NAGDESISYON kami na mag-overnight sa bahay nila Frederick, nagpaalam muna kami sa kanya-kanya namin magulang para pahintulutan na makitukog sa ibang bahay, natuwa naman ang iba sa ganitong klaseng plano ni pinuno. Sa katunayan ito ang unang beses na makikita namin kung saan nakatira si Frederick, wala kase kaming ideya sa personal na buhay nito dahil hindi naman ito nagku-kuwento, palagi lang itong nakikinig, nakikitawa at nanonood. May halong pananabik tuloy akong nararamdaman kung saan nakatira ang may pagkamisteryo naming pinuno.
Sa subdivison nakatira si pinuno, kaya pagkatapos namin na sumakay sa jeepney ay sumakay kami ulit ng tricycle para makarating sa kanilang bahay, doon ay nagulat kami sa may kalakihang tarangkahan ng kanilang tahanan. Naramdaman ko ang pananabik at kumikinang na mga mata ng aming kasama na makita ang bahay nila Frederick, siguro hindi nila ito inaasahan sa taong naging dahilan kung paano nabuo ang samahan. Sa ganitong kalaking bahay ay hindi namin inaasahan na sa isang pampublikong paaralan mag-aaral ang nakatira dito at magiging pinuno pa ng isang samahan.
Sa dalawang palapag na bahay at may kalakihan na tarangkahan ay bago ka makarating sa pinakaloob ay maglalakad ka muna ng mga sampung hakbang dahil sa malawak nilang bakuran na napapaligiran ng mga nakatanim na halaman. Unang sasalubong sa'yo ang magarang living room na may set-up na telebisyon, mga malalambot na sofa at isang palabasagin na vase na may nakapasok na artificial na bulaklak, kumpleto din ang set-up ng dvd, ps4 at mga speakers na nakaayon sa pagkakadisenyo ng silid. Kumpleto sa gamit ang bahay nila Frederick, katulad narin siguro ng mga magagarang bahay sa labas, ang napansin ko lang siguro na kulang ay wala dito ang mga magulang niya na kanina pa namin hinihintay na ipakilala sa amin ni pinuno.
"Halata sa mga mata niyo na parang may nais kayong itanong sa akin, kanina pa malikot ang mga mata niyo, hindi ko alam kung may nakikita ba kayo na hindi ko nakikita" pagbasag sa katahimikan ni Frederick na kanina pa na nabubuo sa buong silid.
"Kanina pa kase kami nacu-curios pinuno, nakakalat naman ang larawan niyo kasama ang iyong ina sa mga picture frames pero bakit wala siya dito?" naglakas-loob na tanong ni Steve, wala kase sana kaming plano na magtanong ukol sa personal niyang buhay pero sa malaking bahay na 'to parang ang lungkot naman kung isang tao lang ang nakatira.
"Hmm... tungkol kase kay mama nasa abroad siya, hindi ko pala naikwento sa inyo na broken family ako. Bata palang ako noon, siguro mga anim na taong gulang simula nang magdesisyon na maghiwalay si mama at papa. Tapos pagtungtong ko nang high school nang magdesisyon naman si mama na magtrabaho abroad bilang caregiver sa Canada, tapos itong bahay ang patunay sa lahat ng mga naipundar niya" pagkatapos niyang maglahad ng kuwento ay sinamahan niya kaming umupo sa sofa.
"So, simula first year mag-isa ka nang tumira rito?" pagtatanong naman ni Alexa.
