ISANG matandang babae ang parang reynang nakaupo sa isang silyang tila trono ang disenyo at yari. Regal ang hubog ng ulo at ang tuwid na mga balikat at likod. Diretso at nang-aarok ang paraan ng pagtitig.
Puno ng pangamba ang kalooban ni Caitlyn habang papalapit sila ni Drake sa naghihintay na agwela.
"Lola Dorothy," ang masiglang sambit ng lalaki. "Nainip ka ba?" Hinagkan nito ang isang kulubot at butuhang pisngi.
"Hindi naman. Puntahan mo si Seling at sabihing puwede na niyang ilabas ang mga pagkain dito." Nakangiti si Senyora Dorothy Mendrez habang nagbibigay ng instruksiyon sa apo.
Bahagyang nabawasan ang init nang bumaling sa gawi ni Caitlyn. "Iha, halika. Dito ka maupo sa tabi ko."
Pinuwersang ihakbang ni Caitlyn ang mga paa upang pagbigyan ang kahilingan ng matandang babae.
"Salamat po," sambit niya habang nauupo sa silyang tinapik ng isang kulubot na kamay.
"Ikaw si Janine Del Praño, ang modelo?"
Halos mag-alangan sa pagtango si Caitlyn. Para kasing alam ng kaharap na isa siyang impostor.
"O-opo."
"Hmm, hindi ka pa pala binibigyan ng singsing ng apo ko?" sambit nito habang nakatitig naman sa mga daliri niya.
Napadako rin doon ang paningin ni Caitlyn.
At gayon na lang ang pagkadismaya niya nang mapagtantong ang mga kamay pala nila ni Janine ay may napakalaking pagkakaiba. Worker's hands ang mga kamay ni Caitlyn.
Makalyo ang mga palad at medyo bukul-bukol ang hubog ng mga daliri.
Hindi katulad ng mga kamay ni Janine na malalambot at makikinis. Mahahaba at hubog-kandila ang mga daliri.
"Er, h-hindi pa po," ang alanganing tugon niya.
"Maaari mo bang isukat ito para sa akin?" Hinugot ng senyora ang wedding ring na yari sa lantay na ginto ngunit antigo na ang disenyo at anyo.
Nanginginig si Caitlyn nang isuot ang naturang singsing sa isang daliri.
"Aba, kasyang-kasya, a?" Tila siyang-siya ang matandang babae habang sinisipat ang perfect fit ng wedding ring sa daliring palasingsingan ni Caitlyn. "Pareho pala tayo ng ring size, iha."
"O-opo." Pilit ang ngiti ni Caitlyn habang marahang hinuhugot ang singsing.
Dapat ay natutuwa siya, hindi ba? Tila natanggap agad ni Senyora Dorothy si Janine bilang nobya ng apo.
Buong ingat na isinuot niya ang singsing sa daliri ng may-ari.
"Kumusta ang biyahe mo, iha?" Magiliw na ang tono ni Senyora Dorothy nang muling magsalita.
"Okey lang po."
"Nalayuan ka ba?"
"Hindi naman po."
"Kumusta naman ang impresyon mo sa plantasyon?"
"Maunlad po."
"At sa Villa Mendrez?"
"Very impressive po, Senyora." Tiyak na ang tono ni Caitlyn bagama't matipid pa rin.
Tumangu-tango si Senyora Dorothy. "Ang gusto kong itawag mo sa akin ay Lola Dorothy. Maaari ba?"
Nanlaki ang mga mata ni Caitlyn. Naumid ang kanyang dila dahil sa pagkabigla.
"Baduy ba? Sige na nga, papayag na akong magpatawag ng Grandma," dugtong ng matanda nang hindi kumibo ang dalaga.
"M-mas bagay po ang Lola Dorothy," agap niya, kahit pautal. "S-salamat po, Lola Dorothy," dagdag niya, sa tonong puno ng damdamin.
"Salamat din, iha. Natutuwa ako dahil pinili mong pumunta dito kaysa sa Paris."
