Chapter 5 - Kabanata 5

KaKabanata 5.

Kaninang umaga pa abala ang mga tao sa palasyo. May nagsasabit ng iba't ibang palamuti sa paligid, may naghahanda ng mga ilaw at ang iba ay nasa kusina at nagluluto ng pagkain para sa gagawing piging mamayang gabi. Mahahalata sa mga tagapagsilbi sa palasyo na sila ay nasasabik na sa gaganaping kasiyahan. Ang prinsipe ay labing-walo na, dahil dito maraming prinsesa ang darating upang makuha ang kanyang atensyon. Ngunit ito'y hindi naiisip ni Seth. Hindi niya kayang umibig ng iba. Si Cisney lang ang alam niyang nararapat para sa kanya.

Ang kanilang relasyon ay lihim sa lahat, ayon na rin sa kagustuhan ng babae. Nangangamba kasi ito na sa oras na may makaalam at makarating sa hari at reyna ay paghiwalayin silang dalawa at paalisin sa palasyo. Hindi man nais ni Seth na ilihim ang kanilang pag-iibigan ay mas lalong hindi niya kaya ang mapalayo ang kanyang kasintahan sa kanya.

Tinignan niya ang orasan na nakapatong sa lamesa sa kanyang silid, ika-tatlo pa lamang hapon at ang piging ay magsisimula mamayang ika-11 ng gabi. May oras pa siya para umidlip. Kailangan niyang makihalubilong muli sa mga panauhin mamaya kaya naman kailangan niya ng lakas dahil talagang nakakapagod para sa kanya ang makipag-usap sa kanila.

Samantala, nakauwi naman ng matiwasay si Mina sa kanilang tahanan. Marami rin siyang nabasa tungkol sa elixir mula sa aklat na isinulat ng kanyang asawa. Ang mga taong ginawang imortal gamit ito ay tatawaging black blood. Ang mga purong black blood ay tatawaging pure blood. Sila ang mga black blood na nagawang bampira gamit ang elixir. Maaari din na anak sila ng parehong pure blood. Samantalang ang mga kalahating bampira ay tatawaging half blood o damphir. Sila ay anak ng isang pure blood at isang mortal.

May kakayahan ang mga bampira na gawing gaya nila ang isang normal na nilalang nang hindi ginagamit ng elixir. Kailangan nilang patayin ang isang tao sa pamamagitan ng pag-ubos ng dugo nito, pagkatapos ay ipaiinom dito ang dugo ng isang bampira, pagkalipas ng tatlong araw ang tao ay magigising at isa nang ganap na black blood.

Naipaalam na rin ni Mina kina Aria ang lahat ng kanyang nalalaman maging kung paano mapapatay ang isang black blood. Inaalala na lamang ni Mina ang kanyang anak. Labing walo na ito at paglabas ng buwan, paniguradong mangyayari na rin ang nangyari kay Thea noong maglabing-walo ito.

"Tila may bumabagabag sa iyo, Mina?" nag-aalalang tanong ni Aria.

"Inaalala ko lamang ang aking anak. Hindi ko pa rin alam kung nasaan siya at malapit nang mangyari ang kinatatakutan ko. Paano kung atakihin na lamang niya ang ibang tao? Paano kung siya ay tugisin dahil sa inaakala ng lahat na isa siyang halimaw. Ang lahat ng ito ay kasalanan ko," sagot ni Mina. Hindi naman sumagot si Aria dahil hindi rin naman niya alam ang kanyang maaaring sabihin sa mga oras na iyon.

Sinipat ni Mina ang bintanang nakabukas. Tinignan niya ang palasyong tanaw na tanaw mula sa bundok na kinatitirikan ng kanilang bahay. Magarbong muli ang mga ilaw doon. Karawan raw ngayon ng prinsipe Seth at isang magdamagang kasiyahan ang inihanda para sa kanya.

------

Nakatayo ang prinsipe sa harap ng kanyang salamin. Katatapos lamang siyang bihisan at ayusan. Hinihintay na lamang niyang sumapit ang takdang oras upang bumaba. Napabuntong-hininga siya. Kanina pa niya hinihintay si Cisney ngunit tila hindi na ito pupunta. Alam niyang abala ang mga tao sa kusina ngunit nais lamang niyang maka-usap at makapiling ang kasintahan kahit na sandali.

Naupo siya sa kanyang higaan at tinignan ang orasan. Mayroon pa siyang labing-limang minuto na natitira para makapag-isa. Maya-maya ay may kumatok sa kanyang pintuan. Tumayo siya at binuksan iyon. Isang malawak na ngiti naman ang sumibol sa kanyang labi ng makita niya kung sino ang kumatok. Agad niya itong hinila papasok sa kanyang silid, isinara niya ang pinto bago halikan ang babae sa labi.

"Kanina pa kita hinihintay," wika ng prinsipe sa kanyang kasintahan pagkatapos niya itong halikan.

"Patawad, marami kasing kailangang gawin sa kusina kaya hindi ako nakapunta agad. Sa katunayan ay tumakas lamang ako para makita ka dahil alam kong magiging abala ka na oras na magsimula ang kasiyahan. Marami nang babae ang naghahanap sa iyo sa ibaba," sagot ni Cisney.

