"Hacob, kamusta ang tungkol sa politika?" seryosong wika ni Ina habang kami'y nasa loob ng tahanan. Abalang-abala ito sa pagsusulat tungkol sa kaniyang pagtuturo. Si Ama naman ay nakamasid sa ginagawa ni Ina. Batid sa kaniyang mukha ang may malalim na iniisip. Di ko mawari kung ano iyon. Ang sa ganang akin, hihintayin ang kaniyang pagsasalaysay.
"Mahal kong Estepha, may proyekto kaming pagtutuunan ng pansin," si Ama na nakatanaw rin sa akin. Napatigil si Ina sa ginagawa at inilaan ang atensyon sa pakikinig. Isinantabi muna niya ang ginagawa't sinusulat. "Para saan ang proyektong napag-usapan ninyo nila Don Valencio at Donya Monica?"
"Tungkol sa pagtuturo mo," maikling tugon ni Ama na may pagbabadiya ng kasiyahan. Ngumiti ito ng malawakan. Si Ina nama'y nag-iba ang timpla ng mukha. "Tungkol sa aking pagtuturo?" tanong nito na nais ng masagutan ang katanungan na nagsilitawan.
"Para sa mga mag-aaral mo. Nawari namin na kailangan niyo ng bahay-paaralan. Kaya't napag-usapan namin ng masinsinan na magpapatayo kami ng ganon. Ang magandang balita, bukas ay magpapatawag na kami ng arkitekto upang masimulan na ang pagpaplano," mahabang pagsasaad ni Ama na ikinatuwa ko pagkatapos na mapakinggan. Napatayo naman si Ina at tinahak ang kinaroroonan ni Ama at binigyan ito ng mahigpit na yakap dulot ng masidhing damdamin.
"Magandang balita nga iyan Ama," biglaan kong tugon.
"Para sa bayan Diego, kaya ikaw pagbutihan mo ang pag-aaral ng abogasya. Upang kalaunan ay maipagtanggol mo ang mga inaapi't mahihirap. Maaasahan ba kita anak?" Ako'y tumango. "Oo Ama, kakasabi niyo po, para sa bayan."
Sinenyasan ako nila Ama na sumali sa yakapan kaya walang-pag-alinlangan ko silang nilapitan.
"Bukas ba'y tatahakin niyo ang kabilang baryo na tinuturuan ni Ina?" tanong ko.
"Oo Diego, bukas ay kasama ko sina Don Valencio, Donya Monica at ang kasintahan mo." Nagalak akong sasama pala si Eliza. "Ako'y pupunta roon Ama, pagkatapos ng aming eskwela. Mukhang si Ina lang ata ang di makakapunta roon sapagkat siya'y tuturo muli sa pribadong pamantasan na iyon."
"Hindi ako papasok bukas. Uunahin ko ang mga mahihirap." Nabigla kami sa sinabi ni Ina ngunit binantaan kami na dapat papayag.
Sa kalagitnaan ng aming pag-uusap ay may napakinggan kaming umalingawngaw na boses galing sa hindi namin kilala. Ito ay nagmumula sa labas. Tinungo namin ang bintana at ito'y binuksan at tanaw namin sa baba ang isang lalaking marumi at may punit-punit na damit. Baka siya ay hihingi ng tulong. Akin sana siya ay pupuntahan sa labas ng bigla itong magwika ng nakakaindak at nakakapagpatayo ng balahibo. Hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan pati ang aking Ina at Ama.
"May isang binata ang dumating. Siya ay may dalang kapahamakan. May hatid na indak. Ang puso niya ay hindi busilak. May nakatagong maitim na hiyas. Mag-ingat, sapagkat bitbit niya ang matinding pahamak."
Nagkumpulan ang mga tao sa labas ng aming tahanan. Sila ay hindi rin makapaniwala sa nasaksihan. "Ano ba ang kaniyang mga pinagsasabi?" si Ina na hindi mapakali. Nanatili akong walang imik sapagkat hindi maiproseso ng aking utak ang winika ng lalaki. Ito ba ay nagbabadiya ng kapahamakan sa baryo ng San Rafael?
"Ano ang iyong mga winika? Umalis ka baliw!" Pinagbabato ng mga tao ang lalaki at ito'y naging duguan. Tinahak ko ang labasan ng aming tahanan upang siya ay maprotektahan. Papalapit palang ako sa kaniyang kinaroroonan ng bigla siyang nagsalitang muli.
"Ikaw binata, siya ay magiging iyong kalaban. Ika'y mag-ingat."
Tumakbo ito papalayo sa amin at muli ako ay napako sa kaniyang sinabi.