Chereads / Sa Isang Tibok / Chapter 2 - Happy 11th Birthday Sept!

Chapter 2 - Happy 11th Birthday Sept!

Sept's Birthday Essay - September 30, 2003

Happy Birthday sakin! Wish ko sana magkaroon na kami ni Mama ng malaking bahay na may malaking malaking swimming pool.

Ngayong eleven na ko iniisip ko na kung anong gusto kong maging paglaki ko. Dati nung grade 1 ako, gusto kong maging doktor. Kaso nalaman din namin ni Mama na hinihimatay pala ko kapag nakakakita ng madaming dugo. Last month kasi, nasa handaan kami ni Mama ng birthday ng pinsan ko, tapos natapon yung dugo ng baboy na bagong katay sa likod bahay.

Natapon yun sa harapan ko, kaya yun, hindi ko na talaga alam ang sumunod na nangyari pero sabi ni Mama, hinimatay daw ako sa takot. Akala ko kasi dugo ng tao. Hahaha.

Kaya ayoko nang mag doktor. Kung may doktor man na walang dugo, mas ayos sana. Naiisip ko din na maging teacher kaso mukang hirap na hirap naman sila. Nakikita ko si Ms. Betty, matanda na sya pero walang asawa kasi mukang stress na stress na sya sa buhay. Lagi niyang sinasabing masaya sya sa trabaho niya pero tuwing papasok sya ng classroom nalilimutan niya atang magsuklay tsaka mag plantsa minsan.

May mga buwan pati na bigla bigla syang magagalit sa konting ingay at konting assignment na hindi nagagawa. Sabi ni Mama, baka delayed lang daw ang sahod.

Kaya ayokong mag teacher, pano ako magkakabahay kung laging delayed ang sahod ko. Isa pa, kitang kita kong kailangang alagaan ng teacher ang mga estudyante niya. Ayoko ng ganun. Meron akong sariling buhay na kailangan kong isipin, mahirap pasanin kung hindi nagawa ng assignment ang mga bata. Bahala sila sa buhay nila. May bahay akong dapat pag ipunan.

Naisip kong mag artista din. Tulad ng mga nakikita ko sa TV. Kahit mga bata sila nakakapagtrabaho na sila basta aarte o kakanta lang sila sa TV. Marunong din naman akong umarte umiyak. Naaalala ko nung kinder na naiyak ako para lang pauwiin na ko ng teacher. Hindi naman ako naiiyak nun, pero nakita ko yung classmate ko na pinauwi nung umiyak kaya ginaya ko din. Naniwala naman si teacher nun kaya tingin ko magaling naman ako umarte.

Sinubukan din namin ni Mama yun. Sinubukan din namin ang showbiz career ko. Pero bago daw niya ko payagan at samahang pumila sa mga pa audition, sumali muna daw ako sa mga school contest. Sumali ako sa school contest isang beses, singing contest. Practice naman kami ni Mama.

Ewan ko pero hanggang practice lang kami. Sabi ni Mama mangarap na lang daw ako ng iba. Ang dami dami naman daw pwedeng pangarapin. Wala akong idea kung anong narinig ni Mama habang nagpa practice akong kumanta pero mukang galing impyerno yung narinig niya kasi ayaw na niya paulit ulit.

Isa pa, nang malaman kong haharap ako sa maraming tao kapag kakanta, sasayaw o aarte, ayoko na pala. Grabe yung takot ko sa maraming tao kaya mukang hindi pala ko dapat sa pag-aartista. Sayang lang kasi sabi ni Mama ang pogi ko pa naman daw. Pero curious parin ako kung anong tunog ng boses ko sa kanya, hindi ko na lang tinanong ulit.

Naisip ko din na maging pulis kaso ayaw daw ni Mama na makita akong nasa mga engkwentro. "Hindi naman ako mapapatay Ma, kasi diba hindi naman napapatay yung mga bida sa pelikula" sabi ko. Pero ayaw niya parin. Baka daw mapatay ako. Sabi ko naman alam ko na kung papano umilag sa bala eh. Pero dahil lagi nga naman akong aalis para mag solve ng mga krimen at humuli ng mga kriminal, baka naman mawalan ako ng oras para magkasama kami. Para saan pa yung swimming pool kung hindi naman kami magkasamang mag swimming.

