NAGDALA ng takot sa buong campus ang nangyaring pagkakamatay ni Sheena, nagkaroon ng kanya-kanyang kwento o kuro-kuro, tungkol sa pagpapakamatay nito, maraming nakiramay at naaawa sa sinapit ng aming kaibigan, lalong-lalo na ang buong kasapi sa Creepy Hunters. Hindi namin lubos akalain na kikilitin nito ang sariling buhay, sa harap ng buong campus, wala naman kaming ideya kung ano ang rason ng pagpapakamatay nito, wala kaming makitang kahit na anong lead o maaaring makapagturo sa kung ano ba talaga ang dahilan ng pagpapakamatay nito.
Naaalala ko pa na nahalukat namin ang bag niya bago dalhin sa ospital ng araw na iyon, inisa-isa namin ang bawat pahina ng mga notebooks, papel at libro, baka sakali na may iniwan itong suicide note pero bigo kaming makahanap ng kahit ni isa, nagtanong din kami sa magulang nito ng araw ng burol niya, kung ano ang naging asal ng dalaga sa loob ng kanyang tahanan ng mga nakalipas na araw bago nito wakasan ang kanyang buhay pero maski ang mga magulang at kapatid nito ay wala din ideya kung ano ang pinagdadadaanan ng aming kaibigan. Sa huli ang lahat na tinuturo sa aming lead ay suicide, tatlong taon namin nakasama sa samahan si Sheena, sigurado ako at ang iba pa na kasapi na hinding-hindi ito magagawa ng aming kaibigan.
Napahagulgol nalang ng iyak sa isang tabi si Allison habang nagbabalik-tanaw kami sa naging journey ni Sheena bilang kasapi ng aming samahan, mga litrato na nagpapatunay na hindi mo man lang makikitaan ng lungkot o pinagdadaanan. Nakakalungkot lang dahil hindi namin naisalba ang buhay ng aming kaibigan, kung nalaman lang sana namin nang mas maaga na may pinagdadaanan ito ay baka naisalba pa namin ang kanyang buhay, kung maaari lang sanang bumalik sa nakaraan ay siguro nagawa pa naming pigilan ito sa gagawin niyang pagpapakamatay. Ngunit wala naman kaming kakayahan na makabalik sa nakaraan, tanging sa mga palabas lang nangyayari ang lahat ng iyon, at napaka imposibleng mangyari sa tunay na buhay.
Bilang tribute sa pagiging kasapi ng aming samahan na si Sheena ay gumawa kami ng liham, isang liham na isusulat namin sa blankong puting papel bilang pasasalamat sa lahat ng mga naiambag at naging tulong niya sa samahan. Pagkatapos naming basahin sa harap ng bawat isa ang liham na kami mismo ang sumulat at gumawa ay susunugin naman namin ito sa isang kandila na nasa harap naming lahat, kasalukuyan, kaming nasa harap nito at ngayon ay isa-isa na naming sinusunog ang aming sinulat na liham para sa kanya.
"Sana'y makaabot sa kabilang buhay ang aming liham na isinulat para sa'yo" malungkot na wika ni Frederick habang nasusunog ang liham na ginawa niya para sa yumao naming kasapi.
"Rest in peace, Sheena" wika ni Allison na panay ang punas sa mata ng luha na kanina pa pumapatak.
Pagkatapos ng ritwal na ginawa namin ay napagdesisyunan ni Frederick na wala munang isasagawang creeping hanggang sa matapos ang buwan ng Agosto, wala naman tumutol sa naging desisyon nito, kahit na naghahabol kami ng oras dahil baka umabot nalang ng graduation ay ni isa ay wala pa kaming naso-solve na mga pending cases namin. Nauunawaan ko naman ang pagdadalamhati ng buong kasapi dahil maging ako ay labis ang lungkot dahil sa sinapit ng yumao naming kaibigan, mukhang kailangan muna na pahupain ang sitwasyon bago magsagawa ulit ng creeping.