"Hindi naman, pagdating ko pa ng second year nang magdesisyon si mama na umuwi, hindi kase naging maganda ang sitwasyon ko nang ipagbilin ako ni mama sa kapatid niya. Ayoko sana ikuwento sa inyo 'to pero gaya nga nang sinumpaan nating pangako. 'Di ba, Walang taguan ng sikreto?" nagkatinginan sila Steve, Michael, Alexa at Maximo sa sinabi ni Frederick. "Naging sakim kase 'yung tita ko sa pera na ipinadadala ni mama, sinasarili pa niya ang lahat at walang tinitira para sa akin. Ibinubulsa niya ang lahat ng pera at ang nakikinabang lang ay ang kanyang tatlong anak, hindi pa sila nakuntento roon dahil minaltrato nila ako at tinuring na parang hindi nila kadugo" mapait na ngiti ang ibinigay sa amin ni Frederick, matagal niya sigurong itinago ang lahat ng mga sikretong iyon sa sarili niya, ngayon lang siguro siya nagkaroon ng lakas ng loob na ilabas ang lahat at ibahagi ang kuwentong iyon.
"Pasensiya na, pinuno... Hindi namin intensyon na makipasok sa personal na buhay niyo" paghingi ng tawad ni Steve, maging ako ay nakonsiyensa dahil gusto ko rin malaman ang tungkol sa personal na buhay niya.
"H'wag nga kayong humingi ng tawad, wala naman kayong kasalanan atsaka nakaraan na ang lahat ng mga iyon at matagal ko nang kinalimutan. Wala naman tayong magagawa para baguhin ang nakaraan, mas mabuting pagtuunan nalang natin ng pansin ang ngayon" tumayo si Frederick at lumabas ng silid at hindi namin alam kung saan pumunta.
Ipinagluto kami ni Frederick na hindi namin inaasahan sa kanya na marunong pala siyang magluto, maraming bagay ngayon ang nasupresa kami na ipinakita sa amin ng aming pinuno, bihira kase itong magpakita ng tunay nitong emosyon dahil magaling itong magtago ng tunay niyang nararamdaman. Ni hindi nga namin akalain na namaltrato pala siya noong first year pa kami, parati lang kase siyang abala noon sa pagkakatanda ko kung paano namin maireresolba ang kaso tungkol sa pagkamatay ni Mr. Cardino. Kaya pala ganoon siya kaabala at palaging nagpapauwi ng hating-gabi dahil ayaw niyang umuwi sa kanilang bahay kung saan siya dating nakikitira.
Pagkatapos namin kumain ay nagsimula na agad ang pagcreeping ngayon araw, nandito kami sa loob ng kwarto ni Frederick na parang naghahabol ng deadline sa mga project na hindi pa namin napapasa, nagbigay ang aming pinuno ng kanya-kanya naming assignments. Si August at ako ang nakatoka sa pagre-research tungkol sa libro, habang si Alexa, Maximo at Michael naman sa pagbabasa ng lumang libro at baka may mahanap silang sagot kung paano nila puwedeng kontrahin ang hindi pa namin nakikilang nilalang. Samantalang sila Frederick, Gino at Steve ang bahala sa kasaysayan ng aming paaralan at baka doon ay may makuha din silang puwedeng makatulong saimbestigasyon na ginagawa namin.
"Ang sabi ni Alexa ay ang libro raw ay tungkol sa mga marka ng mga demonyo, 'di ba? Kung ang bawat demonyo ay may mga marka at palatandaan kung anong klaseng demonyo sila, baka pati ang mga gusto nilang biktimahin ay may mga marka din na katulad ng kanila" paglalahad ko tungkol sa ideya na bigla nalang pumasok sa isip ko. Nakita ko kase 'yung mga pictures sa internet na may marka sila ng anim na numero, matagal ko nang alam 'yung tungkol sa 666 pero marami palang patunay na kapag ang demonyo ay tuluyang sumanib sa iyong katawan ay makikitaan ka ng marka na bigla nalang lilitaw sa iyong katawan, halos lahat ng mga larawan na nakita ko may marka silang numero ng 666.
"Posible 'yang sinasabi mo sa akin, base dito sa mga pictures na pinakita mo sa akin ngayon, baka may mga marka sila sa katawan na hindi lag nila napapansin. Ianunsiyo mo sa kanila 'yung naisip mo" sang-ayon naman nito sa nabuo kong ideya. Tinulak ako ni August patayo at palayo sa kama na pinagpupiwetuhan namin.
