Chereads / Sa Isang Tibok / Chapter 5 - Habambuhay

Chapter 5 - Habambuhay

Ang haba ng oras. Ito lang ang nasa isip ko habang naglalakad simula opisina sa Makati pauwi ng bahay sa Muntinlupa. Reklamo ako ng reklamo sa isip ko wala namang nakakarinig sakin.

Yun na nga, kahit sabihin ko ng sabihin sa bibig ko walang makakarinig sakin. Kaya nagbubunganga ako habang naglalakad.

"Ang sakit sakit na ng paa ko!"

"Makakita lang talaga ko ng department store wala na kong pake kukuha na talaga ko ng pang supply sa lakad"

"Ang sakit sa balat ng consistent na araw"

"Nakakainit ng ulo marinig ang sarili kong reklamo!"

"Wag nga kong mag inarte, si Elya nga naantay ko ng tatlong taon eh, itong mahigit 5 hours na lakad pa kaya"

Natigilan ako ng marinig ko sa sarili kong bibig 'yun. Naalala ko si Elya. Napaka kupal nun sa lahat ng kupal eh.

Hindi ko maiwasang bumalik lahat sa isip ko kung anong meron kami ng babaeng 'yun. Lahat ng sinakripisyo ko sa kanya. Lahat ng pinagsamahan namin. Lahat ng taong inantay ko para sa kanya na nauwi lang lahat sa wala.

Ayoko na sanang balikan pero naaalala ko sya sa mga ganito kalayong lakaran. Mahilig kasi maglakad 'yun dati. Gustong gusto niyang maglakad. Gustong gusto niya rin ako kasama kasi sobrang daldal ko maglakad. Nakayakap sya sa braso ko habang nararamdaman namin ang malamig na hangin. Tapos kakain kami ng kwek-kwek kasi paborito namin 'yun. Lahat 'yun ina appreciate niya.

Kasi hindi sya makakita. Bulag si Elya. Kaya gusto niyang maramdamang maglakad. Gusto niyang maramdaman ang mundong hindi niya nakikita. At kahit ganun, masaya kami sa isa't isa.

"Nagustuhan ka lang ata ni Elya, anak, kasi hindi nakikita 'yang pagmumuka mo." biro ni Mama. Nakakatawa 'yun Ma?

Pero ang totoo nun, hindi yun ang dahilan. Madami din kayang nanliligaw kay Elya nun pero ako lang ang sinagot niya. Madaming panget sa lugar namin, Hahahaha. Tsamba lang niya na nga lang na gwapo yung pinili niya.

Matagal na kaming magkababata sa baryo namin. Bata pa lang eh wala na syang paningin. Ako lang ang lagi niyang kasama sa bahay kasi nga madaldal akong bata, gusto ng tatay niyang andun lang ako sa bahay nila habang maraming laruan tapos nagku kwento ako ng kung ano ano sa kanya.

"Minsan ba, naaamoy mo yung mabahong hininga ni Aling Mika kapag nadadaan sya dito?" mga ganito agad ang kwento ko sa kanya habang naglalaro ng mga laruan niya. Sasagot sya ng hindi niya naman naamoy. Bobo ko kasi nung bata ako, kakanuod ko ng cartoons naiisip ko na kapag bulag, lumalakas ang pang amoy at pang dinig. Lagi ko syang kinukwentuhan ng mga walang kwentang bagay na gustong gusto niya naman.

"Kahapon, si Aling Beybi, nagsusumigaw nanaman dahil sa mga batang naglalaro ng tumbang preso sa tapat nila. Tapos nagalit si Milo. Kilala mo si Milo diba? Yung pumunta din dito para maglaro kaso nasira yung magic paper mo kaya hindi na nagpakabalik-balik? Ayun, binato niya ng lata si Aling Beybi. Hahaha. Salbaheng bata talaga yun si Milo e." tawa lang ng tawa si Elya nun.

Hindi ko malilimutan kung pano tumawa nun si Elya. Sobrang invested sya sa kwento ng barangay. Chismosa din.

"Nakakalaro mo rin sila Milo?" tanong niya sakin minsan. Syempre sasagot ako na hindi. Bully yun si Milo. Tinatawag ako nung walang tatay. Wala naman ako talagang tatay pero alam na ng buong baryo yun, hindi niya na naman kailangang isigaw.

"Ayoko kalaro si Milo. Mukang tanga kalaro yun." sasabihin ko sa kanya. "Pero, madaming mababait na bata sa labas. Magugustuhan mong makipaglaro sa kanila". Gusto ko ring makilala sya ng iba kong kalaro kaya minsan tinatakas ko syang ilabas kahit bawal kasi nga delikado sya lumabas.