"Blair," usal ni August. Lumingon naman ako sa mahinang tawag nito, kasalukuyan na akong naglalakad sa pasilyo papunta sa aking silid. Napasuri ako sa mata at reaksyon ng mukha nito upang matukoy kung ano ang pakay niya ngunit sa tingin ko ay mahalaga itong sasabihin sa akin.
Napasandal kami sa isang haligi ng silid kung saan kaunti lang ang taong dumaraan, nagpalinga-linga muna sa paligid si August, mabuti niyang sinuri kung may makikita sa amin na sa tingin ko ay ang mga kasapi namin sa samahan. Ito ang unang beses na kinausap ako ng personal ni August, hindi kase ito mahilig makihalubilo pero kapag nagsalita naman wala itong hinto at tuldok, ni hindi nga ito takot kung masasaktan ang kausap niya, napaka diresto kase nito magsalita, walang halong pag-aalinlangan. Nasa sa'yo nalang kung pe-personalin mo at seseryosohin ang sasabihin niya.
"Naaalala mo nang araw na nag-usap tayo sa silid-aklatan bago tumalon sa mataas na lugar si Sheena?" tumango ako bilang pagsagot, "Nagsisinungaling sa atin si Allison na hindi niya nakausap si Sheena bago ito magpakamatay, nakita ko siyang bumbaba ng hagdan kung nasaan building tayo no'ng araw na 'yon. Hindi ko alam kung bakit kailangan niya magsinungaling sa atin pero may kutob ako na may tinatago siya pero ayaw lang niyang sabihin"
Napakunot ako ng noo sa confession ni August, ilang beses kase naming tinanong ang bawat isa kung sino ang huling nakausap ni Sheena pagkatapos ng pagpupulong pero ang sabi ng lahat ay nasa kani-kanila silang silid, maliban sa amin na hindi parin namin sinasabi sa samahan ang naging lihim na pagpupulong sa loob ng silid-aklatan, iniiwasan kase namin na magkalamat ang samahan lalo na ngayon na nabawasan na kami ng isa.
"Bakit hindi mo ito sinabi kanina sa ritwal? Nandoon si Allison, e, di sana nakompronta natin siya sa ginawa niyang pagsisinungaling" saad ko na wala parin ideya kung bakit ako nakikipagtalo sa kanya, sa lahat kase ng kasapi sa kanya ako hindi pinaka malapit, malamig kase siyang makitungo minsan.
"Kase... kahit komprontahin natin siya kanina sa ritwal hindi parin ito aamin, matagal ko nang napapansin ang masyadong malapit nila sa isa't-isa, kaya naniniwala ako na imposibleng walang alam si Allison sa pagkamatay ni Sheena, may tinatago sila, Blair. Akala ko noong una ay may affair lang ang dalawa pero hindi... simula ng nag-creeping tayo noong nakaraang buwan tapos silang dalawa lang naiwan sa loob ng faculty room biglang nagbago ang dalawa, parang may natuklasan sila na hindi sa atin sinasabi" naramdaman ko ang tensyon sa pagkakasabi ni August at paghahanap sa lahat ng sagot sa mga tanong sa isipan niya.
"Ganito ang gawin mo, magtext ka kay Frederick tapos sabihin mo ako kung ano ang magiging plano niyo, kung tama ang lahat ng hinala at sinasabi mo, baka ito ang makapagpaturo sa atin kung ano ba talaga ang naging dahilan ng pagpapakamatay ni Sheena. Sa ngayon, mauna na muna ako dahil baka mahuli ako sa klase" pagpapaalam ko saka ko siya iniwan.
Habang sa kalagitnaan ng klase ay nagbigay ng pribadong mensahe sa akin si Frederick, kailangan raw na magkita-kami nila August ngayon sa silid-aklatan, pinagmamadali na niya akong bumaba ngayon upang magkita-kita kami roon sa sinabi niyang tagpuan, hindi ko naman mapigilan na hindi magtanong kung ano ang nangyayari. Nakaramdam tuloy ako ng masamang kutob na parang may hindi tama ngayong araw, pakiramdam ko tuloy may nagmamasid sa akin sa paligid pero hindi ko matukoy kung sino dahil hindi ko naman ito nakikita, siguro, masasagot lang ang lahat ng tanong ko, kung makikipagkita na ako ngayon sa dalawa.
