Nandito na kami ngayon sa bahay, pagpasok na pagpasok namin, nadatnan naming nanonood ng tv ang dalawa kong kapatid na lalaki. Ako ang ikalawa sa magkakapatid, si Kuya ay nasa Japan, doon siya nakakuha ng trabaho kaya ako ang nag-aaktong panganay dito. Kailangan talaga naming magsikap dahil malapit na akong tumungtong sa kolehiyo at mag-isa na lang din si Mama.
Gagawin ko talaga ang lahat para makapagtapos ako ng pag-aaral at hindi ko kailangan ng sagabal sa pagtupad ng mga pangarap ko. Hindi ko kailangan ang gulong dala ni Vera, pero aaminin kong naguguluhan ako ngayon, hindi ko alam kung maniniwala ako sa mga sinasabi niya o hindi.
"Ma, sa kwarto muna po ako. May kailangan pa po kasi akong i-edit at kailangan ko rin pong mag-update," paalam ko kay Mama.
"Oh sige, bumaba ka na lang dito maya-maya dahil kakain na tayo." Tanging tango na lamang ang sinagot ko kay Mama at tuluyan na nga akong umakyat papunta sa kwarto ko, agad akong humiga sa kama at tsaka kinuha 'yung bracelet na binigay sa akin ni Vera kanina.
Maganda nga naman talaga ang design ng bracelet na'to, kulay gold ito at may mga pula rin na dyamante. Kung ibebenta ko kaya 'to, ilan kaya ang makukuha ko? Gosh, oo nga! Ibenta ko na lang kaya 'to para naman may budget na kami sa mga sumusunod na buwan!
Kinagat-kagat ko ito.
Matigas!
Inalis ko 'yung hook at tsaka tiningnan uli ito.
Mahaba! Ay bastos!
"Paano kaya kung ibenta talaga kita, 'no?" Dumapa ako at tsaka tiningnan uli 'yung bracelet, para saan naman kaya 'to? Hindi naman 'to sa 'kin dahil hindi ko naman kayang bilihin ang ganitong kamahal na bracelet.
Myghad, Cazzie! Paano kung may kakambal pala ako tapos hindi ko naman pala talaga totoong ina si Mama? Tapos 'yung totoo ko palang pamilya ay super yaman tapos kapag nalaman nilang anak nila ako, babawiin nila ako tapos kailangan kong magpili between kina Mama tapos sa totoo kong pamilya! Gosh, hindi pa ako ready!
"H'wag mong subukan na ibenta 'yan, mas mahalaga pa 'yan keysa sa buhay mo." Napatayo ako bigla dahil sa lalaking nasa bintana ko, nakaupo siya ngayon at nakatingin lang sa 'kin. Hindi ko naman siya kilala kaya ano ang ginagawa niya rito?
"Sino ka?" tanong ko sa kan'ya, ngumisi naman siya at tuluyan na ngang pumasok sa loob ng kwarto ko, dahan-dahan naman akong umatras papalayo sa kan'ya. Malay ko bang may plano pala siyang atakihin ako. Dapat laging handa lang, girl scout lang ang peg.
"Dashiell Miller. Bakit mo pa tatanungin kung sino ako? E hindi mo naman ako makikilala kahit na malaman mo pa ang pangalan ko," saad niya tsaka humiga sa kama ko. Wala rin pala siyang modo, hindi niya 'ata alam na mahalang malaman ko ang pangalan niya para alam ko kung ano ang ise-search ko sa facebook.
"Wala kang pakialam at wala naman akong ginawa sa 'yo kaya umalis ka na lang," pagpapakipot ko. Letse, wala ba siyang planong tanungin man lang kung ano ang pangalan ko? Ghad, ang hina naman ng galawan moves ng lalaking 'to!
"Ang hirap mong kausapin, kaya ayoko sanang bantayan ka e." Tinaasan ko siya ng kilay habang siya naman ay nag-stretching pa sa kama ko.
"Bakit mo naman ako babantayan? Hindi kita kilala kaya umalis ka na bago ako tumawag ng pulis para pakulungin ka." Tumayo siya at tsaka tingnan ako nang diretso sa aking mga mata.
"Kung malalaman mo kung sino ako, siguradong matatakot ka. Importante kang tao sa mundo namin, importante ka ring tao sa mundo na 'to, ang hirap paniwalaan ng lahat ng 'to pero kailangan mo na lang maniwala, pero kung sakaling hindi mo pa talaga kaya, h'wag kang mag-alala, may bagay na paparating na pipilitin kang maniwala sa amin." Seryoso lang siyang nakatingin sa akin habang sinasabi niya ang mga 'yon, tumayo ang lahat ng balahibo ko sa katawan at bumilis din ang tibok ng puso ko. Hindi ko kakayanin kapag may nangyaring masama sa pamilya ko.
"Bakit? Sino ka para takutin ang pamilya ko?" Lalong lumaki ang ngisi niya at naging turquoise na nga ang dati niyang brown na mga mata.