Parang mahihirinan si Caitlyn kapag nagsinungaling sa matandang babae kaya tumango at ngumiti na lamang siya.
"Mukhang nagkakasundo na kayong dalawa, a?" ang masuyong pambubuska ni Drake habang papalapit sa kinauupuan nina Lola Dorothy at Caitlyn.
"Gusto ko ang nobya mo, iho. Prangka at natural siya."
Prangka at natural? Si Janine? tanong ni Caitlyn sa sarili. Puro kasinungalingan ang sinasabi niya.
Tumawa ang lalaki. Para sa mga mata lang niya ang pagdududang nakabahid sa maluwang na ngiti.
"Thank you, Lola," sambit ni Drake. "Siyanga pala, kasunod ko na sina Aling Seling."
"Good. Maupo ka na, iho."
Lihim na natuwa si Caitlyn nang ang katapat na silya ang tinapik ng matanda. Tiyak na wala na siyang maikikilos na tama kung nagkatabi sila ni Drake!
Naging maayos naman ang naging takbo ng unang pananghaliang iyon. Masigla at magiliw si Lola Dorothy habang nagkukuwento tungkol sa kabataan ng binatang apo at tungkol sa sariling kabataan.
Medyo naging seryoso na ang tono nang tungkol na sa mga nagdaang henerasyon ng Familia Mendrez ang paksa.
"Treinta'y kuwatro na si Drake, pero wala pa rin ang susunod na salinlahi. Labis na akong nag-aalala dahil napakaikli na lang ng panahong ilalagi ko dito sa mundo. Gusto ko sanang makita ang mga susunod na tagapagmana ng Mendrez Plantation bago ako mamatay."
"Lola Dorothy, matutupad ang kagustuhan mo," ang tiyak na pahayag ni Drake.
"Sa sandaling matagpuan ko na ang babaeng nararapat na magdala ng apelyido natin--at ng sanggol ko sa sinapupunan niya." Mistulang balaraw na nang-aarok ang mga titig ng lalaki sa mga mata ni Caitlyn.
"Ano'ng masasabi mo, iha?" tanong ni Lola Dorothy makalipas ang sandali ngunit makapal na katahimikan.
"I-ikararangal ko po--kung magiging karapat-dapat po ako," ang mapagkumbabang tugon ng dalaga.
Parang batang pumalakpak ang senyora. "Mabuti, mabuti! Ay, iho! Napakagaling mong pumili ng nobya!" papuri pa sa apo.
"Salamat, Lola." Awtomatiko ang tugon ni Drake. Sarado ang ekspresyon. Tila hindi ito makapaniwala habang nakatitig pa rin kay Caitlyn.
"Bukas ng gabi, sa mismong kaarawan ko, gusto kong ipahayag mo ang petsa ng inyong kasal ni Janine."
Kumiling ang ulo ni Drake. "Malalaman natin 'yan bukas ng gabi, Lola Dorothy," wika nito. Walang commitment sa kaswal na tono. "Ano'ng dessert n'yo? Leche flan o buco pandan?"
"Er, buco pandan." Matagal na nawala sa Pilipinas si Caitlyn kaya hindi niya napigil ang pagkasabik.
"Ako rin, apo," gagad ni Lola Dorothy.
"You left your diet in Manila, hmm?" panunudyo ni Drake bago inilapag sa harapan ng dalaga ang isang glass bowl ng buko at berdeng gulaman na lumalangoy sa malapot na gatas.
Pinanood rin nito ang maganang pagkain niya ng chicken barbeque with acharang papaya, pork mechado at beef caldereta na iniulam sa isang pinggang umuusok at mabangong kanin.
Nagkibit-balikat lang si Caitlyn habang dinadampot ang kutsarita. Wala siyang problema sa timbang.
Kahit gaano karami pa ang kainin niya, natutunaw namang lahat kapag nagba-basketball at nag-gi-gym siya. Gayundin sa maghapong pagtatrabaho sa folding at ironing room ng laundry business nila sa San Jose.
