Parang sinagasaan ng kotse ang ulo ko dahil sa sobrang sakit nito, pakiramdam ko dala-dala ko ang lahat ng bigat dito sa mundo.
"Anak? Gising na, late na oh," narinig kong sabi sa akin ni Mama, hindi naman ako nagsalita at mas hinigpitan pa ang hawak sa aking kumot. Nilalamig ang buong katawan ko at para na rin akong lalagnatin, nakakapagtaka kasi hindi naman ako madalas magkaroon ng sakit, malakas kasi ang resistensya ko.
"Anak?" Lumapit sa akin si Mama at ipinatong ang kamay niya sa noo ko. "Mainit ka ah, bakit hindi mo agad sinabi na hindi maganda ang pakiramdam mo? Sana uminom ka na ng gamot kanina pa."
"Sorry po, Ma. Hindi ko rin po kasi alam kung bakit ako nagkasakit ngayon." Sobra talagang sakit ng ulo at katawan ko, napapaisip nga ako kung isa ba 'to sa mga senyales na nagiging tulad na ako kina Dashiell at Vera.
"Dito ka lang, bibili lang ako ng gamot. Kapag may kailangan ka, nandiyan lang ang mga kapatid mo sa baba, tawagin mo na lang sila, ha?" Ngumiti na lang ako at tsaka tumango bilang tugon, sinuklian ni Mama ang mga ngiti ko at tsaka umalis na nga sa loob ng kwarto ko.
"Ngayon ka pa talaga nagkasakit." Napatingin ako sa tabi ko no'ng narinig ko ang boses ni Dashiell. Turquoise na naman ang kulay ng mga mata niya.
"Ano ang ginagawa mo rito? Wala ako sa mood makipag-away sa 'yo kaya kung wala ka namang importanteng sasabihin, umalis ka na. Sa susunod na lang tayo mag-usap tungkol sa mundo niyo dahil hindi ko naman kayang iligtas ang anim na milyong tao na 'yon sa kalagayan kong 'to." Hinugot ko talaga nang todong-todo ang lahat ng lakas ko para sabihin sa kan'ya ang gano'ng kahabang sermon. Akala ko makokonsensya naman siya kahit kaunti pero nagkamali ako, mukhang matigas talaga ang puso ng lalaking 'to dahil hindi pa rin siya umaalis ngayon sa tabi ko.
"Hindi ako aalis. Dito lang ako," mariin niyang sabi, tinaasan ko naman siya ng kilay. Dapat makita niyang kahit may sakit ako, kaya ko pa rin siyang tarayan.
"Kapag hindi ka umalis, makikita ka ni Mama at baka isipin niyang may tinatago na ako sa kan'ya. Iisipin niyang hindi ko na tatapusin ang pag-aaral ko at magpapabuntis na ako sa 'yo," saway ko uli sa kan'ya. Pinapahirapan niya talaga ako e, hindi ba pwedeng sumunod na lang siya sa 'kin at umalis na para tapos kaagad ang usapan?
Kinuha niya ang upuan na nasa study table ko at tsaka umupo doon habang nakatingin sa akin.
"Hindi ako aalis dito hangga't sa maging mabuti na ang pakiramdam mo, 'yan ang utos ng pinuno namin kaya wala na akong magagawa at wala ka na rin namang magagawa." Napabuntonghininga na lang ako dahil sa sinabi niya, sobrang tapat niya talaga sa kinikilala nilang pinuno, pwede namang hindi niya ito sundin at pumunta na lang sa mall para kunwari ay binantayan niya talaga ako. 'Yan nga ang ginagawa ko dati kapag inuutusan ako ni Mama na bumili sa tindahan, kunwari pumunta na ako d'on pero ang totoo ay nakipaglaro lang naman ako sa mga kaibigan ko ng habulan.
"Kaya ko na ang sarili ko kaya pwede ka nang umalis." Umiling siya at pilit na nagmamatigas. Nako, gusto niya lang talaga 'atang mabantayan ako dahil gusto niya na talaga ako e, napakaganda ko talaga, pati ang isang nilalang na hindi naman mula sa mundong ito ay nagkagusto sa 'kin.
