Chereads / Forever's Curse (tagalog) / Chapter 2 - 1 Huyenbi

Chapter 2 - 1 Huyenbi

Ang lumang daan papuntang Huyenbi ay parang isang daan na ayaw magpakita. Paliku-liko ito at napakasukal. Makikipot ang daan at halos matakpan ng mga dahon ng puno ang sinag ng araw. Maraming baging ang nakasabit kaya naman kailangang yumuko at iwasan dahil sa haba at kapal nito.

Nakakatakot mang tignan ang daan ay may mga nag-gagandahang hayop naman na sasalubong sayo. Maraming mga makukulay na paru-paro sa bawat palumpong ng bulaklak, mga ibon na malayang lumilipad at umaawit sa mga sanga ng puno, at mga usa na nagtatakbuhan sa di kalayuang kabukiran.

Ngunit paglampas sa maliit na sapa, tila isang bagong mundo ang bubungad sayo, sa kabilang dako ng sapa ay ang maliit na bayan ng Huyenbi, napapaligiran ng maliliit na bahay, mga negosyo tulad ng panaderya, tindahan ng bulaklak, mga kainan, talyer at mga establisyimentong pampubliko.

Sa dakong silangan ng bayan nakatayo ang isang mala-mansyong bahay, luma na ito at tila nalipasan na ng panahon, basag na ang ilan sa mga salamin nito, at halatang di nabantayan ang hardin sa kapal ng damo.

Maraming tao ang nais umiwas sa bahay na ito dahil sa haka hakang sinumpa daw ito ng kamalasan lalo na at may isang malaking puno sa gitna ng hardin. Hindi ito basta bastang puno, doon ay tumama ang mga lokal. Ang mga nakatira sa bahay? Walang lokal ang nakakakilala sa pamilya. Madalas lamang silang bumisita at hindi sila nagtatagal, kaya naman walang nakakaalam kung sino sila. Hula ng ilang ay mga banyaga ang may ari ng mansyon na galing sa Pransya o kaya sa Amerika.

Madalas ay may mga batang nagtatangkang lumoob sa hardin para maglaro sa ilalim ng puno. Minsan napapagalitan sila ng mga matatandang nakakahuli sa kanila, minsan naman ay sinasalubong sila ng malakas na hangin na tila nagsasabing 'umalis kayo'. Idagdag pa ang madilim na awrang nanggagaling sa bahay lalong naniwala ang mga tao sa sumpa.

Wala namang kahit isa ang naglakas loob na pasukin ang bahay. Natatakot sila sa kung ano mang sikreto ang itinatago nito.

At makalipas ang limampung taon, tanging mga matatandang mamamayan lang ang nakakita ng dating itsura nito.