Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

THE FORGOTTEN

🇵🇭Aftoktonia
--
chs / week
--
NOT RATINGS
18.1k
Views
Synopsis
Mayroon isang paaralan na kilala sa maraming hindi maipaliwanag na pangyayari, katulad ng mga nagpapakitang multo na aksidenteng nakukuhanan ng mga litrato at pagkawala ng ilang mga estudyanteng nag-aaral doon. Isang guro ang natagpuang patay sa loob ng faculty room at pinatay sa kagimbal-gimbal na pangyayari, basag ang ulo nito na halos mapigtal sa kanyang leeg at nagkalat din ang mga bakas ng dugo nito sa sahig at sa bawat sulok ng silid. Dahil sa walang katapusan na kaganapang kababalaghan sa paaralang ito, may mga ilang mag-aaral dito na gumawa ng isang samahan na tinatawag na "Creepy Hunter." Nabuo ito upang alamin ang lahat ng mga nakakubling sikreto at mga misteryong nagaganap ngayon sa kanilang paaralan. Sa paghahanap ng kasagutan isang dimensyon ang mabubuksan na hindi kabilang sa ating mundong ginagalawan. Isang lugar kung saan ang lahat ng napupunta ay nakakalimutan at hindi na nakakabalik sa kanilang mundong pinanggalingan.
VIEW MORE

Chapter 1 - 1 - 10 Creepy Hunters

NAGPATAWAG ng pagpupulong si Frederick sa lahat ng mga miyembro ng Creepy Hunters, hindi ito ang unang beses ngayong buwan na nagpatawag siya ng meeting na hindi kami naabisuhan ng mas maaga, pakiramdam namin ay naghahabol ang aming pinuno ng oras dahil ito na ang halos huling taon na ilalagi niya sa Matatag National High School. Halos apat na taon ang binuhos niya sa sagot tungkol sa lahat ng mga kababalaghan na nangyayari sa loob ng nasabing paaralan ngunit hanggang ngayon ay patuloy parin siya sa paghahanap at saksi ako sa lahat ng mga kaganapang iyon.

Kasalukuyan kaming nasa loob ng abandonadong silid-aralan, nakatayo sa gitna at nasa tapat ng mahabang pisara si Frederick habang kami namang kasapi ay nakaupo sa mga sira-sirang upuan,  simula nang nabuo ang aming  samahan ay ito na ang naging secret hide-out namin, lahat ng mga pagpupulong ay dito nagaganap sa loob, lahat ng mga plano, pagtatalo at pagbuo ay naging malaki ang bahagi ng abandonadong silid na ito. Kaya hindi nakakapagtaka na isa ito sa mga pinaka hindi namin malilimutan na lugar sa buong campus kung sakaling magtapos na kami.

Binubuo ng sampung tao ang aming samahan, si Frederick, Gino, August, Maximo, Alexa, Sheena, Michael, Steve, Allison at ako. Lahat kami ay nahimok lamang dahil sa mga mabubulaklak na salita ni Frederick na siyang leader namin at bukod pa roon ay alam namin na pare-parehas lang ang dahilan kung bakit pinili namin na maging bahagi ng samahan at iyon ay dahil parehas lang ang interes naming lahat, mga bagay na may kinalaman tungkol sa kababalaghan na kahit kailan hindi pa namin nabibigyang linaw.

Lahat kami ay naniniwala na may kababalaghang nangyari sa pagkamatay ni Mr. Cardino, hindi naging sapat para sa amin ang binigay na konklusyon ng mga pulis na maaaring may kinalaman ang dalawang estudyanteng nawawala sa pagkamatay ng dating guro, mismong pulis na ang nagsabi na walang nakita na kahit anong bakas ng mga fingerprint sa biktima, para sa aming obserbasyon at imbestigasyon ay hindi ito makakayang gawin ng dalawang estudyante, masyadong malinis ang krimen at ang hinala namin na mukhang may tinatago ang pamunuan ng aming paaralan tungkol sa pagkamatay ng dating guro at hanggang ngayon ay pilit parin naming inaalam kung ano ang pinagtatakapan nila, sa kung ano at sino ba talaga ang pumatay sa dating guro.

