Sept's Birthday Essay - September 30, 2009
Happy 16th Birthday to me!
Medyo mahirap man mag college pero kakayanin. Ang dami ko na ring mga kaibigan kahit ilang buwan palang kaming magkakasama.
Tama si Mama, sobrang saya maging college! Bukod sa mga natutunan namin sa lahat ng Professor, mas nakakadagdag ng saya na magkaroon ako ng mga kaibigang kasama ko sa mga gagawin naming mga projects at activities.
Alam ko na laging pinapaalala sakin ni Mama na maging mabuti ako sa mga kasama ko para maging maganda ang kakalabasan ng lahat ng gagawin namin. Kaya lagi kong binibigay ang best ko sa lahat ng trabaho. Pinipilit ko ring intindihin lahat ng mga kaklase kong nahihirapan. Pinipilit ko silang turuan para maging okey kaming lahat. Sabi din nila na walang kompetisyon dito kaya masaya talaga 'ko. Ang mahalaga, matuto at makapasa kaming lahat dahil sayang sa tuition. Hehehe.
Pipilitin kong maging positive sa lahat ng bagay para hindi kami susuko. Hindi ako susuko dahil baka ang maging premyo ko eh maging masaya si Mama.
Pero sa totoo lang, nakakapagod ang mag byahe ng uwian mula University hanggang bahay. Nitong isang araw lang nakatulog ako sa jeep sa sobrang pagod. Mabuti na lang ginising ako ng kuyang katabi sa jeep - pagtapos niyang makuha yung wallet ko. Hahahaha. Ang galing din. Mabuti na lang pang tricycle na lang laman nun. Lakad na lang ako pauwi, ayos nga yun ginising niya ko kasi kung lumampas ako sa jeep, mas malayo ang lalakarin ko.
Medyo nakikilala na 'ko sa eskwelahan namin dahil sa pagiging team player ko. Maganda yun, madami akong magiging kaibigan. Balang araw, kapag magkaka trabaho na kami, kami-kami din naman ang magtutulungan. Magkakaron kami ng iisang company balang araw. 'Yun yung pangarap, hahaha. Sana matupad. Mukang hindi naman imposible kasi madaming magagaling samin. Magiging successful kami balang araw. At sa mga panahon na yun, baka sakali, sakali lang naman. Baka sakaling bumalik samin si Papa.
Lagi saking tinatanong ni Mama kung galit ba ko sa kanila ni Papa. Bakit naman ako magagalit, binigyan nila ko ng buhay. Kung hindi dahil sa kanila, hindi ko mararanasang mangarap kasi hindi ako mabubuhay. Naniniwala ako, na may maayos na rason si Papa kung bakit wala sya samin ngayon. Alam kong kung may pagkakataon syang makasama kami, sasamahan niya kami.
"Wag kang kumilos para sa galit, 'wag kang kumilos para sa paghihiganti at higit sa lahat 'wag kang kumilos dahil sa masamang ginawa ng kapwa mo sa'yo. Kumilos ka sa kung papano magkakaroon ng mabuti sa mundo.". Ito ang laging sinasabi ni Mama. Lagi dapat tayong mag isip ng mabuti para sa kapwa kasi hindi natin alam ang pinagdadaanan nila.
Hindi ko alam ang pinagdadaanan ni Papa ngayon pero sana masaya sya. Alam kong masaya sya sa mga desisyon niya sa buhay dahil alam kong iyon ang makakabuti para sa pamilya namin.
Nahihirapan man si Mama magtrabaho ngayon, balang araw makakatulong ako. Balang araw magiging kumpleto kami. Balang araw magiging masaya kami.
Punong puno ako ng pangarap, alam ko. Pero sa ngayon, ito lang ang kayamanan ko. Mga pangarap, si Mama at ang mga kaibigang nakilala ko at makikilala ko pa sa hinaharap. Sana kung hindi man kami palarin na magkaroon ng sariling kumpanya ng mga kaibigan ko, maging kaibigan ko manlang lahat ng mga magiging katrabaho ko.
Balang araw, magkakaroon ako ng significance sa mundo. Hindi ako magiging isa sa mga madaming taong paulit-ulit lang ang buhay. Magkakaroon ako ng buhay balang araw na maaalala ng lahat. Makikilala ako na hindi sumusuko at magiging inspirasyon sa lahat. Magiging laman ako ng mga pangarap ng mga kabataang susunod na mag-aaral katulad ng sakin.
Balang araw. Susulitin ko bawat segundo ng "Balang araw".