Chereads / The Desirable Impostor / Chapter 4 - Chapter Four

Chapter 4 - Chapter Four

NAGING tahimik at payapa ang maikling biyahe patungo sa Villa Mendrez. Kapwa walang imik ang dalawang okupante ng dyip.

Ang buong atensiyon ni Caitlyn ay ipinabihag niya sa mga tanawing nadaraanan. Nakakabighani ang walang katapusan at pantay-pantay na mga hilera ng mga pananim na pinya, mga puno ng durian at mahahabang greenhouses.

"'Yan ang latest technology sa vegetable-raising, ang mga hydroponics. Soil-less kaya hindi kailangan ng lupa. Ang nutrients na kailangan ng mga halaman ay direktang nakukuha sa circulating water supply kaya napakabilis lumaki at magbunga."

Tumangu-tango si Caitlyn. "Narinig ko na nga ang tungkol sa hydroponics. Mas malalaki at mas malasa ang hydroponics tomatoes na natikman ko."

"Really?" Naging interesado talaga si Drake sa tinuran niya. "Sa palagay mo, saan nanggaling ang mga hydroponics tomatoes na nabili mo?"

"Sa supermarket sa San Jose." Wala sa loob ang pagtugon ni Caitlyn dahil napatitig siya sa mga matang mapanggayuma.

"Sa San Jose?" Tumawa ang lalaki. "Of course, marami sa San Jose. California has one of the most modern agricultural technologies in the world."

Bahagyang namutla ang dalaga nang mapagtantong nadulas ang dila niya. Mabuti na lang, hindi nagtaka si Drake kung bakit napunta siya sa San Jose.

"The Mendrez Plantations is hoping to be one of the suppliers of hydroponics-grown vegetables in the Philippine supermarkets soon. Last month lang nagsimula ang full operations namin. Next week siguro, mayroon na kaming aanihin."

"Oh, good for you," sambit ni Caitlyn. "Siguradong magiging successful ang bagong venture na 'yan, Drake... darling."

"Thank you for the encouragement," tugon ng lalaki. "A good farmer's wife would surely say that," dugtong pa, pero sa tonong pabuska na.

"Well, I would like to be a good farmer's wife," salo ni Caitlyn. Determinadong makapuntos para sa kakambal.

Masayang ngumiti si Drake habang nakatutok ang paningin sa kalsadang aspaltado.

"Nasa dulo ng daang ito ang Villa Mendrez. Malaki ang bahay at may dalawang palapag. Mahigit dalawandaang taon na ang edad dahil ang mga lolo't lola pa ni Lola Dorothy ang nagtayo." Pinukol siya ng masiglang sulyap.

"Doon tayo titira--kung magpapakasal ka sa akin, Janine honey."

Napakurap si Caitlyn. Hindi niya matagalang tumitig sa mga matang may malakas na panghatak sa katinuan niya.

"Uhm, g-gusto ko 'yan," ang pautal na sambit niya.

"Good." Muling ibinalik ni Drake ang atensiyon sa pagmamaneho. "Ang gusto ni Lola Dorothy ay punuin natin ng mga anak ang ancestral house niya."

Hindi namalayan ni Caitlyn ang pangingislap ng mga mata dahil napukaw ang isang sikretong pangarap niya. Wala pa siyang natatagpuang lalaking nais mapangasawa, ngunit ang gusto niya ay magkaroon ng maraming anak!

"No objections?" tanong ni Drake. Inihinto nito ang sasakyan para tumitig sa kanya.

Umiling ang dalaga. "I would like to have as many children as I could," ang seryosong pahayag niya.

Napangiti uli ang lalaki habang pinapaandar uli ang dyip.

"You cannot have children alone, Janine honey. You need a man to create a child."

Nagkulay-rosas ang mga pisngi ni Caitlyn. "Yes, of course," sang-ayon niya, sa tonong nakikimi.

Bumawi siya ng tingin at hindi na kumibo. Kailangang mapawi ang pagkalito niya. Siya si Janine, okey?

Huminto na naman sila nang makarating sa bahagi ng kalsadang paahon. "Look, Janine," ang pabulong na utos ni Drake.

Tumalima si Caitlyn. At hindi niya napigilan ang mapasinghap sa nakita.

Isang mala-palasyong tahanan ang nakatayo sa paanan ng burol na tinawid ng aspaltadong kalsada.

Halatang lumang-luma na dahil ang magagaspang na pader na yari sa makakapal na adobe ay tinubuan at ginapangan na ng climbing ivy hanggang sa bubungan. Ang bubungang yari sa tisa ay nilulumot na. Ang mga bintanang yari sa capiz ay naninilaw na.