Ang haba naman ng hair ko!
"Mukhang hindi ko gusto 'yang mga tingin mo sa 'kin, parang wala kang iniisip na matino at parang hinuhubaran mo na rin ako." Inirapan ko na lang siya at tsaka ipinikit ang mga mata ko. Balak ko na sanang tulugan na lang siya pero biglang pumasok si Mama sa loob ng kwarto ko, may dala siyang gamot at isang basong tubig, agad akong napatingin kay Dashiell at namilog na lang ang mga mata ko no'ng parang wala man lang nakita si Mama.
"Ma, wala ka man lang bang pakialam?" Kumunot ang noo ni Mama dahil sa sinabi ko at mukhang hindi niya nagustuhan ito. May sinabi ba akong mali?
"Ano ba ang ibig mong sabihin? Inaasikaso na nga kita, mahal kita kaya may pakialam ako." Nilingon ko si Dashiell no'ng narinig ko ang napakalakas niyang tawa, parang nakasinghot lang ng medyas ko ang isang 'to.
"Hindi po 'yon ang ibig kong sabihin, I mean, may iba po tayong kasama ngayon at hindi naman po natin siya kilala. Hindi ka man lang po ba nagagalit na may nakapasok ngayon sa loob ng kwarto ko?" nakangiting tanong ko kay Mama, bigla namang namilog ang mga mata niya at tsaka inilibot ang kaniyang paningin sa loob ng kwarto ko, hindi na maipinta ang ekspesryon ngayon sa mukha ni Mama, mukhang hindi niya talaga nakikita si Dashiell.
"Anak, sabihin mo nga sa 'kin, nandito pa ba siya ngayon?" tanong niya, tumango naman ako.
"Diyos ko, teka, uminom ka muna ng gamot." Inalalayan ako ni Mama sa pag-inom ng gamot, medyo nanginginig pa nga ang mga kamay niya habang pinapainom niya ako ng tubig, mukhang natakot siya sa ideyang may nakikita akong isang nilalang na hindi niya nakikita.
"Magpahinga ka lang muna, tatawagan ko lang si Father," saad ni Mama at tuluyan nang lumabas sa kwarto ko. Umiling na lang ako habang tinitingnan si Dashiell na sobrang lawak na ngayon ang ngisi.
Happy na happy ang isang 'to, ang sarap ibato 'tong study table sa mukha niya.
"Ano ba ang ginawa mo?" tanong ko sa kan'ya, tumigil na rin naman siya sa pagtawa pero nakangisi pa rin siya na parang aso.
"Wala naman akong ginawa, ah?" nakangisi niyang sabi, tiningnan ko naman siya nang masama.
"Fine, hindi nila ako nakikita, mas gusto kong ikaw lang ang nakakakita sa 'kin para mas creepy isipin, pero kung tatanungin mo kung ikaw lang talaga ang makakita sa akin habang buhay, pwede rin nila akong makita kung gusto kong makita nila ako." Buti naman nadadala siya sa tingin, sana nga ay nadadala rin sa tingin itong bibig niya para naman kapag tinitigan ko ito ay hindi na niya kaya pang magsalita. Nakaka-letse rin kasi 'yang bunganga niya e.
"Sige na, umalis ka na. Kailangan ko nang magpahinga," pagtataboy ko sa kan'ya, umiling siya tsaka tumayo at lumapit sa akin. Mukhang may plano na naman siyang gawin sa 'kin.
"Natural lang naman 'yan dahil naninibago pa ang katawan mo sa mga pagbabagong ito, hindi ka kasi na-ensayo nang maayos kaya ganito ang nangyari, pero h'wag kang mag-alala, mamaya, okay ka na." Tumango na lang ako at tsaka ipinikit ang aking mga mata. Tama nga ako, naninibago ang katawan ko dahil unti-unti na akong nagiging tulad nila.
