Chapter 2 - Kabanata 2

"Prinsipe Seth! Huwag po kayong tumakbo! Baka po kayo madapa!" sigaw ng isang babae sa kanyang inaalagaang prinsipe, ngunit hindi siya pinakinggan nito. Tumakbo nang tumakbo ang prinsipe, hindi niya namalayan ang nakausling bato kaya naman siya ay nadapa. Umiyak ang prinsipe dahil doon. Naalarma naman ang Reyna Danaë nang marinig niya ang iyak kaya nanan patakbo niyang tinungo ang kinaroroonan ng kanyang anak. Natagpuan niya itong umiiyak at buhat ng kanyang tagapag-alaga.

"Ano ang nangyari?" tanong ng reyna, bago kuhanin sa tagpag-alaga ang limang-taong gulang na bata na agad namang yumakap sa kanyang ina. Tinignan ng reyna kung mayroon bang sugat ang bata at nakita niyang dumudugo ang tuhod nito, "may sugat ang aking bunso. Bakit kasi hindi ka nag-iingat? Halika at gagamutin natin" wika ng reyna bago dalhin ang prinsipe sa loob ng palasyo.

Limang taon na din ang nakalipas magmula nang ampunin niya ang batang ito. Isang kawal ng palasyo ang nagdala ng sanggol sa kanila at sinabing natagpuan daw ito sa kagubatan na nag-iisa at tila iniwan ng kanyang ina. Nagustuhan nilang mag-asawa ang sanggol kaya naman ginawa nila ang lahat upang magmukhang anak nilang talaga ang bata. Nagpanggap na nagdadalang-tao ang reyna at hindi nagpakita sa madla sa dahilang maselan ang kanyan pagbubuntis. Hindi rin sila tumanggap ng kahit na sinong bisita. Ang mga nakakaalam ng katotohanan ay binayaran ng malaking halaga upang hindi magsalita. Hindi maaaring malaman ng iba na ampon lamang ang bata sapagkat maaari silang mapaalis sa trono.

Naging masaya naman ang kanilang kaharian magmula nang dumating ang Prinsipe Seth. Tila ba may kung anong swerte sa kanyang pagdating, ang kaharian ay umunlad at bibihira ang mga sakuna, kaya naman mahal na mahal ng hari at reyna ang bata. Ayaw nilang nasasaktan at napapahamak ito.

Bata pa lamang ay makikita na ang napaka-among mukha ng bata. Bilog na bilog ang ang kulay abo nitong mga mata at ang kanyang pilikmata ay dinaig pa ang sa mga babae. Matangos rin ang kanyang ilong at mamula-mula ang mga labi. Bukod sa kanyang mala-anghel na itsura ay kakikitaan din ng talino si Seth. Matatas itong magsalita at mahilig magtanong, dumating pa nga sa punto na mismong ang kanyang mga magulang ay hindi na masagot ang kanyang mga katanungan kaya naman kumuha na sila ng guro sa iba't ibang asignatura upang turuan siya.

Iniupo ng reyna si Seth sa kanyang higaan. Iniwan niya ito saglit upang hanapin ang lagayan ng mga gamot, ngunit pagbalik niya ay nakita niyang hinawakan ni Seth ang dugo sa kanyang sugat at isinubo ito. "Seth!" sigaw ng reyna. "Anong ginagawa mo?" Nilapitan ng reyna ang bata at tinanggal ang kamay nito sa kanyang bibig. "Hindi mo dapat ginawa 'yon. Marumi ang iyong sugat. Maaari kang magkasakit dahil diyan." dugtong pa ng reyna, bago kuhanin ang panlinis sa sugat.

Hindi naman kumibo ang bata. Pinagmasdan niya lang ang kanyang ina habang ginagamot ang kanyang sugat. Nang matapos ay saka siya nagsalita, "Ina..."

"Bakit, bunso ko?" tanong naman ng reyna.

"Nais kong maglaro sa labas. Nais kong makipaglaro sa ibang bata" sagot ng munting prinsipe na ikinagulat naman ng kanyang ina. Ang batang ito. Napakaliit pa ngunit kung mangusap ay parang sa matanda.

