Chereads / Sa Isang Tibok / Chapter 7 - Lumipas

Chapter 7 - Lumipas

Nakatitig lang ako kay Mama habang naka upo sya hawak hawak ang cellphone sa sala. Malamang nadismaya sya sa huli kong sinabi na hindi ako makakauwi ng maaga dahil kailangan kong mag OT. Nandito na nga ako sa bahay pero tulad ng inaasahan, hindi din sya gising katulad ko.

Nakaupo lang sya sa harap ng sewing machine habang may tinatahi. Nagtatahi pala sya pag-alis ko ng bahay pagtapos tulungan akong mag asikaso pagpasok. Dati syang mananahi sa pabrika pero simula ng lumipat na kami ng bahay, nahirapan na din syang mag apply sa mga patahian dito, kaya bumili na lang ako ng makina para kung sakaling gusto niyang manahi at malibang sya habang wala ako.

Magaling sya manahi, karamihan ng mga polo ko, sya ang may gawa. Kapag naman sawa na ko sa polo na yun, o kaya sya naman ang sawa na kakapaulit-ulit ko ng mga polo, ginagawa niya namang punda ng unan. Minsan inaasar niya kong wag akong masyadong magpataba dahil baka hindi na niya alam kung panong pagkakaiba ng tahi ng isusuot kong polo sa isusuot na punda ng unan.

Mahilig syang magpatawa ng ganun. Masayang masaya sya kapag magkasama kami. Simula nang umalis kami ng baryo dahil sa mga chismisan ng kapitbahay, hindi na niya gustong masyadong makipag kaibigan sa mga kapitbahay sa bago naming nilipatan. Ako na lang ang gusto niya na lagi niyang kasama.

Sa tagal ko syang tinititigan, napansin kong natanda na pala si Mama. Sa dami ba namang pinagdaan sa pagpapalaki sakin ng mag-isa, sino ba namang hindi tatanda. Sa dami ng sinakripisyo niya para sakin, para lang magkaroon ako ng magandang buhay, mapag tapos sa degree na pinili ko.

Napudpod na din ang daliri nito ni Mama kakatahi ng mga damitan sa isang patahian malapit samin dati. Ayaw niya na din namang tumigil sa pagtatahi ngayon kahit nung nagkaron na ko ng trabaho dahil mas maganda nga naman daw kung magtutulungan kami.

Kaya na namin na kami lang dalawa. Kung tutuusin, hindi ko na kailangan ng tatay. Sya ang naging nanay at tatay ko ng sabay. Hindi ko kailangan ng bwiset sa buhay ko. Hindi ko kailangan ng taong magda drag samin sa kahihiyan hanggang sa kailanganin naming lumipat ng bahay para magsimula ulit.

'Yun nga lang ang pinaka reklamo ko dito kay Mama. Hanggang ngayon naasa pa siya sa lalaking nang-iwan sa kanya. Dinamay niya pa ko sa paniniwalang mabuting tao yung tatay ko.

Edi sana, hindi ko na din hinalungkat kung sino ang tatay ko - hindi ko na din naman nagustuhan kung sino man sya.

Hindi sya yung superhero na naiisip ko na tulad ng tatay na meron yung mga kaklase ko nun. Hindi din sya yung tipo na nagsakripisyo sa pamilya kaya hindi namin sya kasama. Isa syang pamilyadong tao bago niya nakilala si Mama.

Surprise, pangalawang pamilya kami. Happy Birthday sakin.

Bilang regalo ng tadhana, patitigilin natin ang oras para maalala ko lahat kung bakit bwiset ako sa walang kwenta kong buhay.

Mahirap samin pareho yun. Tingin ko mas mahirap sakin, dahil kailangan kong lunukin na 'yung ibang pinang tuition ko sa college eh galing sa tatay ko ng hindi ko alam. Isipin ko pa lang na kinuha ko yung dapat para sa mga anak niya sa tunay niyang pamilya, nangingilabot na ko - pero dahil kailangan ko ng mga oras na yun at hindi ko alam, wala akong magagawa.

Nakita ko ang pamilya ni Papa nun. Mga maayos na tao sila. Mga may kaya na din ang mga anak. Wala silang ka idi-ideya na nagi exist kami ni Mama.

Gusto kong mag sorry sa harapan ni Mama.

Pero kasalanan niya rin naman 'to sa sarili niya. Kasalanan niya to sa'kin. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit may guilt akong nararamdaman.