"Attention, guys!" pumalakpak ako ng malakas para makuha ang atensyon ng lahat, mabuti naman ay lumingon sila at tinigil ang kani-kanilang pinagkakaabalahan. "May nalaman kami ni August, nakita namin sa internet 'yung mga larawan ng mga sinasaban at may marka silang tatlong anim na numero, sa palagay ko alam niyo naman ang tungkol sa 666, habang may sanib 'yung mga pictures na nakita namin sa internet may mga nakita silang marka at iyon na ang number of devil. Ang gusto ko lang sanang sabihan ay baka may napansin kayong marka sa katawan niyo na kahawig ng mga nakaukit sa lumang libro"
"Paki-inform nalang kami at baka-sakaling may mga marka nga kayo sa katawan katulad ng mga nasa internet " pagsaklolo naman ni August sa akin, napansin siguro nito ang pangangatog ng tuhod ko, ayoko pa naman ng ganito, 'yung pakiramdam na lahat ng atensyon na sa'yo.
"Naisip lang namin na baka isa sa inyo o lahat kayo na kabilang sa mga nagsagawa ng ritwal ay may marka ng demonyo. Kung may napansin kayong peklat, sugat o marka na parang simbolo na kahintulad sa mga nakaimprinta sa libro ay mas mabuting ipagbigay alam niyo na sa amin" pagpapatuloy ko, napabuntong-hininga nalang ako nang malalim.
"Okay, pupunta na ako ng cr, ichecheck ko kung may marka na katulad nga ng sinasabi mo sa katawan ko. Sorry.. pinuno, pero saan ba banda 'yong banyo niyo?" pagtatanong ni Alexa na namumula dahil sa sobrang hiya.
"Kapag nakarating ka ng kitchen may pasilyo doon tapos sa kanto sa may kaliwang bahagi may pinto doon, 'yon ang banyo. Samahan niyo na si Alexa, Maximo at iba pa para pagpasok niyo ulit dito sa loob ng kwarto ay ipagpatuloy na natin yung pagcreeping" sumunod naman ang tatlo nang lumabas si Alexa at sinamahan ito. Samantalang naiwan naman kami ni Gino, Frederick at August sa loob ng kwarto, inilock ni Frederick ang pinto paglabas ng apat, umupo ito malapit sa amin.
"May natagpuan akong kakaibang history tungkol sa Matatag National High School, inikot ko na ang buong facebook, google at maging ang libro tungkol sa ating paaralan hanggang sa may nakita ako sa internet na isang vlog pero hindi nagpakilala kung sino" ipinakita sa amin ni Frederick ang nakita niya sa internet.
"Sa tingin mo nagsasabi ng totoo iyan?" paninigurado ni Gino.
"Nagsend na ko ng message sa binigay niyang email sa baba ng content, ang sabi ko kung totoo ang lahat ng mga sinasabi niya ay pwede niya akong kontakin para makipagmeet-up. Sa tingin ko may tinatago nga ang ating school na hindi nalalaman ng iba" biglang tumaas ang balahibo ko sa sinabi ni Frederick, hindi ko alam kung bakit pero parang may kung anong hangin sa loob ng silid na tila nagpatindig ng balahibo ko.
"Bakit sa amin mo lang ito sinasabi?" pabulong kong sabi dahil baka bigla silang dumating.
"Kase hindi pa ako sigurado, atsaka natatakot ako na baka sa kuryosidad nila ay muli na naman silang lamunin at pangunahan na naman nila tayo nang hindi natin nalalaman" tugon naman ni Frederick.
"May point si pinuno, baka magdala lang ito ng takot sa kanila at magdulot pa ng pagpanic, wala tayong ideya kung ano 'yung malalaman natin kung sakaling legit itong kakausapin natin. Nakita naman natin kung paano kilitin ni Allison ang buhay niya, parang wala itong takot sa dala ng sakit ng mga paghiwa niya sa katawan at parang wala na itong nararamdaman, tila manhid at parang nawawala sa sarili" saad ni August.
