Chereads / Dating the CEO / Chapter 2 - Chapter One

Chapter 2 - Chapter One

"Ma, gising na po. Tanghali na, papasok pa tayo."

Nagising ako sa tapik sa braso ng anak ko. Bumangon ako ng sapo sapo ang nananakit na ulo ko. Kulang pa yata ako sa tulog.

"Good morning, Ma! Nakapag-saing na 'ko tapos naligo na rin kaya bumangon ka na riyan, baka pumasok pa tayo ng gutom!"

Ang aga-aga, sermon nang sermon 'tong anak ko. Akala mo napakatanda na, e, wa-walong taong gulang lang naman!

"Ito na po, mahal na prinsipe, babangon na." Yumuko pa ako ng bahagya para magbigay ng galang.

"Mama naman, hindi po kita alila! Ikaw 'yong Queen tapos ako 'yong Prince!" Nag-pout pa ito bago humalik sa pisnge kong may tuyong laway pa yata.

"Saka maghilamos ka na rin, may muta ka pa kasi." Humagalpak pa ito bago pumunta sa labas ng kwarto at iniwan ako para makapag-ayos.

Habang nagluluto ng umagahan, maririnig ang malakas na pagkanta ni Adrian sa sala habang nagco-color sa bente pesos niyang coloring book.

"Maaaaa! Kailan tayo ulit pupunta kay Tita Aizel? Nami-miss ko na siya."

Bumuntong hininga ako sa narinig. Best friend ko si Aizel, siya rin ang nagbigay sa'kin ng mga raket pero nagkaroon kami ng pagtatalo no'ng huli kaming nagkita.

Wala naman sigurong masama kung dadalawin namin siya ni Adrian? Aba, subukan niya lang kami i-snob, sasabunutan ko talaga 'yong gagang 'yon!

"Sige, mamaya 'pag uwian niyo na, dadaan tayo kay Tita Aizel mo."Tumakbo papalapit sa'kin si Adrian saka ako niyakap.

"Mama, Family Day na namin bukas. Pwede ba tayong um-attend?" Halos lumuwa ang mata ni Adrian, makapagpa-cute lang. Lumuhod ako sa harap nito para magkapantay ang mukha namin.

"Oo naman. Hindi tayo nakasali last year, 'di ba? Hindi na lang muna papasok si Mama bukas para makapunta tayo nang maaga, okay?" Pinisil ko ang namumula niyang pisngi saka nagpatuloy sa pagluluto at naghanda nang pumasok.

"Cut! Miss Suarez, bubugbugin mo 'yong extra, hindi lang sasampalin nang sasampalin. Pangatlong take na natin, sana naman maalala mo na." Maririnig ang pagpipigil ng inis ng direktor.

Rumaket ako ngayon bilang extra sa isang palabas na nagsho-shoot. Ginagampanan ko ang isang katulong na nag-fail gawin 'yong pinapagawa sa kaniya. Kun'di ba naman engot, hindi kasi inaayos 'yong ginagawa.

Kasalukuyan akon nakaluhod sa harap ng babaeng nagmamay-ari ng mataas na pulang heels. Pinipigilan kong hindi tumulo ang luha ko sa sakit ng paulit-ulit niyang pagsampal.

"Sorry, Direk! Nadala lang ng emosyon. Ayos lang naman 'yon sa extra, 'di ba?"

Napatingala ako sa pagsipa nito sa'kin nang magtanong. Sinalubong ko ang nakangisi nitong mukha na parang nang aasar.

Sipain ko kaya 'to? Iiyak talaga 'to, baka magsumbong pa nga sa mama niya. Napahagikhik ako sa naisip.

"O, siya! Isa pa, last na 'to, a? Kung anong nakalagay sa script, 'yon na ang gawin mo, Miss Suarez. Hindi ikaw ang batas dito." Hindi na ulit lumingon pa ang direktor matapos bitawan ang mga salitang nagpabigay ng ngiti sa'kin labi.

"`Yong extra, bakit ka nakangiti? Walang binubugbog nang nakangiti, sumeryoso ka." Tumango ako saka yumuko para itago ang ngiti sa naisip na ideya.

"Alam mo ba kung magkano 'tong damit ko? Tapos ano? Susunugin mo lang? Hindi ka ba marunong magplantsa?" Sinimulan na ako nitong bugbugin pero medyo napapatagal yata? Pasimple akong tumingin sa pwesto ng direktor na pirming nakaupo katabi ng ibang staff habang nakangisi. Enjoy na enjoy kayo sa pambubugbog sa'kin, a? Tch.

"Cut! Good job, Miss Suarez! Award-winning talaga ang talento mo. " Sinundan pa ito ng masigabong palakpakan ng iba pang naka-black na nasa gilid ng direktor.