Nagpaalam lang ako ngayon sa guro namin sa physics na magbabanyo ako, pero ang plano ko talaga ay makipagkita kay August at Frederick sa silid-aklatan, hindi na kase kinaya ng kuryosidad ko kung malaman kung bakit sa kalagitnaan pa ng klase nila naisip na magkita kami sa library. Naghahabol pa man din ako ng grado ko sa physics dahil pasang-awa lang ang nakuha ko noong first grading, kaya nagsisipag ako ngayong grading na mapataas ang grade ko sa nasabing asignatura.
"Blair. Blair, Blair" mahinang usal ni August nang makita akong naglalakad sa pasilyo papalapit sa silid kung nasaan siya ngayon. Nagmamadali nitong hinablot ang kamay ko papasok sa loob ng library at nakita ko roon si Frederick na naghihintay at nakaupo habang nagpapanggap na nagbabasa ng libro, paano'y hindi mapakali ang mga nito na panay ang tingin sa paligid.
"Kanina ka pa namin hinihintay, ni hindi ka din kaagad nagreply sa pm ko sa'yo" salubong na panenermon nito sa akin.
"Frederick, tumakas lang ako sa klase, hindi naman ganoon na kadaling magpaalam na magbabanyo kalang, buti nga walang sumabay sa akin, kung hindi malabo talagang makipagkita ako sa inyo ngayong araw" buwelta ko sa salubong na panenermon nito.
"Wala tayong panahon para sa love and quarrel niyong dalawa, may hinahabol tayong oras at kailangan ay makapagdesisyon na kayo kung kokomprontahin niyo ba si Allison ngayong araw. Itong mga pahina ng libro na natagpuan ko sa bag ni Allison ang patunay na may tinatagong sikreto ang dalawa" inilapag sa mesa ni August ang tinutukoy niyang pahina.
Hindi ko alam kung ano ang nakasulat sa pahina ng libro na pinapakita sa amin ni August pero halata mo na parang sobrang luma na pahina na parang kaunting lukot nalang ay mapupunit ito. "Saan mo nakuha ang mga iyan?" pagtataka kong tanong.
"Palihim kong kinuha ito sa loob ng bag niya, tanging ito lang ang nakuha ko dahil dumating na agad ang mga classmate niya galing computer laboratory. Magkatabi lang kami ng silid ni Allison kaya walang imposible" napanganga nalang ako sa mga sinabi nito, hindi ko akalain na may tinatago palang ganitong diskarte si August.
"Ibig sabihin, tama nga ang hinala mo sa kanila August na may tinatago ang dalawa, ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit kailangan pang itago ng dalawa ito sa atin at sa buong samahan? Ano bang meron sa pahina ng libro na ito at nagawa nilang magsinungaling?" mabuting sinuri ni Frederick ang papel ngunit mga kakaibang letra at simbolo lamang ang makikita sa papel.
Nagpatuloy ang diskusyon naming tatlo tungkol sa pahina ng libro na nakita ni August sa loob ng bag ni Allison, maigi naming sinusuri ang bawat mga titik, guhit at mga simbolong nakaimprinta sa papel. Sa tingin ko ay hindi lang isa ang may ganitong klaseng pahina ng libro sa loob ng bag ni Allison, maaaring higit pa ito sa isa o hindi kaya isang buong libro, nakapagdesisyon si Frederick na palihim na nakawin ang bag ng aming kaibigan para makakuha ng ilang pahina pa ng libro na katulad na nakuha ni August. Ngunit hindi namin ganoon kadali na magagawa iyon dahil nasa kalagitnaan ng klase ngayon si Allison at maging kami, kung tutuusin maituturing na nagcu-cutting classes kami pero hindi iyon ang mahalaga sa ngayon.
