Chereads / Lost in Lust / Chapter 10 - Chapter Ten

Chapter 10 - Chapter Ten

TILA nababasa ni Baldo ang isip niya.

"Pansamantala lang naman 'yan, anak. Bigyan mo ng anim na buwan. Kung talagang ayaw mo, iwan mo."

"Kung 'yan ang suhestiyon n'yo, susundin ko, Dad," sang-ayon niya.

Anim na buwan na ang matuling nagdaan ngunit blangko pa rin siya sa kung ano ang ibig niyang mangyari sa kinabukasan niya.

Kaya dapat lang na magtrabaho siya habang nag-iisip upang maibalik niya ang naubos na pera sa sandaling panahong pag-aaral niya.

"May I call those who had raised their hands? Please, come forward," ang panawagan ng guro sa maliit na mikropono.

"Ibibigay ko ang mga application forms n'yo, ladies."

"O, anak. Tinatawag ka na," untag ng Daddy Baldo niya. "Punta ka na doon."

Tumindig si Val upang lumapit sa unahan. Nakasuot pa siya ng toga pero hindi niya pa hinuhubad dahil hindi pa sinasabi sa kanila.

"Miss Guerra, heto ang calling card ng magiging boss mo," ang nakangiting wika ng maestra sa kanya.

"Paki-fill-up mo ang form na ito. Ipa-fax na 'yan ngayundin. Kaya, ladies, pakibilisan lang." Pumalakpak pa ito para mataranta ang mga dating estudyante.

Sa kamamadali, hindi na niya nagawang rekisahin ang calling card.

Nagsulat na agad siya sa application form, para mai-submit agad sa may edad na ngunit sopistikada pa ring babae.

"Tapos ka na ba, anak? Magpa-picture naman tayo," aya sa kanya ni Daddy Baldo.

"Sandali lang, Dad." Tumango siya habang isinusuksok sa bag ang ballpen at ang calling card.

Nag-picture taking na rin ang iba pang naruroon kaya nagkagulo na hanggang sa mag-uwian.

"Kakain tayo ngayon sa restawran, anak. Isi-celebrate natin ang graduation mo." Talagang masayang-masaya si Baldo dahil sa pagtatapos niya.

Kumain sila sa labas at namasyal pa nang ilang oras kaya gabi na nang makauwi sila sa apartment na tinitirhan.

"Hoy, Baldo, may naghahanap sa inyo diyan kanina, a?" pagbabalita ng nakaabang na kasera.

"Sina Ester siguro," anito nang magtanong ang mga mata ni Val.

"Dumalaw ako sa kanila nung isang araw. Iimbitahin ko sana silang dumalo sa graduation mo," dagdag pa bilang paliwanag.

"Ester ba 'kamo? Hindi," sabad naman ng usiserang landlady.

"Hindi babae ang naghahanap. Lalaki. Matangkad at matipuno, may hitsura. Ang gara nga ng kotse niya." Ginagad pa nito ang tono ng mga batang lansangan sa pananalita.

"Lalaki?" Val repeated warily. "Sinabi ho ang pangalan niya?"

"Hindi, e. Pero sinabing babalik na lang daw siya."

Nag-aya nang pumasok si Baldo.

"Salamat ho, manang," anito nang mabuksan na ang pinto. "Magpapahinga na kami."

Kapwa sila tahimik nung una. Awtomatiko ang bawa't kilos nila habang nagpeprepara ng nakagawiang pag-inom ng kape, kahit na sa gabi.

"Ano sa palagay mo, anak? Ang tagahanap na kaya ng tunay na ina mo 'yon?" Si Daddy Baldo ang unang bumasag sa katahimikan.

Tumango si Val. "Siya na nga, Dad."

Tuluyan nang natahimik si Baldo. Hindi na niya alam kung ano ang iniisip nito.

Nagsalita lang uli ito nang magpaalam na siya. "Mauuna na ako sa 'yo, Dad?"

"S-sige. Magpahinga ka na. Susunod na ako."

Naguguluhan na rin si Val. Bakit ba ayaw niyang magpunta sa sariling pamilya?

Dahil ayaw niyang iwanan si Baldo.

Pero puwede naman siguro niyang isama ito.

Paano kung hindi puwede?

Nakatulugan niya ang pag-iisip nang gabing iyon.

Kinabukasan, naghanda siya sa pagpunta sa inaplayang opisina.

"Gusto mo bang samahan kita, anak?" tanong ni Daddy Baldo nang sabihin niya kung saan siya pupunta.

"Hindi na siguro. Alam ko na naman 'yon, Dad."

"Sige, dito na lang ako sa bahay. Baka ngayon dumating sina Ester. Nakakahiya namang wala silang madatnan dito, pagkatapos kong mag-imbita."

Humalik muna siya sa noo nito bago lumabas ng bahay.

Pumara siya ng taksi sa kanto.

"Saan tayo, miss?" tanong ng taxi driver.

"Teka, sandali lang. Kukunin ko lang ang calling card." Nakalimutan niyang ilabas agad ang card.

Ang napagtuunan niya ng pansin ay ang pagbibihis at pag-aayos ng sarili.

"Dito n'yo ako ihatid, mamang tsuper," wika niya habang iniaabot ang naturang card dito.

Binasa nito ang address. "Alam ko na, miss."

Maluwag na ang trapiko kaya madali nilang narating ang destinasyon.