Paano naman akong nabugbog? Walang papuri? Gusto niyo, kayo bugbugin ko? Joke, baka ipakulong ako, kawawa naman anak ko.

Binilisan ko ang pagtayo ko sabay pinatid ang papahakbang na paa ni Miss Suarez. Subsob siya, e! Ano ka ngayon? Kulang pa 'yan sa pasampal-sampal mo kanina.

Grabeng makeup naman 'yan, namuti 'yong pulang couch. Sayang, ang ganda-ganda pa naman ng couch tapos madudumihan lang? Inis akong umiling dahil sa isiping iyon. Sayang talaga sa pera 'yong mga mayayaman.

"Hoy, extra! Tawag ka ni Direk!" Nilingon ko ang lalaking may headset sa tenga. Music love ka, gurl? Sa halip na magreklamo, sinundan ko ang lalaking naka-black na ngayon ay nakatalikod na sa'kin.

"Bakit mo ginawa 'yon kay Jayne?" Pagbungad sa'kin ng magkasalubong na kilay ng kalbong direktor. Bigla akong pinasadahan ng kaba sa itsura ng direktor, daig pa horror movie sa sobrang nakakatakot, e!

"Hindi mo ba alam kung gaano kalaki ang pangalan ni Jayne Suarez sa larangan ng pag-arte? Hindi mo ba alam kung ano magiging epekto nito sa produksyon namin?" Tumaas ang boses nito na sabay ng paghawak at pag-alog niya sa balikat ko.

Lumuhod ako sa harap niya nang tinamaan ako ng reyalidad. Tama siya, walang wala ako kay Miss Suarez. Baka madamay pa ang anak ko sa kagagahan ko, aish! Ang bobo kasi, Shaye! Ang bobo mo, nakakairita!

"Sorry po, Direk! Gagawin ko po lahat, basta walang lumabas na issue tungkol sa'kin!" Halos halikan ko na ang lupa sa pagmamakaawa.

"HAHAHAHA!" Tinangala ko ang kalbong direktor ng may halong pagtataka sa maganda kong mukha. Baliw ba 'to? Kanina, halos lumabas na utak ko sa pagkaka-alog niya sa'kin tapos ngayon, patawa-tawa?

"Bakit ka nagso-sorry? Napahanga mo nga ako, e. Biruin mo, sa tagal kong pagkakakilala kay Jayne, ikaw lang nagbalak gumanti sa pambubugbog niya sa mga extra." Sapo-sapo pa rin nito ang tyan sa katatawa.

"Nakita mo ba 'yong itsura niya kanina? Ang pangit ng mukha niya, kasing pangit ng ugali niya." Inakbayan pa 'ko nito saka hinarap sa salamin.

"Pero sigurado ka bang hindi ka relative ni Jayne? May hawig kayo, e." Hinawi pa nito ang nakaharang na buhok sa mukha ko. Sunod-sunod na pag-iling ang naging sagot ko.

"Wala akong makita na pagkakahawig namin, hindi naman masama ugali ko." Napahawak ako sa ulo ko ng batukan ako ni Direk, ang sakit, ha?

"Aray ko naman, kanina niyo pa 'ko binubugbog, ha? Nakakarami na kayo, wala pa nga 'yong bayad." Nakasimangot kong pagrereklamo. Kailangan ko pang sunduin 'yon anak ko, tsk.

Inabutan ako ng limang blue bills ng direktor na nakapagpa-kunot ng noo ko. Akala ko limang daan lang bayad ko rito?

"Dinagdagan ko na, para 'yan sa pagbawi mo kay Jayne. Matagal na 'kong nabuburyo sa pagmumukha ng babaeng 'yon." Halos hindi na makita ang itim ng mata niya sa tindi ng pagkaka-irap.

Tumawa ako saka pabirong hinampas ang braso niya at tinaas ang pera na hawak. "Una na 'ko, salamat ulit, Direk!"

"Maaa! I miss you! Tignan mo, may star ulit ako!" Taas-noong pagsalubong sa'kin ni Adrian sa gate ng school nila.

Bukas na pala Family Day nila, bibilihan ko muna siya ng bagong damit bago dumaan kay Aizel.

"Ma, gusto ko si Spiderman!" Napa-iling na lang ako,kanina pa siya nagtuturo ng lahat ng makikita niya. Dapat talaga 'di ko na lang 'to sinama, mas napapagastos kami.

Naglakad na kami papalapit sa tindahan na may nakasabit sa hanger na damit ng spiderman na kulay dilaw. May maong shorts din 'tong partner, magkano naman kaya?

"Ate, magkano po rito?" Sinalubong ako ng manipis na kilay ng babaeng tindera.

