Chereads / Dating the CEO / Chapter 3 - Chapter Two

Chapter 3 - Chapter Two

Buong gabi akong umiyak dahil sa bagong katangahan ko. Kailan ba 'ko lulubayan ng kamalasan? Wala naman akong balat sa pwet, bakit ang malas-malas ko?

Ala sais na ng umaga, may oras pa 'ko para maghanap ng matino-tinong damit namin ni Adrian. Kahit anong pilit kong pag-iwas na 'wag alalahanin ang nangyari kagabi, hindi mawala sa isip ko 'yong nangyari.

Paano kung ma-trauma siya? Paano kong dalhin niya 'yon hanggang sa paglaki niya? Hindi ko na namalayan ang pagtulo ng luha ko sa pag-overthink.

Sa halos kalahating oras na pagkakalkal sa damitan namin, nakahanap ako ng pares na damit para sa'min. Orange na tee shirt na may squirrel ang design ng damit ni Adrian. Orange na tee shirt din naman ang suot ko. 'Yon nga lang, may pangalan ng konsehal sa likod.

Kailangan daw kasing parehas ng kulay, wala naman akong orange na damit bukod sa pinamigay na tee shirt ng konsehal sa lugar namin no'ng nangandidato siya. Ayos lang naman siguro.

Nang tapos na kaming maghanda, tinahak na namin ang daan papunta sa paaralan. Mabuti na lang, tricycle lang ang kailangan naming sakyan para makarating doon.

Pulang gate at dalawang guard na nagbabantay ang bumungad sa'min nang makababa kami ng tricycle. Nakikita ko na rin ang matabang treasurer ng room nila Adrian na nakapila kasama pa ang ibang mga magulang.

Iba't ibang tingin ang natanggap namin nang makapasok kami sa gate. Bakit, ngayon lang ba kayo nakakita ng magandang nanay? Aish, mga inggitero't inggitera.

"`Yong bayad niyo para sa pagkain at props? H'wag mo sabihing wala ka na namang maiaabot?" Taas kilay na pagbati sa'min ng treasurer. Pinasadahan pa 'ko nito ng tingin mula ulo hanggang paa.

Mula sa confident na ngiti, napalitan agad ng nahihiyang ngiti ang aking mga labi. Paano ba naman? Ang dami nang naka-tingin sa'min, ang lakas kasi ng boses nitong dambuhalang 'to.

"E, may dala naman po kaming baon. Hindi na lang po kami makikikain. Wala rin po kasi akong pambayad para sa contribution." Kamot-ulo kong bulong sa kaniya.

"Tsk! Pupunta-punta rito, wala naman palang contribution na mabibigay. Mga walang silbi." Halos makain ko na ang buhok niya nang nag-flip hair ito pagkatalikod. Hmp, sabunutan kita riyan, e!

Tumingin ako sa paligid na dapat pala hindi ko na ginawa. Mas lalo lang ako naiirita sa mga tao rito. Kung hindi lang para sa anak ko, hindi ko babalaking pumunta pa rito.

May mga mapanghusgang tingin akong natanggap, mayroon din namang naaawa. Sinabi ko bang maawa sila? Psh.

Hinila ko si Adrian papunta sa pinakamalapit na bench, nagsisimula na rin kasing uminit dito sa gym nila. Pinatalikod ko siya saka nilagyan ng towel ang likod at pinainom ng alak—chour, ng tubig kasi!

"Ma, sali na tayo sa mga palaro nila. May premyo sila, o!" Halos tumalon pa si Adrian sa excitement. Paano ako makakatanggi sa isang prinsipe na napaka-cute?

Hindi ko alam kung anong tawag dito pero magmumukha kaming palaka kakatalon. Hindi kasi ako nakikinig sa emcee. May sakong nakahanda sa harap namin. Basta ang sabi niya, kailangan daw naming tumalon papunta sa finish line habang kasama namin sa loob ng sako 'yong mga anak namin.