"Sasabihin ko kung bakit"

Boses ng lalaki ang halos magpatalon sakin sa gulat nang makarinig ako ng boses sa likuran ko. Agad akong lumingon para makita kung totoong tao yung narinig ko.

May ibang gising na tao bukod sakin? Bakit hindi ko kilala 'yung boses kung taga dito sya samin?

Sya ba 'yung halimaw sa office na nagtumba ng ref?

"Madami kang dapat maintindihan, Sept." pagpapatuloy niya.

Kumunot ang noo ko, nagtataka sa mga sinabi niya habang dahan-dahang nalingon.Lalaki na nakadamit pang formal ng damit, parang magsisimba. Mukang speaker sa simbahan. Naka light blue na long-sleeves na tinupi lang at naka necktie na royal blue ang kulay. Naka black pants at black shoes. Pastor ata 'to si Kuya.

"Sino ka? Bakit ka pumasok dito sa loob ng bahay namin?" tanong ko kaagad na may pang aakusa ng tresspassing - kunyari hindi ako nagnakaw ng mga pagkain sa 7eleven habang pauwi.

"Mahabang usapan kapag sinabi ko kung sino ako. Mag focus tayo sa kung sino ka, pwede?" pabalik na sagot niya.

Takang taka na ko kung bakit ganun sya magsalita. Ang dami kong tanong sa kanya.

"Bakit gising ka rin? San ka galing? May alam ka ba sa mga nangyayari?" sunod sunod kong tanong. Baka masagot niya, dahil saming dalawa, mukang ako lang ang litong lito. Lumingon lingon ako sa paligid. Nakahinto parin ang oras. Nakatulala parin si Mama sa malayo. May mga tao parin sa labas na tanaw ko mula sa bintana ang nakahinto.

Nakahinto parin ang oras - bukod saming dalawa. Estranghero sa bahay namin na biglang lilitaw na naka formal dress na mukang aattend sa final interview o kaya naman yung itsura ng mga nagshi share ng religious belief nila sa mga bahay-bahay.

"H, H na lang itawag mo sakin. Kung hindi ka mapakali at kailangan mo ng pangalang itatawag sakin"

H? As in letter H?

"Eych?" sinabi ko ng dahan-dahan at yung itsurang parang inispel ko sa isip ko yung tunog ng letter H. Nagmukang stupid yung muka ko sa pag banggit ng lahat ng letter kahit na iisa lang naman yun talaga - napangiti naman sya.

"Kung gusto mong banggitin ng ganyan itsura mo, ikaw bahala. Haha. Kung san ka masaya" sabi niya habang lumalapit papunta kay Mama.

"Alam mo kung bakit ka nagi-guilty? Kasi isisend niya palang sayo yung magpapa guilty sa'yo. 'Yung mali mong ginawa sa kanya." tinuro niya yung cellphone ni Mama. Na curious ako kaagad kaya kinuha ko para basahin.

Naka type na yung text. Yung pang reply niya sa sinabi kong mali-late ako ng uwi at ibang araw na lang kami mag celebrate ng birthday ko.

Sorry anak na kailangan mong magtrabaho para sating dalawa. Dapat tinutulungan tayo ng Papa mo.

Uminit ang pakiramdam ko sa tenga sa galit. Hanggang ngayon gusto niya paring humingi dun sa lalaki na yun. Hanggang ngayon gusto niya paring magkaron ng koneksyon dun. Hanggang ngayon gusto niya paring maging kabit.

Naramdaman ko nanaman ang naramdaman ko bago kami umalis dun sa dati naming baryo. Naaalala ko nanaman ang dahilan ng pag alis namin. Pinilit ko syang umalis. Pinilit kong lumayo sa lugar kung saan matutunton kami ng taong yun.

Ito ang malaki naming pinag awayan ni Mama. Nung malaman ko kaagad ang totoo na pangalawang pamilya kami at tumatanggap sya ng pera dun sa lalaki na yun para sakin, nagalit ako kaya pinilit kong putulin ang koneksyon namin. Ayaw niyang pumayag dahil ang dahilan niya, kailangan ko yung pera. Ginawa niya pa kong dahilan.

Syempre, sa baryo, madali lang kumalat ang balita na pangalawang pamilya kami - at syempre, bilang mga may degree sa pagiging chismosa, mas mabilis pa nilang nadagdagan ang mga kwento.

Sa kauna-unahang pagkakataon, naging malala ang pagtatalo namin ni Mama. Hindi ko man gustong mangyari pero nasigawan ko sya ng mga masasakit na salita.