"Bibili ka ba? H'wag ka na magtanong kung hindi ka bibili. Hindi rin ako nagtatawad kaya kung hindi ka bibili, mabuti pang umalis ka na lang nang hindi ako naabala," pigil-hininga nitong pagpapahayag. Daig mo pa si Eminem, lupit mag-rap.

"Sandali lang Ate, hinga ka muna malalim baka mahimatay ka sa kakulangan ng hangin. Bibil'hin namin 'yan kaya nga tinatanong namin kung magkano, ayaw mo ba ibenta? Sana hindi mo na lang binalandra sa harap ng tindahan mo."

"Tatlong daan 'yong tee shirt tapos dalawang daan 'yong maong shorts. Bale, limang daan lahat." Napanganga ako sa sinabi niya. Limang daan na agad 'yon? Sa palengke lang naman sila nagtitinda, bakit pang-mall 'yong presyohan nila?

Tumingin ako sa kaniya nang hindi makapaniwala habang nagtutupi siya ng iba pang damit na paninda, parang walang pake sa bumibili. Wow, unbothered queen.

Wala na 'kong nagawa kun'di iabot ang isang libo. Kawawa naman kasi si Adrian, kanina pa nagtuturo ng mga gusto niyang damit tapos iniiwas ko na lang siya kasi masiyadong mga mahal.

Nang mabili na namin 'yong damit, naglibot na ulit kami sa mabahong palengke para maghanap ng bagong sapatos.

Nagsisimula nang dumilim ang langit pero hindi pa rin kami nakakarating sa kanto ng tinitirhan ni Aizel. Nangangalay na rin ang braso ko sa pagkakasandal ni Adrian na mahimbing na natutulog.

"Sandali! Kung kailan gabi na, saka manggugulo! Kitang may sakit 'yong tao, e!" inis na sigaw ni Aizel mula sa loob ng apartment.

"Gaga ka! Ikaw na 'tong dinadalaw namin, kami pa istorbo? Sige, bahala ka diyan, magtatampo si Adrian!" pabalik kong sigaw habang hawak-hawak pa rin si Adrian sa kanang kamay. Medyo pipikit-pikit pa siya sa kaantukan.

Bumukas ang pinto at iniluwa si Aizel na may namumulang ilong. Tulad ni Adrian, parang antok na antok din ang nga mata niya. Niyaya niya kaming pumasok kahit pa medyo paos ang boses.

"`Yan! Sisigaw-sigaw ka, paos ka naman pala! Baka naman kasi nasobrahan ka na sa trabaho kaya ka nagkasakit? 'Di ka kasi nag-iingat." Naka-pameywang pa ako sa harap niya habang nagsesermon.

"Nyenye! Akala mo, nakalimutan ko na 'yong sinabi mo no'ng huli nating pagkikita? Tch." Parang bata talaga 'to! Simpleng bagay lang no'n, e.

"Totoo naman kasing mas gwapo si Harry Styles kaysa sa Shawn Mendes mo!"

"Aish, sml? Suso mo liit!" Lumaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Agad kong tinakpan ang tenga ng naglalarong si Adrian.

Aba, 36 cup B kaya ako! Ang kapal talaga ng mukha ng babaeng 'to.

Binulungan ko si Adrian na sa loob na lang muna ng kwarto maglaro ng minecraft. Nang maihatid ko na si Adrian sa kwarto, tinignan ko si Aizel ng nandidilat kong mata habang pulang-pula ang mukha ko.

"Abnormal ka talagang babaita ka! Sasabunutan kita!" sigaw ko papalapit sa kaniya.

Napuno ng sigawan at asaran ang sala nang biglang may kumatok sa pinto. Nagkatinginan kaming dalawa saka sabay na humakbang papunta sa pintuan.

Halos tumulo ang laway ni Aizel ng makita kung sino 'yong kumalabog sa pinto niya. Wala silang sinabi sa isa't isa, sa halip ay nagtitigan lang sila. Kinurot ko si Aizel sa tagiliran, halos hubaran na niya 'tong lalaki nilang kapitbahay kung makatitig.

Tila bumalik sa ulirat si Aizel matapos ko siyang kurutin. Kumurap-kurap pa siya bago hawiin ang buhok na nakaharang sa mukha niya.

"A, e, ene pe beng meeteteleng ke?" pabebeng tanong nito habang nagpapa-cute sa harap ng lalaking nasa pintuan.

Aish, tinapos nga nila 'yong mannequin challenge nila kanina, pabebe naman kung magsalita 'tong si Aizel!

Pasimple ko siyang sinipa saka sinamaan ng tingin bago bumulong, "Umayos ka nga ng pagsasalita, para kang tanga!"

