Chereads / Lost in Lust / Chapter 8 - Chapter Eight

Chapter 8 - Chapter Eight

NAHINTO ang sikretong pagsipat niya sa kaharap nang dumating ang isang katulong na may dalang meryenda.

Kung nagulat man ito nang makitang siya na naman ang bisita ng amo, hindi na lang siguro nagpahalata.

"Pakilagay mo na lang diyan, salamat," wika ni Mrs. Esguerra habang nakangiti.

"Magkape ka uli, iho. Nabasa ka pa yata ng ulan?"

Saka lang nito napuna ang estado ng pananamit niya nang humulas na ang pagkabigla.

"Umuulan sa highway kanina," paliwanag niya.

Tumango ang kaharap. "She tried to evade you," panghuhula nito.

He nodded shortly.

"Matanggap sana niya ako agad," hiling nito habang naglalagay ng asukal sa dalawang puswelo.

"At nang magampanan ko na ang mga tungkulin ko bilang ina niya."

"Tutulungan ko kayo, madame," pangako niya bago pa siya nakapag-isip.

Na ikinatuwa naman nang husto ni Laliana Esguerra.

"Talaga, iho? Naku, maraming, maraming salamat!" Sumilay ang matamis na ngiti sa mga labing katulad ng kay Lana, o 'Val'.

"Alam kong hindi mo na trabaho 'yon. Tatanawin kong isang malaking utang na loob ang tulong na ibinibigay mo sa akin!" dagdag nito sa ma-emosyon na tono.

"Walang anuman 'yon, madame." He had offered his help due to selfish reasons.

Hanggang ngayon, medyo pikon pa siya sa pagtakas ni Lana. At sa pagtanggi nitong mahulog sa bitag ng karisma niya.

In the past, he was always able to melt feminine coy resistance by just a kiss or two alone.

He wanted to meet the girl once again. Gusto niyang tiyakin sa sarili na ito ay isang tunay na babae...!

NAALIMPUNGATAN si Val nang maramdaman niyang may nakadagan sa kanya.

Akala niya nananaginip lang siya.

Ngunit nang mahirapan na siyang huminga, at tila nagiging bangungot na ang mga nangyayari, pinilit niyang gisingin ang sarili.

"Ang bangu-bango mo!" wika ni Baho, habang pagigil na sinisisid ng halik ang kanyang leeg.

Pabalikwas siyang bumangon ngunit maliksi ang lalaking nakakubabaw sa kanya. Nabigyan agad siya ng suntok sa sikmura.

"Traydor ka, Boy Baho!" daing niya. Pinilit niyang huwag mamilipit sa sakit. "Lumaban ka ng parehas!"

"Sa mundong ito, hindi nananalo ang lumalaban ng parehas. Alam mo 'yan, hindi ba? He! he!"

Alam ni Val kung ano ang tinutumbok ng kalaban.

"Ikaw ang nagpatalo sa sarili mo noon, Boy Baho," wika niya. "Pinabayaan mong mangibabaw ang pagka-manyak mo!"

"Manyak pala, ha? Buweno, tikman mo ngayon ang sinasabi mong 'yan!"

Tinangka nitong hagkan ang kanyang bibig ngunit maagap niyang naibaling ang mukha.

Kaya ang kanyang leeg na lang ang inulaol ng buhong.

Inararo ng magagaspang na halik ang kanyang balikat at dibdib.

Diring-diri si Val. Naamoy niya ang panis na laway at ang bulok na usok ng sigarilyo sa hininga ni Boy Baho.

"Tarantado ka! Siraulo ka!" Nagmumura siya habang nanlalaban. "Hayup!"

Habang nagpupumiglas, nagawa pang sumagi ang alaala ni Devlin Santana sa kanyang isipan.

Nasamyo niya ang malinis na amoy ng hininga ng lalaki. Pati ang mamahaling pabango nito.

Nakintal na sa kanyang memorya ang makinis na hipo ng mestisuhing balat nito.

Hindi katulad ng pakiramdam ni Boy Baho ngayon.

Umigkas ang tuhod niya. Sinundan niya ng malakas na salya, nang marinig ang pag-igik ng rapist.

Wala siyang sinayang na sandali. Nang mahulog sa sahig ang lapastangan, bumangon na siya upang pagtatadyakan naman ito.

Walang hinto, kahit na sumisigaw na ito sa sakit.

"Ano'ng gulo ito?" bungad ni Baldo habang nangunguna sa pagpasok sa loob.

"Aba't—Boy Baho! Ulanghiya ka talaga! Tinatalo mo ako, ha? Wala kang respeto sa akin, ha!" Kinulata nito ang nakalugmok nang lalaki.

"Ka Baldo, kami na ang bahala dito. Bubugbugin namin ito hanggang sa magtanda!" Kinaladkad palabas ng mga kapitbahay ang manyak.

Isinara ni Baldo ang pinto bago lumapit sa kanya. Alalang-alala ito.

"Nasaktan ka ba, anak?"

Umiling si Val. Ngayon siya nakaramdam ng pagod at uhaw.

"P-pahinging tubig, Dad," hiling niya.

Maliksing kumuha ng inumin ang matandang tomboy.

"Ang tarantadong 'yon. Nawala lang ako sandali, nakasalisi na pala agad!" pagbubusa nito habang ikinukuha siya ng malinis na bihisan.

"Heto, magpalit ka ng damit. O gusto mo munang maligo?"

Tumango si Val. Gumagapang pa ang balat niya.

"Halika, sasamahan kita papunta sa banyo." Inalalayan siya nito hanggang sa munting paliguan nila.

Sinabon niya agad ang sarili. At nagbuhos nang nagbuhos ng tubig.