"Bakit ngayon 'to nangyari sa 'kin? Hindi ba 'to tulad sa mga movies na napapanood ko na lalabas talaga ang totoo kong kapangyarihan pagsapit ko ng 18 years old?" tanong ko sa kan'ya, bahagya siyang natawa at tsaka umiling-iling. Pinagtatawanan na naman niya ako, tuwang-tuwa talaga ang lalaking 'to dahil wala akong kaalam-alam sa mundong kinagagalawan nila, nagmumukha tuloy akong mangmang.
"Hindi ito katulad sa mga movies na napapanood mo, unti-unting lumalabas ang kapangyarihan mo dahil nagkaroon ka na ng koneksyon sa amin." Kaya pala, wala naman talaga ako sa loob ng libro o kaya sa isang movie kaya what do I expect? Totoo ang lahat ng 'to, kahit sasabihin kong hindi ko 'to kayang tanggapin, dapat tanggapin ko pa rin. Hindi ito tulad sa mga estoryang ginagawa ko. Doon, kaya kong gawin at kontrolin ang lahat, dito hindi.
"You're already overthinking, Ally. Sleep now, you'll be okay once you wake up." Englishero rin pala ang peg, nacu-curious ako kung ano ang meron sa mundo nila at kung ano ang hitsura nito. Magiging masaya ba ako kapag pumunta ako do'n? Siguro hindi, mas mabigat na responsabilidad ang kailangan kong ipasan ngayon. "Matulog ka na sabi e."
Huminga na lang ako nang malalim at hinintay na dalawin ako ng antok.
° ° °
"Ally, gising." Binuksan ko ang mga mata ko at nakita ko na nga ang pagmumukha ni Dashiell. Huminga ako nang malalim at tiningnan ang alarm clock ko. 3:00 am pa lang. Ano naman ang plano niyang gustong gawin ngayon?
"Bakit ka nandito?" tanong ko sa kan'ya, hindi muna siya kumibo at inilapat ang kan'yang kamay sa noo ko. Tinitingnan niya 'ata kung mainit pa ba ako o ano, medyo okay na rin naman ang pakiramdam ko kaya hindi niya na kailangan pang mag-alala.
"Tinitingnan ko lang kung may lagnat ka pa ba. Okay ka na ba? May pupuntahan tayo." Tumango na lang ako bilang sagot at tsaka tumayo na mula sa pagkahiga sa kama ko.
"Saan naman tayo pupunta?"
"Basta. Hindi mo naman kailangang gumalaw nang todo, kailangan mo lang akong panuorin habang lumalaban, hindi ka dapat mapahamak kaya h'wag kang lalayo sa tabi ko." Ikinuha niya ang kamay ko at sinuri 'yung bracelet na binigay sa akin ni Vera. "Binigay 'to sa 'yo para malaman namin kung nasaan at kung nasa kapahamakan ka. Poprotektahan ka rin ng bracelet na ito kaya ingatan mo 'to."
"Gano'n ba ako ka-wanted?" tanong ko sa kaniya, pakiramdam ko tuloy kahit saan ako pumunta ay mapapahamak ako. Ayoko pang mamatay at mas lalong ayokong mapahamak ang pamilya ko dahil sa mga ginagawa ko. I know it sounds selfish na ayokong iligtas ang anim na milyon na tao na 'yon dahil pinapangunahan ako ng takot, pero wala e, 'yon talaga ang opinyon ko, kung hindi nila sinabi na nasa kapahamakan ang pamilya ko ay hindi ko naman talaga gagawin 'to.
Hindi ako 'yung taong iniisip nila, sabi nila may lakas ako ng loob pero ang totoo ay wala ako n'on. Duwag ako.
"Gano'n ka kahalaga, Ally," nakangiti niyang sagot, may pinindot siya sa bracelet ko at hinawakan niya na nga ang kamay ko, hinila niya ako papunta sa salamin, hindi ko makita ang sarili ko, pati na rin ang aking mga damit.
