Halata na wala na sa mood si Uno. Sa tuwing titingin ako sa kaniya naaabutan 'kong nakatitig ito sa akin. Pero bigla din siya titingin sa iba.
Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya pero sana may marealize siya sa ginagawa ni Tiya. Gusto niya lang naman mapabuti ang pangalan ni Uno.
Gusto niya lang kaming protektahan sa mga husga ng tao. Kahit na ang kapalit no'n ay ang kasiyahan ni Uno.
Pero paano din kung okay lang si Uno? Paano kung nag ooverthink lang si Tiya? Paano kung totoo ang nararamdaman niya sa'kin?
Tatanggapin ko na ba siya? Matatanggap na kaya ni Tiya?
Napailing naman ako. Hindi muna dapat ako mag isip. Sumasakit lang ang ulo ko.
Napansin naman ni Tiya ang bigla 'kong pag-iling.
"Rina, may problema ba?" Nakakabigla man na tanungin niya ako, iling na lamang ang tanging sagot ko.
Ngumiti din ako para ipakita talaga na wala naman akong problema. Tumingin na lamang ako sa bintana at tinanaw ang bawat madaanan namin. Mawala man lang pansamantala ang mga tanong na gumugulo sa akin.
Alam ko man ang sagot, pilit ko pa din itong itatanggi.
Nakarating na kami sa hospital kung saan dito magpapacheck up si Uno. Bumaba na kami at pumasok. Tumabi naman sa akin si Uno at hinawakan muli ang kamay ko.
Aalisin ko na sana ito ng maramdaman ko ang panginginig nito. Ngayon ko lang napagtanto na mas grabe pala ang nararamdaman niyang kaba kaysa sa akin.
Sinuman siguro ay di nanaisin na magkaroon ng sakit. Lalo na ang masabihan na baliw.
Masakit siguro ito sa kaniya.
Kaya naman ay hinawakan kong mabuti ang kamay niya at ngayon ay 'di ko ito bibitawan.
Napansin naman ito ni Tiya. Sisitahin na niya sana kami nang hawakan ni Uno ang kamay din nito. Dito ay natahimik si Tiya at napayakap kay Uno.
Mukhang umokay naman ang pakiramdam namin ni Tiya nang ngumiti si Uno sa amin. Isang ngiti na lubhang napakabihira niyang gawin pero ngayon ay lubos na nakatulong sa bawat isa sa amin.
Ngumiti na lamang din kami ni Tiya atsaka pumunta sa doctor.
Wala na ulit nag usap usap sa amin. Naging seryoso na sila mula nang pumasok kami dito.
Una ay may tinanong ang doctor kay Uno. Nasagot naman niya ito ng walang pag aalinlangan at pagdadalawang isip. Sigurado ang bawat salitang lumalabas sa bibig niya. Pero ramdam kong may kaba pa'rin siyang nararamdaman. Mahigpit ang pagkakakapit ng dalawang kamay niya sa kamay ko.
Nasa tabi rin naman namin si Tiya na ngayon ay napapangiti lang din.
May mga iba pang tests ang sinagawa ng doctor kay Uno at ang iba pa dito ay dapat hindi kami kasama. Ayaw ni Uno pero pinilit nalang namin. Buti din naman at nagpapilit siya. Kaya kami ni Tiya ay lumabas na muna at umupo sa labas.
"Serina, hindi ka ba naiilang kay Uno?" tanong ni Tiya. Napaisip naman ako dito. Bumalik din sa isipan ko ang una naming pag uusap.
Napangiti naman ako.
"Noong una po Tiya, natatakot po ako kay Uno. Lalo na po sa pagtingin niya sa akin. Pero lumipas ang ilang araw na nakakausap at nakakasama ko na siya, gumaan na po ang loob ko sa kaniya. Lalo na po noong natuto na siyang ngumiti at tumawa." Atsaka ako tumingin kay Tiya nang nakangiti pa rin.
Yumuko si Tiya. "Alam kong gusto ka ni Uno. Ramdam ko iyon. At sinabi rin niya sa akin." tumingin sa akin si Tiya ng umiiyak. "Masama na ba ako Rina kung tutol ako sa nararamdaman niya?"
And then I feel her pain. Ramdam ko ang pighati ni Tiya sa bawat hikbi nito kaya niyakap ko ito.
Wala ako masabi. Dahil wala pa naman akong alam sa paglalaki ng anak. Pero alam kong mahirap ito. Mahirap na responsibilidad sa bawat Ina, lalo pa at mag-isa ni Tiya sa pagdisiplina kay Uno.
"Sa tingin ko ay oo. Siguro nahihirapan ngayon ang anak ko. Ako ang dapat ang unang umintindi sa kaniya. Ako dapat ang unang susuporta sa gusto at kasiyahan niya. Pero ako pa itong unang tumututol." Mahirap pareho ang sitwasyon nila. Si Uno na umaasang susuportahan siya ni Tiya, at si Tiya na iniisip ang mas makakabuti kay Uno. Parehong tutol sa isa't-isa ang gusto nila.
Pero sino nga ba ang dapat unang umintindi?
"Gusto mo ba rin siya Rina?" tanong sa akin ni Tiya.
Napatigil naman ako sa pag-iisip ng ibang bagay.
Alam ko ang sagot pero natatakot akong sabihin.
Sa maikling panahon ay di lang gumaan ang pakiramdam ko kay Uno. Unti-unti din ay nagugustuhan ko siya. Ngunit alam kong mababaw palang ang nararamdaman ko sa kaniya. Mababaw at pupwede pang magbago.
"Magagalit ka ba Tiya kung sasabihin kong nagugustuhan ko siya?" hindi ko alam saan ko nakuha ang tapang upang ibigkas ang salitang ito. Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko.
Sa wakas, naisambit ko din ang mga salitang nais kong isatinig. Hindi nga lang sa taong gusto kong makarinig nito, pero makakabuti na rin na kay Tiya ko sabihin.
"Alam ko Rina. Alam kong magugustuhan mo rin siya. Natatakot lamang ako..." humiwalay sa akin si Tiya at hinawakan ang pisngi ko. Pinunasan niya ang luhang lumalandas sa pisngi ko.
"Ano ba to, ang drama natin Tiya. Pinagtitinginan na tayo. Hahaha." naiiling ako.
"Matapang ka Rina, alam ko iyon. May parte man sa akin na tutol pa rin sa inyo ni Uno, ayaw ko ng maging hadlang sa kasiyahan niyo." Dito naman ako napahinto sa sinabi ni Tiya. Ibig sabihin nito... "Oo, Rina. Simula ngayon susuportahan ko na kayo. Dahil ako lang din ang nakakaintindi sa inyo. Hindi ba dapat ako din ang susuporta sa inyo?"
Hindi ko alam ang sasabihin ko pero napapangiti na lang din ako.
"Pero pupwede po ba Tita na huwag niyo munang sabihin ito kay Uno? Gusto ko po sanang pag-isipan itong mabuti. Lalo na po ang nararamdaman ko sa kaniya. Ayaw ko pong madaliin ang lahat."
Tumango tango naman si Tiya sa sinabi ko.
"Makakaasa ka, ija. Pahirapan mo muna ng kaunti si Uno. Hahaha." natawa naman ako sa sinabi din ni Tiya.
"Para naman pong hindi na naghirap sa inyo si Uno, Tiya a'." nagtawanan ulit kami.
Eto na ata ang pinakamasayang pag-uusap namin ni Tiya.
Naramdaman ko kahit sandali ang may Nanay.