Chereads / Lost in Lust / Chapter 15 - Chapter Sixteen

Chapter 15 - Chapter Sixteen

NASA sala ang dalawang ina. Abala pa rin sa mga picture album.

"Mama, Daddy Baldo," bati niya habang nagmamano. "Mukhang busy pa rin kayo dito, a?"

Binuklat niya ang unang album na nakita niya. Ang mga magulang niya nung ikinasal ang unang larawan.

Sakop ang unang pahina.

Minasdan niya ang mga mukha ng parents. Masayang-masaya ang kanyang ina. Nakatawa habang nakatingala sa lalaki.

Ang ama naman niya ay nakatingin nang buong pagsuyo sa kanyang ina. May ngiti rin sa mga labi.

Larawan ng… pagmamahalan?

Nagmamahalan pala ang kanyang mga magulang.

Estranghera siya sa pagmamahal na nasa pagitan ng lalaki at babae. Wala siyang nakitang ganito sa lugar na kinalakhan niya.

Ang mga mag-asawa ay naghihiwalay pagkatapos ng ilang taon. Kung marami ang anak, hindi humihiwalay ang babae. Kailangan kasi ang lalaki para matustusan ang mga anak.

Sila ni Daddy Baldo ay may pagpapahalaga sa isa't isa. Pero ni minsan ay hindi lumabas sa bibig nila ang mga salitang: 'mahal kita'.

"Daddy Baldo, Mama, mahal ko kayo," sambit niya. Hindi naman pala nakakautal. Inulit niya.

"Mahal na mahal ko kayo, Mama, Daddy Baldo."

"Mahal din kita, anak." Sabay pa ang dalawa sa maluha-luhang pahayag. "Mahal na mahal ka namin!"

Saglit silang natahimik habang yakap-yakap ang isa't isa. Tila nagpapasalamat sa Maykapal at natagpuan pa rin nila ang kaligayahan sa kabila ng lungkot sa mahabang panahon.

Tumalikod si Daddy Baldo para punasan ng bimpo ang mga mata.

Si Mama Laliana naman ay panyolito ang ginamit na pampahid na luha. Pati ang mga pisngi ni Lana ay pinunasan din.

"Magmula ngayon, magiging masaya na tayo," pahayag ng ina.

"Oo, Mama. Hindi ba, Daddy Baldo?"

"Kuu, magpalit ka na muna ng damit, anak. Maghahain na ako ng hapunan."

Nag-shower si Lana at nagbihis ng pambahay.

Nakaayos na rin sa walk-in closet ang iba pang mga gamit niya. Pinili niyang isuot ang lumang jeans at t-shirt.

Dahil naghapunan na ang dalawang may edad na babae, siya na lang ang pinaghainan. Tig-isang baso ng orange juice ang mga ito habang kinukuwentuhan siya ng mga nangyari sa maghapon.

"Hihintayin lang ng kasera natin ang bills sa ilaw at tubig, ibibigay na niya ang deposito natin, anak."

Lihim na nasiyahan si Lana sa pananahimik ng kanyang ina. May pride ang kanyang Daddy Baldo kapag tungkol sa perang inipon sa mahabang panahon.

"May business venture kami ni Baldie," pagbabalita ng Mama niya. "Magtatayo kami ng nursery para sa mga baby trees. May bakanteng area sa harapan. Doon namin itatayo ang tent."

"Kuu, sa harap ba talaga? Masisira ang porma ng mansiyon."

"Tent pa lang naman. Bukas, bibisitahin uli natin."

Nakangiti si Lana habang nakikinig sa usapan ng dalawa. Animo matagal nang magkakilala ang mga ito.

Katulad nung unang gabi, nakatulog agad siya.

TALAGANG madulas si Lana Esguerra!

Wala na naman ito sa lugar na inaasahan niya.

Hindi malaman ni Devlin kung matatawa o maasar sa sarili. Ngayon lang siya napaglaruan ng isang babae.

Kahit na sinong babae, kung yayayain niyang magpakasal, tiyak na tatalon sa tuwa. Kung hindi man, yayakapin siya nang mahigpit at sasabihing 'yes, yes, yes'!

Ganito ang na-imagine niyang magiging reaksiyon ni Lana.

Ngunit hindi ganoon ang nangyari.

Tumutol ang babae. Nainsulto pa sa sinabi niya. At galit na umalis.

Ano ba ang mga sinabi niya?

We want each other…

Halos hubaran na siya ni Lana habang bihag ng mga halik niya. Of course, she wanted him.

I'm a prime catch…

Dito marahil nainsulto ang babae. Hindi ito nasisilaw sa yaman niya.

At mayaman na rin ito, kung tutuusin.

Nang hindi niya matagpuan si Lana sa tinitirhan, tinawagan niya si Laliana Esguerra.

"Mrs. Esguerra, magandang gabi po? Kailan ka kaya dadalaw sa opisina?"

"Naku, pasensiya ka na. Hindi ko nasabi sa iyo. Natanggap ko kasi sa fax ang details ni Lana. I was very excited. Nagpunta ako sa bahay nila. And I've met my daughter, at last. Natagpuan ko na ang aking anak!"

"I see," ang nakangiting sambit ni Devlin. Nakakahawa ang excitement ng kausap.