"Tiyak na matutuwa si Seling kapag nalamang nagustuhan mo ang lahat ng mga inihanda niya, iha," ang tuwang-tuwang wika ni Lola Dorothy.
"Napakasarap po palang magluto ni Aling Seling," papuri ni Caitlyn. "Gusto kong magpaturo sa kanya." Ang nasa isip niya ay makapag-uwi ng ilang putahe ng katutubong ulam para ipasalubong sa mga magulang.
"Mahilig ka palang magluto?" tanong ni Drake.
Naalala ni Caitlyn ang pagka-disgusto ni Janine sa kusina at sa pagluluto kaya umiling siya.
Nabawasan rin ang enjoyment niya sa pagkain kaya hindi naubos ang laman ng dessert bowl.
"Mahilig akong mag-eksperimento," pagsisinungaling niya. "Wala kasing hilig ang pagluluto sa akin," dagdag pa niya.
"Marami kang panahong magpaturo kapag mag-asawa na kayo ni Drake," salo ni Lola Dorothy.
Bahagyang namula ang mga pisngi ni Caitlyn nang mapasulyap sa binata.
Nakatitig ito sa mayamang umbok ng dibdib niya na natatakpan ng manipis at hapit na tela ng puting blusa. Aninag rin ang suot niyang white lace brassiere.
Maya-maya'y humakab na rin ang kambal na koronang nagpahiwatig sa pagkapukaw ng katawan niya.
Dali-daling ipinagpag ng dalaga ang linen napkin na nakalatag sa kandungan upang matakpan ang dibdib.
Tumawa nang patudyo ang lalaki. Ginagad siya. Dinampot rin ang linen napkin at ipinagpag.
"Ipasyal mo sa paligid si Janine habang nagsi-siesta ako, Drake," utos ng matandang babae. Walang kamalay-malay sa sexual tension na umusbong sa pagitan ng dalawang kasalo sa hapag-kainan.
"Dadalhin ko siya sa homestead, Lola."
Kumabog ang dibdib ni Caitlyn nang marinig ang sinabi ni Drake. Nahulaan agad niyang may ibang binabalak gawin ang lalaki.
"Uhm, g-gusto ko sanang mag-siesta rin, katulad ni, er, Lola Dorothy, Drake... darling," ang lakas-loob na pahayag niya.
"Mas magandang ideya 'yan, iha. Pasensiya ka na, hindi ko naisip na baka pagod ka pa sa biyahe. Halika, magsabay na tayo sa pag-akyat sa itaas." Umabrisiyete ang matandang babae sa isang braso ni Caitlyn upang isabay sa paglakad patungo sa hagdanang marmol.
"Magkita-kita na lang tayo mamayang hapon, Drake."
Sumabay rin sa Drake sa kanila. "May sasabihin ako kay Janine, Lola," wika nito nang makarating na sila sa tapat ng kuwarto ni Caitlyn.
"Okey. See you later, iha." Kumaway pa sa dalaga ang senyora bago nagpatuloy sa paglakad, papunta sa isang kuwartong nasa gawing dulo ng koridor.
"Maaari bang tumuloy?" ang pormal na hiling ni Drake nang mapag-isa na sila.
Animo robot ang pagkilos ni Caitlyn dahil naninigas ang mga biyas niya, sanhi ng matinding tensiyon.
"Bakit parang natatakot ka?"
"P-pagod lang ako," bawi niya. "A-ano'ng gusto mong pag-usapan natin?"
Nagtapang-tapangan siya kahit namumutla ang mga pisngi at tuyung-tuyo ang loob ng lalamunan niya.
'Oh, God, bistado na ba ako?' usal niya sa sarili.
"Pumasok muna tayo."
Paatras na humakbang papasok sa loob ng silid si Caitlyn. Hindi inaalis ang mga mata kay Drake. Pilit na binabasa ang saradong ekspresyon.