"Ngunit may mga kalaro ka naman dito, hindi ba? Bumibisita si Gabriel. Pati na rin si Lexus" sagot naman ng reyna. Si Gabriel ay anak ng guro ni Seth sa literatura. Si Lexus naman ay kanyang pinsan, anak ni Prinsipe Zeos na kapatid ng hari.

"Ngunit ayaw akong kalaro ni Lexus! Palagi niya akong inaaway. Si Gabriel naman ay minsan lamang pumunta rito" reklamo naman ng bata.

"Nais mo ba ay sabihin ko sa iyong guro na isama si Gabriel rito upang makapaglaro kayo nang matagal?" kuminang naman ang mga mata ng prinsipe at tumango. "Mayroon ding bata sa ating kusina, si Cisney na anak ng ating tagapagluto. Maaari kong sabihin na makipaglaro siya sa iyo" lalong natuwa ang bata sa narinig. Niyakap niya ang kanyang ina.

"Maraming salamat, ina"

Samantala, sa isang kabundukan, malayo sa kabisera kung saan matatagpuan ang palasyo, namamalagi at namumuhay ng tahimik sina Mina, Aria at ang batang si Thea na siyam na taong gulang na ngayon. Limang taon na rin simula nang sila ay tumakas mula sa laboratoryo ni Romulua. Alam nilang hanggang ngayon ay pinaghahahanap pa rin sila ng ibang mga alchemist. Ngunit ang elixir ay matagal na rin nilang itinapon sa dagat. Kaya kung mahahanap man sila ng mga alchemist ay wala na rin silang mapapala.

Wala pa rin namang pagbabago kay Thea simula nang gawin siyang imortal ni Mina sa pamamagitan ng elixir. Normal pa rin naman ang kanyang mga kilos, lumalaki na parang isang normal na bata. Ngunit batid ni Mina na hindi dito nagtatapos ang lahat. Isa pa ay kailangan niyang mahanap ang kanyang anak. Sinubukan niya itong balikan sa gubat na kanyang pinag-iwanan dito ngunit hindi na niya ito natagpuan. Ngunit nararamdaman niya sa puso niya na ligtas ito.

-------

"Pinunong Rezus" wika ng isang lalakeng kadarating lamang.

"Nabuksan niyo na ba?" tanong ng lalakeng nakasalamin na tinawag niyang Rezus.

"Nabuksan namin ang kanilang tahanan ngunit hindi namin matagpuan ang daan patungo sa kanilang laboratoryo o kahit sa kanilang aklatan" sagot naman ng lalake.

Naikuyom ni Rezus ang kanyang mga palad, "wala rin bang balita kay Mina at sa traydor na si Aria?" muling usisa nito.

"Pinaghahahanap pa rin sila ng mga tauhan ko" sagot ng lalake, "Ngunit alam niyo po ba na mayroong anak si Mina?"

Kumunot ang noo ni Rezus. Hindi niya alam na may anak pala ang babaeng iyon, "Mayroon siyang anak? Saan mo nalaman iyan?"

"Marahil ay hindi nila nabanggit sa inyo ngunit ayon sa mga kasamahan ng iyong ama noong gabing hinahabol nila si Mina, may buhat itong sanggol ngunit noong siya ay madatnan sa isang bangin sa kagubatan ay wala na ito."

Napangisi naman si Rezus sa kanyang narinig, " Mayroong posibilidad na iniwan niya ito sa kagubatan, nadatnan ng mga mababangis na hayop at namatay. Ngunit ayon sa aking ina, ang pagkakakilanlan niya kay Mina ay hindi ito basta na lamang sumusuko. Hindi niya isusuko na lamang kay kamatayan ang kanyang anak, lalo na't nasa kanya ang elixir noong mga panahong iyon. Sigurado akong ginamit niya ang kapangyarihan ng elixir sa bata at buhay pa ito."

"Nais niyo bang hanapin din namin siya?"

Tumango si Rezus, "dalhin niyo siya sa akin ng buhay."

"Masusunod.."