Chereads / To Capture a Flame / Chapter 6 - Chapter Six

Chapter 6 - Chapter Six

NAHINTO sa pangungunsumi ang mag-ama nang dumating ang isang katulong. "Nakahanda na po ang pananghalian, Don Ramon."

"Buweno, kumain na muna tayo. Bakasakaling makapag-isip na tayo nang maayos kapag may laman na ang mga sikmura natin."

Nang nakadulog na sila sa masaganang hapag-kainan, saka lang nagsalita si Bullet.

"Kapag napatunayan ko na tama ang hinala ko, magkano ang ibabayad n'yo sa akin para hanapin siya?" Prangka na agad siya. Kapag pera ang pinag-uusapan, ayaw niya ng paliguy-ligoy.

"Ano ba sa palagay mo ang mabuti, Richie?" tanong ni Don Ramon sa anak.

Tumingin sa kanya ang binatang Tiangco. "Gusto kita, Bullet Sanchez. Naniniwala akong mahahanap mo at maibabalik dito ang kapatid ko," umpisa nito.

"Pero may kaunting hesitasyon pa ako sa paniniwala mo--kaya kailangan muna namin ng katibayan na may plano ngang maglakbay sa tubig ni Rebel."

Ikiniling ni Bullet ang ulo. Matatag ang kanyang ekspresyon.

"Magdadala ako ng mga katibayan," tugon niya, "kung mayroon na tayong kasunduan."

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Hindi libre ang kahit na ano'ng serbisyo ko."

Agad na naglabas ng checkbook ang matanda. "Magkano ba ang serbisyo mo?" tanong nito sa kanya.

"Gaano ba kahalaga ang anak ninyo?" ganting-tanong niya.

"Mahalagang-mahalaga," ang maagap na tugon.

"Kung ipapahanap n'yo siya, magkano ang pabuyang ipagkakaloob n'yo sa makakatagpo sa kanya?"

"Malaki, siyempre."

"Gayon ang nais kong matanggap, Don Ramon," wika niya. "At kapag napatunayan kong tama ang suspetsa ko, kailangang kayo ang sumagot sa mga gagastusin ko," dugtong niya.

Nagtinginan ang mag-ama.

Kapagkuwa'y si Richie naman ang nagsalita. "Maaari ba mag-usap muna kami nang pribado?"

Tumango si Bullet habang tumatayo.

"Huwag," pigil ni Don Ramon sa kanya. "Kami na lang ang lalayo. Doon lang muna kami sa labas."

Katabi ng patio na nakaharap sa hardin ang kumedor. Doon nagtungo ang mag-ama.

Nagsimula namang kumain si Bullet. Wala siyang nadaramang pagkailang sa marangyang paligid.

Ang katwiran niya, pare-pareho lang kumakain at natutulog ang mahihirap at mayayaman. At iisa lang ang magiging katapusan, bandang huli.

Sandali lang ang naging kumperensiya ng mag-ama. Nagbalik din ang mga ito agad. Ngunit si Don Ramon lang ang nakangiti.

"Payag na kami, iho. Walang dumarating na ransom note at wala rin namang nobyo si Rebel--kaya ang natitira na lang na dahilan ay paglalayas," umpisa nito.

"Nagpasiya kaming kunin na lang ang serbisyo mo, iho. Isa ka bang bounty hunter?"

Tumango si Bullet. Nilunok niya ang isinubo at nginuyang piraso ng piniritong manok.

"Sanay akong maghanap at manghuli ng mga wanted na kriminal."

"Pero hindi wanted ang aking anak, Bullet," bawi ng kausap.

"She's a fugitive lady," salo niya. "Tumakas siya mula sa poder ninyo. At tiyak na pipilitin niyang huwag n'yong masundan at mahuli, para maibalik dito. Believe me, gayundin ang mga pugante!"

The old man looked suddenly contrite. "Ah, tama ka nga sa sinabi mong 'yan, iho," pag-amin nito sa mababang tono.

"Malaki ang pagkukulang ko sa kanya. Imbis na ako ang mismong kumalinga sa kanya, dinala ko siya sa isang kumbento."

"Papa, don't think of the past anymore. Tapos na 'yon," saway naman ni Richie.

"Dapat kong tanggapin ang mga kasalanan ko sa kapatid mo, Richie. Hindi ko siya pinatikim ng kalayaan," dagdag ng matanda.

Pinukol siya ng matalim na tingin ni Richie.

Tinitigan niya ito nang diretso. "Nilipad na ba ng hangin ang tiwalang sinasabi mo, Mr. Tiangco?" pananalakab niya rito.

Hindi nagkaila ang tinanong. "Paano kami makakasigurong ibabalik mo sa amin si Rebel nang hindi ka hihingi ng dagdag na pabuya?"

Wala siyang kangiti-ngiti nang tumugon. "Ikaw lang ang makakasagot ng tanong na 'yan." Nagpunas siya ng linen napkin sa bibig.

"Maraming salamat sa panahon na ibinigay n'yo sa akin. Magpapaalam na ako."

"Babalik ka ba, Bullet?" pahabol ng matanda.

Saka lang siya ngumiti uli. Pa-kaswal. "Sigurado, Don Ramon. At habang naghihintay kayo sa pagbalik ko, bakit hindi kayo magtanung-tanong sa mga hepe ng pulisya tungkol sa akin?" suhestiyon niya bago tumalikod.

"Ako na ang maghahatid sa sarili ko palabas dito."

*****

PUMALAKPAK si Rebel para kunin ang atensiyon ng mga tauhan. Nakatayo siya sa pinaka-uluhan ng yate.

"Okey, girls! Makinig kayo sa akin," wika niya sa malakas na boses para marinig pa din siya kahit na malakas ang hangin.

