Chapter 6 - Chapter 4

Victory

"Saan kayo nanggaling?"

Bumungad sa amin ang mga mata nilang nakatingin sa amin ni Janus na magkasabay na pumasok sa classroom. Napansin ko pa ang pagsingkit ng titig sa akin ni Yvonne kaya umiwas ako ng tingin sa kaniya. Tumingin naman ako kay Janus at kinuha sa kaniya ang paper bag ko.

"Salamat Janus," tinanguan niya lang ako at hindi na siya sumagot. Tiningnan ko si Kendrick at nakita ko ang gulat sa mukha niya. Gusto kong tumawa pero pinigilan ko ang sarili ko.

"Bumili lang kami ng libro sa mall," sagot ko sa pambungad na tanong ni Kendrick. Naglakad na ako papunta kay Yvonne nang mapansin kong napatulala na siya dahil sa sinagot ko.

"Gaga ano 'yon? Bakit may pagpunta kayo sa mall ng kayo lang?" kinulit agad ako ni Yvonne at alam kong hindi niya ako titigilan.

Inayos ko muna ang libro ko at nilagay sa bag ko. Kumain lang kami ni Janus sa isang fastfood chain at pagkatapos no'n nagmadali na rin siya kaagad umuwi kaya sumunod na rin ako. Alam ko naman kasing napilitan lang siya dahil sa ginawa kong kalokohan sa mall kanina.

"Seriously ginawa mo 'yon sa mall kanina?" humagikhik naman si Yvonne pagkatapos kong ikuwento sa kaniya ang lahat ng nangyari kanina sa mall.

"You should have seen his face!"

Napalakas ang pagtawa namin kaya napatingin sa puwesto namin si Kendrick at Janus. Umiwas na lang kami ng tingin at nagpatuloy sa pagkukuwentuhan.

"Kayo kamusta? Ang aga niyo naman atang nakarating dito ayan tuloy naabutan niyo kami."

Sumimangot naman si Yvonne at yumakap sa akin. Nilapit niya ang bibig niya sa tainga ko at nagsimula na siyang magkuwento.

"So you mean iniwan ka niya habang naglalakad kayo kasi nakita niya 'yung ex niya?"

"Oo tapos napansin ko lumalayo siya sa akin sa tuwing lalapit ako kapag nasa paligid 'yung ex niya."

Bumitaw naman si Yvonne sa pagkakayakap sa akin. Tiningnan ko nang masama si Kendrick at nakita kong nagsalubong ang kilay niya.

"Hayaan mo na Yvonne. Bakit ka affected? Ilang araw pa lang natin nakilala 'yang si Kendrick."

Umiwas siya ng tingin at napakagat-labi. Nakita ko ring pinaglalaruan niya ang mga daliri niya kaya nakabuo ako ng conclusion sa utak ko.

"Val actually may hindi ako sinasabi sa'yo..." tumingin siya sa akin at nakita kong kinakabahan siya. Tinaasan ko naman siya ng kilay.

"Go ahead."

"Actually I'm dating Kendrick for three months na."

"Kayo ni Kendrick?" napalakas ang sigaw ko kaya napatingin sila sa akin. Nakita kong sumulyap si Kendrick na mukhang nagulat din. Inirapan ko naman siya at tumingin ako kay Janus, kay Janus na walang reaksyon habang nagbabasa ng libro.

"Huwag ka ngang maingay," hinawakan niya naman ang kamay ko para hilain ako paupo. Napatayo kasi ako kanina dahil sa sobrang gulat.

"Sorry I can't help it. Bakit hindi ko alam? Kailan pa? Paano? Gosh bakit wala akong alam? Kaibigan mo pa ba ako?"

Tumawa naman si Yvonne at lumapit ulit sa akin para magkuwento.

"We met in a football game. To make the story short, pumupunta ako sa school nila para makita siya and it turns out na gusto niya rin ako."

"Kaya pala kapag nagpapasama ako sa'yo sa mall sasabihin mo may group project ka pero ang totoo sa school ka nila pumupunta?"

"Sorry na. Ililibre na lang kita."

In the end napapayag niya rin ako. Wala na rin namang sense kung magtatampo ako sa kaniya.

"Magkaaway ba kayo ni Kendrick?" umiwas naman siya ng tingin pagkatapos kong magtanong. Kahit hindi niya sabihin, halata rin sa atmosphere na magkaaway nga sila.