Pinagmasdan ko ang mga kalaban ko, ako lang payat dito, a? Hindi naman ako malnourished, nasobrahan lang sila sa pagkain.

Nabigla ako nang mapadako ang tingin ko sa kanan, 'yon 'yong nang-bully sa anak ko, a? Masayang nag-uusap ang dambuhalang treasurer kasama ang batang lalaki na nang-bully sa anak ko.

Mag-ina nga sila, parehas silang mga impakto, tch. Kung gaano kasama ang nanay niya, ganoon din ang bata.

"Ma, simula na po!" Walang kupas ang sigla na pagpapa-alala nito sa'kin habang tumatalon mag-isa. Pft, hindi naman nakakaalis sa pwesto.

"Bibilang ako ng one to three saka tayo tatalon ng sabay, okay?" Tumango ito, headbang nga yata tawag doon sa sobrang hyper.

Mabilis kaming naka-usad sa pagt-teamwork namin ni Adrian. Kapantay na namin ang dalawang dambuhala na nangunguna sa race. Biruin mo, nakakayanan nilang buhatin sarili nila nang hindi nadadapa? Ayos 'yon, a.

Maya-maya pa, may naramdaman akong pumwersa na tulak sa likod ko na naging dahilan para bumagsak kami sa sahig. Buti naiutukod ko kamay ko, hindi ko nadaganan si Adrian.

Nilingon ko ang naka-ngising mag-ina na nagsimula na namang manguna. Aish, mga mandaraya! Ni hindi nga man lang sila tinanggal sa race! Ang duga, luto 'tong palarong 'to!

Mas binilisan pa namin ni Adrian ang pagtalon, daig pa nga namin kangaroo sa taas namin tumalon. Sa pangalawang pagkakataon, magkapantay na naman kami ng dambuhala monsters.

Sinabihan ko si Adrian na lalapit kami sa mag-ina kaya naman patagilid kami kung tumalon. Ginitgit ko ang nanay na dambuhala pero hindi man lang ito natinag. Para kaming trumpo rito na naggitgitan.

Halos mabali na buto ko ro'n tapos 'di man lang siya bumagsak? Anong taba ba sa katawan meron 'to? Ang tibay, parang may shield.

Nag-try ulit kami ng isa pang beses. Narinig ko ang hagikhik ni Adrian nang makita naming nagpagulong-gulong ang dalawang dambuhala papunta sa audiences.

"Mama, ang galing natin! Tignan mo, may cupcakes na tayong makakain!" Ngumiti ako ng tipid.

Medyo naawa ako kay Adrian, sa lahat ng pwede niya maging nanay, bakit ako pa? Deserve ni Adrian ang mas maginhawang buhay pero kahit anong gawin ko, hindi ko siya mai-ahon sa kahirapan. Ni simpleng laruang sasakyan nga, hindi ko sa kaniya maibigay.

Inalis ko sa isipan ang negative thought na 'yon, dapat masaya ako kasi mas mahabang oras kami nakapag-bond ni Adrian ngayon.

Nagpagtuloy na kami sa pagsali ng activities, tatlong beses din kami nanalo at isa sa napanalunan namin ay ang remote controled na laruang sasakyan na matagal nang gustong ipabili ni Adrian.

Nakasimangot ang mga mukha ng dambuhala mo—mag-inang Cruz nang lumapit sila sa bench kung saan kami namamahinga ni Adrian.

Tinabig ni Renren ang bote na iniinom ni Adrian na naging dahilan ng pagkasamid nito. Natampal ko ang kamay nito matapos ko asikasuhin si Adrian. Kakapalit palang ng tao, babasain na naman.

"Ano ka ba? Ganiyan ka ba ka-bastos para tabigin ang bote ng taong umiinom? Aish, ke bata-bata pa lang, wala nang respeto." Singhal ko saka niligpit sa bag ang basura at iba pa naming gamit.