"D-Drake..." Hindi makahinto sa pag-atras ang dalaga dahil patuloy sa paglapit ang matangkad na lalaki matapos itulak pasara ang dahon ng pinto. Nakatitig pa rin sa kanya ang mga matang nanunuri.
"Drake!" Napabulalas si Caitlyn nang masukol na siya sa isang panig ng maluwang na silid. Nakasandal na sa matigas na dingding ang likod niya.
Saka lang nagsalita ang lalaki. "Ano'ng klaseng gayuma ang ginamit mo kay Lola Dorothy?" pang-uusig nito.
"H-hindi ko alam ang sinasabi mo," tugon niya.
"Ano'ng sinabi mo sa kanya?"
Umiling si Caitlyn. "W-wala."
Binihag ng mahahabang daliri ang magkabilang pisngi niya upang hindi niya maiiwas ang mga mata.
"Pihikan si Lola Dorothy. Hindi basta-basta nahuhulog ang loob niya sa tao, lalo't bagong kakilala pa lang. Paano mo siya napaamo sa loob lang ng maikling panahon?"
Pinilit isipin ni Caitlyn ang naging tagpo nila ni Senyora Dorothy kanina.
"N-nagtanong lang siya tungkol sa biyahe. Itinanong rin niya ang impresyon ko sa plantasyon at sa Villa Mendrez."
"Gan'on lang?"
"O-oo."
"Wala kang sinabi tungkol sa relasyon nating dalawa?"
"A-alam niyang magnobyo tayo, hindi ba?"
"Hindi niya alam na mag-lovers na tayo."
"O-oh..." Agad na ibinaling ng dalaga ang mukha dahil nag-aapoy na ang mga pisngi.
"Oh, indeed," panunuya ni Drake. "Pangungunahan lang kita, Janine. Ayoko ng dinadaan ako sa bilis. Kapag nalaman kong nag-imply ka kay Lola na buntis ka na sa akin--simbilis ng kidlat ang pagtalsik mo palabas dito. Maliwanag ba?"
"M-maliwanag." Nanlalaki ang mga mata ni Caitlyn. "Hin-hindi ko ginawa 'yan, Drake," tanggi niya. Nanginginig ang tinig.
"Isa pa," dagdag ng lalaki, paasik. "Dumistansiya ka muna kay Lola. Ayokong mahulog nang husto ang loob niya sa 'yo."
"K-kung gusto mo, puwede akong lumipat sa isang hotel--"
"Papayag kang lumipat sa ibang lugar?" paniniguro ni Drake.
"P-para sa ikakatahimik ng isipan mo." Pinuwersa niya ang sariling makipagtitigan sa lalaki kahit parang napapaso na pati ang kaluluwa.
Naunang sumuko si Drake. Padaskol itong lumayo at tumalikod sa dalaga. Sinabunutan ang sarili habang matamang nag-iisip.
Nang muling humarap, bahagya nang nakangiti ang sensuwal na bibig. Naglaho na ang pagdududang nakabadha sa simpatikong hubog ng mukha.
"I'm sorry for that silly outburst, Janine honey." Malambing na ang baritonong tinig. "Nagseselos lang siguro ako. I didn't expect na magiging magkapalagayang-loob agad kayo ni Lola Dorothy. Can you forgive this very insecured fiance of yours?"
"F-fiance?"
Marahang tumango ang lalaki. Tila puno ng pag-ibig ang mga matang nakatitig sa mukha ni Caitlyn.
"We shall announce our formal engagement tomorrow night--katulad ng gusto ni Lola Dorothy. Bukas, bibigyan kita ng engagement ring, Janine honey."
Hindi nakadama ng kasiyahan si Caitlyn. Bagkus ay parang nagseselos na rin siya.
Paano'y para kay Janine lang ang kaligayahang idinulot ng desisyon ni Drake Mendrez.
A, kung puwede lang pabilisin ang pagtakbo ng mga oras! Sana'y matapos na agad ang tatlong araw!