"Invisible ka na, special 'yan dahil lahat ng suot mo ay magiging invisible rin, pati na rin ang lahat ng yayakapin mo, pero kailangan mo pa ring mag-ingat, hindi ka nila makikita pero naaamoy ka pa rin nila, kailangang maging handa ka lalo na kung may kasamang mga alaga ang kalaban natin." Sumang-ayon na lang ako at nagpahila na kay Dashiell. Sobrang lamig ng simoy ng hangin dahil maaga pa, napakatahimik din ng buong paligid, siguro kung sisigaw ako ngayon, rinig na rinig ang boses ko sa kabilang barangay.
Tumingin ako sa taas at nakita ko nga ang mga bituin at ang buwan. Hindi ko inaakala na mangyayari ang ganito, tumatakbo kami ngayon ni Dashiell sa gitna ng kalsada, sobrang bilis namin, parang lumilipad na nga ako e. Isa 'ata 'to sa mga kapangyarihan niya, halos kasing bilis na kasi n'ya ngayon ang isang train.
Huminto kami sa isang abandonado na hospital, kilala ito sa lugar namin dahil pinasabog daw ito no'ng panahon ng mga Hapon. May mga ligaw na kaluluwa raw ang umaaligid sa buong gusali na'to kaya ayoko sanang pumasok, matatakutin pa naman ako.
"Marami sila," bulong ni Dashiell sa kan'yang sarili, hinigpitan niya pa ang hawak sa aking kanang kamay.
Hindi siya kinakabahan pero bakas sa mukha niya ang pag-aalala. Napansin ko rin na nag-iba na ang kulay ng mga mata ni Dashiell, mas lumamig din ang hangin sa buong paligid, pinagsisihan ko tuloy na hindi ko sinuot 'yung mas makapal kong jacket.
"Kapag napapansin mong hindi na nagiging maganda ang sitwasyon sa loob, umalis ka na," seryoso niyang sabi tsaka hinila ako papasok sa lumang gate ng hospital.
"Seryoso ka na niyan? Sabay tayong pumunta rito kaya wala akong planong iwan ka na lang diyan sa loob, paano kung may masamang mangyari sa 'yo? Hindi kakayanin ng konsensya ko." Tiningnan niya ako habang may nakaukit na ngisi sa kan'yang mga labi.
"Hindi kakayanin ng konsensya mo na mapahamak ako pero kinaya ng konsensya mo na hayaan ang anim na milyon na tao na 'yon." Naramdaman ko ang pag-init ng aking magkabilang pisngi dahil sa sinabi niya. Hiyang-hiya na tuloy ako, hindi ko naman siya masisisi dahil totoo naman talaga ang sinabi niya.
"Pasensya na, kinain lang talaga ako ng takot. Takot akong matalo, Dashiell. Palagi kong iniisip na paano na lang kung hindi ako nagtagumpay sa pinapagawa nito? Paano na lang kung hindi ko magawang iligtas ang pamilya at ang anim na milyon na tao na 'yon? Habang buhay kong sisisihin ang sarili ko at hindi ko kaya 'yon," sabi ko habang nakatungo, hindi ko siya kayang tingnan nang diretso sa mga mata niya dahil alam kong disappointed siya sa 'kin.
"Hindi ba mas masakit kung alam mo namang may magagawa ka pero wala ka pa ring ginawa? We need to take risks in order to achieve success, 'yan ang katotohanan sa mundo nating dalawa." Napangiti ako dahil sa sinabi niya, napahinga na lang ako nang malalim at tiningnan ang kabuuan ng abandonadong hospital.
He's right, we all need to take the risk in order to achieve something, that's why I'm risking my life for my family.
— — —
Isaiah 40:28–31
Do you not know? Have you not heard? The LORD is the everlasting God, the Creator of the ends of the earth. He will not grow tired of wear and His understanding no one can fathom. He gives strength to the weary and increases the power of the weak. Even youths grow tired and weary, and young men stumble and fall; but those who hope in the LORD will renew their strength. They will soar on wings like eagles; they will run and not grow weary, they will walk and not be faint.