Hawak hawak ko ang kamay niya para hindi sya mawala. Ako ang mata niya sa mundong hindi niya alam. Sasabihin ko lahat kung ano yung mga bagay na nararamdaman at naamoy niya.

"Yung naamoy mo, isawan nila Mang Tomeng."

"Lubak yung daan natin dito sa labas kasi hindi pa eleksyon."

"Yung mga maiingay mga kaibigan ko rin sila Nena, naglalaro sila ng blak wan tu tri."

"Nasa kabilang kalsada sila Patty naglalaro ng bahay bahay."

Tuwang tuwa syang makalabas. Sobrang ganda ng maghapon na 'yun. Dun ko naisip na habambuhay ko 'yun gustong gawin sa kanya. Na malawak ang mundong gusto kong ipakita sa kanya. Sa taas ng mga pangarap ko. Ipapakita ko sa kanya lahat yun. Sasabihin ko lahat.

Syempre napagalitan kami pareho sa ginawa namin.

At syempre inulit ulit parin namin. Hahahaha.

Umabot ang pagkakaibigan namin hanggang sa pareho na kaming 3rd year highschool. Madaming naaligid kay Elya pero ako ang nagsasabi ng kung anu-ano sa kanya.

"Bingot yun, 'di mo lang naririnig kasi pinipilit niya mag salita ng maayos"

"Masama ugali nun"

"Sampu syota nun"

Umabot din kami sa puntong alam na namin na gusto namin ang isa't isa pero walang naamin samin. Naging unspoken rule na magiging habambuhay na kami ang magkasama.

Atleast sakin. Akala ko nga na ganun ang pakiramdam namin sa isa't isa.

Isang gabi dinala ko sya sa rooftop ng bahay nila. Naisipan kong umamin sa nararamdaman ko. Gusto kong gawing official na para maging malinaw saming dalawa pati na rin sa mga nakapaligid samin.

"Sept?" nagulat ako na sya ang unang nagsalita nung gabing yun. Natatakot pa rin ako sa sasabihin ko. Kahit na alam ko namang gusto niya ko kasama, mahirap pa rin maisip kung hanggang saan ang nararamdaman niya sakin - kaibigan ba 'ko o higit pa?

"Bakit?" tandang tanda ko kung pano ko sya sinagot sa pagkakatawag niya sa pangalan ko.

"Maganda ba 'ko" tanong niya. Syempre, mambobola ako, sinabi ko na "Oo naman". Sinabi ko pa nga na masaya akong makita sya lagi. Nagtawanan lang kami. Biruan din kasi namin minsan ang magbolahan. Minsan nga kapag ginagawa niya sakin hindi ako natutuwa eh. May mga bati sya sakin minsan na "Ang gwapo mo ngayon ah". Kakagatin ko yun minsan kaya medyo matutuwa ako hanggang sa maalala ko kung bakit nakakatawang sinabi niya sakin yun.

"Gusto mo ba ko?"

Lumakas ang kabog ng dibdib ko. Hindi ako agad nakapagsalita nun. Pagkakataon ko na pero parang nalunok ko ang dila ko.

"Oo naman, magkaibigan tayo eh, gusto kitang kasama syempre". BOBO ng sagot ko nun, alam ko.

Natawa lang sya. Gusto ko nang tanggapin na napalampas ko ang pagkakataon ko nun, pero naisip kong sabihin parin.

"Gusto kitang makasama habambuhay." sabi ko. Hinawakan ko ang mga kamay niya. Nakita ko sa ilalim ng maliwanag na buwan ang ngiti niya. Hinding hindi ko malilimutan ang sinagot niya nung gabing yun.

"Ako din. Habambuhay..."

Habambuhay mo mukha mo. Utot ng kabayo.

Kung gusto ko lang sana kiligin, ititigil ko na ang kwento ng ganung estado sa isip ko. Tama na yun. Palakpakan na sa palabas. Nakakakilig na teenage love story. At nabuhay talaga sila habambuhay - silang malalanding mga kabataan sila.

Dapat kung magiging kwento pa yan dapat may lumitaw na fairy-godmother tapos binigyan ng paningin si Elya tapos limpak limpak na salapi naman ang binigay sakin para masaya silang lahat sa baryo. Ikakasal kami sa simbahan ng sobrang engrande tapos maiinggit ang buong bayan.

Kaso hindi ganun. Sana ganun kaso ang totoo, dog crap yung totoong ending ng love story namin.

Totoo, naging masaya kami ng ilang taon. Masayang masaya. Dahil sa kanya, mas nagpursigi ako mag-aral kasi ang taas taas ng pangarap ko.

Hanggang isang araw, may binalita sya sakin. Tuwang tuwa syang nagsabi sakin na nagsulat ang Tito niya sa Canada at plano syang kunin para dun pag aralin. At higit sa lahat, sasagutin ang operasyon niya para makakita na sya sa wakas.

