Chereads / The Bond of Magic / Chapter 35 - Chapter 34

Chapter 35 - Chapter 34

Palaging sinasabi sa akin ni mama na ang pagtatanim ng galit sa kapwa ay maaari ding magdulot ng masama sayo.

"nak, halika na para makarami."

Papunta kami ngayon sa tabing ilog upang manghuli nang isdang ibebenta namin para may makain.

"ma ako na dyan," nakita ko ang hirap na si mama habang buhat buhat ang kagamitan namin sa panghuli.

"ako na Alice, baka ano nanaman mangyari sayo."

Sa edad kong 'to, hindi ko man lang matulungan si mama kahit sa simpleng paraan lang, dahil kapag ako ang bumuhat magkakasakit nanaman ako. Mas lalong mahihirapan si mama dahil sa akin.

Matapos naming manghuli ni mama, pumunta agad kami sa palengke upang magtinda, mukhang marami ang mga tao ngayon dahil sabado.

"ano ba?! Bakit kasi dito kayo sa daan nagtitinda?!" nagulat ako paglingon ko dahil si mama ngayon ay nakaupo na sa lupa, puno ng putik ang damit at mukha. Agad akong tumakbo upang matulungan si mama.

"ang dugyot dugyot niyo, ang lakas pa ng loob niyong magtinda!" sigaw ng matandang nakatayo sa harapan namin.

"pwede po ba, matanda na ang mama ko 'wag niyo namang sigawan!" hindi ko alam kung bakit hindi ko na na- kontrol ang sarili ko, kung kaya't nasigawan ko na din ito.

Hinila naman ako ni mama para pigilan, parehas na kaming nakatayo at ngayon ay puno na din ako ng putik sa bahaging ibaba ko.

"nakakadiri, sino bang bibili sa inyo kung ganyan ang itsura niyo!" tumalikod na ang babaeng dahilan kung bakit natapon ang paninda namin, hinarap ko si mama at ngayon ang mukha niya ay nahihirapan na.

Kinuha niya ang mga isdang nahulog at mga gamit. Paniguradong wala naman kaming benta neto, ito na lang siguro ulit ang kakainin namin.

Napansin ko naman ang mga tingin ng tao sa paligid. Nasa gitna kami ngayon ng daan, at ang mga titig sa amin ay para bang isa kaming basurang pakalat kalat sa daan.

"nak halika na," hinila ako ni mama habang paika ika siyang naglalakad. Sa hindi ko malamang dahilan, bigla na lang tumulo ang luha ko.

Tumatanda na pala si mama ng hindi ko namamalayan, ang dating balat niyang kakaunti ang kulubot ngayon puno na. Ma, kakayanin ba natin to hanggang dulo?

"anak, kumain ka na.. Isda na muna ulit at walang benta," wika ni mama.

"ma pasensya na," nasa hapag kainan kami ngayon at saktong alas-sais kami nakauwi, hindi ko na naitago ang bigat na kanina ko pa dinadala.

"anak okay lang ha, kakayanin ko ang lahat. Kaya dapat mas lalo mong tibayan ang loob mo.." huminga siya ng malalim at nilagay ang palad niya sa aking dibdib bago magsalita.

"dahil hindi habang buhay magkasama tayo," nakita ko ang pilit na ngiti ni mama sa akin, at yung kanina ko pang pinipigil na pag-iyak, ngayon ay nailabas ko na. Yinakap ko ng mahigpit si mama at ang ulo ko'y nilagay ko sa balikat niya.

"ma sorry," patuloy na pag iyak ko.

"Rose! Anong nangyayari sayo?" hindi ko malaman sa anong dahilan kung bakit tulala si Rose ngayon at parang hindi makapaniwala sa nakita.

"dalhin ko lang siya sa clinic, siguro'y nagulat lang siya sa nangyari."

Dinala na siya ni Jacob sa clinic at naiwan kaming dalawa ni Nadia dito sa gubat.

"halika na," wika ko.

"Alice, may kakaiba talaga kay Rose at parang may hindi siya masabi sa atin," bakas pa rin sa tono ng boses niya ang pagka takot dahil sa nangyari.

"mag pahinga muna tayo, at kapag okay na ang lahat magusap usap na tayo Nads," hinawakan ko ang braso niya para yayain nang bumalik sa academy.

Nandito na kami ni Nads sa kwarto ko, hindi ko pwedeng iwan mag-isa ito dahil sa nangyari. Hindi naman din siya maaasikaso ni Jacob dahil binabantayan nila si Rose.

"matulog muna tayo, mamayang hapon na lang natin sila hanapin," naramdaman ko na lang ang pagod dahil sa nangyari kanina. Mabuti ng ipahinga ko na lang muna ito.

"Alice... Rose..." hindi ko mahimigan ang boses na tumatawag sa pangalan namin ni Rose. Nasa madilim na lugar ako at walang makita kahit na ano.

