"LAWRENCE hijo" ang si Aling Lilia, ang pinakasikat na alahera sa lugar nila. Bago magtuloy sa kanila ay minabuti niyang daanan muna ang tindahan ng ginang. "anong maipaglilingkod ko sa'yo?" anitong lumabas ng counter saka siya mahigpit na niyakap.
"Bibili sana ako ulit, ng engagement ring" ang nakangiti at maikli niyang sagot sa ginang. Dito rin kasi niya binili ang singsing na ibinigay niya kay Claire na tinanggihan naman ng dalaga.
Nakita niyang rumehistro sa mukha ng ginang ang kasiyahan para sa kanya. "Ibig sabihin?" ang makahulugan nitong tanong. Nakangiti lang siyang tumango kaya muling nagpatuloy si Aling Lilia. "heto, mamili kana sa mga naka-display dito sa estante" anitong iginiya siya palapit sa showcase.
Umiling siya. "Wala ho sa mga iyan ang gusto ko" nakangiti niyang sabi.
Nagtatakang pinakatitigan siya ng ginang. "Kung gayon ay ano pala?"
Sa pagkakataong iyon ay agad na lumipad ang paningin ni Lawrence sa nag-iisang diamond engagement ring na naka-display sa tower showcase ng jewelry store. "Ito po ang bibilhin ko Aling Lilia" aniya.
Literal na napanganga ang ginang sa sinabi niyang iyon. Hindi na siya nagtaka. Matagal na panahon ng nakadisplay doon ang singsing pero walang bumibili. Para kay Lawrence hindi iyon dahil sa presyo nito kundi dahil sa talagang nakalaan lang para sa babaeng pinili niyang mahalin magpakailanman ang naturang alahas.
Tumango ang matanda saka nakangiting tinapik ang pisngi niya. "Bago mo bilhin ang singsing na iyan anak, magkape muna tayo."
Nagsalubong ang mga kilay niyang pinagmasdan ang ginang. "Ano pong?" ang naguguluhan niyang tanong na mabilis na naagapan ng kaharap.
"Magkwentuhan muna tayo. Marami akong gustong sabihin sa'yo, halika na?" anitong iginiya siya papasok sa opisina nito.
"I THINK I'm falling for him, again" kinagabihan habang nakatingala siya sa madilim na kalangitan at nakaupo sa pasemano ng kanilang terrace. "tama ba iyong term ko Papa? Kahit alam ko naman sa sarili kong hindi ko siya nakalimutan kahit kailan?"
"Walang masama doon anak" ang Papa niyang nakangiti lang siyang nilinga.
"P-Pero natatakot ako, baka saktan ulit niya ako Papa. Kasi kahit naman sabihin kong hindi ako nagalit sa kanya, hindi parin mababago noon iyong reality na nasaktan ako ng sobra. Iyon tipong hindi ako halos makakain dahil sa sobrang lungkot?" nasa tinig niya ang takot.
"Totoong hindi madaling kalimutan ang sakit na idinulot ng first love. Pero kaya itong ibaon ng buhay ng isang tunay at wagas na pagmamahal" ang Papa niyang tinapik ang kanyang balikat. "matutulog na ako, sumunod kana rin" bilin pa nito.
"CLAIRE! Naku anak lalo kang gumanda!" puno ng pananabik sa tinig na niyakap si Claire ni Celina, ang kanyang ina.
"I missed you too Ma!" aniyang hinalikan ang ina saka mahigpit na niyakap saka mabilis na naghagilap ang mga mata. "si Lawrence Ma, hindi ninyo kasama?" hindi niya napigilan ang malungkot nang hindi makita ang hinahanap.
Umiling si Celina. "Bihira kong makita ang batang iyon, hindi rin naman kasi ako nagagawi sa may kanila kaya wala akong balita. Alam mo namang may kalayuan ang lugar natin sa kanila."
Tumango si Claire. "Hindi bale, pupuntahan ko nalang siya sa restaurant nila. Para masorpresa narin siya."
"SO paano, mauuna na ako? Baka hindi muna ako makaluwas sa mga susunod na araw, magbubukas na kasi ng branch sa Tagaytay ang Festive kaya magiging busy lang ng kaunti" ang binata nang ihatid niya ito sa kinapaparadahan ng sasakyan nito. Pasado ala una ng hapon ilang minuto matapos nilang kumain ng pananghalian.
"Oo naman, walang problema sakin iyon" pero ngayon palang parang na mi miss na kita. Ang gusto sana niyang idugtong pero minabuti niyang huwag nalang.
Sandali muna siyang pinakatitigan ng binata saka nagsalita. "Mag-date naman tayo minsan" ang walang gatol nitong sabi.
"Date?" ang natatawa niyang tanong. "ano pa kaya sa tingin mo ang ginagawa natin kagaya nalang ng pagsisimba ng magkasama?"
Tumango ng nakangiti si Lawrence. "Hindi pa kasi kita naide-date kahit minsan. Alam mo iyong dinner with candle light, wine, romantic music and dance?" paliwanag ng binata sa tila nahihiya pang tinig.
Lumapad ang ngiti niya doon. Para kasi niyang nakikita ang isang teenager na Lawrence sa binata. "Really? Seryoso ka ba?" aniyang pilit na itinago ang kilig na nararamdaman.
"Pagdating sa'yo lagi naman akong seryoso" anang binata.
Walang anuman siyang nagkibit ng mga balikat. "Okay, kailan?"
