KINABUKASAN, nakasakay na naman sa eroplano si Caitlyn. Patungong Zamboanga naman.
"May malawak na pineapple at durian plantation ang Familia Mendrez ng Zamboanga. Nandoon ang ancestral house na tinitirhan ng lola ni Drake," ang mabilisang pagkukuwento ni Janine habang nakasakay sila sa taxing patungong domestic airport.
"Sabi ni Drake, may sarili din daw kapilya ang plantasyon. Malamang na doon kami ikasal dahil napaka-tradisyunal ng kanyang lola."
"Er, ano ba ang pangalan ng lola?" Parang na-attached na si Caitlyn sa agwela ng kasintahan ng kapatid dahil siya ay sabik na makilala ang sariling lolo at lola. Hindi pa rin siya itinuturing na apo dahil sa loyalty niya sa kanyang Inay.
"Ewan ko. Bahala ka nang tumuklas," pagwawalambahala ni Janine. "Siyanga pala, heto ang numero at kumpletong address ng plantasyon. Tumawag na ako kanina bago tayo umalis sa condo unit. Ulitin mo na lang ang pagtawag kapag wala pa ang sundo mo sa airport. Okey?"
"Okey, ate." Ibinulsa ni Caitlyn ang kapirasong papel na iniabot.
"Buweno, aalis na ako. May flight din ako mamayang hapon. Dadaan pa ako sa favorite salon ko kaya iiwan na kita ngayon. Bye! Pagbutihin mo, ha?" Binesu-beso ni Janine ang kakambal bilang paalam.
Naiwan si Caitlyn na napapamaang na naman. Paano'y ni hindi man lang siya sinamahan ng kapatid sa pagbili ng tiket sa eroplano!
Wala namang aberya ang maikling biyahe sa himpapawid na patungo sa ikatlong pulo ng bansang sinilangan. Eksaktong oras ng pananghalian nang lumapag ang eroplano sa tarmac ng airport.
Nagpatuloy ang pagkalibang ni Caitlyn sa mga nakikita sa paligid. Ngayon lang uli siya napalibutan ng mga kapwa-Pilipino. Masarap talaga sa pakiramdam ang nasa sariling bayan.
Unang-una'y hindi nakakangalay sa leeg dahil hindi kailangang tumingala nang tumingala. Halos singtaas lang niya ang mga taong nasa palibot.
'Siguradong hindi ako agrabyado sa basketbol dito,' bulong ni Caitlyn sa sarili.
Basketball ang paborito niyang sports sa San Jose kapag may libreng oras tuwing Linggo. Jogging at weightlifting naman sa gym sa gabi tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.
"Ma'am, nandoon po ang baggage counter," ang magalang na pahayag ng airport security na napagtanungan. "Doon po lalabas ang inyong bagahe."
"Salamat po, sir." Ginantihan ng magalang na tono at matamis na ngiti ni Caitlyn ang courtesy ng kausap. Walang kamalay-malay na lalong tumingkad ang angking kariktan.
Namula nang husto ang lalaki. Tila napahiya pero halatang natuwa rin. Napakamot ito sa ulo nang pabulong na kinantiyawan ng kasamahan sa trabaho.
Bahagyang nagtataka si Caitlyn nang tumalikod at lumakad patungo sa baggage section.
Nang mamataan ang maletang ipinahiram ni Janine, biglang nakaramdam ng panic ang dalaga. Parang gusto niyang hablutin iyon at tumalilis pabalik sa Maynila. Naho-homesick na siya.
Nais na niyang umuwi sa San Jose. Ngunit kapag nagpatalo siya sa kahinaan, baka tuluyan nang lumayo sa kanila ang kapatid...
"Janine honey."
Nagtayuan ang maninipis na balahibo ni Caitlyn sa batok nang marinig ang baritonong tinig. Nakakakiliti ang bahagyang pagkapaos.
Si Drake darling? Nasa Japan si Drake, hindi ba?
Abut-abot ang pagkaba ng dibdib ni Caitlyn nang dahan-dahang luminga sa direksiyong pinagmulan ng boses na may puwersang nanghihigop.
"D-Drake darling?!" Muntik na siyang pumiyak. "I--I'm surprised to see you." Ipinaliwanag niya ang pagkabigla dahil hindi magawang umarte nang natural.