"An A-rank." Magsasalita na sana ako ngunit bigla na lang humangin nang malakas at bigla na nga siyang nawala.
Bakit ba gano'n ang mga mata nila? Sumasakit na ang ulo ko dahil sa mga pinapakita nila sa 'kin, hindi normal sa akin ang lahat ng 'to o kahit kanino pa man kaya hindi naman nila ako masisisi kung hindi ako maniniwala sa kanila.
"Ally! Bumaba ka na rito!" Huminga na lang ako nang malalim at tsaka isinuot na ang bracelet.
"Papunta na po, Ma!" sigaw ko pabalik at tsaka bumaba na papunta sa kusina, nakapwesto na sa mga upuan nila sina Andrei at Andrew, niluto kasi ni Mama ang paborito naming sinigang.
"Ano ang nangyari sa mga mata mo, Ally? Bakit namumula?" kunot-noong tanong sa akin ni Mama. Tiningnan ko ang mga mata ko sa salamin at tama nga si Mama, namumula nga ang mga mata ko. Shemay, posible bang ito na ang sinasabi ni Dashiell? Magiging katulad na ba nila ako?
"Uso talaga ang sore eyes ngayon, Ate!" komento ni Andrei, 'yung grade 7 ko ngayon na kapatid, tumango naman si Andrew na ngayon ay grade 4 na.
"Kaya nga, 'yung classmate ko nga ay may sore eyes din, h'wag kang tumingin sa amin, Ate. Mahahawaan mo kami niyan," paalala niya. Sigurado naman akong hindi ito sore eyes dahil hindi naman ito makati o kaya namamaga, wala rin naman akong muta.
"Pakatapos mong kumain, matulog ka na kaagad, magpahinga ka," sabi naman ni Mama at tsaka umupo na, tumabi na rin naman ako sa kan'ya at tsaka huminga na lang nang malalim. Siguro kailangan ko lang talaga ng sapat na pahinga, masyadong maraming bagay na kasi talaga ang nangyari sa akin ngayong araw.
Parang roller coaster lang, kailangan ko pa sanang i-edit 'yung manuscript ko kaso mukhang hindi ko magagawa 'yon. I really need a break to clear my mind.
° ° °
"Ally, gising." Unti-unti kong binuksan ang aking mga mata at tsaka kinusot ito. No'ng naging malinaw na ang paningin ko, muntik na akong sumigaw. Sino ba naman ang hindi sisigaw? Bumungad lang naman sa akin ang pagmumukha ni Vera.
"Ano ba ang ginagawa mo rito?" mahina kong tanong sa kan'ya pero halata ang inis sa aking tono.
"Sinusundo kita, may kailangan tayong puntahan," sagot niya. Nahiya na naman ako sa suot ng babaeng 'to, all black ang suot niya pero dalang-dala niya pa rin.
"Wala akong panahon sa kalokohan niy-"
"Hindi kalokohan ang lahat ng 'to, Ally. Ikaw lang ang makakagawa ng misyon na ito," mariin na sabi niya. Ginulo ko naman ang buhok ko at tsaka bumuntong-hininga, sobrang hirap naman ng sitwasyon ko ngayon. Ano ba talaga sila? Maligno o engkanto?
"Okay, fine, naniniwala na ako sa inyo, pero ayoko pa ring madamay sa gulo niyo, marami na kaming problema kaya lubayan niyo na kami dahil wala kaming ginagawa sa inyo," naiinis kong sabi at tsaka tinakpan ang mukha ko gamit ang aking kumot. Ayoko na silang makita o kaya marinig man lang. Ayoko na ng gulo.
"Dumadaloy sa dugo mo ang dugo namin, alam ko kung nasaan ang ama mo." Instant na napabangon ako dahil sa sinabi niya, nakukuha talaga ang atensyon ko kapag si Papa na ang pinag-uusapan, ilang taon na ba ang nakakalipas simula nang huli naming pagkikita? Sobrang tagal na, hindi ko na mga maalala kung ano ang mga suot naming damit noon, handa na nga sana akong kalimutan ang lahat ng mga bagay na konektado kay Papa tapos bigla niyang uungkatin 'yon.
"Ano ba ang alam mo sa pamilya namin?" tanong ko sa kan'ya, hinawakan niya ang kamay ko at tsaka tiningnan ako nang diretso sa aking mga mata.
"Alam ko ang lahat." Parang mabubulag ako dahil sa puting liwanag na lumabas mula sa kaniya, pinuno nito ang buong kwarto ko at tsaka lumabas nga ang lahat ng senaryo na nangyari sa pamilya namin, simula no'ng ipinanganak si Kuya hanggang sa araw na ipinanganak si Andrew. Lahat ng mga pangyayaring masaya, malungkot at talaga namang nakakagalit, lahat 'to nangyari sa amin pero paano niya nalaman ang lahat ng 'to? Hindi ko naman siya kilala at sigurado akong wala naman kaming nawawalang kapatid.