May culinary exam raw ngayong araw si Allison sa subject nila, kaya iyon raw ang mahalagang oras para makakuha ng tiyempo para ipuslit ang bag ni Allison, tutal doon naman magaling si August kaya siya ang magiging bahala sa pagtakas ng bag nito kapag bumaba na sila at pumunta sa kitchen room ng school na nasa tabi lang ng computer laboratory. Hindi naman nakapagreklamo si August sa naging utos ng pinuno dahil naroon parin ang respeto nito bilang paggalang sa pagsunod ng mga alituntunin at batas nito bilang kasapi ng samahan.
Nakarinig kami ng ingay ng mga nagkukuwentuhang mga estudyante pababa ng hagdan kaya agad kaming nagtago sa isang poste para hindi kami makita ni Allison, habang patagong nagmamasid ay nakita namin ito na nakikipagkwentuhan sa kanyang mga kaklase na mukhang nasasabik sa gagawin nilang culinary exam ngayong araw, lahat kase sila ay nakasuot na ng kanya-kanyang apron. Umakyat na kami sa taas at mabilis na isinagawa ang masama naming binabalak, naging madali naman para kay August na ipuslit ang bag nito dahil walang nakapansin sa kanya na ilang mga kaklase ni August na naiwan sa silid, abala lang ang mga ito sa hawak nilang cellphone kaya hindi nila namalayan na nakuha na pala ng aming kaibigan ang bag ng kanilang kaklase.
"Ano ang mga ito?" laking gulat ko nang makatuklas ng kakaibang bagay sa loob ng bag ng aming kaibigan.
Nanlaki ang mga mata namin sa aming nakita kung ano ang mga nasa litrato na natagpuan namin sa loob ng bag ng aming kasapi sa samahan na si Allison, mga larawan ng taong kinitil ang kanilang buhay ang nakalakip sa mga imahe, mga taong nagbigti, naglaslas, nagbaril sa ulo, tumalon sa building at iba't-ibang klase ng paraan kung paano kilitin ang sariling buhay. Kaagad kaming naalerto nang maisip namin na nasa panganib ang buhay ng aming kaibigan, napabitaw kami sa kanyang bag at patakbong pumunta sa lugar kung nasaan ang aming kaibigan.
Pagdating namin sa labas ng culinary room ay malalakas na sigaw ang umalingawngaw ang sumalubong sa amin, isa-isang lumabas mula sa nasabing silid ang kanyang mga kaklase na balot ng takot at pagkakabigla, maging ang guro nila ay kasama din sa mga lumabas ng silid. Kaagad kaming pumasok sa loob ng silid kung nasaan ang aming kaibigan kahit na alam namin na maaaring mailagay sa panganib ang aming mga buhay. Napaatras ako at napatago kaming dalawa ni August sa likod ni Frederick nang makita ang itsura ni Allison, may hawak itong kutsilyo at ang mga mata nito ay pulos puti lang.
Ang blankong mukha nito ay napalitan ng nakakakilabot na ngiti, parang hindi ko na nga kilala ang taong nasa harap namin ngayon, parang ibang tao ito, parang sinaniban ng kung anong klaseng demonyo. Napansin ko na may sugat ito sa balikat at mga kamay na malamang siya ang gumawa sa kanyang sarili, napabuntong-hininga nalang ako nang malalim dahil bigla nalang itong hindi kumilos at nanigas nalang na nakatitig sa amin, mas lalo tuloy akong nakaramdam ng takot at tensyon sa buong sulok ng silid.
Marahan at maingat na naglakad papalapit sa aming kaibigan si Frederick habang nakasunod kami sa likod nito, halos hindi naman ako makahinga dahil sa nagwawalang puso sa aking dibdib dahil sa labis na kaba, pakiramdam ko kaunting ingay lang ay maaaring may mangyaring masama. Nang halos tatlong baitang nalang ng hakbang ay makakalapit na kami sa aming kaibigan ay biglang gumalaw ito at bumwelo ng saksak sa kanyang sarili, huli na ang lahat bago kami tuluyang makalapit sa aming kaibigan para pigilan ang binabalak nitong gawin dahil ang kutsilyo na hawak nito kanina ay nakaturok na sa kanyang leeg.