Chereads / My Mother's Identity / Chapter 3 - Chapter 2

Chapter 3 - Chapter 2

Pagpasok ng bahay ni Cassandra ay agad siyang tinanong ng kanyang mga magulang.Nagulat ang mga ito kung bakit nakakotse siya ng pag-uwe, at kung sino ang kasama niya.

Hindi naman niya maipagkakaila ang mga nakita ng kanyang pamilya dahil pati ang mga kapitbahay nila ay nagulat din. Kaya sinabi na niya ang totoo sa mga ito.

"Ano kamo anak? Si Sir Renzo ba kamo ang naghatid sa iyo kanina? Yung anak ni Sir Ramon?" Hindi makapaniwalang tanong ng kanyang nanay sa kanya. Naibaba pa nito ang hawak na kutsara at tinidor sa gulat.

"Opo nay, hinatid lang po niya ako dito sa bahay natin kasi muntik na po akong masagasaan kanina." Nakangiwi niyang sagot sa nanay niya.

"Anak, sa susunod naman ay mag-iingat ka." Paalala ng kanyang tatay na hindi naman nagalit sa nangyari sa kanya imbis ay natakot pa ito na baka daw may masakit sa kanyang katawan.

"Okay lang po Tay,"

"Ate, pogi ba yung anak na panganay ni Sir Ramon?" Hindi napigilang itanong ng nag-iisa niyang kapatid na si Erica.

Hindi agad siya nakasagot sa tanong nito. Ano nga ba ang itsura ni Renzo? Guwapo naman talaga ito. Aakalain mo nga na isa itong artista sa kulay pa lang ng balat nito.

"O-oo..," sagot na lang niya kay Erica. Panigurado ay aasarin naman siya nito kapag may iba pa siyang sinabi sa tanong nito sa kanya.

"Yung lang ang sagot mo ate? 'Oo' lang talaga?"

"Erica, maglubay ka nga. H'wag mo nang asarin ang ate mo at alam mo naman na wala sa isip nyan ang mga crush-crush na yan."

"Nay, crush agad?" Segunda naman ni Erica.

"Ano pa ba kasi ang gusto mong malaman, ha Erica? At saka nakikita ko naman siya palagi sa bahay nila kapag nagdadala ako ng gatas, kaya hindi naman na big deal sa akin kung nakasama ko siya kanina." Pagsisinungaling niya kay Erica.

"Naku ate, lokohin mo lelang mo! Maniwala akong hindi ka man lang kinilig kanina noong magkasama kayo ni Sir Renzo? Walang babae dito sa lugar natin ang hindi kinikilig kay Renzo Sebastian." Sabla naman sa kanya ni Erica. Gusto na nga niya itong batukan kung hindi lang niya kaharap ang mga magulang nila sa mesa.

"Magtigil na nga kayong dalawa. Huwag ninyong balakin na makipaglapit sa mga Sebastian na iyon at hindi natin sila kauri." Saway muli sa kanila ng kanyang Nanay. Alam niyang may laman ang huli nitong sinabi sa kanilang magkapatid. Pero alam naman niyang pinapaalalahanan lamang sila ng kanilang mga magulang.

Totoo naman ang sinabi ng kanyang Nanay, ang estado ng buhay nila ay malayong malayo sa buhay na kinagisnan ng mga Sebastian. At mula sa katotohanang iyon ay natahimik na lang siya at mas pinili na lang niyang ipagpatuloy ang kanyang pagkaen.

"Cassandra! Binibisita ka ni James." Sigaw ng kanyang Nanay. Kasalukuyan siyang naghuhugas ng plato ng dumating ang kanyang matalik na kaibigan.

"Opo Nay, nandyan na po." At paglabas niya sa kanilang maliit na sala ay isang nakangiting James ang naabutan niya.

