Chereads / To Capture a Flame / Chapter 2 - Chapter Two

Chapter 2 - Chapter Two

TINUNGGA ni Bullet ang laman ng basong pabagsak na inilapag ng bartender sa harapan niya.

"Isa pa!" hiyaw niya matapos ikaskas sa bibig ang mahabang manggas. "Bigyan mo ako ng isa pa!"

Lumapit uli sa kanya ang balbas-saradong higante. Masama na ang tingin nito sa kanya habang nagpupunas ng basahan sa makintab na counter.

"May pambayad ka ba? May utang ka pa kagabi, a?"

"Of course!" Humagalpak ng tawa ang binata. Dumukot siya ng ilang perang papel sa bulsa ng suot na maong jacket.

"'Yan lang ba ang problema? Ayan ang bayad, o! Kasama na ang utang ko kagabi!"

He slapped the dirty money bills onto the counter.

Binilang ng kaharap ang pera niya bago kinuha ang baso niya para lagyan uli ng alak.

"O, ayan. Bawal magsuka dito, ha?" ang pa-bruskong paalala nito bago tumalikod para lumapit sa ibang kustomer na nakaupo sa mahabang bar.

Ngumisi-ngisi lang si Bullet. Nagpapanggap siyang isang hampaslupa nang mga sandaling iyon, dahil hinahanap niya ang isang pusakal na kriminal.

May nakaputong na dalawampung milyong piso sa ulo ni Kardong Kirat. Isang death convict for twenty counts of rape slay na hinahanap niya.

Halos dalawang linggo na siyang nagmamatyag sa pubhouse na ito. Ang may-ari na si Plinky ay dating kinakasama ng pugante.

Kaya malakas ang kutob ni Bullet na dito ang lungga ni Kardong Kirat.

Muli niyang tinungga ang alak na mumurahin. Nakakaubo ang magaspang na pagdaloy nito sa kanyang lalamunan.

Ngunit sanay nang masunog ang loob ng bibig niya.

Lasenggo ang lalaking kinilala niyang ama, kaya maaga siyang natutong uminom.

Sanay na sanay siyang manimot ng laman ng mga boteng bilog noon, para makatulog kahit na nananakit ang mga bituka sa matinding gutom.

Kaya hindi rin siya basta-basta nalalasing.

"Hoy!" May tumapik sa likod niya. Malakas iyon at pabigla pero hindi siya nagpakita ng pagkagitla.

Dahan-dahan siyang luminga sa nasa likuran niya.

Isang maton na may maruming mukha at malaking katawan ang nakatingin sa kanya nang masama.

"Bakit, 'dre?" tanong niya, malumanay.

"Bakit palagi kang nandito? Gabi-gabi, nakatambay ka lang dito? Me hinihintay ka ba?"

Sinipat ni Bullet ang kalaban. Kunwa'y namumungay na siya sa matinding kalasingan.

"Masama bang maging suki ang pubhouse na ito?" ganting-tanong niya nang makutubang nanggugulat lang ang isang ito.

"May problema ako. Gusto kong makalimot. At natuklasan kong madaling makalasing ang alak n'yo rito--kaya gabi-gabi, naririto ako!"

"Huwag mong sabihing primera klase ang alak na tinda ni Plinky!" singhal ng kausap.

"Ha! ha! Ang tutoo, nakakasuka ang alak n'yo rito. An'sama ng lasa! Pero mura sa lahat, kaya nawili ako dito," bawi niya, kunwa'y pabulong.

"Masama bang mawili sa pag-inom dito?" pananalakab niya.

Tinitigan pa siya ng kaharap. Tila tinitiyak na tutoo ang sinasabi niya.

"Taga-saan ka ba?" tanong nito matapos ang ilang sandaling sukatan ng isipan. Naupo ito sa katabing stool. Kumambat ng isa 'round' sa bartender.

"Ako si Ronnie Boy," tugon ni Bullet. "Bagong lipat lang ako diyan sa kabilang kalsada. Trip ko talaga ang alak. Da bes ang alak, sa lahat ng mga bisyo!"

Hindi siya naghintay ng alok. Dinampot niya ang bagong dating na baso at agad na ininom.

Napailing-iling ang katabi niya. "Ako nga pala si Dodong. Bouncer ako dito. Napuna ko lang na medyo malakas ka ngang uminom. Tiningnan ko lang kung may pantustos ka sa bisyo mo."

"Nakahanda naman akong magtrabaho dito nang libre, kung sakaling maubos ang baon ko, Dodong," salo niya sabay dukot ng salapi sa bulsa. "Heto ang bayad ko, bartender! Para sa dalawa."

"Paldo ka naman pala. Sige, ayos lang na pumoste ka dito," ang bilib na wika ng bartender.

Nakangiti na sa kanya ang bouncer nang tumindig ito. Tinapik uli siya nito, pero mas magaan na.

"Puwedeng-puwede, Ronnie Boy," sang-ayon nito bago lumakad palayo.

Sinundan niya ng tingin ang lalaki sa salaming dingding ng bar.

Kaya nakita niya kung saan ito lumapit matapos manggaling sa kanya.

Sa isang madilim na bahagi ng parihabang hugis ng pubhouse, may nakabukod na lamesang palaging bakante.

Napamaang si Bullet dahil mayroon nang okupante iyon.

