Chapter 3 - Kabanata 3

Makalipas ang labintatlong taon...

"Thea! Huminahon ka!" sigaw ni Aria sa kanyang anak na nagwawala. Ilang taon na ring ganito ang kanilang pinagdadaanan sa tuwing kabilugan ng buwan. Nagsimula ito noong maglabing-walo si Thea. Bigla na lang naging kulay pula ang kanyang mga mata at ang kanyang mga pangil ay humaba at tumulis. Kinailangan nila siyang patulugin dahil kung hindi ay baka may atakihin na siyang tao. Ito rin ang dahilan kung bakit iginapos siya ng kanyang ina sa isang haligi ng kanilang tahanan. Kakaiba ang lakas na ipinapakita niya. Kung ipipilit niya sigurong makawala ay masisira niya ang haligi ng kanilang bahay. Lagi siyang naghahanap ng dugo at kung masisinagan ng araw ay bigla na lamang uusok ang kanyang balat na tila nalulusaw.

Makalipas ang ilang saglit ay huminahon na rin si Thea ngunit hindi pa rin nawawala ang pagkapula ng kanyang mga mata at ang matutulis niyang mga pangil.

Napaupo na lamang si Aria habang tinitignan ang kalagayan ng kanyang anak, "Ano bang nangyayari sa aking anak?" naluluha niyang tanong.

"Sa tingin ko ay ito ang epekto ng ginawa ko sa kanya noon. Naalala ko na sinabi sa akin ng aking asawa na may kalakip na sakripisyo ang pagiging imortal. Hindi ko naintindihan kung ano ang kanyang ibig sabihin ngunit tila ngayon ay napagtanto ko na. Ang iyong anak ay nauuhaw sa dugo," paliwanag ni Mina.

"Nauuhaw sa dugo? Hindi ba't ilang beses na natin siyang pinainom ng dugo ng hayop, ngunit ganoon pa rin ang nangyayari," katwiran ni Aria.

"Dugo ng tao ang kanyang kailangan," sagot ni Mina, dahilang upang manlaki ang mata ni Aria. "Hindi ito matatapos hanggang siya ay nabubuhay. Kailangan niya ng dugo ng tao upang mapatid ang kanyang uhaw. Ito ang alam ko sa ngayon."

Napailing si Aria sapagkat hindi siya makapaniwala sa sinapit ng kanyang anak. Muli niyang naramdaman ang labis na pagkapoot kay Romulus. Kahit alam niyang patay na ito ay hindi pa rin niya maiwaksi ang galit na kanyang nadarama para dito. Tinignan ni Aria si Mina at saglit na napaisip, "ngunit Mina, hindi ba't ginawa mo ring imortal ang iyong anak?" tanong niya sa babae.

Napabuntung-hininga si Mina, "oo, iyon nga rin ang naiisip ko. Nangyari ang lahat ng ito nang maglabing-walo si Thea. Malapit nang maglabing-walo ang aking anak. Noong ginamit ko ang kapangyarihan ng elixir sa kanya, ang nasa isip ko lamang ay kung paano ko siya maililigtas. Hindi ko na naisip na baka may iba pang maging epekto iyon. Ngunit huli na upang ako ay magsisi. Kailangan ko na siyang mahanap. Pero bago 'yon kailangan muna nating maintindihan kung ano ang nangyayari kay Thea."

"Ngunit paano?" tanong ni Aria.

"Isa lamang ang naiisip kong paraan. Sa aming laboratoryo, nandoon ang mga kasagutan sa ating mga katanungan. May mga isinulat ang aking asawa tungkol sa elixir, mga epekto nito at kung ano pang mahahalagang impormasyon. Sigurado akong hindi pa natutunton iyon ng ibang mga alchemist sapagkat lihim ang lagusan nito na mayski mga kapanalig namin ay hindi alam."

Nabakas naman sa mukha ni Aria ang pangamba, "ang ibig mo bang sabihin ay babalik tayo roon?" Ayaw na niyang bumalik pa sa lugar na iyon, lalo pa't malapit lang din iyon sa laboratoryo ni Romulus.

"Ako lang ang pupunta roon," sagot ni Mina.

"Ano?!" gulat na wika ni Aria, "ngunit Mina, delikado! Paano kung--" pinutol ni Mina kung ano man ang sasabihin pa ni Aria.

"Matagal na panahon na ang nakalipas simula noong ako'y huling nakita sa lugar na iyon. Tingin ko ay hindi na kasing-dami gaya noon ang naghahanap sa akin. At kung makita man nila ako, wala na silang makukuha pa mula sa akin."

Pumasok si Mina sa kanyang silid at kumuha ng isang balabal, sisidlan at isang patalim na kanyang ibinulsa, "babalil ako agad sa oras na makuha ko ang mga aklat na aking kailangan. Mag-iingat kayo," wika niya.

"Ikaw ang mag-ingat. Bumalik ka agad," paalala ni Aria bago yakapin ang kaibigan.