"Oh, nandyan ka na pala.Kailan ka umuwe James?" Bungad niyang bati sa kanyang matalik na kaibigan. Halos dalawang buwan din itong namalagi sa Manila. Isa kasi itong staff sa isang agency. Mas matanda ito ng limang taon sa kanya. Pagkatapos nila ng highschool ay pumunta ito sa Los Banios para doon mag-aral ng kolehiyo. Naiwan naman siya sa Cabuyao dahil hindi siya kayang pag-aralin ng kanyang mga magulang ng kolehiyo.

"Ang ganda ng bungad mo sa akin ah." Reklamo nito.

"Bakit? Ano ba ang gusto mong ibungad ko sayo?" Inirapan niya si James saka siya umupo sa katabing upuan nito. Sanay na silang dalawa na ganoon ang paraan ng kanilang pag-uusap.

"Hindi mo man lang ba ako ikikiss? Ang tagal kaya nating hindi nagkita." Reklamo nito sa kanya.

"Ikiss mo ang mukha mo!" Hirit niya. Alam naman niyang may pagtingin si James sa kanya at highschool pa lang sila ay nagtapat na ito sa kanya. Pero sadyang wala pa sa isip niya ang makipagrelasyon. At naintindihan naman siya nito ng hindi niya nasuklian ang ipinagtapat nitong damdamin sa kanya.

Handa raw itong maghintay sa kanya. Hanggang sa handa na siyang buksan ang kanyang puso para magmahal. Dahil doon ay nanatili silang matalik na magkaibigan.

"Tsssk, hindi na mabiro. Oh, heto na ang hinihingi mong pasalubong." Iniabot nito sa kanya ang isang supot na puno ng kung ano-anong pagkaen. Palagi siya nitong inuuwian ng mga pagkaen na galing sa Manila.

"Ayan, ganyan sana." Nakangiti niyang komento kay James at saka niya iniabot ang supot ng pagkaen.

"James, magmiryenda ka muna." Alok ng kanyang nanay na nagtimpla na pala ng juice sa kusina. May dala din itong isang platito na may lamang biko.

"Salamat po Nay Kristina." At kinuha ni James ang dala ng kanyang nanay na miryenda.

"Inaaway ka naman ba ni Cassandra? Pagpasensiyahan mo na ang batang iyan, at talagang misman eh tinotopak yan."

"Alam ko po Nay Kristina. Saka sanay na din po ako sa matabil na dila ng anak ninyo." Segunda ni James. Dahil doon ay hindi niya napigilang irapan ito.

"Ah ganon," saad niya kay James.

"Kaya nga eh, pinalake ko naman ng tama ang isa na yan. Kaso mukhang kulang talaga sa aruga kung minsan ang inaasta ng batang iyan." Walang pakundangang panglalait sa kanya ng kanyang ina.

"Nay naman..."

"Oh siya, maiwan ko muna kayo at tutulungan ko lang ang tatay mo na sinupin ang mga kahoy sa labas." Nagpaalam na nga ito sa kanila ni James. At siya naman ang hinarap na muli nito pagkatapos.

"Cassandra, mamasyal naman tayo Liliw?" Mayamaya ay alok sa kanya ni James.

"Sa Liliw? Bakit mo naman biglang naisip na mamasyal doon?" Balik niyang tanong dito habang binubuksan niya ang isang supot ng chocolate na pasalubong nito sa kanya.

"Ummmm, wala lang. Gusto ko lang sanang mag unwine. Alam mo naman sa Manila, masyadong toxic."

"Ah, oh sige basta ba libre mo ako?" Hindi na siya nahihiyang magpalibre kay James dahil sa tuwing niyaya siya nitong mamasyal ay hindi naman ito pumapayag na gumastos.

"Oo naman. Ako ang bahala sayo." Kumindat pa ito sa kanya. At dahil doon ay naisip niyang ibalibag dito ang papel na wrapper ng chocolate na kinakaen niya. Agad namang nakaiwas si James at pinagtawanan lang siya pagkatapos.