Chapter 3 - Chapter 1

Cartoonist

"Val may dala kang bubble wrap?"

Tumango ako at pinakita ang bubble wrap ko. Hindi puwedeng wala akong bubble wrap kapag mahaba ang biyahe. Ito ang ginagamit ko para makaiwas sa boredom dahil sa mahabang biyahe namin mamaya.

"Hindi puwedeng wala akong bubble wrap. Sa Siniloan tayo pupunta diba? Ang layo no'n aabutin pa tayo ng 5 hours sa bus kaya dapat may dala tayong bubble wrap."

Hinablot naman ni Yvonne ang bubble wrap ko at sinimulan na niyang putukin ang mga bubbles doon.

"Hoy tigilan mo nga. Wala pa nga 'yung bus tapos pinipisil mo na 'yan!" napasigaw pa ako sa inis kaya napatingin sa akin ang ibang mga schoolmate ko.

Tinago ko na ang bubble wrap sa bag ko at umupo sa isang gilid dahil ang tagal ng bus. Ang sabi sa amin ni Mrs. Gonzales 10 AM daw kami aalis pero 11 AM na nandito pa rin kami at hinihintay ang bus ng Santa Barbara.

"Ate Val!" napalingon ako sa tumawag sa akin dahil pansinin talaga ang maliit niyang boses.

"Bakit?"

Nilapitan ako ni Theo at inabot sa akin ang chocolate. Grade 8 lang si Theo at isa siyang feature writer ng school namin.

"Para sa'yo po ate," nakita ko pang namula ang pisngi niya habang inaabot sa akin ang chocolate.

"Thank you Theo pero bakit mo ako binigyan nito?"

Napahawak naman siya sa batok niya. Hindi pa siya nakakasagot nang makita ko na paparating na ang dalawang bus ng Santa Barbara, ang bayan na irerepresent namin sa Division Secondary Campus Media and Research Conference.

"Dalian niyo na para makahanap agad tayo ng upuan," naiinis na si Mrs. Gonzales at nakita kong nalaglag pa ang bitbit niyang bag na agad na sinalo ni Theo.

Tinabihan naman ako ni Yvonne at pumila na kami para makasakay sa bus.

"Excited ka na ba Val?"

"Oo naman Yvonne. Every year ito ang inaabangan ko. Kailangan ngayong taon makaabot na ako sa NSPC!"

"Kaya natin 'to. Fighting!" hinawakan pa ni Yvonne ang kamay ko.

Determinado na akong makaabot ng National level sa taong ito. Hanggang Regional level lang kasi ang inaabot ko at target ko ngayong taon na makaabot na sa National level.

Ilang minuto pa kaming naghintay hanggang sa makasakay na kami sa bus. Isang malaking backpack lang naman ang dala ko at may bitbit akong maliit na handbag para doon ilagay ang mga kailangan ko kapag pupunta na kami sa contest proper.

Siksikan na sa loob at nakita ko na ang mga estudyante sa iba't ibang school. Marami pa akong nakasalubong at binati dahil ang ilan ay kakilala ko na dahil nakasama ko na sila last year sa contest at sa mga training. Sa dulo kami umupo at inunahan ko si Yvonne na umupo malapit sa bintana.

"Nakakainis ka inunahan mo ko!" padabog niyang nilapag ang backpack niya sa sahig at nakasimangot pa siya nang umupo siya sa tabi ko.

"Sorry na Yvonne. Kapag uwian na, ikaw na uupo dito. Promise!"

Ilang minuto ko pa siyang kinulit at nagkasundo na rin kami. Sumakay pa sa bus ang ilang mga estudyante galing sa ibang school hanggang sa tuluyan nang mapuno ang bus.

Magkakaroon kami ng day 0 ngayon dahil masyadong malayo sa amin ang Siniloan. Magkakaroon pa kami ng oras para makatulog at makapagpahinga.

Sinuot ko na ang sleeping mask ko at nagdecide ako na umidlip muna. Kulang ako sa tulog dahil hindi ako masyadong nakatulog sa excitement kagabi. Isa kasi ito sa inaabangan kong event sa bawat taon.