Ngunit sa kabila ng kalumaan, bumagay pa rin ang ancestral house sa mga halamang namumulaklak sa palibot. Nagmistulang moog na nasa gitna ng isang paraiso.

May ahas rin kaya dito? tanong ni Caitlyn sa sarili.

Oo. Si Drake.

Nakatingin sa kanya ang lalaki nang pukulin niya ng panakaw na sulyap.

"Sa palagay mo ba, magugustuhan mong manirahan dito, Janine?" tanong nito. Nang-aarok ang mga mata.

"This is a paradise on earth, Drake... darling," papuri ni Caitlyn. Natural ang ngiti ng paghanga. "Napakasuwerte mo dahil pag-aari mo ang lahat ng ito."

"At suwerte ka din kung ikaw ang magiging asawa ko, hindi ba?"

Dahan-dahang naglaho ang ngiti sa mga labi ni Caitlyn habang tumatango. Si Janine ang suwerte, hindi siya.

Mas mabagal ang pagpapaandar ni Drake sa dyip upang mapagmasdan ni Caitlyn ang buong paligid habang papalapit sila sa harapan ng Villa Mendrez.

Isang may edad na babae ang nagdumaling lumabas buhat sa loob ng malaki at maluwang na kabahayan.

Nakasuot ito ng kulay asul na bestida at puting apron. Nakapusod ang buhok sa batok. At nakasuot ng puting canvas shoes ang mga paang walang medyas.

"Magandang tanghali po, Sir Drake. Naghihintay na po ang pananghalian sa kumedor. Tumuloy na daw po kayo doon, sabi ni Senyora Dorothy."

Wow! Senyora Dorothy! bulalas ni Caitlyn sa sarili. Talagang napakasuwerte ni Janine kapag napabilang sa Familia Mendrez.

Sa paglipas ng mga taon, mula nang iwanan ni Emilio ang mga negosyo ng mga magulang sa Maynila, unti-unting naubos ang kabuhayan ng mga Del Praño.

Mayaman pa rin ang angkan ng Itay ni Caitlyn, ngunit hindi na gaanong maimpluwensiya at hindi na patuloy sa pagyaman. Kailangan nang magbantay sa bawat sentimong gagastusin.

Kabaligtaran ng sitwasyon ni Drake Mendrez. Pihong gumugulong sa dami ng pera ang binatang ito. Kaya marahil ayaw pakawalan ni Janine Del Praño ang eligible bachelor from Zamboanga!

"Pakisabing ihahatid ko muna sa guestroom si Janine, Aling Seling," tugon ni Drake. Magaan ngunit awtoritibo ang tono.

"Opo, sir. Welcome po sa Villa Mendrez, ma'am." Buong galang na yumukod muna ang mayordoma bago tumalikod.

"Halika." Bitbit sa isang kamay ni Drake ang maleta, hinawakan nito ang siko niya at hinila patungo sa malapad na hagdanang yari sa marmol.

Parang kalahating abaniko ang korte ng hagdan. May mga antigong balustraheng inukitan ng intricate designs. Sa matataas na dingding naman ay may nakasabit na mga malalaking portrait paintings ng mga ninuno ni Drake.

"My ancestors are a bit intimidating to look at," wika ng lalaki nang mapunang nakatingin si Caitlyn sa mga kuwadro. "Pero mga romantiko at faithful naman daw sila, sabi ng mga tagarito."

Nagawang ngumiti ni Caitlyn dahil naisip niyang bagay sa isa't isa sina Janine at Drake. Parehong nanggaling sa buena familia.

Ni hindi sumagi sa isip ni Caitlyn na pareho lang siya ng kakambal. Paano'y hindi pa naman siya tinatanggap at kinikilala ng mga partido ng kanyang Itay.

"Alam kong pagod ka na, honey, pero gusto ka nang makilala ni Lola Dorothy. You'll only have ten minutes to refresh before lunch," pahayag ni Drake nang huminto sa tapat ng isa sa mga pintuang nakahilera sa koridor.

"But after lunch, you can have a long rest before dinner tonight," dugtong nito habang itinutulak pabukas ang solido at de-ukit na dahon ng pinto.

"Okey lang, Drake... darling," tugon ni Caitlyn.

"Tuloy ka," imbita ni Drake. "Ito ang magiging kuwarto mo habang nandirito ka, Janine honey."

"Ang ganda!" Napabulalas ang dalaga nang mabuglawan ang makaluma ngunit eleganteng silid-tulugan. Madetalye at pino ang mga lace na nakadekorasyon sa gilid-gilid ng punda, kubrekama, kumot, table mats at curtain edges ng malaking canopied bed.