Kaya gamit ang kakaunti naming naipon, pinilit kong lumayo kami sa baryo, hindi lang dahil sa usap usapan ng iba, kundi para hindi na malaman ng lalaking 'yun kung nasaan man kami. Pinilit ko din si Mama na i delete lahat ng contact dun sa lalaking 'yun.

"Ang sabihin mo, Ma. Gusto mo pa rin yung lalaki na yun! Gusto mo paring maging kabit!"

Tandang tanda ko yung mga sinabi ko noon kay Mama. Tahimik niya lang na tinanggap ang mga sinabi ko. Na nararamdaman ko ulit ngayong nabasa ko ang sasabihin niya dapat sakin bago huminto ang oras.

Bakit parang uhaw na uhaw syang makausap yung taong nanakit sa kanya ng sobra? Wala manlang siyang tapang sabihin sakin ang totoo at kailangan ko pang malaman ng patago kung sino ba sya talaga.

Binasag ko sa makina ang cellphone niya sa galit at pagtapos binato ko sa bintana.

"Dude, chill out!" boses ni H ang narinig ko.

"Bakit ganun agad ang naisip mo kay Emy!" Narinig kong sigaw niya. Weird na tawagin niya sa first name si Mama.

"Alam mo, totoong marupok to si Emy." naglalakad na si H papunta kay Mama habang nagsasalita.

"Bata pa 'to, sabik na 'to sa idea ng true love. Kakabasa ng mga kwento na puro love story. Sabik yan magkaron sya ng sarili niyang love story. Sabik magkaron ng prince charming. Kaya nung dumating si Tommy, na medyo rebellious at may disregard for the rules na sobrang 'cool', atleast nung time na yun, akala nito ni Emy, sya na talaga yung true love na inaantay niya." paliwanag niya. Nakatulala lang ako, nagtataka kung san nanggagaling lahat ng mga ganitong impormasyon sa taong kahit kailan hindi ko nakilala.

"Niyayang magtanan, 'di nag-atubili na sumama. Hawak ang pangarap at pangako sa isa't isa." Ngumiti sya habang nakaharap sakin. Alam ko na inaantay niya lang akong mag react sa Gloc9 reference.

Nagpatuloy sya nung pinilit kong hindi pansinin:

"Nagkamali si Emy, Sept. Nagkamali sya nang sumama sya sa isang lalaki na hindi niya alam ang nakaraan. Huli na ng malaman niyang may inalisang pamilya si Tommy. Huli na dahil buntis na sya sa'yo. Nakonsensya sya na may pamilyang nasira dahil sa kanya kaya pinilit niyang bumalik si Tommy sa una nitong pamilya. Ayaw ni Tommy kasi hindi niya naman daw talaga mahal yung asawa niya pero sa dulo, bumalik din sya. Hanggang sa ipinanganak ka at kailangan niya ng pera, kaya niya kino contact parin si Tommy. Hindi man gusto ni Tommy, pero ginagamit nang pang banta ni Emy na sasabihin ang totoo sa pamilya nya. Dahil ayaw na ng gulo nitong isa, nag suntento na lang sya sa'yo. At dahil ayaw ni Emy na lumaki kang galit, pinilit niyang pagandahin ang imahe ng tatay mo sa'yo. Sinabi niya rin na tatay mo ang nagpangalan sayo ng 'September' pero ang totoo sya ang nagbigay sa'yo nun. Isang araw nga lang bigla kang nagtanong kung bakit yan ang pangalan mo kasi hindi mo gusto ang tunog kaya niya ibinintang sa tatay mo. Ang totoo, 'September' ang pinangalan niya dahil gusto niyang maalala kung kelan dumating ang totoong lalaking magpapabago ng buhay niya. Yung lalaking mamahalin niya ng lubos. Totoo, hindi 'yun tunog creative sa'yo pero kung ako ang tatanungin, maganda 'yun. Kitang kita ko ang puso sa pangalan na 'yun. May kwento, may alaala."

Napatulala ako sa lahat ng sinabi niya. Bakit niya alam lahat ng 'yun. Pwedeng nag iimbento lang sya, pero papano sya tumama sa pangalan ng mga magulang ko.

"Sino ka ba talaga?" pagpupumilit na tanong ko. May kakaiba akong nararamdaman kay H. Hindi sya normal na 'gising na tao'. May mali sa mga nangyayari.

"Mamaya na natin pag usapan kung sino ako. Pag usapan natin kung bakit ka galit kay Emy." naging seryoso ang muka niya habang nakatitig ng diretso sakin. Parang galit na sya sakin dahil galit ako kay Mama.