Isang mapang-asar na ngiti naman ang ibinigay ng prinsipe sa babae bago sabihing, "Huwag mong sabihing nagseselos ka na naman, mahal ko?" Inirapan lamang siya ng babae kung kayat niyakap niya ito, "Ilang ulit ko bang kailangang sabihin sa iyo na ikaw lamang ang iniibig at iibigin ko. Wala akong pakialam kung gaano kadaming babae pa ang nandoon, ikaw at ikaw lamang ang hahanapin ng puso ko."

Ngumiti naman ang babae bago siya bumitaw sa pagkakayakap sa prinsipe, "kailangan ko nang bumaba," wika niya sa prinsipe bago tumalikod at lumakad patungo sa pintuan.

"Cisney," tawag naman sa kanya ng lalake bago siya lumabas, "maaari mo ba akong puntahan rito sa aking silid mamaya pagkatapos ng kasiyahan?" tanong niya sa babae.

Kumunot naman ang noo ng dalaga, bakit naman kaya siya pinapupunta ng lalakeng ito dito mamaya? Ngunit tumango na lamang siya. Alam niyang hahaba na naman ang kanilang usapan kapag nagtanong pa siya. Kailangan na niyang bumalik sa kusina bago pa mahalata ng kanyang ina na nawawala siya.

Nang makalabas si Cisney ay muling tinignan ni Seth ang kanyang itsura sa salamin, bahagyang inayos ang kanyang buhok at sumulyap sa orasan. Napagtanto niyang oras na para siya ay bumaba kung kayat binuksan niya ang pinto ng kanyang silid at lumabas patungo sa kasiyahan na inihanda para lamang sa kanyang ikalabing-walong kaaraawan.

Pababa pa lamang siya ng hagdan ay rinig na niya ang tugtog at ingay ng mga panauhin. Isang ngiti naman ang isinalubong niya sa kanyang ama at ina nang makita niya ang mga ito pagbaba niya. Nilapitan siya ng kanyang ina at niyakap, "napakakisig namang talaga ng aking anak," wika ng kanyang ina.

"Salamat, ina," sagot ng prinsipe bago yakapin ang kanyang ama, "salamat, ama."

Isang buwan na rin nang kanyang matuklasan ang katotohanan na siya nga ay hindi tunay na anak ng hari at reyna. Noong una ay talagang hindi siya makapaniwala na totoo pala ang ipinamamalita ni Lexus. Dumating pa nga sa punto na nais na niyang tanggihan ang lahat ng bagay na mayroon siya sapagkat sa tingin niya ay hindi siya karapat-dapat sa mga ito dahil hindi siya tunay na prinsipe ngunit alam rin niya na sa oras na malaman ng lahat na totoo ang sinasabi ni Lexus ay mawawala sa hari ang korona at mapupunta sa kanyang tiyuhin na si Prinsipe Zeos at yon ang ayaw niyang mangyari. Tinanggap na lamang niya ang katotohanan at pinangako sa kanyang sarili na gagawin niya ang lahat upang maging karapat-dapat sa lahat ng bagay na ibinigay sa kanya at sa trono ng kanilang kaharian.

Tinanong niya sa kanyang ina at ama kung kilala ba nila ang kanilang tunay na ina ngunit ang sabi nila ay napulot lamang siya sa isang kagubatan ng isang matandang babae at ibinigay sa kanila ng anak nitong kawal ng palasyo. Hindi na siya nagtanong pang muli pagkatapos non. Sinabi naman sa kanya ng kanyang ama at ina na ipahahanap nila kung kanino nagmula ang balitang ipinakakalat ni Lexus at patatahimikin.

Maraming bisita naman ang lumapit at kumausap sa prinsipe upang magbigay ng pagbati at regalo. Halata namang nagpapapansin sa kanya ang mga kadalagahan na kanilang panauhin upang kahit saglit ay bigyan sila ng atensyon ng prinsipe na siya namang bahagyang ikinainis ni Cisney na tahimik na nakasilay kay Seth mula sa malayo. Napabuntunghininga siya. Bakit kasi napakaguwapo ng kanyang prinsipe? Tuloy ay napakaraming babae ang nagkakagusto sa kanya.

Nabigla naman si Cisney nang isang kamay ang humila sa kanya sa braso mula sa kanyang likuran, nang tignan niya ito ay kinabahan siya. Si Prinsipe Lexus.

"Sinong tinitignan mo, tagasilbi?" tanong niya kahit halata na alam niya kung sino ang sinisilayan ng babae.

"W-wala po, prinsipe Lexus," sagot ni Cisney habang pilit na kumakawala sa pagkakakapit ni Lexus sa kanyang braso.

"Sinungaling. Alam kong nakatingin ka kay Seth," sagot naman ni Lexus bago, "magtapat ka nga, ano ang relasyon ninyong dalawa?"

"Magkaibigan lamang po kami ng prinsipe Seth," giit ni Cisney.

"Ang sabi ko magtapat ka! Bakit ka nagsisinungaling?"

Nagngingilid na ang mga luha sa mata ng babae ngunit ayaw pa rin siyang bitawan ni Lexus.

"Anong ginagawa mo?" nagulat na lamang si Cisney nang biglang dumating si Seth na nakakunot ang noo.