"You should be, honey. This is a surprise."
Muntik nang mapatulala si Caitlyn nang sumilay ang mainit na ngiti ni Drake. Lalong tumindi ang sex appeal nito nang kumislap ang mga matang may bahid pa ng kapilyuhan at lumitaw ang mapuputing ngipin.
"S-so, hindi tutoong may tour ka sa Malaysia?" ang pautal na tanong niya.
"The trip was cancelled. Kahit ang biyahe ko sa Japan ay nakansela rin. Nagdumali akong bumalik dito nang tawagan ako ng nurse ni Lola Dorothy."
"Oh! Kumusta na si Lola Dorothy?" Natural ang simpatiyang bumahid sa tinig ni Caitlyn.
Ngunit tila naibahan si Drake Mendrez dahil napatitig pa muna ito sa kanya bago tumugon.
"Medyo okey na. Bawal ma-excite nang husto--kaya cancelled na rin ang malaking birthday party na pinlano namin para sa kanya." Dinampot ng lalaki ang luggage case na kulay peach nang makarating sa kanilang harapan. "Ito lang ba ang dala mo?"
Tumango si Caitlyn.
"I'm impressed. You're a quick learner, Janine honey."
Kahit hindi gaanong naintindihan kung tungkol saan ang papuri, nag-blush pa rin ang dalaga.
Muli tuloy napatitig si Drake sa kanya. "I've never seen you blushing before," wika nito bago kumibit ang isang malapad na balikat. "Must be the weather. Maalinsangan ang panahon namin ngayon dito sa Zamboanga. Tayo na. Nasa parking lot ang kotse." Nagpauna na ito sa paglalakad, bitbit ang malaking maleta.
Saka lang nakahinga nang maluwag si Caitlyn. Ngunit nangangatog pa rin ang mga tuhod niya nang magsimulang humakbang. Lalupang nanuyo ang lalamunan nang mapagmasdan ang matipunong katawan ni Drake Mendrez.
Nasa early thirties ang edad, maikli at medyo kulot ang buhok na itim na itim, malapad ang mga balikat, makitid ang beywang, pipis ang tiyan, maskulado ang mga bisig, mahahaba ang mga hita at binti.
Aristokratiko ang hubog ng mukha. Halatang may lahing mestizo dahil mamula-mula pa rin ang makinis na balat kahit sunog sa araw. Wala sa hitsura ng binata ang pagiging isang multi-millionaire dahil sa rugged attire.
Basa ng pawis ang likod at harapan ng asul na polong nakatiklop ang mahahabang manggas. Maputik ang gawing ibaba at puwitan ng kupasing maong na nakahakab sa matipunong balakang at mga biyas.
Isang maalikabok na owner-type jeep ang sasakyang nilapitan ng matangkad na lalaki. Nakakulapol ang makapal na putik sa mga gulong. Mayroon ding mga natuyong talsik sa mga upuan.
Bahagyang napangiwi si Caitlyn nang iitsa ni Drake ang maleta ni Janine sa likod ng dyip.
Pinukol siya ng sulyap ng binata. Tila nakikiramdam. Agad namang binura ng dalaga ang dismayadong ekspresyon. Walang nabanggit si Janine tungkol sa casual attitude ng nobyo kaya hindi niya alam kung ano ang dapat na maging reaksiyon.
"How's your flight?"
"Tiring." Awtomatiko ang tugon ni Caitlyn. Ang nasa isipan ay ang mahabang biyahe mula sa San Jose. Huli na nang maalalang siya nga pala si Janine at sa Maynila lang siya dapat nanggaling.
Muling sumulyap sa kanya si Drake. Nakaupo na ito sa driver's seat. Naisuksok na ng isang kamay ang ignition key.
"I was only half-expecting your arrival," pagtatapat nito. "Alam kong mahalaga ang Paris trip."
Itinago ni Caitlyn ang pagkagulat. Alam pala ni Drake ang tungkol sa planong pagpunta ni Janine sa Paris?
"Thank you for coming here instead, Janine honey."
May gumapang na kilabot sa likod ni Caitlyn. Masuyo at paanas ang pagsasalita ni Drake Mendrez. Parang hinaplos ng mga daliri nito ang kanyang sensitibong balat.