Nagising din agad ako at napansin kong marami pa rin ang tulog. Sinilip ko si Yvonne at nakita kong nakatutok siya sa cellphone niya at naglalaro ng mobile legends.

"Ilang oras na akong tulog Yvonne?"

"Ang bobo naman ng tank namin nakakainis," tila walang narinig si Yvonne dahil nakatutok siya sa nilalaro niya.

"Touch screen 'yan?" pang-aasar ko at sinubukan kong pindutin ang screen ng cellphone niya.

"Tangina mo Val. Dalawang oras ka pa lang na tulog."

Natawa naman ako at sumilip sa bintana. Nakita ko naman na nasa Los Baños pa lang kami. Ang layo pa, halos dulo pa ng Laguna ang Siniloan.

Nilabas ko na lang ang cellphone ko at binuksan ang Spotify ko. Nagsalpak ako ng earphones sa tenga ko at nakinig na lang sa kanta ng favorite band ko. Nilabas ko rin ang bubble wrap ko at sinabay sa tono ng kanta ang bawat pisil ko sa bubble wrap.

Napahinto na lang ako sa ginagawa ko nang makita kong nilabas ni Yvonne ang Pringles niya. Pagkabukas niya ay agad akong dumampot ng pagkain.

"Wow kaibigan talaga kita no? Nauna ka pa sa first."

Tinawanan ko na lang si Yvonne lalo na ng nanghingi pa ang mga kasama namin. Naglaro na lang kami ni Yvonne ng mobile legends hanggang sa makarating kami sa Siniloan.

Kinuha ko na ang backpack ko at sinuot. Binitbit ko na rin ang handbag ko at sumunod na ako sa kanila. Ang sakit ng puwitan ko. 11 AM kami nakaalis at 4:30 PM na kami nakarating dito sa Siniloan. Ang layo pala talaga ng Siniloan sa Santa Barbara.

Bumaba kami sa tapat ng isang simbahan at napansin ko agad ang pagkakaiba ng Siniloan sa bayan namin. Mas makaluma ang mga bahay dito at ang tataas ng mga tricycle!

"Halika na Val. Sasakay pa raw tayo ng tricycle papunta sa school na tutuluyan natin."

Sumunod na kami ni Yvonne sa mga kasama ko at nakita ko si Mrs. Gonzales, ang SPA namin. Kinausap niya na ang mga tricycle drivers at inarkila namin ang limang tricycle. Sa likod kami sumakay ni Yvonne at napansin kong hindi pa ganoon karami ang establishments dito sa Siniloan.

Halos sampung minuto rin ang biyahe hanggang makarating kami sa isang elementary school. Dito raw kami matutulog ng ilang araw.

"Hala Yvonne parang nakakatakot naman itong school."

Napakapit sa akin si Yvonne habang tinitingnan namin ang paligid na puro may malalaking puno.

"Paano tayo makakapaghanap ng mga crush sa gabi kapag nakakatakot 'tong lugar?" bulong ko kay Yvonne.

Sumimangot naman siya dahil mukhang wala kaming boy hunting ngayong taon. Isa pa naman sa favorite naming gawin ang maghanap ng eye candy tuwing press conference namin.

Naglakad na lang kami papunta sa classroom na kung saan kami tutuloy at pumasok na kami doon. Agad kong nilapag ang backpack ko malapit sa electric fan.

"Valentina tangina!" napatingin naman ako kay Yvonne na biglang nagmura.

Wow rhyming pa ang pangalan ko at ang mura niya. Grabe parang meant to be ang pangalan ko sa tangina.

"Ano na naman? Bakit ganiyan reaksyon mo?"

Sinundot niya ang baywang ko at tinuro ang kabilang side ng classroom. Doon kasi nakapuwesto ang isang school na kasama namin sa classroom. Bawat classroom kasi may dalawang school.

"Ang daming pogi sa school nila. Mukhang dito na lang ako lagi sa classroom natin."

Tiningnan ko naman ang mga estudyante at napansin kong maraming lalaki sa kanila. Tatlo lang ang babaeng nakita ko at ang natira ay lalaki na.