"Sino bang hindi maiinis sa ginawa niya? Parang kinakahiya niya ko Val."

"Mag-usap kayo."

Tumigil lang kami sa pag-uusap nang dumating na si Mrs. Gonzales kasama ang ilang mga estudyante na dala ang hapunan namin. Pumila na rin ako at natuwa ako dahil Cordon Bleu ang ulam namin.

"Theo ayaw mo ba ng ulam mo? Akin na lang," nginitian lang ako ni Theo at umiling. Mukhang walang gusto magpauto sa akin ngayon dahil masarap ang ulam.

"Mahiya ka nga mambuburaot ka pa pati sa bata," napalingon ako sa nagsalita at nakita ko si Janus na kumukuha ng pagkain.

"Sa'yo na lang ako manghihingi."

Nagulat naman ako dahil nilagyan niya ang plato ko ng Cordon Bleu. Hindi na siya nagsalita at naglakad na papalayo sa akin. Napangiti naman ako at bumalik na sa puwesto ko.

"Hoy Yvonne kumuha ka na ng hapunan!"

Tatayo pa lang sana si Yvonne nang pumunta si Kendrick sa puwesto namin. Inabutan niya si Yvonne ng hapunan at dinagdagan pa ang Cordon Bleu niya. Naglapag din siya ng Chuckie sa arm rest.

"Kain ka na," si Kendrick na nakatingin kay Yvonne.

"Thanks," tipid na sagot ni Yvonne. Tinusok niya agad ng straw ang Chuckie at uminom. Hindi pa rin niya nililingon si Kendrick.

"Puwede ba tayo mag-usap pagkatapos mong kumain?" tanong pa ulit ni Kendrick. Sinamaan ko naman ng tingin si Kendrick pero hindi niya ko pinansin.

Tumango naman si Yvonne. "Okay."

Nagmadaling kumain si Yvonne. Pinanood ko rin ang bawat kilos niya at napansin ko rin na kanina pa nag-uusap ang mga mata nila ni Kendrick.

"Val lalabas muna ako ha?"

"Sige mag-ingat ka ha. Huwag kang iiyak."

"Bakit ako iiyak?"

Tumawa na lang ako at hinayaan na siya. Nakita kong lumabas na rin si Kendrick at sumunod na sa kaniya si Yvonne. Ilang minuto pa lang ang nakakalipas pero hindi na agad ako mapakali kaya nagdesisyon akong lumabas.

Dinala ko ang cellphone ko at nagdala na rin ako ng pera. Naglakad na ako papalabas pero sumulyap muna ako kay Janus. Hinanap ko kung nasaan si Kendrick at Yvonne at nakita ko sila sa may playground. Nagtago ako sa malaking puno para marinig ang usapan nila.

"Nakakainis lang sa part ko 'yon Kendrick. Okay lang sana kung isang beses mong ginawa pero inulit mo!"

"Makinig ka muna kasi sa akin Yvonne. Please calm down."

"Paano nga ako kakalma knowing na nasa paligid lang ang ex mo tapos ano iiwas ka ulit?"

"Fuck please calm down. Hear me out Yvonne."

"May pa fuck fuck ka pa ngayon. Huwag mo kong ma fuck fuck d'yan hindi mo ako madadaan sa pagiging hot mo tuwing nagsasabi ka ng fuck!"

Napasapo naman ako sa noo ko sa sinabi ni Yvonne. Ang kaibigan ko talaga, hindi na napigilan ang sarili. Lalo lang niyang pinatunayan kung gaano niya kagusto si Kendrick. Nakita ko namang ngumisi si Kendrick at hinapit ang baywang ng kaibigan ko. Nilapit niya ang mukha niya sa kaibigan ko at

"Fuck," napamura ako dahil may nagtakip ng mata ko. Hindi ko na nakita ang dapat kong makita.

"Huwag kang makinig sa usapan ng iba," bulong sa akin ng taong nagtakip sa mata ko. Naramdaman ko namang hinila niya ako habang nakatakip siya sa mata ko.

"Hoy nakakainis ka!"

Binitiwan niya na rin ako at tinanggal niya ang pagkakatakip sa mata ko. Bumungad sa akin si Janus na nakasimangot habang nakatingin sa akin.

"Janus?"

"Yeah," tamad siyang tumango at lumapit sa akin.

"Bakit mo ko hinila papalayo? Nakakainis hindi ko tuloy nakita."

