Chereads / The Desirable Impostor / Chapter 1 - Chapter One

The Desirable Impostor

🇵🇭ecmendoza
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 31.3k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Chapter One

NANG magpakasal sina Emilio at Cora, marami ang humatol na hindi magtatagal ang pagsasama ng dalawa.

Nanggaling sa isang buena familia si Emilio Del Praño at si Cora Cruz naman ay anak sa pagkadalaga ng isang tindera ng isda sa palengke.

Ang mga humatol--na walang iba kundi ang mga magulang at kamag-anak ni Emilio--ay siya ring gumawa ng mga paraan upang magkahiwalay ang mag-asawa. Matapos ang pakunwaring pagtanggap kay Cora, patago ring ginawang impiyerno ang buhay ng kawawang babae.

Kaya nagkatutoo ang prediksiyon. Makalipas ang mahigit isang taon, lumayas si Cora sa bahay ni Emilio. Tinaglay ang isa sa kambal na sanggol.

"Dear Emilio, patawarin mo ako sa aking pag-alis ngunit kailangan kong gawin ito upang matahimik na uli ang ating mga buhay. Dinala ko si Caitlyn upang magsilbing alaala ng pag-ibig natin sa isa't isa. Huwag mo na kaming hanapin. Alagaan mo na lamang si Janine. Huwag kang mag-alala kay Caitlyn. Mapapalaki at mapapag-aral ko siya nang maayos dahil sa tulong ng malaking halagang tinanggap ko mula sa iyong mga magulang. Maraming salamat sa ipinadama mong pag-ibig... Palaging magmamahal, Cora."

Tinangka pa rin ni Emilio na hanapin ang mag-ina ngunit napakahusay ng ginawang pagtatago ni Cora. Walang iniwang bakas. Parang bulang naglaho sa hangin.

"Kalimutan mo na ang babaeng iyon, Emilio. Mas gusto niyang bumalik sa mundong pinagmulan niya!" Ganito ang matigas na payo ng mga magulang na dominante. "Ibaling mo na sa iba ang iyong pag-ibig."

Ngunit hindi na nag-asawang muli si Emilio Del Praño. Ibinuhos na lang ang buong panahon sa pagpapalago ng mga negosyo at ang pagpapalaki sa anak na si Janine ay ipinaubaya na lamang sa mga magulang.

Makalipas ang labinsiyam na taon, isang liham ang natanggap ng matagumpay na negosyante. Nagmula sa isang dalagang nagngangalang Caitlyn Cruz.

"Dear Itay, nais ko po sanang maging saksi rin kayo sa aking pagtatapos sa kolehiyo. Maaari po ba kayong magtungo dito sa Baryo Mabato sa katapusan ng buwan, sa ganap na alas nuwebe ng umaga? Pasensiya na kung apurahan ang imbitasyong ito. At maiintindihan ko po kung hindi kayo makakarating. Kumusta po pala sa aking kakambal na si Ate Janine? Nagmamahal, Caitlyn."

Paulit-ulit na binasa ni Emilio ang maikling liham. Hindi na mabilang ngunit hindi pa rin makapaniwala. Nang medyo mahimasmasan, tumawag agad siya sa detective agency na patuloy na inuupahan sa paghahanap sa mag-inang Cora at Caitlyn.

"May lead na tayo. Nasa Baryo Mabato sina Cora. Magpapunta ka agad ng mga tao doon. Gusto kong malaman ang eksaktong lugar ng tinitirhan nila." Ang tanging address na nakalagay sa labas ng sobre ay ang state college sa isang probinsiya na nasa Laguna lamang.

Agad na nagtungo doon si Emilio, matapos makatanggap ng report mula sa mga inupahang detektib.

Nang magkaharap muli ang dating mag-asawa, nandoon pa rin ang init ng pag-ibig.

"Cora, mahal na mahal pa rin kita. Sumama ka na sa akin. Magsama uli tayo." Hindi na nagpaliguy-ligoy si Emilio.

"Nangako ako sa iyong mga magulang, Emilio. Hindi ako marunong sumira sa pangako."

"Kung gayo'y bakit sinira mo ang pangako mo sa akin sa harap ng altar? Na mamahalin ako at makikisama sa akin sa hirap man at sa ginhawa?"

Tuluyan nang nanghina ang naghihirap na kalooban ni Cora.

"H-hindi tayo magkakaroon ng katahimikan, Emilio. Tutol pa rin ang iyong mga magulang." Ganito na lamang ang naikatwiran ng mapagparayang kabiyak. "Hindi pa rin ako nababagay sa 'yo," dagdag pa.

"Lalayo tayo kanila, Cora. Hindi ka na makikisama sa kanila. Isasama natin ang ating mga anak. Magiging isang buong pamilya na tayo," pang-aamuki ni Emilio.