"Nakita mo ba si Kendrick Sevilla? Siya 'yung poging sports writer ng school nila," humagikhik pa si Yvonne at kita mong kinikilig talaga siya.

"Ano naman? Hindi ko kilala 'yan. Saan ba d'yan 'yung Kendrick?"

Tinuro niya ang isang lalaking may hawak na Rubik's cube at nakikipagtawanan sa mga kasama niya. Sa itsura pa lang niya mukha na siyang playboy. Hindi ko type ang ganiyan.

"Sus sa'yo na 'yan tutal parehas naman kayong sports writer."

Humagikhik pa ulit siya at ilang ulit pa akong hinampas tuwing makikita niyang tumatawa si Kendrick.

"Talaga! Bukas yayayain ko siya na sabay kaming pumunta sa contest proper."

"Baliw, dapat si Maxine ang kasama mo pumunta. Lagot ka kay Mrs. Gonzales kapag pinabayaan mo ang bata. Grade 8 pa lang 'yon!"

Sumimangot naman siya at sumalampak sa bedding.

"Sasabay na lang kami sa kaniya!" giit pa ni Yvonne. Hindi talaga niya titigilan ang eye candy niya sa taong ito.

"Ikaw talaga sasabayan mo pa ng landi ang journalism."

"Palibhasa kasi wala ka pang eye candy ngayong taon."

Inirapan ko na lang siya at nilapitan ang iba pa naming kasama. Nakita kong naglalabas sila ng uno cards.

"Maxine maglalaro kayo ng uno?"

"Opo ate Val. Sasali po kayo?"

"Sige sasali ako."

Nakita kong tumayo si Brent, ang photo journalist naming lalaki. Grade 10 na rin siya at nakita kong nilapitan niya sila Kendrick.

"Kendrick maglalaro kami ng uno. Sali kayo?"

"Sige ba!" sumagot agad si Kendrick at nakita kong inaya niya ang mga kasama niya.

Lumapit naman si Yvonne at nagdecide din siyang sumali. Maharot talaga ang gaga!

Umupo kami nang pabilog at nagpaalam ang mga school paper adviser namin dahil may meeting daw sila. Maaga pa naman kaya may oras pa kami para maglaro.

"Ako na magdidistribute ng uno cards!" saad ni Yvonne. Hindi talaga siya titigil. Magpapapansin talaga siya sa crush niya.

Inabot naman ni Maxine ang cards kay Yvonne at ngumiti siya sa akin. Binalasa na niya ang cards at nakita kong ngumisi siya habang nag-aabot ng cards.

"Kendrick oh," malanding sabi ni Yvonne. Nakita ko namang kinindatan siya ni Kendrick.

Hindi malabong maglandian ang dalawang 'to dahil parehas sila ng ugali.

Napuno ng tawanan ang paglalaro namin dahil may dare sa matatalo. In the end, natalo si Yvonne kaya nag-isip kami ng dare.

"Hoy dalian niyo lang 'yung dare ha. Bawal ang libre, mauubos ang pera ko at baka hindi pa ako makabili ng souvenir para sa mga kapatid ko."

Nangibabaw naman ang tawa ni Kendrick. Naku, mukhang mapapadali talaga ang paglandi ni Yvonne ngayong taon.

"Ah alam ko na..." umpisa ko. "Kiss mo sa cheeks 'yung crush mo dito!"

Sumang-ayon sa akin ang lahat at nagcheer pa sila kay Yvonne. Tawang-tawa na ako dito at nahampas ko pa ang katabi ko.

Lalong humiyaw ang lahat nang lumapit si Yvonne kay Kendrick. Hahalik na sana siya sa pisngi ni Kendrick nang biglang humarap si Kendrick kaya ang nagdampi ang labi nilang dalawa.

"Tangina ang landi niyo!"

"Sana all!"

Ang daming tumili at sumigaw dahil sa kilig sa kanila. Ang bestfriend ko naman, namumula dahil sa nangyari. Si Kendrick naman ay nakangisi at tawa nang tawa.

"Hoy Janus saan ka nanggaling? Bakit ngayon ka lang?" natatawang tanong ng isa pang lalaking kasama nila Kendrick.