Unti-unting dumilim ulit ang paligid, binitawan niya na rin naman ang kamay ko, tanging ang pagbuntong-hininga ko lang ang maririnig sa buong kwarto, sobrang hirap i-absorb ng lahat ng 'to. Hindi ko na alam kung ano ang papaniwalaan ko.
"Naniniwala ka na ba, Ally?" tanong niya uli, napahinga naman ako nang malalim.
"Naniniwala ako pero hindi ko pa rin kayang tanggapin, napakaraming gulo na nga ang nangyayari sa pamilya namin tapos ito pa ang mangyayari, dumagdag na naman 'tong problema na hindi ko naman maintindihan."
"Hayaan mo akong ipaintindi sa 'yo ang lahat, pwede ba?" nakangiti niyang tanong sa 'kin. Medyo mabait naman pala siya, sana lang ganito rin kabait si Dashiell.
"Sige."
"Ikaw ang pinili ng pinuno namin para iligtas ang anim na milyon na tao, bakit? Hindi ko alam, siya lang ang may alam. Ano ba ang dapat mong gawin? Pupunta ka sa mundo namin, kailangan mong maging malakas at iligtas 'yung mga tao na 'yon, nauulit ang lahat ng nangyari sa nakaraan dahil sa isang traydor sa aming hukbo at kapag hindi mo siya napigilan, mangyayari muli ang Holocaust ngunit sa iba ng paraan, hindi lang sila iaalay at isusunog, kukunin nila ang dugo ng anim na milyon na 'yon at gagamitin din sila para lumakas pa ang kapangyarihan nila." Lalong tumindi ang tensyon na nararamdaman ko ngayon dito sa loob ng kwarto ko, hindi ko alam na ganito pala kabigat ang responsabilidad na dinadala ko.
"Bakit naman nila kailangang pumatay ng anim na milyon na tao? Wala na ba talagang ibang paraan?" Posible naman 'atang makaisip pa sila ng iba pang paraan, hindi naman nila kailangang pumatay ng gano'ng karaming tao para lang sa mga sarili nilang pakay, may paraan pa rin na hindi na kailangang makasakit ng iba pang tao.
"Hindi ko alam kung may iba pa ba silang paraan pero sa ngayon, ito lang ang paraan na alam nila," sagot niya. Lalong sumasakit ang ulo ko dahil dito, at tsaka akala ko ba alam ng babaeng 'to ang lahat, bakit hindi niya alam ang mga bagay tungkol sa kalaban namin?
Scam.
"At sinasabi mong kasama sa anim na milyon na 'yon ang pamilya ko?" Tumango siya bilang sagot, mukhang wala na talaga akong magagawa kundi sundin ang lahat ng gusto nila, handa akong gawin ang lahat para lang maligtas ko ang pamilya ko.
Napakarami na nilang ginawa para sa 'kin kaya panahon na para gawin ko rin ang lahat para sa kanila.
"Bago ako pumayag sa kagustuhan n'yo, may isa muna akong tanong," sabi ko, tingnan niya lang ako na para bang hinihintay niya na lang na tanungin ko siya.
"May koneksyon ba ang lahat ng 'to kay Papa?" Napatungo siya at narinig ko rin ang paghinga niya nang malalim.
"Meron, pero wala akong karapatan sabihin ang lahat ng 'yon sa 'yo, ibang tao dapat ang magsabi ng bagay na 'yon dahil hindi ko naman alam kung ano ang buong estorya," sagot niya. Isang bagay lang naman ang gusto kong malaman, ito ay kung bakit kami iniwan ni Papa.
"Pumapayag na ako, pero paano ko naman kayo matutulungan? Wala naman akong kapangyarihan, hindi tulad niyo," sabi ko at tsaka inayos ang kama ko. Wala naman talaga akong kapangyarihan, hindi naman ako maligno o kaya engkanto, sigurado naman akong hindi ako bampira o kaya aswang kaya wala talagang chance na magkaroon ako ng super powers na 'yan.
"Meron kang kapangyarihan at mas malakas ka pa keysa sa akin lalo na kapag nag-ensayo ka nang maayos. Mahalaga ka sa pinuno namin kaya alam kong malakas ka." Tinalikuran niya na ako at tsaka pinagmasdan ang buwan at ang mga bituin sa labas ng bintana. Mukhang malalim ang iniisip niya. "Pero sa ngayon, magpahinga ka muna dahil kailangan mo ng lakas para harapin ang lahat ng 'to, alam kong hindi ito madali para sa 'yo kaya nandito lang ako para gabayan ka."
"Akala ko ba may pupuntahan tayo?" nakakunot-noong tanong ko sa kan'ya.
"Ako muna ang bahala do'n. Magpahinga ka na, mas mahalaga pa rin ang kalusugan mo."
Napangiti na lang ako dahil sa sinabi niya, nakatulong 'yon sa akin dahil kahit papano'y alam kong hindi ako nag-iisa sa mundong haharapin ko.
— — —
Proverbs 17:17
A friend loves at all times, and a brother is born for a time of adversity.