"Ang alin? Ang halikan nila?"

Muntikan na kong maubo sa tanong niya buti na lang napigilan ko ang sarili ko. Kung makapagsalita ang isang 'to ang straightforward, walang filter.

"Gusto ko lang marinig ang usapan nila," sagot ko.

"That's rude."

Sumimangot na lang ako. Hindi ko na alam ang gagawin ko ngayong hinila niya ako palayo. Ayun pa naman ang dahilan kung bakit ako lumabas. Ngayon nawala na ang rason ng paglabas ko.

"Do you want to come with me?" nagulat ako sa biglaang tanong niya.

"Teka may sakit ka ba?" sinamaan niya naman ako ng tingin dahil sa tanong ko.

"Saan ka ba pupunta?"

"Sa malapit na convenience store," sagot niya. Tumango na lang ako at sumunod sa kaniya. Naglakad lang kami at hindi naman ganoon kalayo ang convenience store.

Pumasok na kami sa convenience store at agad akong kumuha ng cup noodles at soya milk. Nakita ko namang kumuha rin siya ng cup noodles at iced coffee. Pagkatapos naming bumili, umupo kami sa sulok at nag-umpisang kumain.

"Bakit mo ko niyaya?"

"Gusto ko lang ng kasama. Wala si Kendrick tapos ikaw ang nakita ko."

Tumango na lang ako at nagpatuloy sa pagkain. Tumahimik na rin naman siya at kumain din. Malalim na rin ang gabi pero hindi ko maipaliwanag kung bakit ang saya ko kahit ganito lang naman ang ginagawa namin ni Janus.

"I'm done. How about you?" nilingon niya ako at nakita niyang marami pang laman ang cup noodles ko.

"Sorry maanghang," sagot ko. Tumango lang siya at hinayaan akong kumain. Nakaramdam naman ako ng hiya kaya binilisan ko na lang kumain.

"Tara alis na tayo tapos na ako kumain."

Tumayo na siya at nagsimula nang maglakad. Kinuha ko naman ang soya milk at binitbit na lang palabas.

"I want to have a walk, do you want to come with me or do you want to go back there?" tanong niya. Muntikan ko namang maibuga ang iniinom ko kaya napatingin ako sa kaniya.

"S-sasama na lang ako sa'yo. Ayoko pa naman bumalik eh."

Nagsimula na siyang maglakad kaya sumunod na lang ako. Ramdam ko naman ang malamig na hangin na marahang dumadampi sa balat ko kaya mas lalong masarap maglakad.

"Bukas na pala ang last day natin no? Tingin mo mananalo kaya tayo?" tanong ko sa kaniya.

"I don't know," tipid niyang sagot.

"Feeling ko mananalo ka. Lagi ka raw nakakaabot ng NSPC."

Nilingon niya naman ako at nakita kong nagtaas siya ng kilay. "Saan mo naman nalaman 'yan?"

"From your so called unreliable sources," sagot ko. Nakita ko namang umangat ang labi niya sa sagot ko.

"Tama naman ang sinabi ng source mo," aniya.

Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa hindi ko namalayang nakabalik na kami sa school na tinutuluyan namin. Naglakad na rin kami pabalik sa classroom.

"Good night Janus," bulong ko sa kaniya. Hindi naman siya sumagot at pumasok na siya sa room. Dahan-dahan kaming naglakad dahil tulog na silang lahat.

Pumunta na lang ako sa puwesto ko at hindi ko na napansin kung nakabalik na si Yvonne o hindi. Dala na rin siguro ng pagod kaya nakatulog agad ako.

"Hoy Val nakita kita kagabi," bumungad naman sa akin si Yvonne na nakapamaywang pa habang nagtatanong.

"Ano na naman?"

Lumapit siya sa akin para bumulong. Pinandidilatan pa niya ako.

"Nakita ko kayo ni Janus na kapapasok lang sa classroom. Saan kayo nanggaling?" nagulat naman ako sa sinabi niya. Hindi ko na rin napansin kagabi na nandito na pala siya.

"Kamusta nga pala? Nagkaayos na kayo ni Kendrick?"

"Huwag mong ibahin ang usapan at oo nagkaayos na kami."

"Kumain lang kami sa convenience store."

Tumango naman siya at mukhang hindi naniniwala. Nag-ayos na lang kami ngayong umaga. Nagligpit na rin kami ng gamit dahil bibitbitin na raw namin ang mga gamit namin sa school na kung saan gaganapin ang announcement ng mga nanalo.

