?" napahalakhak naman siya ng mahina.
"Kanina pa kita tinitingnan pre, masyado kang halata eh" napasimangot ako nang guluhin niya ang aking buhok.
"Naiingayan kasi ako kay Amari kanina, ang tinis ng boses eh"
"Kaya mo ba tinititigan maghihigit tatlong oras na?" pinukulan ko siya ng masamang tingin.
"Ang ingay mo"
"Titigan mo rin ako ng tatlong oras kung ganun. Maingay pala ha" mahina ko siyang binatukan.
"Huwag mo na nga akong pakialaman, isipin mo nalang ang gagawin mo mamaya kay Eftehia" usal ko sa kaniya matapos ay muling binuklat ang libro.
Agad niya rin itong tiniklop.
"Ngayon ka pa ba mag-aaral gayong tatlumpong minuto nalang ang natitira?" walang emosyon ko siyang tiningnan.
"Huwag kang malikot, lalabas na rin ako" usal ko matapos ay tumayo na at nilagay pabalik sa book shelf ang mga libro.
Kinuha ko ang aking pluma at kuwaderno sa mesa at sumunod na sa tatlong kambal para lumabas.
"Mauuna na po ako Mama Mona, bukas ng madaling araw ulit" usal ko kay Mama Mona habang nakayuko.
Napatango-tango siya bago magsalita.
"Sige na lumabas na kayo at mayroon pa kayong mga trabaho" napangiti ako sa kaniya bago ako lumabas.
"Babalik tayo sa cabin ngayon para muling magbihis ng suot pangtrabaho" nagmamadaling bulalas sa akin ni Akari habang naglalakad.
"Alam ko" maikling tugon ko sa kaniya.
Nagdadalawang-isip ako na magtanong sa kaniya.
"Pre"
"Ano?"
"Kasali ba sa ating paglilingkuran itong mga serbidora?" binigyan niya ako ng makahulugang ngiti nang itanong ko ito sa kaniya.
"Bakit parang interesado ka?" pinukulan ko siya ng nagtatakang tingin.
Kunwari ay nagtataka ako.
"Nagtatanong lang naman ako, masama bang magtanong sa iyo?"
Biglang sumingit sa amin si Kokoa na ngayon ay inaakbayan na ako.
"Sa akin Khalil, hindi masamang magtanong" napabuga ako ng hangin at pinagpatuloy na lamang ang aking paglalakad.
"Kapag sinabing tagapaglinis, tagapaglinis lang ha. Sa tingin mo ba ay tagapaglinis ang mga serbidora rito?" napakamot ako sa ulo nang tanungin ako ni Kokoa.
"Siguro?" malakas siyang napahalakhak sa naging sagot ko.
"Ano bang meron sa serbidora, Khalil?" hindi ko sinagot si Akari dahil hindi ko alam kung ano ang aking isasagot.
"First time niyo pa ngang nagkita ngayon, para ka nang obsessed na obsessed kung umakto" napaawang ang aking bibig nang marinig ito mula sa kaniyang bunganga.
"Bigla akong nahiya sa iyo, Akari noh? May pabingwit-bingwit ka pa nga ng isda kahapon" ilang ulit siyang napalunok nang isumbat ko ito.
"Itigil niyo nga iyan, masyado kayong mahaharot" usal ni Kokoa.
_
"Floro, anong oras na ba?" natatarantang tanong ni Dos habang sinusuot ang kaniyang pangtrabahong damit.
"7:00 A.M palang!" mabilis akong pumasok sa sariling banyo at nagmamadaling naligo.
Mamayang alas-otso pa naman kami ipapatawag ni Uncle Jazzib para sa gagawing trabaho, hindi pa naman din ngayon aalis itong barko niya. Nagsisilbing ensayo lamang daw muna ito sa ngayon itong aming gagawing trabaho.
Kanina pa sa loob ng library ako nagtataka kung bakit hindi namin kasa-kasama ang mga babae, kasalukuyan nga ay hindi ko sila napapansin.
Matapos akong maligo ay agad-agad ko ng isinuot ang aking kasuotan at lumabas na nitong sariling banyo.
"Pre, nasaan ba ang mga babae?" hindi ko na napigilan ang sariling magtanong kay Uno na ngayon ay parang natataranta na rin sa kakamadali.
"Natutulog pa, mamayang 8:00 pa magigising ang mga iyon. Magluluto lang naman si Eebonee at Ebonna ng agahan pagkatapos ay walang magiging trabaho si Kaisa at Macaire dahil wala namang may sugat dito" napatango nalang ako sa kaniyang iniusal matapos ay hinanap si Akari.
Sinuri kong maigi ang kaniyang hammock subalit wala itong kahit anong laman.
Nasaan na ba iyon?
"Khalil, bakit ba ang tagal mo? Halika na nga dahil tinatawag na tayo ni Uncle Jazzib dun sa quarterdeck!" napangiwi ako nang makitang kanina pa pala siya nasa labas nitong cabin.
Malay ko bang mabilis siyang kumilos kaysa sa akin.
"Sumasakit pa ang tiyan ko eh" napahawak siya sa kaniyang bibig sa aking sinabi.
"Kadiri ka pre, ilabas mo na nga 'yan!"
Anong kadiri dun?
Nakakadiri na pala kapag masakit lang ang tiyan?
Hindi naman ako natatae bakit ganun siya makasigaw?
Masakit lang naman ang tiyan ko ano ba talaga ang problema niya?
Walang emosyon ko siyang hinatak papalabas nitong cabin.
"Huwag mo nga akong sigawan, mas nakakadiri ang mga sigaw mo eh" napabuga siya ng hangin habang naglalakad takbo na rin katulad ko.
"Akala ko ba ay masakit ang tiyan mo?"
"Masakit lang naman ang tiyan ko, hindi ako natatae ano ka ba?"