Ngayon niya naunawaan kung bakit marumi ang pakiramdam ng mga nagiging rape victims.

Pero bakit nung bihag siya ng mga bisig ni Devlin Santana...?

"Tapos ka na ba? Nandito ang tuwalya."

Kinuha niya ang tuwalyang iniaabot mula sa siwang sa ibabaw ng makitid na pinto.

"Heto ang mga damit."

Ibinalot niya ng tuwalya ang ulo para masipsip ang basa sa maikling buhok. Atsaka siya nagbihis.

May nakahanda nang mainit na kape sa kuwadradong lamesa nang lumabas siya.

"Magpainit ka ng sikmura." Sinisipat siya ni Daddy Baldo habang humahakbang siya palapit.

Nilagok niya ang kalahati kahit na napapaso ang loob ng bibig.

"Gusto mo bang magdemanda?" ang seryosong tanong nito sa kanya.

Napahinto si Val sa paghigop sa mug.

"Magdedemanda?" Nagsalita na siya sa wakas. "Dapat ba akong magdemanda?"

Bumuntong-hininga ang tomboy na nagpalaki sa kanya.

"Hindi na tayo puwedeng magtagal dito, anak. Marami pang susunod kay Boy Baho," ang malungkot na wika nito. "Wala na silang respeto sa akin dahil matanda na ako."

Malaking bahagi sa pride ni Baldo Guerra ang natapyas sa ginawang pag-amin nito.

"Hindi ba't dito kayo masaya, Dad?"

Umiling si Baldo.

"Hindi na ngayon. Tsk! Kaytagal ko palang nag-i-ilusyon na ligtas ka dito sa lugar na kinalakhan mo. Muntik ka nang napahamak kahit na nakabantay pa ako!"

"Kalimutan n'yo na 'yon, Dad. Wala namang nangyaring masama sa akin, e," pang-aalo niya rito. "Naturuan n'yo naman ako nang husto sa mga self defense na nalalaman n'yo."

Umiling-iling pa rin ito.

"Natsa-tsambahan mo lang si Boy Baho, anak," pamamrangka nito. "P'ano kung hindi ka na suwertihin sa susunod na magtangka siya sa 'yo?"

Alam ni Val iyon. "Ano ba ang balak n'yong gawin, Dad?"

"Aalis na tayo dito."

"S'an tayo lilipat?"

"Sa isang disenteng lugar."

"Sa disenteng lugar?"

"Oo." Seryoso talaga si Daddy Baldo. "Magbabagongbuhay tayo. Mag-aaral kang kumilos ng sa isang tunay na babae."

Nanlaki ang mga mata ni Val.

"Daddy Baldo!" Napabulalas siya. "Bakit kailangan n'yo pa akong baguhin?"

Hindi agad tumugon ang tinanong. Tumitig pa muna ito sa kanya nang ilang sandali.

"P-para hindi naman ako kahiya-hiya sa tunay na ina mo," pagtatapat nito. "Kaya hindi na muna natin hahanapin si Mr. Santana."

"P-pero bakit ngayon lang?"

Namula nang kaunti ang kulubot na mukha ni Baldo.

"Dahil akala ko, akin ka na lang habang buhay. Akala ko, hindi na kita kailangang ibalik sa tunay na pamilya mo."

Napatigagal ang dalaga nang makita ang pangingilid ng luha sa mga mata ng kaharap. Bihira niya itong makita na ganito. Parang ibig maiyak.

"A-ang ibig n'yong sabihin, balak n'yo akong isauli sa pinanggalingan ko?" paniniguro niya.

Tumango ang sisiguk-sigok na tomboy.

"Sila naman talaga ang mas may karapatan sa 'yo, anak. Ako lang naman ang nagpalaki sa 'yo, pero sa kanila ka talaga nanggaling."

"Paano kung ayaw kong bumalik sa kanila?"

Katahimikan ang sumalubong sa katanungan niyang iyon.

"Natagpuan ka na nila, iha--" paalala ni Baldo.

"Hindi ba't aalis tayo dito?"

"Ayaw mo ba talagang makita ang tunay na ina mo?"

Umiling si Val. Sumagila din ang self-conscious.

Nararapat ba siyang tawagin na Lana Esguerra sa ayos niyang ganito?

"S-saka na lang siguro. Hindi pa ako handang makilala siya."

"Pero ipinahahanap ka niya. Gumagastos siya sa paghahanap sa 'yo."

"Pupuntahan ko siya kapag nakahanda na ako, Dad," pangako niya rito.

Hindi na nakipagtalo pa si Baldo. Ngumiti na lamang ito nang buong pagmamahal sa kanya.

At hindi naman nagsisisi si Val sa naging desisyon niya.

Puwede niyang puntahan ang tunay na pamilya, kahit na anong oras niya mapagpasiyahan. Mas matimbang sa kanya ang taong nakagisnang magulang.

Walang silang inaksayang panahon.

Kinabukasan, sabay silang nagpaalam sa management. Hindi na sila nagdalawang-salita sa may-ari ng kumpanya.

Ipinahanda agad nito ang kanilang separation pay.

Nabalitaan na nito ang ginawang kasalanan ni Boy Baho, kaya hindi na sila pinaghintay pa nang matagal.

"Tama ang desisyon mo, Baldo," wika ng matandang lalaking amo nila.

"Magandang bata pala ireng anak mo. Gulo lang ang dadalhin niya sa compound na ito."

Umasim ang ngiti ni Baldo. Gayunpaman, nagpakitang-galang pa rin ito.

"Maraming salamat po sa pag-aalala ninyo, Don Felix."

"Maraming salamat din sa matapat na paglilingkod mo sa akin, Baldo."