Makakakita si Elya. Syempre masaya 'ko para sa kanya. Pero nalungkot ako para saming dalawa. Kaya niya na ba ng wala ako? Kaya ko na ba ng wala sya?

"Lagi naman akong tatawag" pangako pa niya. Ang hirap hirap mag communicate kapag nasa ibang bansa. Pero syempre, mahal namin ang isa't isa. Mahahanapan namin ng paraan.

Nangako pa 'ko sa kanya.

"Aantayin kita kahit gaano katagal. Andito lang ako."

Isang taon din kaming magkatawagan lang. Medyo nakakayaan nuong una-una. Hanggang sa umabot na naging busy kami pareho dahil nasa college na rin naman ako. Hindi ko na din naman nabalitaan kung naging successful yung operasyon niya. Nabanggit niya lang isang beses na nagsisimula nang tignan tignan ng mga doktor ang mga mata niya.

Umabot ang isang taon at unti-unting naging madalang ang mga reply niya sakin, hanggang yung madalang umabot sa hindi na kami nagkakausap. Biglang nawala na yung dating usapan namin. Dati kahit ang Tito niya lang ang nagbabasa ng lahat ng e-mail ko, sobrang tyaga niya mag reply. Iniisip ko lang na baka tinamad na din ang Tito niya kakabasa ng mga palitan ng usapan namin at wala na syang oras tumawag.

Pinilit ko ang sarili ko na mag-isip ng dahilan kahit na nagkakaroon na ko ng mga personal na pagdududa.

Isa lang ang sigurado, hindi ko sya kinalimutan. Pinilit kong intindihin na baka busy lang sya sa ibang bansa kaya nag set parin ako sa isip ko na ok pa kami, na kaya ko parin magpadala ng mga e-mail. Pinilit ko paring mag send ng mga messages kahit wala nang nagrereply.

Pinilit kong mag work yun. Kahit inaasar na 'ko ng buong sambayanan na wala na siya, tuloy tuloy parin ako. Kinukwento ko parin lahat. Kahit na malamang halos bumaha na yung email niya kaka send ko ng kwento ko. Naka graduate na ko't lahat lahat. Wala parin.

Pero hinihintay ko pa rin sya. Meron sa puso ko nun na tanggap ko nang wala sya, pero dahil walang closure, may parte sakin na magkikita kami balang araw.

Dumating naman yung araw na yun.

Nakita ko sya. Nakapila sa isang coffee shop. Nag mature sya ng konti kumpara sa huli kong kita sa kanya pero sigurado ako na sya yun. Lalo ko pang na kumpirma nung sinabi niya ang pangalan niya sa counter para sa order niya.

Tuwang tuwa ako. Nagmamadali ako para isusurprise ko sya. Pakiramdam ko, yun na yung pagkakataong hinihintay ko ng sobrang tagal. Ang pagkikita namin muli. Parang teleserye ni Mama sa TV na sobrang corny kapag walang kwentang artista ang naganap pero kapag ako na yung nasa ganung sitwasyon, gwapong gwapo na ko sa sarili ko.

Pinagtagpo na kami ulit ng tadhana, at mukang may paningin na siya. Makikita niya na rin ako sa wakas.

Kaso ako yung na surprise nung may umakbay sa kanyang matangkad na lalaki tapos sinabing "Naka order ka na, babe?"

Napahinto ako habang nakatitig sa kanilang dalawa. "Babe?" sobrang corny nun, kadiri silang dalawa. Napansin nilang naka titig ako kasi halos nasa tabi na nila ko.

"Anong problema, brad?" tanong ng syota niya. Gusto ko syang sapakin sa muka kung hindi lang ako mapupuruhan kapag gumanti si kupal. Ang nakakainis pa, may nanligaw na sa kanya dati na gantong itsura pero mabilis niya lang na binasted.

"Ah, wala, akala ko lang si miss yung kakilala ko." pinilit ko pang ibahin yung boses ko para wag akong makilala ni Elya.

Tumalikod ako para lumayo sa kanila. Ang sakit nun bwiset. Ang sakit sakit na antayin mo ng sobrang tagal tapos andito na pala sa bansa pero may kasama nang iba. Parang nabaliktad yung sikmura ko dahil sa galit sa sarili na nagpaka tanga ko kakaantay. Pinaniwala ko pa ang sarili ko na pinagtagpo kami ulit para magsama na sa wakas.

Narinig ko pang tumawag si Elya nun. "Sept!" napatigil ako. Hindi ako lumingon. Humakbang ako para mas lumayo pa.

"Sorry!" nung sinabi niya yun tumakbo na ko palayo. Kailangan kong lumayo dahil naririnig ko nang nagtatanong yung boyfriend niya sa kanya ng kung anu-ano.