Binilisan niya ang mga hakbang nang masulyapan ang oras sa suot na relong pambabae.

Habang nasa loob ng elevator, tinitingnan niya ang repleksiyon sa makintab na metal walls.

Hindi pa naman gulo ang buhok niyang napahaba na niya hanggang balikat.

Everytime she looked at a mirror, naninibago pa rin siya sa babaeng nakikita roon.

Hindi siya makapaniwalang siya iyon. Napakaganda at napakayumi naman kasi ng bagong imahe ni Val Guerra.

Bagay na siyang tawaging Lana Guerra.

Hindi ba Lana Esguerra? tanong ng tinig ng kanyang konsensiya.

"Fourth floor," wika ng elevator girl na nakasuot ng unipormeng pula.

Sumabay si Val sa mga taong lumapag ng fourth floor.

Binabaybay niya ang koridor habang panay ang tingin sa mga nakasulat sa pintuan nang may mahagip ang kanyang mga mata.

Santana Detective Agency!

Sinulyapan niya ang hawak-hawak na calling card, halos wala sa loob.

Naramdaman niya ang bahagyang paglaki ng ulo nang makitang tama ang kutob niya.

Si Devlin Santana ang magiging amo niya. Dito siya ini-apply ng eskuwelahan.

Nag-u-urong-sulong siya sa pagtuloy, nang may dumating na dalawang lalaki upang pumasok sa loob ng tila napaka-eleganteng opisina.

"Papasok din kayo, miss?" tanong ng mga ito sa kanya. Parehong nakangiti.

Val was momentarily confused. Napatango tuloy siya.

"Um, o-oo. Aplikante ako," ang pautal na tugon ni Val. Hindi pa rin kasi sanay ng palaging nangingitian ng mga lalaki.

Dati-rati, palihim kung titigan siya ng mga kabaro ni Adan.

Ngunit magmula nang magbestida siya at matutong mag-ayos, prangkang paghanga na ang iniuukol sa kanya.

She was often distracted and somewhat annoyed when men stare at her with open admiration.

"Ikaw siguro ang kapalit ni Nellie," anang kasama nito. "Mukhang mapapadalas ang dalaw ko dito sa opisina ni boss, a?"

"Huwag kang maingay diyan," saway ng naunang kumausap kay Val. "Baka marinig ka ni bosing."

Isang maliit at tila nerbiyosang babae ang lumabas mula sa isa pang opisina.

"Kanina pa kayo hinihintay ni sir," anito sa dalawang lalaki, pagkakita sa mga ito.

"Hindi pa naman kami late, Nellie," katwiran ng mas presko habang humahakbang palapit sa ikalawang pinto.

"Siyanga pala, nandito na ang aplikante. Asikasuhin mong mabuti si Miss Beautiful para siya na ang pumalit sa 'yo," pang-aasar pa nito.

"Maupo ka muna, miss," imbita ni Nellie kay Val. "Sandali lang naman ang dalawang 'yon sa loob."

Tumalima si Val.

She had been sitting down for exactly two seconds when the door from the inner office flew open.

Iniluwa ng pintuan si Devlin Santana.

AFTER six long months, nagbunga rin ang pagtitiyaga nilang lahat.

Nagkaroon ng lead ang paghahanap nila kay Lana Esguerra.

And throughout this time, ilang libong beses nang kinagalitan ni Devlin ang sarili.

He was blaming himself for losing the first chance.

Kung hindi siya naging presko at mayabang, hindi sana nakakawala pa si Lana nung una...

Ipinilig ng binata ang ulo upang mahinto na ang paninisi sa sarili.

Ang kailangan niyang planuhin ngayon ay kung paano makukumbinsi ang babae na makipagkita kay Mrs. Esguerra.

Naging masasakitin na ang kawawang babae dahil sa kahihintay sa pagdating ng anak. Unti-unti na kasi itong nawawalan ng pag-asa.

'Be calm!' utos niya sa sarili.

But it was easier said than done.

Magmula nang marinig ang report ng isang tauhan na pumasok na trabahador sa bodega ni Don Felix, hindi na napalagay si Devlin.

"Paano ka nakasigurong si Baldo Guerra ang dumalaw diyan?" paniniguro niya. "Baka naman ibang Baldo 'yan?"

"Sigurado akong ito na ang subject natin, bosing. Dinig na dinig kong nag-iimbita si Baldo sa mga dating kaibigan. Graduation daw ng anak nito."

"Graduation?"

"Parang kumuha ng vocational course si Val. At magtatapos na nga."

Kumabog ang dibdib ni Devlin. "Nakuha mo ba ang pangalan ng eskuwelahan?"

"Siyempre naman, bosing."

Ang eskuwela naman ang kinontak niya upang mag-inquire kung puwede siyang mag-hire mula sa mga newly graduates.

"Of course, sir!" was the excited reply from the school. "What are your requirements, sir? Maybe, we can help you pick the right person right away."

"I need someone bright and presentable," tugon niya. "Very pretty but reserved."

"Oh! I think I have the perfect choice, sir. If you like, I'll fax her application form right away."

"May I know her name, madame?" tanong niya, pa-kaswal.

"She's Miss Lana Guerra, sir."

"Thank you for your help, madame." Nagpaalam agad si Devlin dahil baka hindi niya mapigil ang sariling katuwaan.

Bandang huli nga, hindi na siya nakapagkontrol. He left his office hurriedly after trying to curb his excitement.

Pupuntahan na niya si Lana!