"Thank you very much, Mr. Santana. You made my life complete. Masayang-masaya ako!"

"Please call me 'Devlin'," sabad niya.

"Devlin," ulit ng ina ni Lana.

"I plan to court Lana," pahayag niya.

"Have you told her?"

"Not yet." Tumikhim muna siya. "But I asked her to marry me."

"And?"

"She said 'no'."

"Oh!"

"I'll ask her again—after courting her."

Katahimikan.

Nagsimulang mag-alinlangan si Devlin.

"I'm single and stable," wika niya. "I'll even fax my credentials right this minute."

"Yes, I know, iho. And, please, don't think that I disapprove of you as my future son-in-law… Nag-iisip lang ako. Any woman would be ecstatic to have you as their fiance. Hindi kaya lesbian ang anak ko?"

"No! No, she's a woman." Nabigla si Devlin na itanggi ang suspetsa ni Laliana Esguerra.

Napilitan siyang umamin.

"I, ah, I made a pass at her."

"She didn't slap you or something?"

"I don't have to answer that," he replied somewhat raggedly.

"How can I help you, iho?" The older woman sighed.

"I want to see her."

"Tonight? She's asleep. Don't worry, Devlin. She is safe here."

Bumuntonghininga si Devlin. "I'll see her tomorrow."

"Please, don't hurt her," habilin ng ina ni Lana.

KINABUKASAN, nakahanda na sa giyera si Lana. Ngunit pagpasok pa lang niya sa opisina, alam na niyang wala si Devlin.

Paano niya naramdaman?

Pumasok siya sa inner office nito.

Tanging ang mga kalat lang sa sahig at sa dalawang trolley ang nilinis ng janitor.

Ang ibabaw ng malaking office desk at ng conference table ay hindi ginalaw.

Nakita niya ang notes ng lalaki para sa kanya. Mga instructions at ilang letters na dapat ipadala sa messenger sa araw na iyon.

Naging abala si Lana sa buong araw. Tambak ang phone messages nang matapos ang maghapon.

Nang mag-uwian, wala pa rin si Devlin. Matamlay nang umuwi si Lana.

Dinatnan niyang abala sa pagpaplano ang mga ina sa itatayong nursery.

"Halina kayong maghapunan. Espesyal ang ipinaluto kong ulam," aya ng kanyang Mama.

Paborito ni Lana ang adobong manok. Kaya kahit wala siyang ganang kumain, pinilit niyang ubusin ang nasa pinggan.

"Ang sarap po! Sino po nagluto?"

"Ang Mama mo," ang nakangiting salo ni Daddy Baldo. "Sinunod niya lahat ng sinabi ko kung paano iluto 'yang manok."

Tumayo si Lana para yapusin at hagkan sa pisngi ang ina. "Salamat po. Nahirapan pa kayo."

"Naku, si Baldie nga ang nagtilad ng manok, e. Siya rin ang nagpitpit ng bawang," ang nakatawang bawi ng Mama niya.

"Ikaw talaga, Dad. Pa-humble ka palagi." Niyakap at hinalikan din niya sa pisngi ang tomboy na nakilalang magulang.

"Aakyat na po ako," aniya nang matapos ang maingay na hapunan.

"Sige, anak, goodnight!" Duet pa ang mga ito.

Ginamit uli niya ang jacuzzi para ma-relax. Nang makatulog nga, mahimbing uli.

Pero kapag mag-uumaga na, nagigising na naman siya. Nasasabik siya kay Devlin.

Kinukulam ba siya ng lalaking iyon?

Sumapit ang araw ng Linggo. Nung Biyernes at kalahati ng Sabado, siya pa rin mag-isa sa opisina.

Tila iniiwasan siya ni Devlin. Palagi lang may mga notes sa ibabaw ng office desk para sa kanya.

Ni walang paliwanag sa absence sa opisina.

Nagtanong siya kay Nellie.

"Talaga bang hindi nagpapaalam si Sir kapag nawawala sa opisina?"

"Hindi pero nag-iiwan siya ng mga notes sa table."

"I see."

"Lana, bukas na ang kasal ko. Darating ka, ha?"

"Oo naman. Ready ka na ba?"

"Hindi ko alam. Hi hi hi! Pero kakayanin. Sabi ni Hon, huwag daw akong mag-alala."

"Oo nga. Don't worry. Sleep well mamaya. Bye!"

Ngayon nga, wala siyang ganang dumalo sa kasal ninuman ngunit dahil nakapangako siya, kailangang tuparin niya.

Nasaan ka, Devlin? Nag-aalala na ako sa iyo…

Inamin na niya sa sarili ang pag-aalala para sa lalaki.

Kanina, parang nag-aagaw-tulog lang siya. Ramdam na ramdam niya ang init ng mga labi ng lalaki. Gumapang sa kanyang dibdib, sa kanyang leeg…

Ngunit nang agad siyang nagmulat ng mga mata, mga kamay pala niya ang nasa imahinasyon.

Hinahaplos niya ang sarili!

A, nahihibang na yata siya…

Nag-shower siya ng maligamgam. Alas diyes ang kasal. Kailangan niyang kumilos nang maaga.

Bumili na siya ng gift kahapon. Isang set ng kumot. Maigi iyon para hindi aksidenteng mabasag.