"Ganoon ba talaga nakakatakot si Allison ng araw na iyon?" pagtatanong ni Gino dahil sa aming lahat na nasa loob ng silid ngayon, tanging siya lang ang hindi nakasaksi kung paano ni Allison kilitin ang buhay niya.
"Oo, parang hindi nga siya ang kausap namin ng araw na 'yon, tapos 'yung mga mata niya nakakatakot parang sa mga horror movies mo lang mapapanood, wala kang makikitang itim dahil pulos puti lang. Pagkatapos, ngumiti pa siya sa amin na parang nawawala sa sarili, sobrang nakakatakot talaga siya ng araw na 'yon" paglalahad ko ng kuwento tungkol sa nangyaring pagpapakamatay ni Allison.
"Kaya mas mabuti muna na itago natin kung ano ang mga nakita at narinig mo ngayon, Gino. Alam kong nakakatakot ang mga narinig mo at parang imposible pero nasaksihan namin kung paano kilitin ni Allison ang buhay niya ng walang pagsisisi. Hindi lang buhay ng mga kasama sa ritwal ang nasa panganib ngayon dahil maging tayo ay nasa panganib din ang mga buhay" saad ni August.
Tatlong malakas na katok ang narinig namin, lahat kami ay nagulat dahil sa tunog na iyon, napahawak nalang ako sa aking dibdib at napakamot nalang si Gino sa ulo na sinabayan pa nang pagbuga ng hangin at napangiti ng bahagya dahil sa sobrang gulat. Tumayo si Frederick para pagbuksan sila ng pinto, agad naman pumasok ang apat at umupo ulit sa kani-kanilang puwesto.
"Parang narinig namin sa labas na nagkukuwento si August, may pinag-uusapan ba kayo na... tungkol sa lovelife at kailangan niyo pang isara ang pinto" napangiti nalang kami sa sinabi ni Steve.
"Ano nga ang pinag-uusapan niyo parang ang seryoso niyo kase at parang gulat na gulat kayo nang pumasok kami?" tanong naman Alexa sa amin.
"Wala naman, tungkol lang sa mga personal na buhay kagaya ng tungkol kay Frederick. Pasensiya nga pala at sinara pa namin ang pinto ang akala kase namin magtatagal pa kayo, eh" palusot na saad ni August.
"Oo nga pala, tungkol sa sinasabi kong marka, kumusta?" pag-iiba ko nang usapan.
"Wala naman akong kakaibang mga marka na nakita sa katawan ko, walang kahit na parang simbolo kagaya sa libro" wika ni Alexa.
"Ikaw, Maximo?" ani ko.
"Wala din akong nakitang kakaibang marka sa katawan ko, ewan ko lang kay Steve at Michael" tugon nito.
"Wala din ako" pagco-confirm ni Michael.
"Ikaw, Steve, wala ka bang napansin na kakaibang marka sa katawan mo?" pagtatanong ko na binalingan ko pa ng tingin dahil nasa bandang likod ko siya.
"Actually, may nakita akong kakaiba na parang marka na peklat sa likod ko. Hindi ko siya makita ng maayos pero nakapa ko siya ngayon lang nung sinabi mo sa amin, sa tingin ko mayroon akong marka" itinaas nito ang damit niya pataas at tumalikod sa amin para ipakita ang likod niya, kinapa niya muna ang likod gamit ang kaliwang kamay niya para ituro sa amin 'yung marka na tinutukoy niyo. Pagbukas ni Frederick ng isa pang ilaw sa kwarto niya ay may nakita kaming kakaibang marka sa likod ni Steve na itinuturo niya gamit ang kaniyang kamay, para itong natuyong sugat at naging peklat, natatandaan ko kung anong klaseng marka ang nasa likod nito dahil kaparehas ito ng nasa lumang libro.