Hindi pa man kami nakalalayo, naramdaman ko ang matabang kamay na hinigit ang braso paharap sa nagmamay-ari nito. Dahan-dahang umangat ang gilid ng labi ni Mrs. Cruz nang makita niya ang reaksyon ko.

Ang sakit kaya! 'Yong hawak niya, parang nadurog na 'yong buto ko. Paano pa kaya 'pag pwersahan akong pinaikot? Tch.

Walang pasabi niyang pinalagapak ang pisngi ko gamit ang malulusog niyang palad, "Sinong nagsabi na pwede mong pagsalitaan ang anak ko?" sigaw nito sa mukha ko.

Narinig ko ang pag-iyak ni Adrian pero nanatili akong kalmado, "Ayos lang ako, Nak! Takpan mo na lang mga mata mo, okay?" pag-aalo ko sa kaniya habang hawak-hawak ni Mrs. Cruz ang buhok ko.

Lagi naman akong nabugbog sa mga shootings kung saan ako nage-extra pero hindi ko pa rin maiwasang mapaluha sa sakit. Feeling ko, hihiwalay ang anit ko sa ulo ko sa sobrang higpit ng pagkakahawak ni Mrs. Cruz sa buhok ko.

May mga taong umaawat na pero hindi pa rin nagpapatinag si Mrs. Cruz. Ang iba naman ay nagbubulong-bulungan lang sa gilid. Sa laki ba naman niyan, sinong magbabalak na umawat?

"Sa unang activity pa lang, kami na sana ang mananalo. Pero ano? Tinulak niyo kami, mga mandurugas! Ganiyan ba kayo ka-desperado sa pagkain? Kung sa bagay, wala nga kayong pang-bayad sa contributions, malamang sa malamang, wala rin kayong pangkain!"

Tila napantig ang tenga ko sa narinig kong panghuhusga galing sa babaeng nakakasura ang pagmumukha.

Hindi ko na napigilan ang sarili nang marinig ko ang mas malakas na paghagulgol ni Adrian nang sipain siya sa tiyan ni Renren. Namimilipit sa sakit si Adrian nang bumagsak siya sa sahig.

Nanlilisik ang mga mata ko nang tignan sa mukha si Mrs. Cruz saka dinuraan sa mukha at sinipa ang makapal na bilbil nito. Siniko ko rin ang pisngi nito, lintik lang ang walang ganti.

Lumuwag ang pagkakahawak nito sa buhok ko kaya agad akong umalis sa tabi nito saka inabot ang kahoy sa tabi ng bench at hinampas sa braso si Mrs. Cruz.

Bago pa man masundan ang paghampas ko, isang malaking kamay ang humawak sa kamay ko na nagpigil sa muling paghampas ko kay Mrs. Cruz sa pangalawang pagkakataon.

"Miss, tama na 'yan. Pinapa-punta kayo ni Ms. Pascua sa principal's office." May halong pagbabanta ang baritonong boses niya nang magsalita ang guard na nakaatas sa gate ng school.

Tinulungan kong tumayo si Adrian na bugbog ang katawan dahil sa anak ng dambuhalang 'yon.

"Anak, ayos ka lang ba? Ano pang masakit sa 'yo?" Ang kaninang nagniningning na mga mata niya dahil sa tuwa ay napalitan ng malungkot at luhaang mata.

Hanggang sa pagpasok namin sa malamig na kwarto ng principal ay hindi naalis ang matalim na pagtitinginan namin ni Mrs. Cruz.

Sila naman nanguna, a? Mga abnormal na dambuhala. Mga warfreak! Kumukulo ang dugo ko sa inyo! Akala mo naman ang ganda, tusukin ko 'yang taba mo, e!

Parehas kaming napapitlag nang marinig namin ang malakas na paghampas ni Ms. Pacua. Daig pa nito ang tigre na handang manlapa dahil sa tingin na ipinukol nito sa'min.