Creeping ang tawag namin sa mga ginagawang imbestigasyon o aksyon sa paghahanap ng sagot tungkol sa kababalaghan na nangyayari tungkol sa aming paaralan. Ito ang secret code namin kapag palihim kaming nag-iimbestiga sa loob ng school kahit mahigpit na ipinagbabawal ang pananatili sa loob pagsapit ng ika-siyam ng gabi, minsan kase kapag naiiisip namin na magstay sa loob ng school ng bente kwatro oras, para lamang doon ay mag-imbestiga at manaliksik buong araw tungkol sa kumakalat na balita na marami raw mga kababalaghan na nangyayari pagsapit ng alas dose ng gabi.

Sa tagal  na naman pag-creeping ay kahit kailan ni hindi pa namin naranasan makakita o makaramdam ng kababalaghan, kagaya ng mga kumakalat na kwento o kuro-kuro sa buong campus na may white lady raw na nagpapakita sa building na pinatayo para lang sa mga third year students, tila pakiramdam ng aming samahan ay mismong mga multo, kulto o kahit na anong bagay na hindi kayang ipaliwanag ng siyensa ang kusang lumalayo sa amin. Parang napakailap para sa aming samahan ang makatagpo ng mga ganoong bagay.

"Magandang umaga, mga Creepy Hunters!" panimula nito. "Nagpatawag ako ng biglaang pagpupulong sa kadahilanang nais ko sanang maghanap tayo ng isa pang magiging kasapi. Alam kong tatlong taon narin ang nakalipas simula ng nabuo ang ating samahan ngunit kahit kailan wala pa tayong na-accomplish o na-solved na paranormal cases" wika ni Frederick, kanya-kanya namang bulungan ang lahat dahil sa narinig nilang anunsyo.

Sa loob nga ng tatlong taon ay wala pa kaming nalutas na mga pending paranormal cases namin, lalo na ang tungkol sa pagkamatay ni Mr. Cardino, iyon sana ang itinuturing namin na pinaka malaking paranormal cases na hinahawakan namin ngunit sa kasamaang palad ay hanggang ngayon malaking katanungan parin ang pagkamatay nito. Hindi ko alam kung ano ngayon ang tumatakbo sa isip ni Frederick, kilala ko ang leader namin, tahimik man na kaibigan ito pero may itinatago naman itong talino, sa palagay ko, natataranta na kase ito dahil ilang buwan nalang ang nalalagi namin para sa paghahanap at pagresolba ng ilang mga pending cases.

"Ang aking suhestiyon ay magrecruit tayo nang isa pang kasapi na may kakayahang makakita ng hindi kaya ng karaniwan, katulad natin o sa madaling salita ay maghanap tayo ng kasaping may third eye" nakakabinging katahimikan ang bumalot sa loob ng silid matapos tapusin ni Frederick ang kaniyang anunsyo, kanya-kanyang tinginan sa kanyang mga katabi ang lahat.

Bakit nga ba hindi namin sinubukan na magrecruit ng may third eye? Siguro, kung matagal na namin itong ginawa ay baka may natapos na kaming mga pending cases, sa tagal ng taon na paghahanap ngayon lang pumasok sa isip ko na maaaring ito na ang maging susi para magpatunay na hindi lang tao ang nasa mundong ibabaw, kundi may mga nilalang na nakatira rin sa lupa na hindi lang kayang makita ng karaniwan na tao dahil wala silang third eye.

"Kung sino man ang tumututol sa aking suhestiyon ay maaari lamang niyang itaas ang isa niyang kamay bilang pagtutol at kung lahat naman ay sumasang-ayon ay maaari na tayong magpatuloy sa susunod na magiging hakbang ng ating samahan" sumenyas ang pinuno sa amin na maaari ng itaas ang kamay ng mga gustong tumutol sa kanyang naging suhestiyon.