"anak, tumakbo ka na! 'wag na 'wag kang magtitiwala kahit kanino, kahit sa mga--" narinig ko ang boses ni mama na sumisigaw sa malayo ngunit hindi na niya naipag patuloy ang sasabihin dahil sa sumunod na nagsalita.

"Alice!! Hindi ka nababagay dito!" pamilyar ang boses na 'yon sa akin, hinanap ko ito.. Inikot ko ang aking paningin ngunit wala pa rin akong makita.

"halika na Alice!" may naramdaman akong humawak sa palapulsuhan ko, at nasisigurado kong si Rose ito. Nangibabaw naman ang tawa ng matanda sa lugar na ito na nababalot ng dilim. Ang tawang parang may dalang panganib.

"Alice... Anak lumayo ka kay Rose!" nagulat ako sa pagsigaw ni mama dahilan upang ilayo ko ang sarili ko kay Rose.

Unti unting lumiwanag ang paligid, napansin ko agad si Rose na ngayon ay nakatitig sa akin at hindi lang simpleng titig, titig na may kasamang pagbabanta.

"ayaw mo bang sumama sa akin?" wika ni Rose.

"Hindi ka si Rose," umiling ako at bahagyang lumayo. Nakita ko naman ang pagsilay ng ngiti sa kanyang labi at unti unti itong lumukot, kasunod ang pagpatak ng luha sa kaniyang mata.

Pero laking gulat ko ang sumunod na nangyari, si Rose na kaninang nasa harapan ko ay naging si Felicia.

"takbo Alice!" nang marinig ko ang boses ni mama, agad akong nagmadaling tumakbo. Nilingon ko si Rose, nabalot ng takot ang aking katawan sa aking nakikita. Papalit palit ang mukha nila Rose at Felicia, at ang kanilang tawa ay umaalingawngaw.

Sa pagtakbo ko, hindi ko namalayang ito na pala ang dulo. Nahulog ako sa isang butas na hindi ko makita, bigla na lang nandilim ang paningin ko.

"Alice! Alice!" naramdaman ko ang pagyugyog sa aking balikat, dinilat ko ang aking mga mata. Nakita kong nasa kwarto pa rin naman ako.

"anong nangyari?" inalalayan ako ni Nadia bumangon, at nasa harap ko na si Jacob at Leon. Nasaan si Rose?

"binabangungot ka," wika ni Jacob.

"nasaan si Rose?" panaginip lang ba ang lahat?

"nasa kwarto na siya, pinagpahinga ko na," nanliit ang aking mata sa sinabi ni Jacob. Siya ang nagdala? Mag-isa lang siya?

"kaming dalawa ang nagdala," pag singit ni Leon.

"nanaginip ako, si Rose at ang nanay niya kasama ko. Nagpapalit palit ang kanilang mukha," wika ko.

"silang mag ina?" tanong ni Leon. Tumango naman ako, at kita ko sa kanila ang pagtataka.

"nakita ko silang dalawa at si mama, si mama pinapatakbo ako palayo dahil may gusto silang gawin ko. Ang sumama sa kanila," nakita ko ang pagtakip ni Nadia gamit ang kaniyang mga kamay sa bibig.

"kausapin natin siya kapag nasa maayos na kondisyon na siya," ani Leon. May magandang dinudulot din pala itong si Leon hindi lang puro kalokohan.

Kinagabihan, hindi namin muli pang nakita si Rose marahil siya ay nagpapahinga.

"huwag ka masiyadong mastress sa nangyayari, kailangan muna nating magensayo bago simulan ang misyon," umupo si Jacob sa aking tabi na may dala dalang biscuit at coke.

"kaya ba natin?" bagsak na balikat kong sabi sa kaniya.

"kaya natin 'yon kung lahat tayo may tiwala sa isa't isa," nagulat ako sa paghawak niya sa aking ulo na para akong batang inaalo.

"Jacob! Alice!" napatayo ako dahil sa palapit na si Nadia at sumisigaw.

"bakit?" tanong ni Jacob.

"si Rose!" nilingon ko ang tinuro niyang si Rose. Nakita ko siyang parang isang baliw sa gitna ng academy na umiiyak. Ang mga estudyante ay lumayo sa kanina at pinagtitinginan siya. Agad akong tumakbo upang malapitan siya.

"Rose! Anong nangyayari?" pagyugyog ko sa kaniyang balikat para bumalik sa wisyo. Naramdaman ko sila Jacob sa aking likuran.

"si mama..." ani Rose.

"anong nangyari?" maang kong tanong dito.

"si mama ang matandang nakatira sa gubat," sa naranig kong 'yon bigla akong nanghina, nanginig ang aking mga balikat at bumagsak sa aking gilid ang dalawa kong kamay na kanina ay nakahawak sa balikat ni Rose.

Si Rose ay humagulgol ngayon sa harapan ko at ang mga mata'y punong puno ng pagsusumamo. Hindi ko maintindihan, walang pumapasok sa isip ko ngayon. Ang matandang nakatira sa gubat ay si Felicia?