Chereads / Sa Isang Tibok / Chapter 10 - H

Chapter 10 - H

"Masamang tao ba si Sept?" masakit saking marinig ang tanong na yun. Hindi masamang tao si Sept. Nalilito lang sya. Tulad ni Emy, ni Tommy at ng iba pang mga taong may mga hindi maintindihan.

Mabuting tao si Sept. Bata palang sya, may mga pangarap na syang makatulong sa iba. Tinanim ko sa puso niya ang maging matulungin. Ang magbigay ng piraso ng kwento niya sa kapwa. Binigay ko ang kakayanan na makita niya ang ganda ng mundong gingalawan niya. May kakayanan syang makita ang potensyal ng isang tao para mas madaling makagawa ng mabuti. Binigyan ko sya ng pusong matiisin sa lahat ng problema.

Binigyan ko sya ng matang nakikita ang kabutihang ginagawa ko sa paligid ng mundo niya kahit hindi niya ko nakikita. Galak kong magtago sa bawat bagay hanggang sa makita niya dito ang kabutihan. At ang ngiti niya tuwing nakikita niya ko - ang kabutihan - sa mga bagay na hindi madaling makitang mabuti.

Kilala ko si Sept tulad ng pagkakakilala ko sa'yo. Tulad ng pagkakakilala ko sa mga taong inaakala niyong masasama o mabubuti.

"Anong nangyari? Bakit naging ganyan sya. Bakit sa haba ng panahon, sarili na lang niya ang nakikita niya?"

Yan ang magandang tanong. Bakit sa kabila ng natural na kabutihan meron ang mga tao mula sa pagsilang nila. Mula sa pagliwanag ng buhay sa mga inosente nilang mukha, naliligaw pa rin sila ng landas? Bakit nila nalilimutan na mahal na mahal ko sila? Bakit sila nagiging makasarili?

Nadikit sa tao ang masama. Hindi kayo natural na masama. Hindi kayo ginawang masama. May pagkakamali ang tao kung bakit simula pagkabata, nakadikit sa kanya ang kasamaan - kahit na hindi yun ang tunay na sya.

Hanggang sa matulak sila ng mga naunang pagkakamali ng iba sa sarili nilang pagkakamali. Natutulak sila ng mabilis na agos ng buhay. Mabilis ang agos ng buhay lalo na sa mga katulad ni Sept. Inagos sya ng malayong malayo para mawala ang paningin niya ng tama at mali.

Umabot sya sa pagkakataong kailangan niya na lang lumaban sa ngalan ng paglaban. Pagpili ng alin ang mas makakabuti para sa sarili para mabuhay.

Lumakas ang agos sa buhay niya. Ang mga matang tinitingnan ko sa bawat dasal na binabanggit niya, biglang dumilim, pumikit at tumalikod sakin. Hindi ko sya pinabayaan sa buhay. Nagparamdam ako ng pagmamahal sa mga taong nasa paligid. Nagpatuloy ako ng pagpaparamdam ng pagmamahal sa kanya.

Hindi na niya ko mapansin sa sakit. Naiintindihan ko. Naiintindihan ko kung bakit sya nakalimot. Naiintindihan ko kung bakit kayo nakakalimot. Nararamdaman ko ang sakit na nararamdaman niyo. Masakit din 'to para sakin.

Binabago ang tao ng sakit. Sa dami ng kwento ng mga tao sa lupa, lahat sila, binago ng mga napagdaanan nila. Hinubog sila ng mga pagsubok. Nahubog para maging mabuti - o naging masama. Lahat ng mga nangyari sa buhay nila ang naging dahilan para malagay sya sa punto sa kung nasaan sya ngayon.

At tuloy tuloy ang agos ng buhay. Hihinto lang to sa katapusan. Hihinto lang to sa pagkakataong matapos ang daloy. At sa dulo, makikita nila 'ko, malalaman nilang hindi ako bumitaw. Malalaman nilang hindi ako tumigil kakahanap, kakahikayat na lumapit at humingi ng tulong sakin.

Nalaman ni Sept na hindi perpekto ang pamilya nakagisnan niya. Nasaktan sya ng kaisa-isang babaeng minahal niya at nagta trabaho sya sa lugar na hindi niya gusto, kung saan araw araw pinaparamdam sa kanya na wala syang kwenta.

Hindi nakakagulat na lumiit ang pangarap niya para sa sarili. Hindi nakakagulat na gustuhin niya na lang umuwi sa bahay at manuod sa Netflix. Hindi nakakagulat na bitawan niya ang pagmamalasakit sa iba para gumaan ang buhay niya.

Hindi nakakagulat na malimutan niyang ang pagbibigay sa kapwa, ang kukumpleto sa kanya - na makakatulong ang kapwa sa mga pinagdadaanan niya.

Sa dami ng mga dismaya sa lahat ng inaasahan niyang pagmamahal, hindi nakakagulat na ma kwestyon niya pati ang pagmamahal ko. Napagod ang puso niya sa pagtalikod niya sakin. Nakakapagod ang mundo. Sa sirang mundo, kahit sinong taong busilak ay kailangan maging makasarili. Nabulag sila na kaya nilang lumaban gamit ang pag gawa ng mabuti. Kaya nilang lumaban gamit ang pagpapakumbaba. Kaya nilang lumaban gamit ang tapang na kaya kong ibigay sa kanila.

Kailangan niyo lang akong makilala para malaman niyo ang bawat kilos ko ng hindi ako nakikita. Kailangan niyong malaman ang ginagawa ko sa bawat nadadaanan niyo sa bawat daloy. Iba't iba man ang kwento ng bawat isa kung papano nila ko nakilala, ang mahalaga, dala dala nila 'ko habambuhay.

May mga taong nakilala ako sa sakit, may mga taong nakilala ako sa saya. May nakakilala sakin dahil sa mga taong mahal nila. Isa lang ang sigurado, darating ako sa pagkakataong makakaramdam sila ng pagmamahal, kahit nasa gitna ng bagyo.

"May pag-asa pa ba si Sept?". Tanong din yan na para sa lahat. May pag asa ba ang isang taong nabulag ng matagal? May pag-asa ba ang isang taong nawalan ng tiwala sa iba na mahanap ang pagmamalasakit sa mga taong may kailangan sa kanya? May pag-asa bang makita ng isang tao ang iba kung sa tagal ng panahon, nakatingin lang sya sa sarili niya?

Isang bagay ang gusto kong maisip niyo. Walang katapusan ang pagmamahal ko. Ibat ibang paraan ang gingawa ko para magkaron kayo ng pag-asa. Lagi akong kikilos sa mga pagkakataong hindi niyo inaasahan. Sa mga oras na hindi niya inaasahan, darating ako sa kahit anong itsura ng superhero na kailangan niyo.

Sa kaso ni Sept. Kailangan niya ng taong kilala sya. Kailangan niyang huminto sa mga pagkakataong nakakapag pagulo ng isip niya. Kailangang mag reset ang isip niya sa mga bagay na hindi mahalaga. Kailangan niyang makita ang tunay na halaga ng mga bagay.

Kailangan niyang matuto sa mga huling sandali ng buhay niya.

Kailangan niya 'ko. Kailangan niya ng Over powered X-men.