"Inay, pumayag na kayo. Mahal na mahal n'yo pa rin naman ang Itay, a?" Sumabad na si Caitlyn, ang bunso sa kambal. Huli ng limang minuto sa paglabas mula sa sinapupunan ng ina.

"P-paano si Janine?"

"Of course, papayag 'yon," ang matatag na pahayag ni Emilio ngunit bahagyang nakatabing ang mga pilikmata. "Magsama na uli tayo, Cora. Napakalungkot ng buhay ko nung mawala ka. Ikaw lang ang aking kaligayahan."

"S-sige na nga." Tuluyan nang napahinuhod si Cora. "Oh, Emilio, sana'y hindi ka magsisi!"

Nagsama ngang muli ang mag-asawang nagkahiwalay ng labinsiyam na taon. Sa kabila ng pagtutol ng angkan ng mga Del Praño, nag-immigrant ang buong pamilya ni Emilio sa California.

Ngunit hindi ang kambal na magkapatid. Dahil magkahiwalay at magkaiba ang mga mundong kinalakhan, magkabaligtad ang personalidad nina Caitlyn at Janine.

Masunurin at responsable ang bunso. Spoiled at iresponsable si Janine. Kundi siguro mas malakas ang lukso ng dugo--at sa napakahabang pasensiya ni Caitlyn--baka hindi pa nagkasundo ang dalawa!

"Patawarin mo ako, Cora. Sina Mama at Papa ang hinayaan kong magpalaki kay Janine kaya nagkulang siya sa disiplina."

"'Wag mong sisihin ang iyong sarili, Emilio. Ako ang dapat sisihin. Dapat ay akong ina ang nagpalaki sa kanya."

"Inay, Itay, 'wag n'yo na pong alalahanin si Ate Louie. Matututo rin siya. Bata pa naman siya, e," pang-aalo naman ni Caitlyn. Hindi man gaanong positibo sa sinabi pero ang hangad ay mapayapa ang kalooban ng mga magulang na nag-aalala.

Dahil tinalikuran ang angkan, inalisan si Emilio ng karapatan sa mga negosyong pinalago sa Pilipinas.

"May sariling pera ako, Cora. Magsisimula uli tayo."

Nagtayo nga ng laundry business si Emilio. Lahat sila ay tumulong, maliban kay Janine.

"Puwede pa akong umuwi kina Lola at Lolo, Papa," ang nagmamalaking pahayag ng dalagang sosyalera. "Hindi ako suwail kaya hindi ako dapat naghihirap na katulad n'yo!"

"Ano'ng tawag mo sa sarili mo ngayon?" ang galit na sumbat ni Emilio.

"Hayaan na lang natin si Janine, Emilio," ang maagap na pigil ni Cora. "Tama ang anak natin. Hindi siya dapat dumaranas ng paghihirap."

"Sige! Tutal may sariling pag-iisip ka na, sumige ka na sa gusto mong gawin sa buhay mo!"

"Talaga! Uuwi na ako!"

Nalungkot si Caitlyn sa pag-a-alsa-balutan ng kakambal ngunit wala siyang magagawa. Hindi naman tumagal ang kanyang lungkot dahil naging matagumpay ang munting family business. Naging abala siya sa paglilingkod bilang bookkeeper at all-around helper.

At panaka-naka ay tumatawag si Janine sa California kaya naiibsan na rin ang kanyang pangungulila sa kakambal.

"Successful model na ako ngayon, Cat."

"Natutuwa ako para sa 'yo, Ate Janine!"

"Ikaw ba? Kailan ka ba mag-a-ambisyong kumita ng sarili mong pera?"

"Ate, maayos ang pa-suweldo nina Itay at Inay sa akin. May bonus pa nga dahil libre ang board-and-lodging ko."

"Ano? Nakikitira ka pa rin sa kanila, e, ang tanda-tanda mo na?"

"Magsingtanda lang tayo, a?" ang pabirong salo ni Caitlyn.

"Hay, saang planeta ka ba galing, Cat? What I mean to say is personal freedom. Ayaw mo bang maging malaya?"

"Malaya naman ako kina Itay at Inay. Libre akong lumabas ng bahay kahit na anong oras ko gustuhin."

"Basta't alam lang nila kung sino ang kasama mo at kung saan ka pupunta at kung anong oras ka uuwi!" sabad ni Janine. Ang isang inayawan nito sa poder ng mga magulang ay ang istriktong patakaran.

"Walang masama d'on. Natural lang na mag-alala sina Itay sa kapakanan natin."

"Hmp! Huli na! Kung kailan tumanda na ako? No way!"

"'Wag ka nang magalit sa kanila, Ate Janine." Aaluin agad ni Caitlyn ang kapatid. "Ikuwento mo na lang sa akin ang trabaho mo."

Anupa't sa paglipas ng mga buwan at taon, unti-unti pang naging close sa isa't isa ang kambal...