Gayundin ang mga obra ng sining ng paggagantsilyo. Maaaninag ang mga higanteng orkidyas sa mga kurtinang yari sa sinulid na rosas.

"I'm honored," pahayag ni Caitlyn matapos tunghayan ang tanawin sa labas ng malalaking bintana. "Napakarangya ng silid na ito." Ikinumpas niya ang isang kamay sa mga antigong muwebles na nasa palibot. "Nababagay lang sa isang prinsesa."

"Well, you might be a princess, who knows?"

"I don't want to be a princess," tanggi ni Caitlyn. "But I do want to be a queen," bawi niya nang maalalang siya nga pala si Janine.

"Clever woman," papuri ni Drake. "Ang mga magiging anak nga pala natin ang mga munting prinsesa at prinsipe--kung magkakatuluyan tayo, hindi ba?"

Gumapang ang kilabot ng kasiyahan sa kabuuan ni Caitlyn. A, kay sarap mangarap!

Tumalikod ang dalaga bago sumagot. "O-oo."

"As much as I want to continue our daydreaming, kailangan nating huminto muna. See you in ten minutes," paalam ni Drake bago naglaho sa nakabukas na pintuan.

Maliksing lumapit doon si Caitlyn upang isarado ang dahon. Napasandal siya dahil biglang nangatog ang mga tuhod.

Delayed shock reaction. Magmula nang makita si Drake Mendrez sa airport, hindi na normal ang estado ng pag-iisip niya dahil sa labis na pagkabigla.

Oh, Ate Janine, ano'ng gagawin ko kapag nabisto ako? bulalas niya sa sarili.

Humugot si Caitlyn ng sunud-sunod na buntonghininga upang maiwaksi ang panghihinang nais lumukob sa isipan.

Nakalusot na siya sa unang pagsubok, hindi ba? Tinanggap siya ni Drake Mendrez bilang si Janine Del Praño.

Kaya? ukilkil ng isang panig ng utak. Nagulat ang binata sa pagba-blush niya, hindi ba?

"Tatlong araw lang ang ipagtitiis mo, Caitlyn Cruz-Del Praño," wika niya sa sarili. "'Wag ka nang pumayag na magtagal dito ng limang araw. Mapanganib!"

Sa unang pagkakita pa lang niya kay Drake Mendrez, attracted na agad siya. Paano kung makalimot siyang ito ay magiging bayaw niya?

Papiksing lumapit si Caitlyn sa maletang inilapag ni Drake sa may paanan ng canopied bed. Dahil nadikitan ng putik ang mga gilid, sa sahig na lamang niya binuksan iyon upang kumuha ng mga damit na pamalit.

Binilisan niya ang pagkilos upang hindi maubos ang sampung minuto. Hinubad muna niya ang travelling suit na kulay peach bago sinabon at binanlawan ang mukha, leeg, mga braso, at mga kamay. Matapos punasan ng tuwalya, isinuot niya ang body-fit blouse na kulay puti at designer's jeans na stone-washed sa mga hita at likuran.

Nagusot sa hangin ang makinis na pagkakapusod ng buhok na hanggang teynga kaya hinayaan nang nakalugay. Kaunting pulbo at lipstick lang ang naipahid niya.

Eksaktong papalabas siya sa adjoining bathroom nang may kumatok sa pinto ng silid-tulugan.

"I'm ready!" ang buong pagmamalaking sambit ni Caitlyn matapos buksan ang pintuan.

"Amazing!" Gulat na gulat si Drake. "Hey, you cut your hair!" Tila lalupang nagulat.

Na-conscious, ikinawit ng mga daliri ni Caitlyn ang maiikling hibla sa isang teynga.

"Don't you like it?" Wala siyang maisip sabihin kaya nagtanong na lang.

Sinipat pa uli ng lalaki ang kanyang buhok. "I like it, but I thought you adore your long curly hair." Hinipo pa nito ang ilang hibla. "You had them straightened."

"A new cut for a new job." Aywan kung saan niya naapuhap ang mga kaswal na kataga.

"Or a new life?" salo ni Drake. "I'm impressed, y'know. You cut your gorgeous hair for me."

"You don't like my long hair?"

"I just said that it would be inappropriate in the humid climate here."

"Oh." Nakapuntos pa pala si Janine sa maikling buhok niya.

"Now, shall we go down?"

"Yes." Saka lang binigyang-laya ni Caitlyn ang sarili na mapagmasdan nang palihim ang makisig na kabuuan ni Drake Mendrez.

Nag-shower at nagpalit ito ng damit. Beige slacks at brown polo-shirt ang humakab sa matitipunong kalamnan.

Isang makisig na prinsipe ang makakasama niya sa loob ng tatlong araw. A, talagang mapanganib...!