"Teka, nagbago na ang isip ko eh" ang binatang nagkamot ng ulot pagkuwan.
Napasimangot siya doon. "Pinagtitripan mo yata ako eh" aniya.
Umiling si Lawrence. "Tsk, mas maganda siguro kung sumama ka nalang sakin ngayon. Magbakasyon tayo tapos noon tayo mag-de-date" suhestiyon pa nito.
Nagsalubong ang mga kilay ni Anya sa narinig. "Saan?"
Noon nagtaas-baba ang makakapal na kilay ng binata. "Sa amin, sa Don Arcadio. Saka di ba sabi ko naman sa'yo magiging busy ako these days? Baka kasi ma-miss kita, at least kung kasama kita hindi na mangyayari iyon" paliwanag pa nito mapapayag lang siya.
"T-Taga Don Arcadio ka?" ang sinabing lugar ng binata ang tuluyang nag-sink in sa kanya.
Tumango-tango si Lawrence. "Doon ako ipinanganak at nagkaisip" anito.
"Doon nangyari ang aksidente, kaya ba?"
"Galing kami ni Rodel sa isang vegetable farm noong nangyari ang aksidente."
Nag-iinit ang mga mata niyang tinitigan ng matagal ang binata. "Parang sinadya ang lahat, parang planado" aniya.
"Nakatakda talaga ang muli nating pagkikita" ang binata.
Nang muli siyang magbuka ng bibig ay hindi na niya napigilan ang mapaluha. "I really love that place alam mo ba? Kahit sabihin mo pang doon nangyari ang isa sa pinakamasaklap na kaganapan sa buhay ko pakiramdam ko tumira na ako doon ng maraming taon" aniyang pinagsikapang kontrolin ang sariling emosyon pero nabigo siya.
Noon siya mahigpit na niyakap ng binata. Naramdaman pa niya ang ginawa nitong paghalik sa kanyang ulo. "Alam mo ba kung bakit? Kasi kalahati ng puso mo ang nandoon. At hindi ka mabubuo kung hindi mo siya makakasama" hindi niya sinalungat ang sinabing iyon ni Lawrence dahil iyon naman talaga ang totoo.
Tumango siya. "I know, at kilala ko kung sino siya."
Nakita niyang nagliwanag ang mukha ng binata sa sinabi niyang iyon nang tingalain niya ito. "Anya?"
"I love you so much, ang totoo hindi ako tumigil na mahalin ka. Minahal ko si Phil pero hindi iyon kagaya ng pagmamahal ko sa'yo. Kasi ang totoo sa loob ng mahabang panahon, nanatili ka sa puso ko" amin niya habang nanatiling nakatingala kay Lawrence, bakas sa mukha nitong hindi ito makapaniwala. At kahit pa sabihing nakasalamin ito, pinatotohanan iyon ng damdaming nakita niya sa mga mata ng binata.
" Gaya ng sinabi mo hindi ako mabubuo kung wala ka, at gusto kong mabuo ulit. gaya noong magkasama pa tayo? Nung mga bata pa tayo? Siguro naman maiintindihan ni Phil kasi kahit sa kanya hindi ko itinago na hindi kita kayang burahin sa puso ko magpakailanman" hindi niya alam kung iyon na ba ang tamang panahon para sabihin iyon pero naisip niyang kung sakaling hindi pa, kailan? Ayaw na niyang patagalin pa ang lahat. Ayaw na niyang maulit ang lahat ng pagkakamaling nangyari noon dahil sa pagpapatumpik-tumpik niya.
"Sinabi mo ba talaga iyon? Na mahal mo ako? Tama ba ang narinig ko?" ang magkakasunod na tanong sa kanyang ni Lawrence saka ikinulong sa mga palad nito ang kanyang mukha.
"Mahal na mahal. Ayoko ng patagalin pa, tama na iyong nararamdaman kong mahal mo ako at mahal rin kita" aniya.
Sa sinabi niyang iyon ay walang anumang salitang mahigpit siyang muling niyakap ng binata. At kahit hindi na siya halos makahinga ay pinili paring niyang gantihan ng mahigpit ring yakap si Lawrence. Nang pakawalan siya ng binata ay hindi niya inasahan ang ginawa nito. Mahigpit nitong hiwakan ang kanyang mukha saka siya mariing hinalikan.
Nahigit ang paghinga niya sa init ng halik na iyon. Pero sa kabilang banda alam niya sa sarili niyang ayaw na niya iyong itigil pa. At kundi lang sa pag-aalalang baka malabasan sila ng mga magulang niya, payag siyang manatili silang dalawa ni Lawrence sa ganoong ayos.
"I love you, more" ang binata nang iwan nito ang paghalik sa kanyang mga labi.
Ngumiti siya. "Hintayin mo ako, sasama ako sa'yo" aniya sa nananabik na tinig saka ikinawit ang isang kamay sa batok ng binata.
"Ipagpapaalam kita, at sasabihin narin natin sa kanila ang totoo, na sinagot mo na ako" ang binata.
"Okay."
"Tapos ipapakilala narin kita sa pamilya ko, dahil this time, hindi na ako papayag na mawala ka pa" naramdaman niya sa sinabi ni Lawrence na totoo ang sinasabi nito.
Noon tila naglalambing niyang inilapat ang pisngi sa malapad na dibdib ng binata. "Naniniwala ako sa'yo, just promise me na hindi mo na ako itataboy palayo sayo."
"Hindi na mangyayari iyon, not ever" anito saka siya muling hinalikan.