"Mag-iikot muna tayo sa palibot ng Pilipinas. Para ma-break-in muna ang sasakyan."

"Okey 'yan!" hiyawan ng tatlo.

"Sana makadaan tayo sa probinsiya namin," hiling ng matangkad at medyo payat na si Elsa.

"Puwede ba tayong dumaong sa Cebu? Taga-roon kami ni Olive," sabad naman ni Perlita, ang maliit at bilugan sa grupo.

Tumango si Olive, na katamtaman ang taas at pangangatawan. "Isang taon na akong hindi nakakadalaw sa amin, ma'am."

"Taga-Aklan naman ako," dugtong ni Elsa.

"Masusunod lahat ng mga hiling n'yo, basta't wala nang tawagan ng 'ma'am', okey?"

Naghiyawan sa tuwa ang tatlo.

"E, ano naman ang itatawag namin sa 'yo?"

"'Reb' na lang. At kayo naman ay sa mga palayaw din, kung meron."

"Ako si Perlie," ani Perlita.

"Si Ollie ako," wika ni Olive.

"Elsa lang ako."

Bumaba siya sa kinatutungtungan upang kamayan isa-isa ang tatlo.

"May hinihintay pa tayong isa pa," pahayag niya matapos ang sandaling orientation.

"May iba pa ba kayong tauhan na kinuha bukod sa amin?" usisa ni Elsa.

Pawang may mga background sa sea-related jobs ang mga ito. Kaya sigurado siyang sanay sa pagtatrabaho sa sasakyang-dagat ang grupong makakasama sa paglalakbay.

"Hindi tauhan. Siya ang kapitan ng yateng ito."

"Good afternoon, girls," bati ng isang paos na boses mula sa likurang bahagi ng yate.

"Juana!" bulalas ni Rebel, pagkakita sa may edad na babaeng mukhang lalaki.

Kulay abo na ang maikling buhok na kulot. Pulos pilegis na ang noo at mga pisngi. Pango ang ilong. Nakausli ang nguso dahil sa malalaking ngipin na ubod nang puti.

Sinalubong ni Rebel ang punggok na babae. Niyapos niya ito at tinapik sa likod.

"Kumusta ka, kaibigan?" ang masiglang bati niya sa bagong dating. "Ang akala ko, hindi ka na makakarating."

Tumawa nang malakas ang tomboy na manlalakbay.

"Maaari ba namang hindi? Nangako ako sa 'yo na sasamahan kita sa unang paglalakbay mo, hindi ba?"

She had met this man-woman last year. Iyon ang huling pagkakataon na lumayas siya sa kumbento--para umuwi.

Nakatira si Juana sa isa sa mga loghouse na nagkalat sa paanan ng burol.

Tuwing gabi, pumupuslit siya sa mataas na bakod ng kumbento at nagpupunta sa tahanan ni Juana.

Nagkukuwentuhan sila. O kaya'y nagbabasa lang.

Sa loob ng maikling panahon, yumabong ang isang matibay na pagkakaibigan.

Marami silang ipinagkapareho ni Juana. Kapwa nila ibig ang maging malaya. Ang manatiling malaya.

"Siyanga pala," wika niya habang kumakalas sa maluwang na pagyayapos nila. "Ipapakilala kita sa mga kasama natin. Girls, siya si Captain Juana. Sila sina Ollie, Perlie at Elsa."

Matapos ang impormal na pagkakamay. Niyaya niya itong maglibot sa kabuuan ng yate. Kasunod nila ang tatlo.

Tatangu-tango si Juana habang sinisipat ang bawa't sulok. "Siguradong mahal ang yateng ito," obserba nito. Ininspeksiyon din nito ang modernong makina. "Primera klase 'to, a?"

Nasisiyahan si Rebel dahil impressed ang itinuturing na matalik na kaibigan. "I'm glad you like everything."

"Ang mga supplies nga pala? Nabili mo na ba lahat?" tanong nito matapos ngumiti sa kanya.

"Up to the last. Lahat ng mga nakalista, binili ko. And more. Hindi mo isinama ang mga sabong pampaligo at shampoo."

Tumawa lang si Juana. "Alam ko namang maiisip mo ang mga hindi ko naisama. You have a meticulous mind." Binalingan nito ang tatlong babaeng nakasunod sa kanila.

"May background ba kayo sa pagtatrabaho sa mga ganitong klaseng sitwasyon, girls?"

"Tapos kami ng short nautical course. Balak kasi naming magtrabaho sa malalaking cruise ships bilang service crews sa mga restaurants," ang mahabang paliwanag ni Elsa. Ito ang tumatayong lider ng tatlo.

"Bago pa lang siguro kayo?" pananalakab ng babaeng kapitan.

"May kaunting karanasan na kami," pag-amin ni Perlie.

"Pero nakahanda kaming matuto," dagdag ni Ollie.

"Good." Nagustuhan ni Juana ang mga narinig. "Ganyan ang gusto ko sa mga kasama sa paglalakbay."

"Baka gusto n'yo nang magkape?" alok ni Elsa.

"That's a good idea," sang-ayon ni Rebel. "Doon na tayo sa galley."

Inaya siya ni Juana sa deck matapos makakuha ng tig-isang coffee mug at sandwich.

"So, break-in muna tayo?" tanong nito habang binubuksan ang sandwich bag.

Tumango si Rebel. Nakangiti siya. Punumpuno ng kasiyahan ang kanyang kabuuan.

"Alam mo, ngayon lang ako sumaya nang ganito kasaya," pagtatapat niya.

"Marami kang lungkot na napagdaanan, Reb. You deserve to be happy," pakli ni Juana matapos humalakhak nang malakas.

"Pero tiyak na nag-aalala na ang Papa at Kuya Richie dahil umalis ako nang walang paalam sa kanila."