1 PM na ng makarating kami. Naghanap na rin kami ng upuan dahil ilang minuto na lang ay magsisimula na ang program. Nilingon ko naman si Janus at nakita kong nagbabasa lang siya.

"Val tingin mo mananalo ako?" tanong sa akin ni Yvonne. Halatang kabado siya ngayon. Kahit ako rin naman kinakabahan pero hindi ko na lang pinapahalata.

"Lagi ka naman nananalo. For sure mananalo ka rin ngayong taon."

Nagsimula na nga ang program. Nagkaroon muna ng opening remarks galing sa principal ng school na 'to. May mga opening numbers pa at messages mula sa kung kani-kaninong mga importanteng tao sa press conference na ito.

Nagsimula na nga ang announcement ng mga nanalo mula sa feature writing. Lalo kong naramdaman ang kaba hanggang sa i-announce na ang mga nanalo sa sports writing. Para makapasok sa regional level, kailangan makapasok ka sa top 5. Ang top 6-10 naman ay sasama sa training para kung sakaling may magback out sa kanila kukuha ng panlaban ang Laguna.

Nanalo si Yvonne ng 4th place habang si Kendrick naman ay 2nd place. Nanalo rin ako ng 2nd place habang si Janus naman ay 1st place. Mabilis ang tibok ng puso ko habang nagrereplay sa utak ko ang pangyayari kanina.

Hindi mawala sa isip ko ang saya habang sinasabitan ako ng medal sa stage kanina. Hindi ko inexpect na magiging 2nd place ako ngayon taon. I really aimed to be at least the 5th placer but thank God I received 2nd placer.

"Congratulations sa atin Val!" niyakap ako ni Yvonne sa tuwa. Nagpicture pa kami dahil bestfriend goals daw 'yon.

"Congratulations sa atin!" niyakap ko ulit siya dahil sobra talaga akong natutuwa ngayon. Nilapitan naman kami ni Kendrick kaya bumitaw na ako sa pagkakayakap.

"Hiramin ko muna si Yvonne okay lang ba?"

Tumango naman ako at halos ipagtulakan ko na si Yvonne sa kaniya. Nginitian ko naman sila at nakita kong nagpicture pa sila.

Lumingon naman ako sa tabi ko at nagulat ako dahil nasa tabi ko na si Janus. Nakita ko ang medal niya at nakita kong gold pa ito. Ang galing pala talaga niya.

"Congratulations Janus!" tiningnan naman niya ako at tipid siyang ngumiti.

"Thank you. Congratulations also, you made it."

Simple lang ang sinabi niya pero iba ang hatid sa akin ng simpleng pagbati niya. Habang tinititigan ko siya narealize ko na mas gusto ko pa siyang kilalanin.

"Thank you Janus by the way puwede ba kitang i-add sa Facebook?" lumingon naman siya sa akin at nakita kong kumunot ang noo niya.

"Why?"

"So I can message you."

"No need to message me. Hindi na rin naman tayo magkikita," nakaramdam ako ng lungkot sa sinabi niya. Magsasalita pa sana ako nang tinawag na siya ng SPA nila.

Hindi ko rin siya makakasabay sa bus dahil may sariling sasakyan ang school nila. Nakaramdam tuloy ako ng lungkot na baka hanggang dito na lang.

"Val bakit malungkot ka?" hindi ko napansin na nasa tabi ko na pala si Yvonne.

"Wala 'to by the way nasaan na si Kendrick?"

"Tinawag na sila ng SPA nila. Hindi mo ba napansin? Kausap mo si Janus kanina ha?"

Napahinto ako at may naisip. Tiningnan ko naman si Yvonne at napangiti. May naisip na akong paraan para magkita kami.

"Napunta ka ba lagi sa school nila Kendrick?" tanong ko kay Yvonne. Kumunot naman ang noo niya at tumango.

"Every after class dumidiretso ako sa school nila. Bakit?"

Gagawa ako ng paraan para magkita ulit tayo Janus. Hindi puwedeng hanggang dito na lang. Kung hindi kita makakausap sa social media accounts mo, I will make sure na magkikita ulit tayo at magkakaroon na tayo ng connection.

"Sasama ako sa'yo," napangiti naman ako pagkatapos kong sagutin ang tanong ni Yvonne. See you soon Janus!