Chereads / BAHAGI NG ATING KABANATA (On-going) / Chapter 9 - KABANATA VIII Ang Taos-Pusong Pagtuturo

Chapter 9 - KABANATA VIII Ang Taos-Pusong Pagtuturo

Huwag mong hayaang maraming magdudusa ng dahil sa kahirapan. Kusa mong tuklasin ang ugat kung bakit may naghihirap at nagdurusa. Ang kadahilanan, walang saktong edukasyon. Hayaan mong magkaroon ng kinabukasan ang mga dukhang para sa kanila'y walang patutunguhan.

Isang araw na yaon, naisip kong isama si Eliza sa isang pook kung saan nagtuturo ang aking Ina. Hindi ko mapigilan ang pagbabadiya ng kagalakan sa aki'y kasalukuyang namumutawi. Isang karanasang kakaiba sa tuwing kasama ko si Eliza. Sa tuwing Sabado ay nagtuturo ang aking Ina sa isang bayan na tanyag sa mga mamamayang may pinakamaraming kumpulan ng mga kabahayang mahihirap.

Mula Lunes hanggang Biyernes ay itinuon ni Ina ang pagtuturo sa isang pamantasan na puro maykaya ang nag-aaral, ang kaniyang kasalukuyang pinaglilingkuran. Sa Sabado'y kusa niyang nilalaanan ng oras ang mga mamamayang walang maykaya, sa edukasyon.

Taos-puso niyang tinuturuan ang mga kabataang dukha na walang inaantay na kapalit sa serbisyo. Sapagkat, ang isang guro ay hindi guro lamang. Ang guro ay guro sa lahat ng pagkakataon. Walang dapat pinipiling tuturuan, mayaman man o dukha.

Ang pagiging guro ay hindi lamang isang propesyon. Oras na pinasok, taos-puso mong damdamin ang pagiging guro. Ika'y guro at ina ng iyong mga sinasakupang mag-aaral.

Nadatnan namin ni Eliza si Ina na kasalukuyang nagtuturo sa lilim ng isang punong-kahoy habang ang kaniyang mga mag-aaral ay masinsinang nakikinig sa kaniya. Napagmasdan ko si Eliza na tuwang-tuwa na masilayan ang kaaya-aya sa kaniyang mga mata.

"Saludo ako sa iyong Ina, Diego," si Eliza. Napatitig ako sa kaniya. Minatyagan ko uli si Ina at ang kaniyang mga mag-aaral. Bakas sa kanila ang mga ngiti ng katuwaan. "Ang buhay ay walang saysay, hindi makabuluhan kung sarili lang ang pagtutuunan ng pansin," may ngiting dagdag na tugon niya.

"Tama ka mahal. Kagaya ng aking Ina ay ipinamalas mo iyon. Kaya ika'y aking inibig. Di lamang sa iyong taglay na alindog sa labas. Ang mas nakakahalina sa iyo, ang iyong kaloob-looban. Ang nakapaloob sa iyong katauhan, sa iyong puso." Hinaplos niya ang aking mukha na ikinapikit ko. Dinamdam ang bawat haplos ng kaniyang malambot na kamay. "Ang pag-ibig ko sa iyo'y walang katapusan." Ikinangiti ko iyon.

Idinilat kong muli ang aking mata at hinalikan siya sa kaniyang noo. "Handa kaba palagi na dadagdagan ang bawat nating kabanata?"

"Handang-handa basta ika'y palaging kasama."

Hindi kailanman matitighaw ang simula kong pag-ibig. Tuloy, mas lalong mapupunan. Si Eliza, ang kauna-unahang babae na nagparamdam sa akin ng pag-ibig, maliban sa aking Ina.

"Nais kong maranasan ang tinatawag na pag-ibig, Ina at Ama."

Kusang nagbabaliktanaw sa aking ala-ala ang aking munting pinapangarap noon, na ngayo'y nakamatan ko na.

"Walang makakatigil sa bawat bahagi ng ating kabanata Eliza. Hanggang kamatayan."

"Mahal kita," matamis niyang wika. Masigabong nag-ibayo ang aking damdamin. Nakakahalina sa tenga. Nagpapalukso ng dinarama. Hinalikan ko siya muli sa noo at marahang bumulong sa kaniya. "Sabay nating lampasan ang bawat bahagi ng ating kabanata, hanggang kamatayan. Maaari?" Kusa siyang tumango.

Ayaw ko ng waldasin ang ngayo'y nangyayari. Mayamaya'y napatigil nang biglang may mga batang dumunog sa amin. Nasa harapan namin si Ina. "Saluhan niyo kami sa meryenda, mga anak," mahinang sambit ni Ina sa amin ni Eliza.