"Kung totoong ako ang pinaka mahalaga sa kanya, bakit hindi niya ko hayaan na magtrabaho para makalayo kami sa lalaking sumira ng buhay niya? Bakit kailangan niya paring humingi ng tulong dun? Bakit pakiramdam ko na kaya niya lang ako inalagaan dahil naasa syang magkakabalikan sila?" sunod sunod na tanong ko gawa ng gulong gulo na ang utak ko sa mga kinikilos ni Mama. Kung anu-ano na kasi ang naiisip ko sa mga posibleng dahilan kung bakit hindi niya mabitawan ang isang taong nanakit sa kanya.

"Dapat kang mag chill sa mga narinig mo sa mga chismosa mong kapitbahay at sa sarili mong anxiety." sagot niya habang napalitan ang expression ng muka niya mula sa galit hanggang sa maging awa.

"Dahil mahal ka niya. Ganun lang 'yun. Mali mali ang pinag gagawa niya kasi kailangan nga niya ng gabay. Mali niya yun. Kailangan niya sana ng katuwang, hindi ng naninigaw sa kanya sa mga mali niya. Hinahayaan niyang lunukin ang pride niya, mapagsabihan ng masama ng ibang tao, para makatulong sa'yo - para magka-oras ka na makausap siya. Kung galit ka kay Tommy, maniwala ka sakin, mas higit ang galit niya dun." huminga sya ng malalim pagtapos ng mga sinabi niya.

"Bakit naging ganyan ka makasarili?" Punong puno ng lungkot ang mukha niya habang sinasabi niya 'to. Nakaramdam ako ng matinding hiya sa sinabi niya. Bakit ako naging makasarili? Napatingin ako kay Mama. Pinapalungkot ko ba sya ng sobra?

"Anyway," biglang sabi ni H habang nag iisip ako ng malalim.

"Nakahinto ang oras, madami kang pwedeng gawin. Totoong ikaw lang ang taong 'gising' sa ngayon. Bukas ang mga Perya, Mall, Department Store, sinehan at mga fast food chain. Madami kang dapat subukan. Imbes na nagda drama ka sa mga bagay bagay, pwede mong subukan lahat, kalimutan mo lahat - tutal tingin mo naman deserve mo 'to." Pinaalala niya lahat ng magagandang bagay na pwede kong isipin sa pag hinto ng oras.

Tama sya, ngayong alam ko na na akin na ang mundo habang nakahinto, wala akong dapat palampasin. Mag-uusap na lang kami ni Mama pag balik ng oras. Sa ngayon, hindi masamang tanggapin kong makasarili ako, dahil literal na sakin ang mundo - at kay H, hati kami sa mundo ngayon, kung ganun nga ang papel niya sa mundong 'to.

"Buti pa, unahin nating pumunta sa perya, sumakay tayong roller coaster para gumaan yang ulo mo. Mag icecream na din tayo, masarap mga icecream sa mga theme park, diba?" pag aaya niya na para kaming mag tropa na magka cutting classes.

Takang taka ko sa mga nangyayari. Litong lito ako kung sino 'tong hindi ko kilala - ni hindi ko kamag-anak o kapit-bahay, pero may malalim na involvement sa buhay ng pamilya ko. Hindi ko sya kilala pero may pakiramdam akong kilalang kilala niya ko. Sa tono ng pananalita niya na parang kasama na sya sa buhay ni Mama.

"Seryoso, sino ka ba talaga?" huling tanong ko habang hinahabol si H sa paglalakad palabas ng bahay.

"Ako? Ako lang naman ang nagpasok sa'yo dito." salita niya habang nalingon sakin. Ngumiti sya sakin na nagparamdam sakin na hindi sya talaga normal.

May kakaibang pwersa akong naramdaman nang iunat niya ang dalawa niyang kamay na parang hinahawakan ang buong mundong nakahinto. Wala mang hangin na napasok, nakikita ko kung papanong parang papel na umaalon ang mga bagay sa palibot ng mga daliri niya. Na parang itsura na may heatwave sa paligid nito. Lumakas ang kabog ng dibdib ko dahil sa kabila ng mga nangyayari sa mga palad niya, hindi parin nawawala ang tingin at pag ngiti niya sakin na parang iniyayabang ang kaya niyang gawin. Xmen ba 'to si H?

Sinara niya ang dalawa niyang palad na nagpahinto sa mga parang heatwave sa paligid ng mga kamay niya. Sabay sinabing:

"Ako ang nagdala sa'yo dito, dito sa loob ng oras. Dito sa loob ng isang tibok"