Lahat naman ay sumang-ayon sa lahat ng kanyang naging suhestiyon,walang ni isa ang nakaisip na isa itong malaking pagkakamali na desisyon, marahil lahat ay pagod narin sa araw-araw na malaking kabiguan sa paghahanap ng sagot, tiyak na ngayong araw ay may malaking pagbabago na sa samahan na maaaring makapagturo sa amin, na kung may kinalaman nga ba ang aming paaralan sa kababalaghan na pagkawala ng dalawang estudyante at sa kung ano nga ba talaga ang nangyari sa pagkamatay ng dating guro na si Mr. Cardino tatlong taon na ang nakalipas?

"Simula bukas ang magiging tuon na natin ng pansin ay ang paghahanap sa bago natin magiging kasapi. Kaya inuutusan ko ang lahat ng bawat isa sa inyo na ang magiging bago ninyong assignment ay maghanap ng taong may third eye. Maliwanag ba mga Creepy Hunters?" maawtoridad na wika ni Frederick.

"Maliwanag po, pinuno" sabay-sabay naming sabi.

"Dito na matatapos ang pagpupulong ngayong araw." nagkanya-kanyang tayo sa kani-kanilang upuan ang lahat at nagpulasan palabas, sinamantala lang kase ng aming samahan ang break time para makapagpulong ngayong araw.

Nakaabot naman ako sa klase ng hindi ako nahuhuli, siguro sa aking tansiya ay limang minuto pa kaming naghintay ng mga kaklase ko bago dumating ang aming guro sa asignaturang ingles, marahil ganoon din ang ibang mga kasapi dahil lahat naman kami ay pare-parehas na nasa ika-apat na taon sa sekondarya. Naging matagal para sa akin ang takbo ng oras dahil siguro ay wala ang isip ko sa klase at tinuturo ng guro, iniisip ko parin kase ang naging suhestiyon ng aming pinuno na magdagdag ng isa pa naming magiging kasapi sa samahan, bukod pa roon ay paano kami makakahanap ng kapwa namin mag-aaral dito na may ibang ganoong kakayahan, kakayahan na makakita ng hindi nakikita ng iba?

Pagtapos ng klase ay nakita kong hinihintay ako ni August, Gino at Frederick sa tapat ng pinto ng aming silid, kaagad kong sinilip ang aking mensahe sa cellphone kung nakatanggap ba ako ng grupong mensahe mula sa kanila ngunit wala naman akong bagong mensahe, napapaisip tuloy ako kung anong naisip nila at bakit hinihintay nila ako ngayon sa tapat ng pinto. Mabilis ko nang sinukbit ang aking bag at dali-daling lumabas ng silid.

"Napadalaw kayo. Anong meron?" bati ko sa kanila, hindi na tumugon sa aking pagbati si Frderick at pinihit nito ang kamay ko at sumunod naman ang dalawa hanggang sa makalabas kami ng building kung nasaan kami kanina.

Nagpalinga-linga muna sa paligid si Frederick bago simulang nagsalita, "May pagbabago sa plano, naisip ko na sa atin munang apat ang sikretong ito, wala dapat munang makaalam sa samahan na ginagawa natin ito ng palihim ng wala nilang ideya"  maliwanag na paalala nito.

Ipinunta ako ng mga paa namin sa silid-aklatan, hindi ko alam kung bakit naisip ni Frederick na baguhin ang kanyang plano, kasama ang dalawa pa naming kasapi sa samahan na si Gino at August. "Bakit nga ba sa lahat kaming tatlo ang napili mo?" pagtataka kong tanong sa kanya, nagkibit-balikat naman ang dalawa na sa tiyak ko ay wala din ideya kung ano ang nangyayari.

"Dahil sa kanilang lahat kayong tatlo ang pwede kong pagkatiwalaan, lalong-lalo ka na, Blair" napaturo nalang ako sa sarili ko, hindi ko naman akalain na gano'n pala kalaki ang tiwala niya sa akin.

"Oo, naging magkaklase tayo no'ng first year at parehas natin nasaksihan ng sabay kung ano ang itsura ng bangkay ni Mr. Cardino nang ilabas sa faculty room" hindi ko parin maunawaan kung bakit kailangan niyang magtago ng lihim sa mga kasapi namin.