Napatingin naman ako sa lalaking kapapasok pa lang sa classroom. Magulo ang buhok niya at medyo singkit ang mata niya. Unang tingin ko pa lang halatang seryoso sa buhay ang isang 'to.

"Sayang ka pre. Hindi mo nakita 'yung nangyari kay Kendrick."

Nagtawanan naman silang lahat pero umiling ang lalaking ang pangalan ay Janus. Tiningnan niya naman si Kendrick at umupo siya sa bedding.

"Ano naman?" sagot ni Janus.

Natahimik kaming lahat dahil sa sagot niya. Binuklat niya ang librong hawak niya at nag-umpisa nang magbasa.

"Janus saan ka ba nanggaling?"

"Sa lugar na wala kayo," tipid na sagot ni Janus.

"Bakit naman pre?"

"Maingay."

Natahimik naman sila dahil sa sagot ni Janus. Umiling na lang ako at bumalik sa puwesto ko. Tumigil na rin naman ang lahat dahil dumating na ang SPA namin. Dumating na rin ang hapunan namin.

Isa pa sa gusto ko kapag ganitong panahon ang masarap na ulam. Unang gabi pa lang namin pero menudo agad ang ulam namin.

"Hoy Yvonne kanina ka pa tahimik. Kinilig ka naman ng sobra girl?"

Nilingon niya ako at hinampas niya ako sa braso ko. Ang solid ng hampas parang matatanggal ang braso ko.

"Thank you girl!" kinikilig pa siya at napahawak pa sa bibig niya. Nasa daydream world na naman ang isang 'to.

Nanahimik na lang ako at hinintay ang 9 PM para sa lights off. Hinintay ko muna na makatulog ang SPA namin at nagdecide ako na lumabas.

Gawain ko na 'to tuwing season ng journalism. Gusto ko lang lumabas at gumala sa lugar kapag gabi. Bitbit ko ang cellphone ko habang nag-iikot sa lugar.

Napatigil ako sa tapat ng malaking puno. Tinaas ko ang cellphone ko at nakita kong may taong nakaupo sa malaking sanga ng puno.

Shit, hindi kaya kapre 'to?

"Lord, totoo po ba ang kapre?" malakas kong tanong na tila ba naririnig ng Diyos ang tanong ko.

Nagulat ako dahil sa biglaang pagtalon ng taong nakaupo sa sanga.

"Ah kapre!"

Napahinto ako nang hawakan ng kapre ang kamay ko. Huwag naman sana ako mamatay sa pagkakataon na ganito. Wala pa nga akong nahahanap na eye candy.

"Tanga," bulong ng kapre.

Napatigil naman ako at dahan-dahan kong inangat ang flashlight ng cellphone ko. Tinapat ko ito sa kapre at nakita ko na siya.

Siya si Janus!

"Shit akala ko kapre ka kasi nasa puno ka. Bakit ka ba kasi nakapuwesto doon?"

"Tahimik," sagot niya.

Nagsimula na siyang maglakad kaya sumunod na ako.

"Anong category mo?"

"Editorial cartooning," sagot niya ulit.

Cartoonist pala siya? Akala ko naman feature writer siya dahil nakita kong nagbabasa lang siya sa classroom kanina.

"Ah tangina!" sigaw ko nang maramdaman kong may tumalon sa paa ko.

Napakapit agad ako kay Janus at naramdaman ko ang kamay niya sa baywang ko dahil sa muntikan kong pagkatumba.

"Mag-ingat ka nga. Maraming palaka dito," bulong niya sa mababang boses.

Tumango ako at humiwalay na sa kaniya. Nagpatuloy naman siya sa paglalakad kaya sumunod ako.

"Saan ka pupunta?" tanong ko.

Hindi siya sumagot at nagpatuloy sa paglalakad.

"Puwede ba akong sumama? Gusto ko rin kasi gumala dito."

Napahinto siya sa paglalakad pero hindi niya ako nilingon.

"Ayoko sa tanga," sambit niya sa mababang boses at nagpatuloy na sa paglalakad.

---

Note: Fictional place lang po ang Santa Barbara sa Laguna.