"I--I'm glad I made you happy, Drake... darling." Muntik nang hindi matapos ni Caitlyn ang improvised dialogue na wala sa script na ibinigay ni Janine.
Ngunit itinuro ng kakambal ang pet name nito sa nobyo. Hindi kaya nagsinungaling lang ito nang sabihing wala sa plantasyon si Drake Mendrez?
Dahil kung sinabi ni Janine na daratnan niya ang leading man, tiyak na hindi papayag si Caitlyn na maging proxy sa leading lady, hindi ba?
A, wala nang buting idudulot ang mga ispekulasyon kaya dapat niyang ipunin--at panatilihing buo--ang kanyang wisyo!
Ngumiti ang lalaki bago pinaandar ang sasakyan. "Pasensiya ka na sa amoy-pawis ko. Maaga akong umalis kaninang umaga kaya nalaman ko ang tungkol sa long-distance call mo nung umuwi ako sa homestead para mag-lunch. Sa pagdudumaling masundo ka, hindi na ako nakapagbihis."
Homestead? Hindi ancestral house?
"O-okey lang." Sinarili ni Caitlyn ang mga katanungang nagsulputan sa isipan.
Gayundin ang mga personal impressions patungkol sa maskulinong kabuuan ng lalaki. Tila lalupang nakadagdag ang dishevelled appearance sa pagka-macho nito, sa raw sex appeal na parang gayumang bumibihag sa katinuan niya.
Ipinilig ng dalaga ang ulo bago ibinaling ang pansin sa labas ng bintana.
"Na kabaligtaran mo," patuloy ni Drake.
Dahil nagsalita ang lalaki, at siya ay nagpapanggap na kasintahan nito, napilitang luminga si Caitlyn.
"You look cool and interesting, Janine."
"Thank you." Pakunwari lang ang kalmang ipinamamalas niya. Gayundin ang ngiting nakaguhit sa mga labi. "Malayo ba dito ang homestead?"
"Hindi tayo sa homestead pupunta."
Napamaang si Caitlyn. "Saan?"
"Sa Villa Mendrez nakatira si Lola Dorothy," paliwanag ni Drake.
"Oh." Lihim na napahiya si Caitlyn. Meron naman pala talagang ancestral house.
"Pero hindi ako doon nakatira," dugtong ng lalaki, sa tonong patudyo.
"Oh? Saan ka nakatira?"
"Sa homestead."
Labag sa kalooban ni Caitlyn ang pagka-intrigang nadarama kaya pilit na nilunok bago maisatinig.
"Natuwa ka ba? O na-disappoint?"
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Hindi tayo makakapagsiping habang nandito sa plantasyon. Masyadong conservative si Lola Dorothy."
Naumid ang dila ni Caitlyn. At parang nag-apoy ang mga pisngi niya.
"You're blushing again!" bulalas ni Drake. Tila nasorpresa nang husto.
Walang maisip ikatwiran si Caitlyn. Sa katarantahan, sinapo ng mga palad ang magkabilang pisngi.
Tumawa nang mahina ang lalaki. Tila galak na galak sa dinaranas niyang pagkapahiya. Iyon ang pumukaw sa pride ng dalaga.
"Please, stop saying shocking things to me," ang pormal na utos niya, pero mabuway ang tono.
Kumurba pataas ang isang makapal na kilay at pinukol siya ng isang mapanudyong sulyap.
"Playing the innocent is a good approach. Tiyak na pasado ka na kay Lola Dorothy, Janine honey!"
"I hope so!" ang pigil na wika ni Caitlyn. "Hindi ba't 'yan ang dahilan ng pagpunta ko dito--ang makapasa sa mga pagsubok ng lola mo?"
"May ilang pagsubok rin ako para sa 'yo, Janine--bago ka maging karapat-dapat na Mrs. Drake Mendrez." Medyo sumeryoso na ang lalaki. "Kaya behave yourself habang nandito ka sa plantation."
"I know that, too," sambit niya.
Unti-unting umayos ang paghinga ng dalaga, nang makarating sa teritoryong itinuro ni Janine. Alam niyang susubukan ang karakter at kakayahan ng kakambal kung ito ay babagay na maging kabiyak ng isang plantation owner.
Kapag nakapasa si Janine, magiging bayaw niya si Drake Mendrez...