Isang lalaking nakatago ang mukha dahil sa makapal na bigote at balbas.

Sa labas, may nagdaang malaking trak. Lumusot ang liwanag ng mga headlight niyon kaya nagkaroon ng sandaling iluminasyon sa malayong sulok.

Naaninag niya ang hindi pantay na laki ng mga matang namumula at nanlalalim.

Si Kardong Kirat iyon, a! bulong ni Bullet sa sarili.

Nag-inut-inot siya sa pagtayo. Kunwa'y pasuray-suray siyang naglakad patungo sa pinto.

Kinawayan pa niya si Dodong bago siya tuluyang lumabas.

Nagtungo siya sa tagiliran ng pubhouse. Buong ingat niyang nilapitan ang bahaging kinaroroonan ni Kardong Kirat.

Sinenyasan niya muna ang dalawang tauhan na nagkukunwaring mga tindero ng balut at sigarilyo na nasa kabilang panig ng kalsada, bago inilabas ang tranquilizer gun na nakasuksok sa beywang ng suot na sinturon.

Isinuot niya ang puluhan ng espesyal na baril sa siwang ng bintana at itinutok sa likod ni Kardong Kirat.

Kinalabit niya iyon.

Ilang sandali lang, sumubsob na ang pugante sa lamesa.

"O, heto ang parte n'yo. Nakakubra na tayo kay Kardong Kirat." Tig-isang bungkos ng perang papel ang dalawang alalay na tila araw at gabi sa kulay ng balat.

"Boss Bullet, ang laki nito, a?" bulalas ni Soyti habang nagbibilang.

"Ayaw mo?" bawi naman ni Ita. "Akin na lang."

"Tama lang 'yan. Medyo malaki-laki naman ang kinita natin." Tumindig siya upang lumapit sa bintana. Hinawi niya ang kurtina para tumanaw sa labas.

"Puwede kayong umuwi sa mga pamilya n'yo, Soyti, Ita."

"Talaga, boss?" ang sabik na tanong ni Soyti.

"Ayos 'yan, boss!" Napatalon sa tuwa si Ita. "Nakaayos na ang mga gamit ko. Magpapaalam na nga lang sana ako sa 'yo."

"Hoy, ako rin, ha? Sabay na tayo."

"Nasa akin naman ang address n'yo, tetelegramahan ko na lang kayo kapag kailangan ko na naman kayo uli."

Nagkamot ng ulo si Ita. "E, boss, balak ko nang magbakasyon. Nangako ako sa asawa ko na hindi na uli ako aalis pagkatapos ng trabahong ito."

"Gan'on ba? Ayos lang 'yon, Ita. Huwag kang mag-alala," pagpayag naman ni Bullet. Tumingin siya sa dako ni Soyti. "Ikaw? Baka gusto mo na ring mag-retire?"

Namilipit si Soyti. Nauunahan ng hiya. "Ganyan din ang naipangako ko sa kumander ko, boss."

Nagkibit lang ng malalapad na balikat si Bullet. "Happy trip na lang sa inyo, mga 'dre," aniya, pa-kaswal. Alam niyang marami pang papalit sa dalawang ito.

Dinukot niya ang sobreng puti mula sa bulsa ng jacket. Kumuha siya ng ilang lilibuhin at iniabot sa dalawa.

"O, pamasahe n'yo pauwi. Para huwag nang mabawasan ang mga kinita n'yo. Diretso-uwi na, ha? Baka naman kung saan pa kayo dumaan?"

"Naku, boss, maraming salamat! Hindi ka namin makakalimutan!"

Tumango lang si Bullet. Tinapik niya ang mga ito isa-isa.

"Baka gumaya na rin ako sa inyo," pahabol niya bilang paalam. "Aalis na rin ako rito."

Ang 'dito' ay isang parte ng Pilipinas na pinamumugaran ng masasamang-loob.

Kailangan muna niyang magpalamig.

*****

REBEL'S sulking silence was ignored by her father and her brother.

Nagpatuloy ang mga ito sa pagpaplano ng buhay niya.

Samantalang si Rebel ay naghihintay lang ng tamang panahon, habang palihim niyang inihahanda ang lahat ng mga kailangan sa binabalak na paglalakbay.

Nakakuha na siya ng passport. Nakapamili na siya ng mga personal na gamit.

Tanging ang yate na lang ang wala pa. Kulang kasi ang perang naipon niya mula sa monthly allowance na natatanggap nung nasa kumbento pa siya.

She had met Joselito. And disliked him thoroughly.

Hindi niya tipo ang lalaking malamya ang pagsasalita. Mas pino at mayumi pa yata ito kaysa sa kanya.

"Bukas! Makukuha ko na ang trust fund ko," bulong niya sa sarili. Excited na siya.

Nasa swimming pool siya nang mga sandaling iyon. Naglulunoy para maibsan ang pagkayamot sa pamilyang ubod pala nang dominante.

"Senyorita Rebel, ipinatatawag kayo ng Papa n'yo," tawag sa kanya ng isang katulong na dalaga.

"Sige, susunod na ako," wika naman niya. Maliksi siyang lumangoy patungo sa tabi upang umahon.

Nag-shower siya sa dressing room na katabi ng wet bar sa isang panig ng swimming pool area.

Nakabihis siya ng bestida nang pumasok sa kabahayan.