"Pakiramdam ko may non-believers sa grupo at hindi ko matukoy kung sino, sa tagal na ng ating samahan, sa aking palagay may isa o higit pa, hindi ko alam. Malakas lang ang kutob ko na may espiya sa grupo, may narinig kase akong balita na kumakalat na may binubuo raw na samahan na kahalintulad ng ating samahan. Kaya pinatawag ko kayo sa patagong meeting na ito at kayo lang pinili kong makabilang ngayong araw" pagdedepensa ng aming pinuno sa ginagawa nitong pagtatago ng lihim sa kanyang mga kasapi.

"Mawalang galang na sayo, pinuno" singit ni August. "Tatlong taon na ang samahan ngunit, tama ka... ni isa wala pa tayong na-solve, sa aking opinyon, hindi dahil sa mga non-believers na sinasabi mo. Sa palagay ko, dahil sa ilang mga maling desisyon, gaya ng pagbibigay mo ng task at pag-creeping ng sabay-sabay. Kumbaga, sa kalaban, hindi ito darating kung alam niyang agrabyado siya at sa buong tatlong taon palaging pare-parehas kami ng mga assignment"

"So, anong plano mo?" saad ni Frederick.

"Ang plano ko... pinuno ay hatiin natin ang bawat assignment ng iba. Una ay kailangan nating hatiin ang grupo sa dalawa, kaya kailangan pa naging humugot ng isa pa sa mga kasapi. Pangalawa, kuhain natin ang paranormal cases tungkol kay Mr. Cardino, samantalang ang iba ay sa mga minimal cases nalang at idagdag mo rin doon ang plano mong paghahanap ng may third eye. Pangatlo, matuto kang makinig sa mga kasapi mo dahil hindi lahat ng suhestiyon mo ay tama" kasabay ng pagtakip ng libro ni August ay doon na din natapos ang lahat ng mga puna niya at suhestiyon sa aming pinuno.

"Hindi ba talaga ako tumatanggap ng suhestiyon ng iba? Ganoon ba ako klaseng pinuno?" napataas nalang ako ng dalawang kilay ko ng sabay na nagsasabing tama si August, mahahalata mo rin sa mukha ni Gino na sumasang-ayon din ito. Napabuntong hininga nalang nang malalim ang pinuno sa lahat ng mga nangyayari.

Kaagad na nagpaabot ng grupong mensahe si Frederick sa lahat ng mga kasapi, naisip niyang humugot pa ng isa at ang napili niya ay si Maximo, nakinig siya sa suhestiyon ni August at sinunod niya ang lahat ng iyon. Nakaramdam nga lang ako ng awkwardness sa dalawa dahil hindi binibigyan ng ganting ngiti ni Frederick si August dahil siguro nasaktan ito sa pagiging straightforward ng dalaga kanina. Paglabas namin ng silid-aklatan ay naisip na naming umuwi.

"Kita kits nalang tayo bukas" nakangiting pagpapaalam ni Gino sa amin habang naglalakad palabas ng building kung nasaan kami.

"Sige, bye." wika ko rito na sinabayan ko pa ng pagkuway.

Pagtalikod ni Gino ay may biglang bumagsak nalang sa harap nito, malakas na tilian ang umalingawngaw sa buong campus, maging ako ay napatakip nalang ng bibig sa nakita ko, may taong bumagsak mula sa building kung nasaan kami ngayon at mismong sa harap iyon ni Gino. Narinig ko ang malakas na paglagatok ng mga buto nito ng dumikit sa lupa, marahan akong naglakad na may kaba sa aking dibdib, lumapit ako sa taong nahulog para kilalanin kung sino iyon. Naliligo na ito sa sariling dugo at bali-bali din ang mga buto nito sa kamay at paa na makikita mo dahil nakasilip na sa labas ang buto nito sa bandang hita.

Isa palang babae ang nahulog mula sa taas, nanghina ang mga tuhod ko nang makilala kung sino iyon, hindi ako makapaniwala na siya ang nasa harap namin ngayon at wala ng buhay, parang kanina lang ay pumunta pa ito sa pagpupulong kasama namin. Mula sa ika-apat na taon sa sekondarya, seksyon IV-3, at tatlong taon nang kasapi ng Creepy Hunters, ang babaeng nahulog mula sa itaas ay nagngangalang Sheena Buenavista.