Pinilit niya pa kong hanapin nun. Nagpi PM sya sa account ko online. Nagpapaliwanag na ang daming nangyari. Malamang yung paasahin ako ng matagal isa sa mga nangyari pero syempre trivial sa kanya yun. Akala niya ba sa kanya lang madaming nangyari. Ang dami dami ding nangyari sakin. Ang pinagkaiba lang, sinunod ko kung ano yung sinabi ko.

Hindi ko na nireply an yung mga message niya hanggang sa mapagod na lang sya kaka message.

Ayun, ganun ang love story ko. Iisa lang sa kwentong kabobohan ko.

Nakakapagod sya isipin din lalo na habang naglalakad ako. Nakakapagod habang hindi ko alam kung ilang oras na kong naglalakad sa kahabaan ng EDSA habang inaalala ang mga nangyari sa buhay ko.

Nakapagnakaw na ko ng mga pagkain sa tatlong 7eleven na nadaanan ko. Hindi ko kayang magbitbit ng maraming pagkain dahil mabigat sa paglalakad. Kung may bunganga lang tong mga paa kanina pa nila ko pinagmumura.

Ang hirap maglakad na puro music lang naririnig ko. Rinding rindi man ako sa playlist ko pero kelangan kong makinig sa 'Kaytagal kitang hinintay' ng spongecola para mas dama ko yung kwento ng pagibig ko sa isip ko.

Nakakagalit yung ginawa sakin ni Elya pero mas nakakapang hinayang. Naisip ko rin na siguro nung nagkaron sya ng mata, hindi niya na ko kailangan. Hindi ko rin matanggap yung iba niyang dahilan na nahirapan syang sabihin sakin dahil naawa sya sakin. Kung naaawa sya, simula palang sana sinabi niya na sakin na "ay di na pala kita gusto, pwede ka nang mawala sa buhay ko"

Mas gusto ko pa sanang ganun kesa malalaman ko na nga lang, hindi pa sinasadya.

Naalala ko nanaman yung galit kaya sinipa ko ang isang bato sa gitna ng daan. Naalala ko tuloy na medyo malapit na ko sa bahay namin. Isang kilometro na lang pala ko halos.

Isang kilometro na lang. Hindi isang kilometro pa. Nakapag lakad na ko ng kilokilometro kaya walang wala na ung natitirang isa.

Ang layo layo na ng nalakad ko pero ganun parin ang sitwasyon mula Makati hanggang dito sa bayan namin. Nakahinto parin ang lahat.

Mukang ako na nga lang talaga ang gising sa buong bansa o pwedeng sa buong mundo. Dahil nakikita ko sa online na halos walang ingay na nangyayari. Mag isa ako sa nakahintong mundo ngayon. Tutal naisip ko na talaga yun. Magiging mag-isa na lang ako talaga. Kami na lang ni Mama ang magkakasama sa pagtanda namin.

Sa ganitong itsura, 'di ko alam kung natanda ako. Natibok ang puso ko kaya gumagana ang mga internal organs ko. Nagugutom din ako at nauuhaw kaya nagana ng normal ang katawan ko.

Saka ko na iisipin kung anong phenomena 'to. Saka ko na pag aaralan kung anong nangyayari. Ang mahalaga, makarating ako kay Mama. Kailangan kong malaman kung ayos lang ba sya. Sana gising siya para mabubuhay kami sa ganitong mundo. Makukuha na namin lahat ng gusto namin.

Well, lahat ng materyal na gusto namin. Pareho naming hindi makukuha yung mga gusto naming tao.

Kung nasaan man si Elya ngayon. Sana masaya sya. Malamang masaya syang kasama yung bago niyang boyfriend. O baka nga may anak na sila ngayon. Nakahinto ang oras sa bahay niya kung saan sya masaya.

Naisip ko din na nag aksaya na ko ng madaming taon sa kanya, ngayong huminto ang oras at mukang meron akong habambuhay para isipin ang sarili ko, wala na kong balak aksayahin ang magandang nangyayari na 'to sakin kakaisip sa kanya. Kung may masaya man syang pamilya ngayon, nakahinto sila ngayon, malamang. Samantalang ako, libreng kumain ng kung anu ano sa lahat ng restaurant na gusto ko at libre na akong manuod ng sine (kailangan ko lang aralin kung papano mag operate nun, madali ko namang mababasa yun sa mga manual, o kaya magta trial and error na lang ako).

Malaya na 'ko ngayon, hindi ko na sya dapat naiisip. Hindi na sya mahalaga sa buhay ko dahil ako na ang bahala sa buhay ko ngayon.

Wala na 'kong aakayin habambuhay. Ito ang tinutukoy naming habambuhay nuon. Mag isa man ako sa 'Habambuhay' na 'to, ang mahalaga, andito ako. Kailangan kong sumaya dito.

Mag-isa.