Binuksan ni Mina ang pinto at lumabas. Tinanaw niya ang palasyong kitang-kita mula sa bundok na kinatitirikan ng kanilang bahay. Kaarawan ngayon ng Reyna Danaë, iyon siguro ang dahilang kung bakit magarbo ang mga ilaw doon ngayon. Balita niya ay ipagdiriwang ang kaarawan ng Prinsipe Seth sa susunod na kabilugan ng buwan. Nagkataon rin namang ang araw na iyon ay ang ikalabing-walong kaarawan ng kanyang anak.

------

Naglalakad ang Prinsipe Seth sa pasilyo ng kanilang palasyo. Katatapos lamang niyang makipag-usap sa mga panauhin at ngayon ay nais niyang mapag-isa. Nakakapagod para sa kanya ang magdamag na pakikihalubilo sa iba pang mga maharlika mula sa iba't-ibang kaharian. Alam niyang pagsasanay iyon para sa hinaharap kung saan siya na ang mamumuno ngunit napapagod siya kapag naiisip niyang napakataas ng ekspektasyon sa kanya ng ibang tao.

Napadaan siya sa teres ng kanilang palasyo at doon natagpuan si Cisney na nakatanaw sa malayo at tila hindi napansin ang pagdating ng prinsipe. Tuloy ay may naisip na kapilyuhan ang binata. Dahan-dahan niyang nilapitan ang dalaga at nang nasa likod na siya nito ay bigla niya itong hinawakan sa balikat dahilan upang ito ay magulat.

Nakasimangot na nilingon ni Cisney ang prinsipe na ngayon ay tumatawa dahil nagtagumpay siya sa balak na gulatin ang babae, "nakakatawa ang iyong reaksyon, Cisney," wika pa ng prinsipe na mas lalong kinainis ng dalaga. Hinampas ni Cisney ang braso ng prinsipe, "bakit mo ako hinampas? Ako ang prinsipe ng kahariang ito!" wika ni Seth ngunit mababakas sa kanyang labi ang ngiti.

"Wala akong pakialam kung ikaw pa ang nagtayo ng kahariang ito," nakasimangot na tugon ni Cisney, "bakit ka ba nandirito at nanggugulat na lamang bigla? Kung ikaw ay walang magawa, bakit hindi ka na lamang maghanap ng babae rito at siya mong paglaruan."

Napangiti naman ang prinsipe sa tinuran ng babae. Marahil ay nakita siya nitong may kausap na ilang mga babaeng panauhin kanina, "Nagseselos ka ba?" tanong ng prinsipe.

Tumalikod naman si Cisney sa kanya bago sumagot, "Ha? Ako? Magseselos? Bakit naman ako magseselos?"

Hindi naman sumagot agad ang prinsipe, lumapit siya kay Cisney at niyakap ito mula sa likuran na ikinabiglang muli ng babae, "Bakit ka nga ba magseselos? Ang pagtingin ko ay sa iyo lamang. Walang ibang makakapantay sa iyo," bulong ng prinsipe sa kanya. "Hindi ko naman nais na makisalamuha sa kanila ngunit iyon ay isa aking mga tungkulin bilang prinsipe," dugtong pa nito.

"Naiintindihan ko naman iyon," sagot ng dalaga, "ngunit kahit anong tibay ng pag-ibig natin sa isa't-isa ay hindi nito matatago ang katotohanang hindi tayo maaaring magsama. Prinsipe ka at ako ay katulong lamang sa palayong ito. Napakalayo ng ating agwat sa isa't-isa."

Napabuntong-hininga ang prinsipe bago muling nagsalita, "kapag ako na ang nakaupo sa trono ng hari, wala nang makapipigil pa sa akin."

Hindi naman na muling sumagot si Cisney. Alam niyang kapag ninais ng prinsipe ang isang bagay ay gagawin nito ang lahat para lang makuha iyon, at ngayon ang nais niya ay si Cisney. Namula ang pisngi ng dalaga sa naisip. Sa dinami-dami ng babaeng maaaring magustuhan ng prinsipe ay siya pang isang katulong lamang. Maraming magsasabi na siya ay mapalad, ngunit hindi iyon ang nasa isip niya. Naging mabuti ang hari at reyna sa kanya at sa kanyang ina na tagapagluto ng palasyo, hindi maaaring ito ang iganti niya sa kanilang kabutihan. Ngunit sa kabilang banda, hindi niya rin kayang makita na may ibang babaeng kasama ang kanyang prinsipe.

Nanatili sila sa ganoong posisyon ng ilang minuto bago muling magsalita ang prinsipe, "narinig mo na ba ang ipinagkakalat na balita ni lexus?" tanong nito sa babae.

"Balita? Anong balita?" takhang tanong ng dalaga.

"Ipinagkakalat niyang ako ay ampon lamang ng aking ama at ina," sagot ni Seth.

Kumunot naman ang noo ni Cisney, "At saan naman niya narinig ang balitang iyan?"

"Hindi ko din alam. Ngunit alam kong hindi kakalat ang balitang 'to nang walang katibayan. Pagkatapos ng kasiyahang ito ay tatanungin ang aking ama at ina."