"Wala na ba kayong kahihiyan? Daig niyo pa ang mga bata dahil sa pag-iisip niyo! Nasaan ang kahihiyan niyo't nagawa niyong mag-eskandalo sa harap ng napakaraming tao? Nakakahiya kayo! May mga anak na kayo, hindi niyo ba naisip kung ano'ng magiging epekto nito sa kanila?" Halos pumutok ang ugat nito sa sobrang galit. May tumalsik pa ngang laway sa mukha ko.

"Sila naman kasi 'yong nagsimula, Ma'am! Mula no'ng sumali sila sa activity, panduruga agad ang inatupag! Tuloy, wala kaming napanalunan ng anak ko! Nagawa niya pang tampalin ang kamay ng anak ko, nasaan ang respeto ng babaeng 'yan?" Kunti na lang ay matutusok na 'ko ng daliri ni Mrs. Cruz.

Grabe naman maka-duro. Aba, kulang-kulang din kung mag-kwento. Ang kapal naman ng mukha mo, kasing kapal ng taba mo!

"Ma'am, kahit i-check mo pa ang CCTV footage, sila ang naunang manduga! Tinulak nila ang anak ko kaya gumanti lang ako. Isa pa, hindi ko naman tatampalin ang kamay ng anak niyan kung hindi niya sinadyang tabigin ang bote na iniinuman ng anak ko!" Matigas ang tono na pagdispensa ko.

"Hoy! For your information, hindi ti—"

"Enough! Tingin niyo ba, may mapapala kayo sa paggagantihan niyo? Mga isipbata! Gan'yan ba ang mga tinuturo niyo sa mga anak niyo? Puro kayo kahihiyan!" Napayuko ako, nako-konsensya ako sa ginawa ko.

Isa pa, baka biglang atakihin sa puso 'tong si Ms. Pacua, e di mas lalo akong patay? Tch. Mananahimik na lang ako.

"Sorry to say this pero suspended ang anak niyo ng isang linggo. H'wag na h'wag niyong isisisi sa mga anak niyo kung bakit hindi sila makakapasok sa eskwelahan. Tandaan niyo, ano mang maling bagay na ginawa niyo ay pwedeng maka-apekto sa taong nakapaligid sa inyo." Nakahinga ako ng maluwag nang bumalik na sa kalmadong pustura si Ms. Pacua.

"I'm warning the both of you, once I saw your face again here in my office with the same issue, you wouldn't like the consequences." Pagbabanta ni Ms. Pacua habang taimtim na nakatitig sa'min.

Pinauna ko nang palabasin si Mrs. Cruz, hindi naman kami kasya sa pinto. Siya palang, halos ma-stuck na sa pintuan, e.

Nakita ko si Adrian na nagbabasa ng libro sa upuan sa labas ng principal's office habang nags-sway ang mga paa. Nang maramdaman niya ang presensya ko, agad niya akong sinunggaban ng yakap at mga halik sa mukha.

"Ma, bakit ang tagal niyo naman yata? Ano bang pinag-usapan niyo?"

"Wala. Sorry anak, ha? Nadamay ka pa tuloy. Hindi ka muna papasok ng isang linggo bilang kaparusahan sa nangyari ngayong araw. Alam kong malulungkot ka pero at least, mas makakasama mo ako ng mas matagal, 'di ba?" Niyakap niya 'ko ng mas mahigpit.

"Ayos lang Ma. Halika na, uwi na tayo, gusto ko nang matulog. Napagod ako ngayong araw sa dami nating napanalunan," malamlam ang pagkakasabi nito na agad niyang binawian ng napakatamis na ngiti.

Bagsak ang katawan ni Adrian nang makauwi kami. Tulog na tulog siya habang ginagamot ko ang sugat na tinamo niya sa pambubugbog kay Renren. Aish, 'yong batang 'yon talaga!

Hindi ko na pinansin pa ang inis na nararamdaman ko sa halip ay kumuha ako ng cotton na damit at pinalitan ang suot ni Adrian para mas maging komportable ang pagtulog niya.

Napakaraming nangyari ngayong araw, sana naman bukas, maganda naman ang mangyari.