Magaling din ako mag drawing pero sabi ni Mama wala naman daw nayaman sa pagdo-drawing. Malamang tinutukoy niya ang Tito ko na hanggang ngayon hindi daw talaga umangat sa buhay bilang Pintor. Magaling nga naman si Tito pero nahirapan lang talaga sya sa buhay. Isa pa dinadaya kasi sya ng mga tao. Pero sabi niya kung magiging masaya ko sa pagdo-drawing, susuportahan niya naman daw ako. Naisip ko lang na masaya naman akong maging Pintor din, pero mas magiging masaya ako kung makakatulong ako sa kanya.

Sinsabi lang ni Ma'am na hindi ako magkakaron ng ganun kalaking pera para bumili ng malaking bahay tsaka swimming pool. Sabi niya daw, madaming madaming pera daw kapag natuto ako sa negosyo. Kagaya ng mga may ari ng malalaking mall.

Kapag naging may-ari ako ng mall saka lang ako yayaman.

Kaya ngayon naiisip ko yung negosyo na yun ang talagang magpapa angat samin. Tingin ko ganun na lang. Kapag may pera na kami ni Mama na madaming madami, saka ko susundin ang gusto ko. Magdo drawing ako, mag a artista (arte siguro hindi kanta), baka magturo din ako sa iba.

Wala naman akong ibang pangarap kundi mapasaya si Mama. Makukuha din namin yung bahay na may malaking swimming pool. Kapag nangyari 'yun. Magiging masayang masaya kami.

Tapos baka kapag ganun, baka sakali, gustuhin na ni Papa bumalik. Baka bumalik sya samin kasi hindi na kami magiging pabigat sa kanya kasi kaya na namin.

Hindi ko pa sigurado kung anong negosyo ang magbibigay samin ng madaming pera pero alam ko may kurso sa kolehiyo na ganun. 'Yun ang kukunin ko tapos saka ako mag aaral ng iba't ibang gusto.

Sinasabi ni Mama na hindi ko makukuha lahat ng 'yun kasi baka sobrang tanda ko na daw bago ko pa matapos lahat ng pangarap ko.

"Oras ang kalaban natin, anak" lagi niyang sinasabi kapag nangangarap ako ng ganito. Hindi kasya ang oras, laging hindi kasya. Laging bitin.

Kaya kailangan kong bilisan. Kailangan kong bilisang matuto. Desidido akong mapagkasya lahat sa oras na meron kami.

Gusto ko din balang araw makatulong sa kapwa katulad ng sinasabi lagi ni Mama, kapag may sobra kaming pagkain, dapat itulong sa iba. Kapag may sobra samin, kailangan itulong sa mga may kulang. Dahil ganun din sila samin kapag nangangailangan kami.

Kaya pangarap ko paglaki kong yumaman ng sobrang yaman para matulungan ko si Mama, para makapag pahinga sya sa bahay namin tapos tumulong sa iba.

Pero kung tatanungin ako, kung anong gusto kong gawin sa araw-araw na trabaho ko na sigurado akong mamahalin ko ang paggawa, gusto kong sumulat. Gusto kong sumulat ng iba't ibang kwento. Gusto kong araw-araw kausapin si Mama tungkol sa kung anong gusto niya. Gusto kong kausapin si Mama sa kung saan sya masaya para isulat sa isang buong kwento.

Magiging masaya ko kapag araw-araw akong nagsulat ng buhay namin ni Mama. Isusulat ko lahat ng napagdaanan namin, kung papano namin nilampasan lahat ng magkasama.

Isusulat ko lahat kung papano kami yayaman para mabasa ng iba para maging mayaman din sila. Para wala nang malungkot. Mas maikling oras na makuha nila ang pangarap nila, mas madaming oras ang magiging masaya sila.

Kulang kami ng oras kaya kailangan kong bilisang umangat. Iniisip kong doblehin ang pag aaral ko para kung sakali maging highschool ako kaagad? Sabi nila posible daw yun kapag sobrang talino ng mga bata. Makukuha ko naman siguro yun kapag sinipagan ko pa.

O kaya ang pinaka mabilis na pagyaman yung makapulot kami ng isang milyon sa daanan.

Pero imposible naming makuha yun, kasi malamang sasabihin ni Mama na isauli namin yun sa kung sinong may-ari. Kaya wala din, baka bigyan lang nila kami ng award pero sana malaki parin naman. Yun ay kung may mapulot talaga kami ng ganun kalaking pera. Hahahaha.

Kaya ayun, Ito ang pangarap ko. Pangarap ko, ngayong birthday ko na maging masaya si Mama. Na dumating ang araw na hindi na sya magmamagdamag manahi ng mga magagandang damit na hindi naman sya ang nagsusuot.

Pangarap kong magkasya ang oras na meron kami. Sana mahaba ang oras na meron kami. Sana mahaba ang oras na magkasama kami.