Ngumiti pa 'to ng matamis sa lalaking taimtim na nakatitig sa kaniya bago ako sikuhin. Tangina, sakit no'n, a? Mamaya ka sa'king babae ka.

"Meron ba kayong kasayahan dito? Masiyado kasing maingay, nakakaabala kayo sa ibang tao. Gabi na kaya kung pwede, 'wag na kayong manggulo." Walang pasabi na tumalikod ito bago ibagsak ang pinto na katabi lang ng pinto ni Aizel.

Tinignan ko ang gaga na halos mangisay na sa kilig. Baka maihi pa nga 'to 'pag ginulat ko. Hinila ko ang tenga niya saka kinaladkad papunta sa sala.

"Ah! Ang sakit, a? Feeling ko, napunit tenga ko, bwisit ka!" reklamo nito habang hinihimas ang tenga na ngayon ay namumula na.

"Panira ka! Hindi mo ba kilala 'yon? 'Yon 'yong tinutukoy ko sa 'yo na crush ko! Kyaaah! Binisita niya 'ko!" Pinitik ko ang noo niya para magising siya sa kahibangan niya.

Alas nueve na ng gabi nang mamaalam kami kay Aizel para umuwi. May Family Day pa kasi bukas si Adrian kaya kailangang magpahinga ng maaga.

"Ay, teka! Nakalimutan kong sabihin, kulang kami ng janitor sa restaurant. Kung gusto mo, pwede ka muna pumasok. Umuwi kasi sa probinsya 'yong isa kaya kulang sa night shift. Pwede ka nang magsimula bukas ng gabi kung ayos lang sa 'yo."

"May Family Day pa kasi bukas si Adrian, pwede bang sa sunod na bukas na lang?" Pag-aalinlangan ko. Malay ko ba kung sa susunod na bukas na pala babalik 'yong janitor na tinutukoy nito.

"Ayos lang, basta aasahan kita roon, a?" Tumango na lang ako bilang tugon saka nagsimulang maglakad papunta sa kanto.

Habang naglalakad sa mahabang kanto palabas ng street kung saan nakatira si Aizel, napansin ko ang lalaking sumusunod sa amin. Nanatili akong kalmado saka mas binilisan pa ang paglalakad. Mukhang nakakaladkad ko na si Adrian, buti na lang hindi siya nagrereklamo.

Lumingon ulit ako para malaman kung sumusunod pa 'yong lalaki. Baka kasi nagkamali lang ako. Napahinga ako ng maluwag nang hindi ko na itong nakita na sumusunod pa.

Bago pa man ako magpatuloy sa paglalakad ay may umakbay sa'kin at tinutok sa leeg ko ang matalim na kutsilyo. Wow, ang kintab, a? Pwede na 'kong manalamin, ano kaya'ng gamit nilang sabon?

Nang rumehistiro sa akin ang nangyayari, napatigil ako sa paglalakad kaya napatingin sa gawi ko si Adrian.

Bago pa man makasigaw si Adrian ay tinutukan na rin siya ng kutsilyo ng lalaking nakaakbay sa'kin, "Manahimik ka kung ayaw mong patayin ko 'tong mama mo!" pananakot nito. Walang nagawa si Adrian kun'di ang umiyak ng tahimik.

Hindi ko rin magawang magpumiglas dahil kunting galaw ko lang, siguradong masusugatan ako ng kutsilyo.

"Ibigay mo sa'kin ang bag mo kung gusto mo pang mabuhay." Ramdam ko ang init ng hininga nito sa leeg ko.

Gusto ko ring panlambutan ng tuhod 'pag binulungan ako ng lalaki, 'yong tipong nakakaakit pero hindi sa ganitong paraan.

Nanginginig ang mga kamay ko nang iabot ko sa kaniya ang itim na bag kung nasaan ang pera ko. Nang hinablot na niya 'to sa kamay ko, itinulak niya 'ko saka mabilis na tumakbo at naglaho sa kadiliman.

Mangiyak-ngiyak ako nang lapitan ako ni Adrian. Nakita ko ang namumula niyang ilong at mga mata. Niyakap ko siya habang pilit na kinakalma ang sarili. Walang mangyayari kung ipaparamdam ko rin sa kaniya ang takot na nararamdaman ko, kailangan kong magmukhang malakas.

Kinapa ko ang bulsa ng pantalon ko, mabuti na lang dito ko nilagay sa bulsa 'yong sukli kanina pati 'yong cellphone ko. Makaka-uwi pa kami. Ang kaso, nasa bag din 'yong damit at sapatos na binili namin.

Nang maramdaman ko ang pagkalma ni Adrian, inalalayan ko na siyang tumayo para makauwi na kami at makapagpahinga.